Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

Pahayag sa Ika-21 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas

Central Committee
Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 1989

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nakatapos ng isa na namang taon ng masikhay na rebolusyonaryong pakikibaka. Buo ang determinasyon nito na pag-ibayuhin ang mga tagumpay, iwasto ang mga pagkakamali at pagkukulang, lalong palakasin ang sarili at higit pang paigtingin ang rebolusyong pambansang demokratiko laban sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uring malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa.

Ang Partido ay may kakayahang mapagpalakas pa bilang proletaryong taliba at sumulong sa pagtupad sa kanyang mga rebolusyonaryong tungkulin. Ipinaglalaban nito ang mga makabayan at progresibong karapatan at interes ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino, sumasalig at nagpapakilos sa masa laban sa mga nagsasamantala at nang-aapi sa kanila, at aktibong sumusunggab sa mga oportunidad na nalilikha ng walang tigil na paglala ng krisis ng namamatay na naghaharing sistema. Ang Partido ay mayroong malalim na reserba ng lakas na nabuo sa mahigit 20 taon ng buhay-at-kamatayang pakikibaka. Ito ay pursigidong nagpapalawak sa kanyang mga kadre at kasapi at nagpapataas sa kanilang kalidad sa pamamagitan ng pakikibaka, at palaging handang kumilala sa mga pagkakamali at pagkukulang upang iwasto ang mga iyon.

I. Pagwawasto sa mga Pagkakamali at Pagkukulang at Higit pang Pagpapalakas sa Partido

Sa tulong ng masigasig na paggawa, militanteng pakikibaka at pagpapakasakit, pinatunayan ng Partido at ng masang pinamumunuan nito na sila ang pinakamalakas at pinakamaunlad na rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas. Ang katotohanang ito ay kinukumpirma ng kaaway sa kanyang pagtukoy sa Partido at rebolusyonaryong kilusan bilang pinakamalaking banta sa naghaharing sistema at sa kanyang walang patumanggang pagbubunsod ng mga kampanya ng antikomunistang panunupil. Sa kabila ng mga kampanya ng terorismo at panlilinlang ng kaaway na wala pang katulad sa nakaraan sa laki at bangis, napamunuan ng Partido ang armadong kilusang rebolusyonaryo at ang legal na kilusang demokratiko sa pagkakamit ng mga makabuluhang tagumpay.

Ang preserbasyon ng Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa laban sa labis-labis na nakalalamang na patakarang total war ng rehimeng US-Aquino ay isa nang malaking tagumpay. Higit pa sa preserbasyon ng sarili, ang rebolusyonaryong kilusan ay walang humpay na nagpalakas sa sarili at nagsulong sa pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Sa mga kanayunan, kabayanan at syudad ng mga rehiyon at nakararaming probinsya, napanatili ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa na mataas na nakawagayway ang pulang bandila ng rebolusyon, at sa gayon ay napasigla ang malawak na masa sa kanilang pagpupunyagi sa pakikibaka at paggigiit ng mga demokratikong karapatan nila.

Ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ay tuntungan sa pagkakamit ng mas malaki pang mga tagumpay, nagpapalubha sa mga bitak ng naghaharing sistema at nagbubunyag na pangarap lamang ng gising ang paghahambog ng kaaway na kanilang dudurugin daw ang rebolusyonaryong kilusan bago 1992. Habang nabibigo ang kontrarebolusyonaryong total war, ang rehimeng Aquino ay hinahagupit ng kabayaran sa pulitika, militar at pinansya ng kanyang patakarang patindihin ang militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran nang higit pa sa panahon ng pasistang diktadurang Marcos at tanggapin ang mas malaking tuwiran at di tuwirang papel ng US sa "kontra-insureksyon".

Sa kabilang banda, may mga pagkakamali at pagkukulang sa mga pangunahing linya ng rebolusyonaryong gawain na natukoy at sinimulang mas puspusang lunasan nitong 1989. Ang mga pagkakamali at pagkukulang na ito ay balakid sa tuluy-tuloy at lahatang-panig na pagsulong at malamang na magdulot ng higit pang pinsala kung hindi maagap at mapagpasyang mapapangibabawan. Bagamat may ginagawa nang mga pag-aangkop sa mga plano, prayoridad at alokasyon ng mga kadre at rekurso ng Partido, kailangang gawing mas puspusan pa ang pagwawasto at higit pang palalimin ang nagkakaisang pag-unawa sa mga leksyon ng mga nakaraang karanasan at sa nasasangkot na mga usaping praktikal at teoretikal. Habang aktibong namumuno, nagpapalawak at nagpapatindi sa mga taktikal na pakikibaka, kailangang mahigpit na panghawakan ang pag-aayos at pagwawasto para sa internal na konsolidasyon at pagtiyak ng lahatang-panig na pagsulong sa matagalang panahon.

Sa armadong rebolusyon, ang Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido ay patuloy na nakasamsam sa kaaway ng malaki-laking bilang ng sandata at nakapagdulot sa kanya ng malaking bilang ng kaswalidad. Resulta ito ng mulat na pagpapaigting ng armadong pakikibaka sa buong bansa, pagpapaunlad sa kakayahan at teknik sa labanan sa pamamagitan ng sariling sikap, at mahusay na paggamit sa malawak na nakalatag na mga larangang gerilya para paulit-ulit na birahin ang mga bulnerableng yunit at bahagi ng kaaway. Bagamat ang total war at gradual constriction ng rehimeng US-Aquino ay nakakadulot ng mga problema at kahirapan sa Partido, hukbong bayan at higit sa lahat, sa masa, hindi nito napagkaitan ng sapat na maniobrahan ang mga yunit ng hukbong bayan. Sa laki ng mga pinsala at tindi ng pagkasiphayo ng kaaway, ang naghaharing paksyong Aquino at Ramos ay tinutuligsa ng mga reaksyunaryong wala sa kapangyarihan dahil sa kanilang pagkabigo sa kampanya ng antikomunistang panunupil.

Batay sa kasalukuyang antas ng pakikidigmang gerilya sa bansa, naaangkop at kinakailangan ang pagmamantini ng mga pangunahing pwersa na laking kompanya o pinaliit na kompanya sa ilalim ng mga pamatnugutan sa isang tipikal na rehiyon at abanteng larangang gerilya. Ang mga ito ay nagsisilbing pwersang panagupa at sentro de grabidad ng mas maliliit pero mas marami at nakakalat na mga lokal na pwersang gerilya (iskwad at platun), mga sandatahang yunit at pangkat pampropaganda at mga milisyang bayan. Sa gayong pagtitimbangan, napananatili ng hukbong bayan ang mataas na antas ng inisyatiba at pleksibilidad para sa mga pangangailangang opensibo at depensibo at mas mabisang napagkukumbina ang mga aksyong anihilasyon at atrisyon at ang gawaing militar at gawaing masa. Kailanman kinakailangan, ang mga pangunahing pwersa ay pwedeng sumanib sa mga lokal na pwersang gerilya upang maglunsad ng mga operasyong higit sa laking-kompanya o di kaya'y maghiwahiwalay sa mga platun at iskwad para magsagawa ng mga operasyong militar o gawaing masa sa mas malawak na saklaw.

Ang pagbubuo ng mga yunit gerilya na nagbibigay ng pangunahing diin sa gawaing militar at di naglaon, ng mga pormasyong kompanya sa mga relatibong sulong na rehiyon ay nagpaigting sa pakikidigmang gerilya sa pambansang saklaw mula unang hati ng mga taong 1980. Ang sumunod na mga programa sa "regularisasyon", pagpapalakas ng koordinasyon ng mga rehiyon at larangang gerilya, at pagpapaunlad ng kakayahang mandurog ng hukbong bayan ay nag-angat din sa kabuuang kakayahan, teknik at mga pamamaraan ng hukbong bayan. Pero kaalinsabay, lumitaw ang ilang seryosong negatibong tendensya sa makaisang-panig na pagdidiin sa mga tungkulin sa labanan, pagpapalakas sa mga pangunahing pwersa at nitong huli, ang pagmamadali sa pagbubuo ng mas malalaking pormasyon ng hukbong bayan.

Sa ilang sukdulang kaso, ang makaisang-panig na pagpapalakas sa mga pangunahing pwersa at pagmamadali sa pagbubuo ng mas malalaking pormasyon ng hukbong bayan ay umabot sa halos tuluyang pagkasaid ng mga kadre at tauhang nakatalaga sa gawaing masa sa mga lokalidad. Mayroon ding ilang kaso ng labis na sentralisasyon ng mga yunit gerilya sa relatibong mataas na kumand. Pero ang karaniwang manipestasyon ng problema sa ibang lugar ay ang labis na paghina, labis na pagkahuli o di kaya'y matagal na kawalan ng pag-unlad ng mga lokal na pwersang gerilya, mga sandatahang yunit pampropaganda, mga milisyang bayan at ng gawaing militar sa mga lokalidad.

Ang laki, bilang at moda ng pagtatalaga ng malalaking yunit na panlaban ay dapat umayon sa kalagayan ng lohistika, reserba at higit sa lahat, ng suportang masa. Sa kalagayang salat sa kadre sa mga lokalidad at mahinang-mahina ang mga lokal na armadong pwersa, ang baseng masa sa maraming bahagi ng kanayunan ay hindi tuluy-tuloy na napalalawak at napalalalim at kumikitid pa sa marami-raming lugar gawa ng pag-atake ng kaaway. Hanggang hindi mapagpasyang nalulutas ang suliranin sa kadre, pwersang gerilya at gawaing masa sa mga lokalidad, ang mga malaking yunit na panlaban ay hindi mamaksimisa, magiging mabigat na pasanin, malamang na dapuan ng kung anu-anong problema, at maaari pa, kapag tuluyang mawalan ng suportang masa, na matulak sa pasibong pusisyon, maging lubhang kapuna-puna at maging bulnerable sa superyor na pwersang militar ng kaaway.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay nagsusulong sa isang digmang bayan at may mulat na disiplinang turo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Bilang pwersang panlaban, kaya nitong sumabak sa mga kampanyang maiikli ang panahon ng pamamahinga sa pagitan ng mga labanan. Patuloy na pinauunlad ng hukbong bayan ang kanyang kakayahan at teknik sa labanan, ang kumand at koordinasyon sa angkop na mga antas at ang mga suportang serbisyo gaya ng paniniktik, medikal at lohistika. Gayunman, ang hukbong bayan sa iba't ibang antas ay kailangang maglaan ng panahon at pansing higit kaysa dati sa gawaing pampulitika at produksyon.

Ang anumang armadong organisasyon na pangunahin o lubos na umaasa sa lakas sa sandata para sa kanyang preserbasyon at pagpapalakas at nagpapabaya sa gawaing masa ay malamang na mahiwalay sa mamamayan, maging arogante at komandista at malaki ang panganib na makagawa ng mga seryosong pagkakamali hindi lamang sa mga usaping pulitikal kundi maging sa mga usaping militar. Kailangang mas aktibong lumahok sa gawaing masa ang mga kadre at tauhan ng hukbong bayan dahil may kasalatan sa mga kadre at aktibistang aasikaso sa gawaing masa at iba pang gawain sa mga lokalidad. Pero bukod dito, ang tuluy-tuloy na malalim na paglahok ng mga yunit ng hukbong bayan sa gawaing masa ay kailangan para matiyak ang internal na kalusugan at kasiglahang pampulitika ng mga yunit ng hukbo, gayundin ang malapit at wastong relasyon nila sa mamamayan.

Isang tagumpay ng Partido ang paglilinaw sa matagalan at lahatang-panig na mga rekisito para makamit ang ganap na tagumpay sa digmang bayan at mga kasalukuyang rekisito sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya sa istratehikong depensiba. Ang mga kadre at kasapi ng Partido at mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ay may mas mahusay nang pag-unawa ngayon sa mga komprehensibong pangangailangan ng armadong rebolusyon. Nakikita at nireremedyuhan na ang mga di-balansyadong paghawak sa mga rebolusyonaryong gawain at alokasyon ng mga kadre at rekurso ng Partido. Kailangang magpunyagi ang Partido sa pagsusulong ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na nagtatamasa ng papalaki nang papalaking organisadong suporta ng mamamayan. Ito ang pangunahing landas sa higit pang pagsulong sa istratehikong depensiba at pag-igpaw patungo sa istratehikong pagkakapatas at istratehikong opensiba.

Ang mga pangunahing yunit ng BHB ay kailangang mapunuan ng mga sekundaryong yunit at mga reserba. Dapat palaging tiyakin na ang BHB ay may malawak at malalim na suporta ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa. Ang alokasyon ng mga kadre at rekurso ng Partido ay kailangang ayusin para ang pagbubuo ng mas malalaking yunit ng hukbo ay hindi umaalagwa sa pangangailangang magbuo ng malawak at malalim na baseng masa. Anumang pagkitid ng baseng masa sa kanayunan bunga ng mga atake ng kaaway o ng mga suhetibistang pagkakamali ng Partido o di kaya'y ng kumbinasyon ng mga ito ay kailangang agapan at lunasan sa pamamagitan ng desididong pagpapalawak at pagpapatatag sa baseng masa at pagbawi nang higit pa sa anumang di maiiwasang pagkawala ng teritoryo dahil sa mga atake ng kaaway.

Ang 60 larangang gerilya ay sumasaklaw sa 20% lamang ng pambansang populasyon at teritoryo. At sa loob ng bawat larangang gerilya, hindi pantay-pantay ang pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa. Kaya lubhang malawak ang lugar para sa pagpapalawak at pagpapatatag sa loob at labas ng mga larangang gerilya. Dapat ilaan ang pansin, pwersa at rekurso ng Partido na umaayon sa laki at halaga ng gawaing sa pagbubuo ng patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Ang mas malaking bulto ng kasalukuyang baseng masa sa kanayunan ay nabuo noong papatapos ang mga taong 1970 hanggang kalagitnaan ng mga taong 1980, sa pamamagitan ng mabilis na pagpapalawak at mga militanteng kampanyang masang antipyudal at antipasista, kaakibat ng paglaganap at pag-igting ng pakikidigmang gerilya sa buong bansa. Noon pa man, naiwanan nang malayo ang pagsisinsin sa pag-oorganisa at pagbibigay ng edukasyong pampulitika sa masa sa maraming rehiyon at larangang gerilya. Ang mga epekto ay makikita hanggang ngayon sa malaking disproporsyon sa bilang ng mga taong nakapaloob sa mga organisasyong masa at di hamak na mas malaking bilang ng mga taong saklaw ng mga larangang gerilya at pamamahala ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Noong mga taong 1980 lumitaw ang relatibong pagbaba ng kalidad ng mga kadre at yunit na tuwirang nangangasiwa sa gawaing masa sa mga lokalidad bunga ng kakulangan sa pagsasanay at paulit-ulit na paghugot ng mga kadre patungo sa mas matataas na antas, gawaing militar at iba pang linya ng gawain. Kaya muling lumaki ang problema ng di aktibo at kumikitid na mga organisasyong masa, matamlay na baseng masa, at kalakarang ang mga yunit ng hukbo ay umuugnay at umaasa sa mga sangay ng Partido, organo ng kapangyarihang pampulitika o iba pang relatibong makitid ng mga grupo sa baryo nang walang konsultasyon at pagmobilisa sa mas maraming mamamayan.

Higit ngayon ang determinasyon ng Partido na paunlarin ang pag-oorganisa ng mga samahang masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, kabataan, kababaihan, propesyunal at aktibista sa kultura; pasiglahin ang rebolusyong agraryo at iba pang kampanyang masa; at palawakin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga komite ng NDF. Sa pagpapatibay at pagpapataas sa kalidad ng baseng masa, mulat ding nagmamatyag ang Partido sa panganib na labis na malulong o magtakda ng mga di makatotohanang target sa pagpapaunlad ng rebolusyong agraryo at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga baseng gerilya at relatibong abanteng lugar. Kailangang may karampatang pansin at pwersang nakalaan sa pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa sa hindi pa gaanong organisado, mas mabuway at mas kumplikado pero mas matao at makabuluhan sa pulitika na mga mababang lugar, kapatagan at tabing-dagat. Ang baseng masa ay dapat tiyaking may sapat na lawak at lalim at mahusay na nakalatag sa mga kabundukan, kapatagan at paligid ng mga pangunahing linya ng transportasyon.

Batay sa lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa, ang nakakayanang ipatupad sa rebolusyong agraryo hanggang ngayon ay ang minimum na programa sa reporma sa lupa sa mahigit 20% lamang ng kanayunan. Saklaw ng programang ito ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagkontrol sa interes, pagpapabuti sa sahod ng mga manggagawang bukid, pag-areglo ng mas makatwirang presyo ng mga kalakal at pagpapasigla ng produksyon ng mga pamilya at mga simpleng anyo ng mga kooperatiba. Nililimitahan at pinipili ang pagsasagawa ng maksimum na programa ng pagkumpiska na hindi pa kayang ipagtanggol liban sa ilang natatanging kasong laban sa mga mangangamkam ng lupa at mga despotikong panginoong maylupa.

Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ay dapat magtulungan sa pagsasagawa ng mga kampanya sa edukasyon tungkol sa rebolusyong pambansang demokratiko at mga isyu ng mga partikular na uri at sektor; pag-oorganisa ng mas maraming mamamayan sa mga samahan; pagkulekta ng makatwirang kontribusyon at buwis; pagpapatakbo ng mga programa sa kalusugan; pag-oorganisa at pagsasanay ng mga pwersang milisya at pandepensa sa sarili; paglutas ng mga problema sa hanay ng mamamayan; at pagpapataas sa antas ng kultura at pagbibigay-aliw sa pamamagitan ng mga likhang kultural, pagtatanghal at palakasan.

Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay kailangang may mga komiteng nangangasiwa sa mga organisasyong masa at nagpapasigla sa kanilang inisyatiba. Dapat tiyakin ng Partido at National Democratic Front na ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa mga lokalidad ay umaandar, umuunlad at nagbibigay ng lahat ng kinakailangang suporta sa Bagong Hukbong Bayan.

May sapat na bilang at kalidad ng mga kadre para ibayong pasiglahin, palawakin at palakasin ang gawain at kilusang masa sa mga lokalidad, basta't mahusay at balansyadong maitatalaga ang mga kasalukuyang kadre, mas aktibong lalahok sa gawaing masa ang mga yunit ng hukbo, pahihigpitin ng mga namumunong komite at kadre ng Partido ang pagsubaybay at paggabay, at pasisiglahin ang pagsasanay na teoretikal at pampulitika. Makabibigay din ng mahalagang suporta ang mga kadre at aktibistang ipadadala ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran. Dapat nang iwasan ang sitwasyong ang mga kadre at yunit na nasa mga lokalidad ay salat sa karanasan at kaalaman, naiiwanang walang sapat na gabay at pagtsek-ap ng mga nakatataas na komite ng Partido, hindi marunong ni natuturuang magmaniobra at magpursigi kapag aktibo ang kaaway, at madaling mahagip ng operasyong militar ng kaaway o di kaya'y mabilis na nawawalan ng loob at tumatalilis.

Ang total war at tinatawag na istratehiya ng gradual constriction ng rehimeng US-Aquino ay mga operasyong base denial at clear and hold na ginawang mas malakihan at sumasaklaw sa buong kapuluan sa layuning mabilis na gapiin ang armadong kilusang rebolusyonaryo. Ang gradual constriction na nakatuon sa 12 larangang gerilya ay tinatampukan ng pagkokonsentra ng malaking pwersang militar at paramilitar at pagsasagawa ng malakihan at tuluy-tuloy na pagsuyod, panliligalig at pananalanta upang wasakin ang baseng masa ng rebolusyon, likhain ang sitwasyong lantay militar, at pagkatapos, sukulin at durugin ang mga pangunahing pwersa ng hukbong bayan.

Para magapi ang total war at gradual constriction, kailangan ng Partido at hukbong bayan ng tatag sa pakikipaggitgitan sa kaaway, mataas na antas ng pleksibilidad at pagkamakilos, at di tuwiran at tuwirang koordinasyon ng mga rehiyon at larangang gerilya para paigtingin ang pakikidigmang gerilya sa pinakamalawak na saklaw at sa buong bansa. Dapat pagbayarin nang mahal ang kaaway sa pagkakalat ng lagim sa kanayunan at sobrang pagkokonsentra at sobrang pagtigil sa ilang lugar. Dapat siyang pahirapan at paduguin ng mga malaganap na operasyong anihilasyon at atrisyon, gayundin ng malawakang paglalantad at mga protesta ng masa. Kaalinsabay, dapat panatilihin ang pinakamalawak na baseng masa sa kanayunan para sa pleksibilidad at pagmamaniobra ng mga yunit ng hukbong bayan. Habang nagpupunyagi sa paglaban at sa pagpapakilos sa masa sa saklaw ng konsentrasyon ng kaaway, dapat magpalawak nang magpalawak sa mga relatibong maluwag na lugar.

Ang gradual constriction ay hindi makakagapi sa mga rebolusyonaryong pwersa kung ang hindi iipitin ng BHB ang sarili sa pagbubuo ng malalaking pormasyong kulang sa malawak na suporta at reserba at hindi ito magkakamaling maging di-pleksible at istatiko. Ang rehimeng US-Aquino ay nahaharap sa papalaking problemang pulitikal, militar at pinansyal bunga ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomiya at pulitika. Lumalaki ang mga sagka sa pagsusustini ng kaaway sa dating laki at tindi ng kanyang pag-atake, bukod sa mas lumalawak ang armado at di armadong paglaban ng mamamayan at tumitindi ang gulo sa hanay ng reaksyon. Kahit may mga lugar na nadidisorganisa at nasasalanta ng konsentradong pwersa ng kaaway, naiiwan namang bukas sa rebolusyonaryong gawain ang mas malawak na lugar. Ang lugar na pansamantalang nakokontrol ng kaaway ay mababawi rin ng mga rebolusyonaryong pwersa sa malao't madali.

Walang ibang paraan ng paggapi sa kaaway liban sa pagtataguyod sa mga makatarungang adhikain ng sambayanan at pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila sa pambansang saklaw. Bihasang ginagamit na mga sandata ng Partido ang armadong pakikibaka at nagkakaisang prente upang ipagtanggol ang bayan at patamaan ng mga nakamamatay na bigwas ang kaaway.

Ang legal na kilusang demokratiko ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, kabataan, kababaihan, guro at iba pang propesyunal ay higit pang lumakas at nagiging mas militante kasabay ng higit na pagkakalantad ng rehimeng US-Aquino dahil sa pagtataksil sa mga kapakanang pambansa at demokratiko ng bayan at pananagutan nito sa patuloy na sumasahol na mga kalagayang sosyo-ekonomiko. Ang 1989 ay taon ng malaking pagsulong ng legal na kilusang demokratiko sa buong bansa, pagsiklab ng sunud-sunod na bugso ng mga protesta at pakikibakang masa, at mas mahigpit na pagkakaugnay ng mga pakikibakang masang pang-ekonomiya at pampulitika.

Ang kilusang manggagawa ay nakakaungos sa iba pang kilusang masa. Malawak na naisusulong ng mga manggagawa ang mga welga na tinampukan ng ilang ulit at patuloy na lumalawak at lumalakas na pangkalahatang welga. Ang inisyatiba sa kilusang unyon ay hawak ng mga unyong tunay at anti-imperyalista na patuloy na masiglang lumalawak. Nangunguna rin ang mga manggagawa sa mga pampulitikang aksyong masa na mas tumitingkad ang katangiang anti-imperyalista at antibase.

Ang higit na paglakas ng kilusang magsasaka ay nararamdaman hindi lamang sa kanayunan kundi pati sa hayag na kilusan sa kalunsuran. Matingkad ang papel ng hayag na kilusang magsasaka sa paglalantad at pagtuligsa sa pagtanggi ng rehimeng US-Aquno sa tunay at puspusang reporma sa lupa. Sa gayon, lalong tumitingkad ang kawastuhan ng programa sa reporma sa lupa ng rebolusyonaryong kilusan. At nailalantad ang makitid na interes na itinataguyod ng naghaharing estado ng mga panginoong maylupa at malaking burgesyang kumprador. Lumalawak ang paggamit ng kilusang magsasaka sa mga legal na anyo at paraan ng pag-oorganisa, edukasyon, propaganda at pakikibaka. Bagamat namumukod ang katangiang antipyudal, ang hayag na kilusang magsasaka ay may malaking p

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.