Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

PAGSUNOG NG NPA SA MGA QUARRY EQUIPMENT NINA MAYOR DE LEON:
SAND QUARRY SA ILOG-ANGAT: PAKINABANG SA IILAN, KAPINSALAAN SA MAMAMAYAN!

KOMITE NG LARANGANG GERILYA
Silangang Bulakan
Communist Party of the Philippines - CPP
New People's Army - NPA
National Democratic Front -NDF
Setyembre 25, 2002

Ngayong Miyerkules ng gabi, ika-25 ng Setyembre, 2002 ay iginawad ng ating Hukbo (Bagong Hukbong Bayan o NPA) ang hakbang pamarusa sa mapaminsalang negosyo/operasyong sand quarry sa Ilog-Angat. Milyun-milyong halaga ng mahahalagang mga equipment at kasangkapan sa pagku-quarry nina Mayor Narding de Leon, Bokal Jun Rivera, Sec. Nilo Santos, Villanca, Mr. Ghan at Jullie Reyes sa Bgy. Niugan, Angat ang winasak at sinunog ng mga operatiba ng BHB o NPA. Tinugunan lamang ng Rebolusyonaryong Kilusan ang matagal nang karaingan at kahilingan ng mamamayan na pigilan o sagkaan ang pinsalang dulot ng perhuwisyong negosyong ito.

Ang pangit na mukha ng Burukratang Kapitalismo ay matagal nang lantad sa mamamayang taga-Angat at kanugnog-bayan. Ang mga pangunahing lokal na burukrata (opisyales ng pamahalaang lokal) na pinamumunuan ni Mayor Narding de Leon, ng kanyang kanang-kamay na si Nilo Santos (Municipal Planning & Development Officer), Bise Alkalde Cornelio Junio, Bokal Jun Rivera, Mun. Administrator Alex Saligao, Konsehal Jowar Bautista, mga kasalukuyang kapitan ng barangay San Roque at Laog, at iba pa, ang pangunahing tumitipak ng ganansya mula sa mapaminsala nilang negosyo.

Kinakasangkapan nila ang kanilang mga posisyon sa gobyerno para kumita ng limpak na salapi maging ang kapalit nito'y ang kapinsalaan at kapahamakan ng sarili nilang mga kababayan. Ilang buhay na ang ibinuwis dahil sa pagkalunod mula sa pagbulusok sa malalalim na hukay sa dating magandang ilog-paliguan ng Angat, libu-libong bahayang residensyal at libong ektaryang lupang sakahan ang natuyuan na ng balong ng tubig (potable water at tubig panghalaman) dahil sa imbalansyadong lebel ng tubig. Malaking bahagi na ng lupang malapit sa mga kalsada't kabahayan ang natitibag at kinakain ng ilog dahil sa soil erosion lalo na sa panahon ng baha dahil sa tuluy-tuloy na paglalim mula sa walang habas na paghuhukay sa ilog-Angat.

Ang kutsabahan sa pagitan ng pambaryo at pambayang opisyales sa isang banda at mga taga-PENRO-DENR, PNP-AFP, panlalawigang pamahalaang pinamumunuan ni Gob. Josie dela Cruz hanggang pamahalaang nasyunal sa kabilang banda, ang esensya o kahulugan ng burukrata-kapitalismong talamak sa isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Nakapagpapayaman sila at natutustusan ang pananatili sa kapangyarihan sa bulok na gubyerno dahil sa ala-Mafiosing operasyon ng kanilang mga mala-sindikatong negosyo.

Pinakamalalang kabulukan ng mga burukratang ito ay ang tahasang pangangalandakan na diumano ay pinahihintulutan sila ng Rebolusyonaryong Kilusan sa kanilang mapaminsalang negosyo at nagagawa nilang suhulan ang mga lider nito.

Pinatutunayan ng hakbang pamarusang ito na higit kailanman at saanman ay hindi pamimitawanan ng Kilusan ang sinumpaang tungkuling ipagtanggol at ipaglaban ang interes, kapakanan, at karapatan ng masa ng sambayanan. Nagkakamali sila sa pag-aakalang magagamit at maisasangkalan ang pangalan ng Kilusan sa kanilang maka-sarili't imbing pakana sa pamemerhuwisyo sa mamamayan.

Sisingilin at papapanagutin ng Rebolusyonaryong Kilusan ang sinumang elemento na mananabotahe sa ating malinis na pangalan sapagkat libu-libong buhay na ng ating mga rebolusyonaryong martir ang ibinuwis at naisakripisyo para panatilihing mataas ang prestihiyo ng Kilusan. Tungkulin ng lahat ng rebolusyonaryong masa at lahat ng mga Kasama na pangalagaan at ipagtanggol ito

Tungkulin naman ng mulat na mamamayan na isustine ang paglaban at pagbabantay dahil tiyak na magpapalamig lamang ng ilang panahon ang mga gahamang negosyante-pulitikong ito at muling magpapatuloy sa kanilang pamemerhuwisyo. Gagamitin nilang muli ang kanilang yaman at kapangyarihan sa bulok na gubyerno upang muling pagnegosyohan ang ilog-Angat kapalit ng perhuwisyo sa mamamayan. I-organisa natin ang pinakamalawak na mamamayang naninindigan at lumalaban sa mapaminsalang sand-quarrying sa ilog-Angat upang unti-unting marekober ang pinsalang idinulot ng salot na ito. Ipamalas natin sa mga burukrata-kapitalistang ito ang ating pinakamalakas na pagtutol at paglaban!

MAMAMAYAN, MAGKAISA!

USIGIN AT PAPANAGUTIN ANG MGA BURUKRATANG NAMEMERHUWISYO SA ATING KALIKASAN!
BURUKRATA - KAPITALISMO, IBAGSAK!

BAGONG HUKBONG BAYAN: ANG TUNAY NA HUKBO NG MAMAMAYAN!



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.