Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Isang Pagbubuod ng Kontra-Rebolusyonaryo at Kriminal na Rekord ni Arturo Tabara

Partido Komunista ng Pilipinas
(Communist Party of the Philippines)
Pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo
Nobyembre, 2004

Ilahad natin ang buong kontra-rebolusyonaryo at kriminal na rekord ni Arturo Tabara. Ilantad natin ang buong maitim at madugong rekord ni Tabara sa harap ng mga pagtatangka na pagtakpan ang mga ito at ipilit ang hungkag na paglalarawan na siya'y "rebolusyonaryo".

Idiin natin ang tindi ng kanyang mga kasalanan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan at ipakitang nararapat na igawad sa kanya ang pinakamabigat na parusa. Labis ang pagkabaligho ng nagsasabi na ang tangi niyang kasalanan ay ang magtaguyod ng paniniwalang iba sa Partido.

Si Arturo Tabara ay isang pusakal na kontra-rebolusyonaryo at kriminal. Sa nakaraang humigit-kumulang 15 taon, walang habas niyang nilabanan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Wala siyang pakundangan sa paggamit ng armadong karahasan laban sa mga kadre ng Partido, mandirigma ng BHB at karaniwang mamamayan sa layuning labanan ang rebolusyon at hangaring makapagpasarap-buhay gamit ang kanyang kinulimbat na yaman.

Nilabanan niya ang rebolusyonaryong kilusan, noong una'y mula sa loob bilang aktibong espiya at lihim na ahente ng kaaway; at malao'y bilang tahasang armadong katunggali at pinuno ng RPM-RPA-ABB, bandidong grupong nagpapakasangkapan sa Armed Forces of the Philippines, rehimeng Arroyo at mga pulitikong warlord sa Negros, Panay at Nueva Ecija.

Si Arturo Tabara ay narekluta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang espiya at espesyal na ahente noong 1987. Nirekrut siya ng isang koronel ng AFP matapos siyang dakpin at ibilanggo ng kaaway. Ang koronel na ito ang nagsilbing "handler" ni Tabara. Bilang paunang bayad, binigyan si Tabara ng bahay at lupa sa Metro Manila.

Bilang espiya at lihim na ahente ng kaaway, nakapaglunsad si Tabara ng mga tuwiran at di tuwirang atake mula sa loob ng Partido. Partikular na misyon niya ang pagkakalat ng mga intriga, pambubuyo sa gangsterismo at kabulukan, pambubuyo sa mga yunit ng BHB at aktwal na pangunguna sa pag-aalsa ng mga ito laban sa Partido, at pagkakanulo ng mga rebolusyonaryong organisasyon at pinuno

Pamumuno sa pagtatangkang wasakin ang Partido at Pambubuyo upang mag-alsa at pamumuno sa aktwal na pag-aalsa upang humiwalay ang mga yunit ng BHB mula sa pamumuno ng Partido

Kasabay ng inilunsad na kampanyang anti-Partido noong 1993 ng mga kontra-rebolusyonaryong nagtaksil sa Partido, aktwal na pinamunuan ni Arturo Tabara ang pambubuyo para mag-alsa hanggang sa aktwal na pag-oorganisa ng pag-aalsa upang humawaly sa hana ng mga yunit ng BHB na nasa ilalim ng kanyang impluwensya, sa partikular, yaong sa saklaw ng dating Visayas Commission. Natangay ni Tabara ang humigit-kumulang 170 armas ng BHB sa Panay at mahigit 300 sa Negros

Alalahanin na ang akto ng pag-aaklas at pambubuyongmag-alsa sa hukbong bayan, at maging sa ibang hukbo, ay isang krimeng katumbas ng pinakamabigat na kaparusahan.

Ang makabuluhang bilang ng mga pwersa at sandatang natangay ni Tabara ay tinipon niya sa isang tuwirang armadong kontra-rebolusyonaryong grupo, ang RPA. Malaon, nagsanib-pwersa ang RPA at ang ABB na noo'y pinamunuan ni Felimon Lagman. Sa paglipas ng panahon, ang RPA ay lalong nalulong sa gangsterismo, kabulukan at pagpapagamit bilang mga upahang goons ni Eduardo "Danding" Cojuangco at iba pang pulitikong warlord sa Negros. Karamihan ng mga natangay na pwersa sa RPA ay nagsisuko na.

Bukod sa malaking pangwawasak sa Partido at hukbo, ang isinagawang pag-aaklas ni Tabara laban sa Partido at pagtangay ng mga mandirigma ng BHB ay nagbunga ng pagkasawi at pagkadakip ng maraming mabubuting kadre at Pulang mandirigma, at dislokasyon, kaguluhan at kahirapan sa rebolusyonaryong masa sa maraming bayan at probinsya ng Kabisayaan.

Gangsterismo at pambubulok sa Partido at BHB

Binulok niya ang mga kasapi ng Partido at mandirigma ng BHB na kanyang pinamunuan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng gawain at gawing gangsterismo sa Kamaynilaan at Kabisayaan simula 1987 hanggang 1991. Pinatakbo ni Tabara bilang isang barkada at sindikato ang mga hinawakan niyang yunit ng Partido at BHB.

Inangkin niya ang awtoridad ng Partido at iligal at maling ginamit ang mga sandata ng BHB upang magsagawa ng mga panghoholdap ng bangko at kidnapping-for-ransom. Kabilang sa mga ito ang pagkidnap kay Rogelio Florete, may-ari at presidente ng Bombo Radyo, na pinalaya lamang matapos magbayad ng P15 milyong ransom.

Ang pondong nakukulimbat sa mga kriminal na operasyong gangster ay nilulustay ng kanyang barkada sa mga bisyo at magastos na pamumuhay sa Maynila, Baguio at Cebu. Naging palasak ang pambababae, pag-inom ng alak at iba pang bisyong antisosyal. Sa pondong nakulimbat ng kanilang barkada, aabot sa mahigit P10 milyon ang sinarili ni Tabara. Itinago niya ang yamang ito sa pamamagitan ng kanyang "handler" sa AFP.

Tumanggi si Tabara na tumalima sa tuwirang atas ng pamunuan ng Partido noong 1991 na ihinto ang mga gawaing gangster na ito at magsagawa ng pagtutuos ng kanyang mga aktibidad.

Pagkakanulo sa mga kasapi at pinuno ng PKP

Bukod sa idinulot niyang kalawang, nagdulot din ng tuwirang pinsala si Tabara sa pamamagitan ng kanyang pagtatraydor.

Sa anti-Partidong kampanya noong 1992, walang patumanggang ibinulgar ni Tabara sa mga dokumento at pagtitipon ang identidad ng mga kagawad ng Komite Sentral at iba pang mga namumunong kadre ng PKP.

Tuwirang responsable si Tabara sa mga pinsalang tinamo ng mga yunit ng Partido sa Kabisayaan na nakabase sa Metro Manila at Cebu. Malaki-laking bilang ng mga kadre ang nadakip ng kaaway at buo-buong mga organo ng Partido ang napilay matapos paulit-ulit na reydin ng kaaway noong 1988, 1989 at 1990. Maraming mga sensitibong impormasyon ang nasamsam ng kaaway sa mga ito.

Tuwirang kasabwat din si Tabara ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa pagdukot at pag-interoga sa isang inakala nilang aktibong kasapi ng Partido.

Mga kriminal na pananagutan ni Tabara bilang pinuno ng RPA-ABB

Laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan

Matapos na itiwalag sa Partido at tahasang humanay sa mga anti-Partidong elemento, lalong bumwelo ang kontra-rebolusyonaryo at kriminal na gawain ni Arturo Tabara. Ginamit niya ang RPA-ABB laban sa BHB at para sa pagpapatuloy ng mga gawaing gangster na pumipinsala sa karaniwang mamamayan.

Noong 1994, inatasan niya ang mga upisyal ng RPA-ABB na disarmahan ang isang tim ng BHB sa Tigbauan, Iloilo. Natangay nila doon ang dalawang M16, isang garan at isang VHF handset. Kasabay nito, dinisarmahan din ang isa pang tim ng BHB sa Timbaban, Culasi, Antique at natangay sa kanila ang dalawang M16, isang M14 at isang garand.

Sa pamumuno ni Tabara, ang RPA-ABB ay tuwirang nakikipagtulungan sa AFP sa mga armadong operasyon laban sa BHB. Sa pinirmahang kasunduan sa reaksyunaryong gubyerno, pumayag si Tabara na ipailalim ang RPA-ABB sa kumand ng AFP. Tumatanggap ito ngayon ng pondo, mga kagamitan at armas mula sa AFP.

Responsable din si Tabara sa pagpapadakip at pagtortyur kay Ruben Saluta noong 1999, isang kadre ng Partido sa Panay.

Mula 1994 hanggang 1999, sangkot si Tabara sa mga kaso ng pagpatay sa di bababa sa walong magsasaka sa tatlong magkakahiwalay na bayan sa Panay. Karamihan sa mga biktima ay tutol o sumusuway sa mga kriminal na aktibidad ng RPA-ABB. Sangkot siya sa pagpatay kay Juanito Lutero ng Barangay Tambal, Janiuay, Iloilo noong 1999. Binayaran ang RPA-ABB ng malaking halaga ng katunggali sa lupa ni Lutero para ito patayin.

Nariyan din ang pagpaslang sa tatlong kabataang magsasaka sa Barangay Aquino noong 2000; sa dalawang anak na lalaki ni Lucero Batoy sa Barangay Aparicio noong Marso 2001; at sa negosyanteng si Boy Tesorero ng Makato, Aklan noong 2002.

Kasangkapan ng mga pulitiko

Pangunahing responsable si Tabara sa pagpapagamit sa RPA-ABB bilang mga mersenaryong goons ni Danding Cojuangco at iba pang malalaking panginoong maylupa at reaksyunaryong pulitiko. Ang pyudal na interes ng mga ito ay ipinagtatanggol ng RPA-ABB laban sa masang magsasaka, mga progresibong organisasyon at rebolusyonaryong kilusan.

Bilang mga bayarang armadong goons ng mga panginoong maylupa at reaksyunaryong pulitiko, ginagamit ang RPA-ABB sa pananakot sa mamamayan, panunupil sa mga organisasyong masa ng mga magsasaka, pagpapalayas sa masa o pagpaslang sa mga lider masang lumalaban sa mga pang-aagaw ng lupa.

Katuwang ni Cojuangco si Tabara sa malawakang pangangamkam ng lupa sa mga bayan ng Canlaon, Kabankalan, Sipalay, Bago at La Carlota at mga bayan ng Don Salvador Benedicto at La Castellana, lahat sa isla ng Negros. Ginamit nila ang RPA-ABB upang lokohin ang mga magsasaka at "ipatanggap" sa kanila ang "corporative scheme" katulad ng kaso ng Hacienda Luisita. Nagsasagawa sila ng pang-eespiya, impiltrasyon, pananabotahe at pangwawasak sa mga progresibong organisasyon ng masa.

Pinagsilbi niyang goons ang RPA-ABB ng dinastiya nina Nene de la Cruz at asawa niyang si Cynthia na kasalukuyang alkalde ng Don Salvador Benedicto, Negros. Sangkot din ang mga ito sa mga operasyon ng illegal logging sa nasabing bayan. Nagsilbi ding bayarang maton si Tabara at ang RPA-ABB kay Ignacio Arroyo, bayaw ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang reaksyunaryong pulitiko sa Negros nitong nakaraang halalan.

Tumatanggap din ang grupong pinamumunuan ni Tabara ng bayad sa mga pulitiko at negosyante para pumatay o manakot ng mga karibal sa pulitika at negosyo. Kinasangkapan nina Tabara, sa suhol ng gobernador noon ng Isabela na si Benjamin Dy, ang Red Vigilantes Group (RVG, ekstensyon ng RPA-ABB sa Central Luzon) upang patayin si Engr. Joaquin "Jake" Soriano, ang municipal coordinator ng Bayan Muna sa Jones, Isabela, na nagsilbing campaign manager ng kalaban ng minanok na kandidato ng mga Dy sa espesyal na halalang isinagawa sa ikaapat na distrito ng Isabela noong Mayo 2003. Noong katapusan naman ng 2003, pinatay ng RVG si Romy Blancaflor, negosyante sa Jones at isa pang kalaban ng mga Dy.

Nitong nakaraang halalang 2004, ginamit ng sabwatang Dy-Tabara ang RVG sa pagtatangkang sunugin ang mga balota sa mga bayan ng Jones at San Mariano, Isabela, kung saan malaki ang pagkatalo ng mga Dy.

Mga gawaing kriminal

Lalong bumwelo ang mga gawaing kriminal ni Arturo Tabara, gamit ang RPA-ABB, mula 1994.

Mismong si Arturo Tabara ang nasa likod ng pagkidnap at pagpatay kay Leo Victor Gutierrez, isang mountaineer, na dinukot ng RPA-ABB kasabwat ang militar sa bundok ng Madia-as sa Culasi, Antique noong Pebrero 2003.

Ang RPA-ABB rin ang kumidnap kay Jefferson Tan sa Iloilo noong Oktubre 2002. Sa ilalim din ng pamumuno at direksyon ni Tabara ang mga kidnapping-for-ransom na isinagawa nina Javier Zacate and Carlos Tizon (mga tauhan ng RPA-ABB) tulad ng pagkidnap kay Pen Chang Tan (hiningan ng P6 milyon) noong 2001.

Kasabwat si Stephen Paduano (alyas Carapali Lualhati), responsable si Tabara sa panghoholdap ng RPA-ABB sa pera ng Municipal Treasurer's Office ng bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental na nakadeposito sa isang bangko sa kalapit-bayan ng Bayawan noong Mayo 2002. Napatay dito sina Lito Dagat, Virgie Edreal, Dondon Dinsay at isa pang empleyado ng munisipyo.

Nangingikil sina Tabara ng P100,000 hanggang milyun-milyong piso mula sa mga negosyante at asendero at pinalalabas na ito ay rebolusyonaryong pagbubuwis. Ginamit nila ang pangalan at logo ng PKP/BHB/NDF at ang lagda ni Ka Frank Fernandez, ang tagapagsalita ng NDF-Negros, sa ipinadadala nilang mga sulat ekstorsyon.

Si Tabara ang nagpapatakbo ng protection racket sa mga druglord sa Boracay at mga kalapit na lugar. Ginamit niya ang RPA-ABB para magsilbing protector at pwersang panseguridad ni Boy Cuadra, isang druglord na bata ni Ping Lacson.

Tuwirang iniutos ni Tabara ang panghoholdap sa bangko sa Sta. Catalina?; isang kaso nga nito ay pinatay pa ng RPA ang 4 na empleyado ng munisipyong kanilang hinoldap

Ibinenta ni Tabara ang serbisyo ng RPA-ABB para italilis si Mr. Koenig, isang mamamayang Swiss, sa kasong panggagahasa ng isang dalaga sa Dumaguete City, Negros Oriental noong _. Ginamit ang RPA-ABB sa pananakot sa biktima ng rape, sa mga magulang at mga nagtataguyod ng karapatan ng biktima upang hindi matuloy ang paglilitis sa korte.

Determinasyong parusahan ang mga prinsipal na kontra-rebolusyonaryo

Determinado ang PKP at ang mga rebolusyonaryong pwersa na parusahan ang mga prinsipal na kontra-rebolusyonaryo at kriminal na nagdudulot ng malalaking pinsala sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Pilipino. Kaalinsabay nito, idinidiin natin na ang pagsasakatuparan ng pinakamabigat na kaparusahan ay inirereserba sa mga namumunong pinakapusakal na elementong kontra-rebolusyonaryo at kriminal.

Pinag-iiba natin ang mga pasimuno at ang mga tauhan nilang nalinlang sa kontra-rebolusyonaryo at kriminal na landas. Pinag-iiba din natin yaong mga gumamit ng karahasan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan at yaong nakikipagtunggali sa larangan ng pulitika at ideolohiya. Ang rebolusyonaryong dahas (kabilang na ang pagsasampa ng mga kaso, pag-aresto at pagpapataw ng karampatang kaparusahan) ay ekslusibo nating itinutuon sa mga pasimunong kriminal at kontra-rebolusyonaryo. Ginagamit natin ang pamamaraang mapanghikayat sa kanilang mga tauhan.

Ang mga kaso at kaakibat na mga ebidensya ay masusing pinag-aaralan at tinitimbang ng mga kinauukulang rebolusyonaryong awtoridad sa hustisya.

Binuo ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang Espesyal na Hukumang Bayan upang litisin si Arturo Tabara para sa maraming kaso ng kontra-rebolusyonaryo at kriminal na gawain na nagdulot ng malalaking pinsala sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Isang tim ng BHB ang binuo at inatasang ipatupad ang kautusan ng Espesyal na Hukumang Bayan na arestuhin si Tabara.

Nakatakda siyang arestuhin noong Setyembre 26, 2004. Subalit dahil armado at nanlaban si Tabara, ang arresting team ng BHB ay naobligang makipaglaban. Napaslang sa enkwentrong ito si Tabara.

Ang balita sa pagkakapaslang kay Tabara ay mabilis na kumalat sa buong bansa. Ipinagbunyi laluna ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Negros at Panay ang pagwawakas sa mga mapanalantang kriminal at kontra-rebolusyonaryong gawain ng pusakal na si Tabara.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.