Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Likhain ang makapangyarihang kilusang masang yayanig at tuluyang magbabagsak sa rehimeng US-Arroyo! Ibayong sumulong sa gitna ng matinding krisis at kamtin ang mga target ng 4 - taong programa ng Partido!

Komiteng Rehiyon-Gitnang Luzon
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2004

Pahayag ng Komiteng Rehiyon - Gitnang Luzon sa ika-36 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo)

Isa na namang taon ng rebolusyonaryong pakikibaka ang nagdaan. Naging mabunga para sa Partido at rebolusyonaryong pwersa sa Gitnang Luzon ang taong 2004. Punung-puno ng optimismo ang lahat sa pagpasok sa ika-37 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka matapos muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968. Nagsara ang taong 2004 sa serye ng matatagumpay na taktikal na opensiba Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon sa loob ng 16 na araw mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 15, na puminsala sa reaksyonaryong militar at nagbigay sa Bagong Hukbong Bayan ng makabuluhang bilang ng armas. Muli, pinatunayan ng rebolusyonaryong pwersa sa GL ang determinasyong isulong ang armadong rebolusyon maging sa kalupaang patag, hindi masukal at nasa bukana lamang ng sentro ng reaksyon sa Maynila. Ipinagpapatuloy ng kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang magiting na tradisyon ng mamamayan ng rehiyon ng pagsusulong ng armadong rebolusyon na hanggang sa isang panahon ay naipatupad sa ilalim ng lumang partidong pinagsanib. Naabandona ang armadong pakikibaka nang sumuko sa kaaway ang taksil na pangkating Lava at Taruc at ipagkanulo ang rebolusyon. Saka lamang muli itong natahak nang maitayo ng muling-tatag na Partido Komunista ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969. Dapat alalahanin na sa ikalawang distrito ng Tarlac ipinakat ang unang maliliit at mahinang nasasandatahang mga yunit gerilya ng BHB. Nagsilbing baseng rekurso ng rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang pagpapalawak ang armadong pwersa at baseng masa na unang ipinundar sa Gitnang Luzon. Ngayon, matapos ang 36 na taon ng mahirap na pakikibaka, nailatag na sa buong bayan ang 128 larangang gerilya at sumusulong ang masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya alinsunod sa linya at estratehiya ng matagalang digmang bayan.

Layunin ng matagalang digmang bayan na ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan para makasulong sa pagtatayo ng sosyalismo sa susunod. Sa rebolusyong Pilipinong may dalawang yugto, ang yugtong demokratiko at ang yugtong sosyalista, ang pamumuno ay mahigpit na hawak ng Partido Komunista ng Pilipinas na pinapatnubayan ng rebolusyonaryong proletaryong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Sa okasyon ng ika-36 na anibersaryo ng muling pagkakakatag ng Partido ay nagpupugay tayo sa mga kadre at kasapi ng Partido sa lahat ng antas ng organisasyon na walang sawang nag-aalay ng kanilang panahon at buhay para sa rebolusyon.

Nagpupugay tayo sa mga rebolusyonaryong martir na nasawi sa lahat ng larangang gerilya sa rehiyon sa taong ito at sa mga taong nagdaan. Partikular tayong nagpupugay kay Kasamang Jojo Talens (Ka. Boyet o Von), kagawad ng Komiteng Rehiyon - GL, dating pangalawang kalihim ng komiteng probinsya ng Tarlac at ng Zambales, na nasawi sa labanan kasama ng pito pa sa San Felipe, Zambales noong Marso 9. Nagpupugay din tayo sa mga martir ng Hacienda Luisita na walang awang minasaker noong Nobyembre 16 ng pasistang militar sa pagtatanggol sa interes ng pamilya Cojuangco at iba pang malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Kailanman ma'y hindi malilimutan ang kanilang kabayanihan at sakripisyo bagkus ay magsisilbing inspirasyon ito ng mga rebolusyonaryo at mamamayan sa buong bayan. Haharapin ng pasistang rehimeng Arroyo sa taong susunod ang poot ng puu-puo o daan libong manggagawa, magsasaka at manggagawang bukid sa Luson, Bisaya at Mindanao na kaparis nang bumabangon at nakikibaka tulad ng magigiting na anak-pawis ng Hacienda Luisita.

Mabungang taon ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Pagsulong ng armadong pakikibaka. Matatagumpay na taktikal na opensiba ang nailunsad ng BHB mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 15 , 2004 sa ibat ibang larangang gerilya at probinsya sa Gitnang Luzon. Sagot ito ng hukbong bayan sa walang awang pagmamasaker ng mga tropa ng 69th IB ng Philippine Army sa mga manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16 at sa pagsasalbeyds sa iba pang lider magsasaka. Ang sunud-sunod na taktikal na opensiba sa loob lamang ng 16 araw ay nagdagdag sa arsenal ng BHB ng 32 matataas na kalibreng baril kabilang ang 1 masinggan, at 2 pistola. Narito ang listahan ng mga TO:

  • Ambus sa isang platun ng Charlie coy ng 56th IB noong Nobyembre 30, 2004 alas tres ng hapon sa Barangay Pasong Bangkal, San Ildefonso, Bulacan. Napatay ang 14 na reaksyonaryong militar kabilang ang isang tenyente (si Lt. Ben Puyao), 1 technical sergeant at 1 staff sargeant, at napasuko ang 5 pa. Nakumpiska ang 18 HPR na kinabibilangan ng 1 � M60, 1 M203, 3 M14, 11 M16A1, at 2 M16A2. Nakumpiska rin ang 2 radyong Motorola at ang mapang nagpapakita sa saklaw , tagal, plano at mga yunit na sangkot sa 5-araw na operasyon kung saan kabahagi ang naambus na tropa.

Ang operasyon ng 56th IB ay pinangalanang "Oplan Thunder 17-06" at dito ay sangkot ang 3 platun ng Charlie coy ng 56th IB. Ang target ng operasyon ay isang lugar sa Camaching, Dona Remedios Trinidad na inakalang kinakampuhan ng BHB, lugar na malayo sa mga binabaha. Malaking kasinungalingan ang ipinangangalandakan ng AFP na magsasagawa ng relief operations ang na-wipe out na platun.

Sa buong panahon ng labanan ay mataas ang morale ng mga Pulang mandidirgma na habang nakikipagputukan ay sumisigaw ng "Ipaghiganti ang mga martir ng Hacienda Luisita!"

  • Pagpaparusa sa retiradong Chief Inspector, Leonardo Manuel, dating hepe ng Porac noong Disyembre 5.

  • Reyd sa isang detachment ng PNP sa Barangay Bareto, Olongapo City noong Disyembre 9, 2004. Napatay ang nanlabang 3 elemento ng PNP na kinabibilangan ni Insp. Ernesto Cruz, SPO2 Bologto Ramos at SPO1 Emerson Valdez. Napatay din ang kanilang asset na si Felix Tacbas. Nasamsam ng mga Pulang mandirigma ang 3 M16 at 1 transceiver.

  • Reyd na walang putok sa tactical command post ng RSOT ng 69th IB sa Barangay Masangsang, Mexico, Pampanga noong Disyembre 12, 2004 2: 30 p.m. Nasamsam ang 1 M203, 2 M16, 2 computer, isang global positioning system device, 2 cellphone at iba pang gamit militar. Sumuko at hindi nanlaban ang 2 sundalo ng C coy ng 69th IB, ang yunit ng Philippine Army na kinabibilangan ng mga elementong namaril at pumatay sa mga manggagawa at magsasaka sa Hacienda Luisita at sumalbeyds sa lider magsasakang si Marcelino Beltran. Matapos kausapin at paliwanagan, pinawalan ang 2 bihag kasama si 2Lt Rizalino Oca bilang pagtalima sa Articles of War ng Geneva Convention ng 1948 at sa Komprehensibong Kasunduan sa Pagrespeto sa mga Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas o CARHRIHL.

Ang naturang command post ay namumuno sa 5 team ng RSOT sa mga barangay ng San Vicente, Laput, Sta. Maria, Sebitanan at Divisoria sa Mexico. Naubligang umupa ng safehouse ang militar matapos tumanggi ang lokal na opisyales ng mga barangay at ang masa sa baryo na magtayo ng detatsment sa kanilang lugar ang militar.

  • Pagpaparusa sa isang kompanya ng telekomunikasyon na nagmamatigas sa hindi pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis sa Hermosa, Bataan noong Disyembre 13, 2004.

  • Commando attack sa isang checkpoint ng PNP sa Barangay San Isidro, Tarlac City noong Disyembre 13, 2004. Napatay ang isang nanlabang pulis na si SPO2 Froilan Biag at sumuko ang isa pa, si SPO2 Eduardo Jarillo. Nasamsam ang 1 M16 at isang kalibre 45 pistol.

  • Reyd na walang putok sa munisipyo ng Carranglan, Nueva Ecija noong Disyembre 15, 2004. Nasamsam ang 5 M16, 3 cellphone, 1 radio transceiver at maraming magasin at bala. Hindi nakapalag ang nagbabarahang mga pulis sa sorpresang atake ng mga Pulang mandirigma na tumagal lamang ng ilang minuto.

Matagumpay na naipatupad ang mga taktikal na opensiba ng BHB dahil sa aktibong paglahok at suporta ng masa na nagsilbing mata at tenga ng hukbong bayan, sa mataas na diwang palaban ng mga Pulang mandirigma at sa pag-unlad sa mga teknika at taktika sa labanan bunga ng paulit-ulit na mga pagsasanay pulitiko-militar ng mga opisyal malitar at tauhan ng hukbong bayan at mga pagsasanay sa iba pang espesyal na linya ng gawain.

Sa serye ng mga TO ay wala ni isang sibilyang nadamay at hindi pinarusahan o sinaktan ang mga sundalong sumuko at yaong wala na sa katayuang lumaban (hors d' combat). Ito ay pagtalima sa internasyunal na mga batas ng digma at pagrespeto sa mga karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Kabaligtaran ito ng kontra-rebolusyonaryo at anti-mamamayang karahasan ng reaksyonaryong AFP na nagmasaker sa hindi armadong mga manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita na naggigiit lamang ng lehitimo nilang mga kahilingan at karapatan. Hindi pa nasiyahan sa masaker ay ipinagpapatuloy pa ng reaksyonaryong militar ang pagsalbeyds sa mga lider magsasaka at iba pang sibilyan para maghasik ng teror at patahimikin ang militanteng paglaban ng mga manggagawa at manggagawang bukid. Kitang-kita sa mga pangyayari na ang AFP ay reaksyonaryong hukbo ng mga Cojuangco at ng uring panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador samantalang ang BHB ay hukbo ng mga manggagawa, magsasaka, at iba pang inaapi't pinagsasamantalahan.

Ang iba pang taktikal na opensibang inilunsad ng BHB alinsunod sa linya ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya sa taong 2004 ay ang sumusunod:

  • May 26, 2004. Bgy. Bulaon, San Fernando City, Pampanga. Reyd na walang putok sa isang PNP substation . Nakumpiska ang 3 M-16, 1 9MM pistola.

  • Hunyo 2004. Angat, Bulacan. Pinarusahan si Chief Inspector Tomas de Armas, hepe ng pulisya sa Angat.

  • Hunyo 14, 2004. Masinloc, Zambales. Kinumpiska sa bahay ni Jun "Nano" Chua, tauhan at birador ni Gov. Vic Magsaysay ng Zambales at protector ng droga at sugal, ang 2 M16 at 2 pistolang kalibre 45.

  • Hunyo 20, 2004. Iba, Zambales. Pinarusahan si Maj. Asuncion ng RSAF (Regional Special Action Force).

  • Hunyo 29, 2004. Ditumabo, San Luis, Aurora. Inambus at napatay ng 1 tim ng BHB si Corporal Jojo Pamilagan, isang intelligence officer ng Charlie coy ng 48th IB.

  • Hulyo 14, 2004. Sityo Florida, Barangay Villa Floresta, San Jose, Nueva Ecija. Inisnayp ng isang iskwad ng BHB ang 4 na abusadong elemento ng RSOT tim . Patay agad si Sgt. Claudio Banyada, tim lider ng 2 yunit ng RSOT sa baryo Villa Floresta at Kita-kita. Namatay sa ospital ang 3 pa.

  • Hulyo 15, 2004. Barangay Aplayang Malaki, Dingalan, Aurora. Ni-reyd ng mga Pulang mandirigma ang Yama, isang dating sawmill na naging kuta ng Red Vigilante Group, isang grupong paramilitar at kriminal na nakikipagsabwatan sa mga bandidong RHB at RPA-ABB. Klining ang 1 M16, isang .38 pistola at isang binoculars.

  • Agosto 25, 2004. Talavera, Nueva Ecija. Pinarusahan si Major Ernesto Parungao, pinuno ng intelligence ng PNP sa Nueva Ecija at nasa R-2. Klining ang isang 9 mm Berreta pistola. Kasama si Parungao na dumukot at nag-salbeyds kina Johnny Orcino at Honorio Ayroso ng Nueva Ecija noong taong 2002.

  • Oktubre 9, 2004. San Luis, Aurora. Inisnayp ng isang tim ng BHB ang mga elemento ng 9SR Coy at napatay ang 4 sa kanila.

  • Oktubre 17, 2004. Pinarusahan ng isang tim ng BHB si Staff Sgt. Orlando Mistica ng Philippine Navy at aktibong intelligence ng RSAF. Kasabwat ni Jun "Nano" Chua sa droga at sugal at kilalang maton at mangongotong ng Subic.

Maging sa mga labanang depensiba ay nagpakita ng tining at tatag ng loob ang mga Pulang mandirigma.

Sa Penaranda, Nueva Ecija noong Oktubre 3, 2004, nakapatay at nakasugat ang BHB ng tinatayang 8 hanggang 10 sundalo matapos maengkwentro sa mga tropa ng 56th IB at 71st IB ng Philippine Army. Binaligtad ng militar ang pangyayari at ipinangalandakang 8 mandirigma ng BHB ang kanilang napatay gayung wala ni isa mang napinsala sa huli.

Sa Sitio Umangan, Barangay Balite, Pura, Tarlac, noong Oktubre 11, 2004 napadepensiba ang isang platun ng BHB sa higit sa isang batalyong sundalo at pulis na may dala pang tauhan ng media sa pag-asang madudurog ang yunit ng hukbong bayan. Sa labanan sa tubuhan na tumagal ng 3 oras, napatay ang 9 na reaksyonaryong tropa samantalang wala ni isa mang napinsala sa BHB. Ang pagkabigong militar ay sinundan pa kinabukasan ng malaking kamalian sa pulitika ni Lt. Col Visaya, CO ng 69th IB nang pagbobombahin ang mga tubuhan, sapilitang ilikas at pigilin ang mga taumbaryo at walang pahintulot na halughugin ang kanilang mga tahanan. Ang ganitong pambobomba sa kapatagan ng Gitnang Luzon ay huling ginawa noon pang mga taong 1970 at ngayon lamang muli inulit. Sa laban sa Pura, muling nagtulungan ang mga yunit sa Tarlac, Pampanga at Nueva Ecija sa pag-ayuda sa napapalabang mga kasama. Malaki rin ang naitulong ng masa sa maagap na pagpapaabot ng impormasyon ukol sa kaaway at sa pagtulong sa mga kasama sa pag-atras.

Ang masa ang tubig na nilalanguyan ng mga isda, ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Ang masa ang walang pagkatuyong balon na pinagmumulan ng mga Pulang mandirigma. Ang mahigpit na ugnayan ng masa at ng BHB ay nahihinang sa pagsusulong ng rebolusyonaryong agraryo at iba pang kilusang antipyudal sa kanayunan. Isang mahusay na halimbawa ang ipinatupad sa larangang gerilyang patag sa Nueva Ecija kung saan higit 4,000 manggagawang bukid ang nakinabang sa pagpapataas ng upang tanim at 1,000 pa ang nakinabang naman sa pagpapataas ng hunusan pabor sa mga manggagapas. May mga nakinabang din sa pagpapababa ng interes sa utang. Sa maraming bayan sa Nueva Ecija, libu-libo ang nakinabang sa pagpapataas ng presyo ng palay at sibuyas.

Pinakatampok sa rehiyon ang militanteng pakikibaka ng mga anak-pawis sa Hacienda Luisita. Rumurok sa welga ang pakikibaka ng mga manggagawa at manggagawang bukid para sa kaseguruhan sa trabaho, sahod at mga benepisyo. Sinuportahan ito ng libu-libong mga kapamilya at simpatisador, na tulad nila ay matagal nang naipon ang makauring galit sa deka-dekadang pyudal na pagsasamantala at pang-aapi. Nasa kaibuturan nito ang matagal nang minimithing karapatan sa lupang patuloy na kinakamkam ng mga Cojuangco.

Masaker ang itinugon ng mga Cojuangco at ng pasistang rehimeng Arroyo sa lehitimong kahilingan at pakikibaka ng masang anakpawis sa asyenda. Nang hindi kinaya ng tirgas at bombero na buwagin ang piketlayn, ginamitan ng mataas na kalibreng riple ang mga welgista. Ibayong sumiklab ang galit ng mamamayan, di lamang sa loob, kundi maging sa labas ng asyenda, sa pagkamatay ng 14 na welgista, taga-suporta at mga sakada. Kinundena ang masaker ng malawak na masa ng manggagawa, magsasaka, mga petiburgis at maging ng ilang seksyon ng mga naghaharing uri. Nakatutok ang paniningil sa mga Cojuangco at sa rehimeng Arroyo sa kanilang karumal-dumal na krimen.

Ang marami at paulit-ulit nang mga pakikibakang antipyudal at iba pang pakikibakang masa sa maraming larangang gerilya ay malaking batayan para malawakan nang itayo ang mga ganap na samahan ng mga magsasaka, kababaihan at kabataan sa kanayunan. Dapat iwasto ang matagal-tagal na ring kahinaan ng sobrang pagkakahuli ng antas ng organisasyon ng masa relatibo sa kanilang paglahok sa kilusang masa at armadong pakikibaka.

Mga tagumpay sa pagsusulong ng kilusang masa sa kalunsuran.

Pinakamalaking nag-ambag ang mga kasama sa puting purok sa paglaki ng kasapian ng Partido sa pagtatapos ng taong 2003 at nag-ambag kahit nitong 2004. Ito ay nagawa dahil naisulong ang masiglang kilusang masa. Ang lokal na mga pakikibaka sa hanay ng mga sektor at sa iba't ibang teritoryo ay pana-panahong tinahi ng mga pamprobinsya, panrehiyon at pambansang pagkilos. Nakakasabay ang rehiyon sa kumpas ng pambansang kilusang masa at mga kilos protesta at sa ilang pagkakataon ay nagpakita ng malaking inisyatiba sa mas maagang pagharap sa mga maiinit na isyu.

Ilang ulit na nakapaglunsad ng welga sa transport sa halos lahat ng probinsya ng Gitnang Luzon kabilang ang Pangasinan para tutulan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at gasolina, itakwil ang deregulasyon at inasyunalisa ang industriya ng langis. Pinakahuli rito ang inilunsad noong Nobyembre 8 sa sarili munang pagsisikap ng rehiyon at noong Nobyembre 25 kasabay na ang iba pang rehiyon.

Nailunsad ang lakbayan ng mamamayan laban sa programang North Rail Transit na magpapapalayas at magdidisloka sa daan-daan libong pamilyang maralita sa tabi ng riles. Sa Bulacan, ang lakbayan sa riles ay ginawa mula Meycauyan hanggang Malolos, sa Pampanga mula Sto. Tomas hanggang Clark, at sa Tarlac mula Tarlac City hanggang Bamban.

Patuloy na nakikibaka ang masang manggagawa para itaas ang sahod at lumalaban sa panunupil sa pag-uunyon at pagwewelga. Maihahalintulad sa panahon ng batas militar ang tindi ng represyong ipinatutupad ng sabwatan ng estado at mga kapitalista laban sa anumang klase ng sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at laban sa anumang antas ng pag-uunyon na kanilang ginagawa. Nilalabanan din ang kontraktwalisasyon na kakabit na problema ng kawalang empleyo ng milyong labor force dahil sa kawalan ng komprehensibo, pambansang industriyalisasyon at kung tutuusin ay de-industriyalisasyon pa nga.

Tuluy-tuloy na isinusulong ang lokal na mga pakikibaka sa hanay ng iba't ibang sektor at sa mga teritoryo. Nilabanan ng militanteng kabataan sa mga eskwelahan ang pagtataas ng tuition fee at pagpapataw ng iba pang walang katwirang bayarin. Nilalabanan din ang korporatisasyon sa mga state universities at colleges na nagtatago sa diumanong income generation para pagtakpan ang sobrang pagliit ng pondo ng gubyerno para sa edukasyon. Sa pagpasok ng pribadong negosyo sa mga state colleges at universities ay napagsasamantalahan ang mga estudyante sa paggamit ng libre ng kanilang paggawa sa balatkayo ng "practicum", "on the job training" at iba pang iskema.

Namumuo ang muling pagbwelo ng kilusang masa ng mga guro na mababa na ang sweldo ay naantala pa. Biktima ang mga guro ng pangungurakot ng mga pulitiko at ng opisyales ng DepEd. Sobrang pagod sa trabaho samantalang kulang na kulang naman ang sweldo, kapit sa patalim na rin ang mga guro na nababaon sa utang sa interes na napakataas. May mga kaso na mas malaki pa ang naiuuwing sweldo ng mga manggagawa sa pabrika kaysa sa mga guro.

Nilalabanan ng mga maralitang lunsod ang demolisyon ng kanilang mga tahanan at pagpapalayas sa kanila. Walang lupang masasaka sa kanayunan at wala namang mga pabrikang mapagtatrabahuhan sa kalunsuran, wala nang ibang pagpipilian ang maralitang lunsod kundi magrebolusyon.

Bibihira, kung mayroon man, ang mga isyu at suliranin ng masang napalampas o hindi napakitunguhan sa kalunsuran. Kahanga-hanga ang sipag at sigasig ng mga kasamang nasa unahan ng mga pakikibaka. Gayunman, malaki pang pagsisikap ang dapat gawin para mapabilis ang pagpaparami ng mga pultaymer at pagpapaunlad ng mga aktibista nang sa gayon ay mas maraming makatuwang ang mga kadre sa mga gawain. Ang tungkulin ay mag-organisa, mag-organisa at mag-organisa pa ng libu-libong mamamayang napalalahok sa mga protesta at pakikibakang masa. Itakwil ang konserbatismo at mapangahas na magpalawak at magpalaki ng lihim na mga organisasyong masa at ng Partido nang hindi pinahihintulutang makapasok ang sinumang di kanais-nais, habang pinalalawak at pinatatag ang mga organisasyong hayag. Palakihin pa ang ambag na personel para sa hukbong bayan at gawain sa kanayunan gayundin ang suportang materyal para sa armadong pakikibaka. .

Pagsulong ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Ang paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino ang kataas-taasang tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nagpapatuloy ang pagpapatupad ng mga kurso ng pag-aaral sa Batayang Kurso at Intermedyang Kurso ng Partido para sa sistematikong pag-aaral sa proletaryong teorya. Mababa pa ang porsyento ng napagtatapos ng pag-aaral sa BKP ngunit inaasahang makabuluhang maitataas ito sa simplipikasyon ng kurso at paggamit ng mga teknikal na kaunlaran para mas mabilis itong matapos.

Nagpapatuloy ang mga pagsisiyasat at pananaliksik para maitakda ang wastong linyang pampulitika sa mga taktikal na laban sa mga sektor at sa teritoryo at ito ay sinisikap iugnay sa pangkalahatang linyang pampulitika ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat magpakahusay sa ganitong pag-uugnay para ang masang napapakilos sa lokal na mga laban kaugnay ng lokal na mga isyu ay madala sa lansangan at mapalahok sa mas masasaklaw na pakikibakang anti-imperyalista at anti-pasista. Kailangang magpatupad ng mga pamamaraan sa mas mabilis at maramihang pagpapatapos ng pag-aaral sa pangkalahatan at espesyal na mga kursong masa at mga paksa sa PaDePa. Dapat magmatyag sa repormismo na maaaring hindi namamalayan at hindi sinasadya, dahil sa kabiguang ilapit at dalhin ang masa sa landas ng armadong rebolusyon.

Regular na nagtatasa at nagpupunahan ang mga yunit ng Partido para makita ang pag-unlad ng mga gawain at mapahusay pa ang paggawa at istilo ng paggawa. Nagtutulungan ang mga nasa kolektibo ng Partido para sa pagpapanibagong hubog ng bawat kasama, sa pagtatakwil ng burges at petiburges na mga kaisipan at gawi at pagpapatatag ng proletaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan sa kurso ng paglahok sa buhay at pakikibaka ng masa.

Sa pamumuno ng Komiteng Rehiyon at mga komiteng probinsya, bukod sa regular na istruktra ng organisasyon ay may dagdag na mekanismo ang Partido sa rehiyon para maagap at napapanahong maharap ang pagpaplano at implementasyon ng mga balak sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, ng rebolusyong agraryo at kabuuang gawain sa kanayunan at ng kilusang masa sa urban. Mulat ang mga kadre at kasapi ng Partido na itaguyod ang demokratikong sentralismo, ang prinsipyong pang-organisasyon ng Partido. Ang mga pahayag, paglilinaw at patakarang pinagtitibay ng Komite Sentral ng Partido at iba pang sentral na organo ay tinatalakay at may demokratikong partisipasyon ang mga kasapi ng Partido sa mapanlikhang pagpapatupad ng mga ito.

Patuloy ang paglaki ng kasapian ng Partido sa rehiyon na umaabot na ng ilang libo at inaasahang higit pang bibilis ang tantos ng paglaki nito dahil sa sigla ng kilusang masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran.

Matinding krisis sa ekonomya at pulitika: kondisyon para ibagsak ang rehimeng Arroyo. Ibinagsak ng malapad na nagkakaisang prenteng popular na nag-alsa at ng pagtanggal ng suporta ng reakyonaryong militar ang rehimeng Marcos noong 1986 at ang rehimeng Estrada noong 2001 kasunod ng napakatitinding krisis sa ekonomya at pulitika ng mga taong iyon at noong sinundang taon. Nasa matinding krisis na naman ngayon ang naghaharing sistema at dahil dito ay nanganganib na bumagsak ang rehimeng Arroyo sa susunod na taon. Kapansin-pansin ang papadalas na pagbulusok ng kronik na krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal. Sadyang hinog na hinog ang sitwasyon para sa rebolusyon.

Ganito ang pagsusuri ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa krisis:

"Walang kapantay ang tindi ng krisis at kinakaladkad nito ang reaksyunaryong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa panibagong antas ng pagkabulok at pagguho. Ang krisis na ito ay hindi maihihiwalay na bahagi ng malalang krisis ng sistemang imperyalista sa buong daigdig. Ang masang manggagawa at magsasaka at iba pang maralita ang pinakamatindi at pinakamalupit na hinahagupit nito.

Pinakalitaw na mga palatandaan ng krisis ang hindi maampat na pagdurugo ng sektor publiko sanhi ng pagbagsak ng kita at di makontrol na paglobo ng depisit sa badyet at utang ng gubyerno. Bangkrap at lubog na lubog sa utang ang reaksyunaryong gubyerno.

Sinasakal ito ng sobrang laki ng bayarin sa utang at minumulto ng nakaambang banta ng kumpletong pagkabigong mapinansyahan ang gastos sa operasyon at iba pang mga bayarin.

Umaabot na ang kabuuang utang ng sektor publiko sa P6 trilyon-halos 130% ng Gross Domestic Product (GDP) at maraming ulit na lampas sa pandaigdigang pamantayang 25% ng GDP para sa kainamang antas ng utang publiko. Sa loob ng nakaraang dalawang dekada, mahigit doble ang inilaki ng utang ng reaksyunaryong gubyerno kumpara sa inilaki ng nominal na ekonomya at lalong higit pa kumpara sa sisinghap-singhap at hindi lumalagong tunay na ekonomya. Pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas ang inutang ng rehimeng Arroyo sa unang tatlong taon nito. Sa 2005 mahigit P700 bilyon (o 70% ng kita ng gubyerno) ang napupunta lamang sa bayad-utang, na ang mahigit P300 bilyon ay para lamang sa interes. Ang kabuuang utang panlabas ng Pilipinas ay umabot na sa halos $60 bilyon (mahigit P3.3 trilyon) at ang taunang bayad-utang ng gubyerno para dito ay umabot na sa halos P400 bilyon.

Pero higit na mahalagang tukuyin ang pagbagsak ng produksyon at ng tunay na ekonomya bilang dahilan sa likod ng mga litaw na problema sa pananalapi. Ang pangunahing ugat ng talamak at napakalubhang krisis sa kabuhayan-na sadyang pinagtatakpan ng reaksyunaryong gubyerno at mga ekonomistang burgis na promotor ng "globalisasyon"-ay ang pag-iral ng atrasado, lugmok-sa-krisis at bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema ng ekonomya at lipunan, na higit pang pinasasahol ng walang habas na pananalasa ng mga dambuhalang bangkong internasyunal at mga monopolyong korporasyong transnasyunal sa ilalim ng patakarang "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.

Ang papet na rehimeng Arroyo ay pikit-matang sunud-sunuran sa mga dikta ng imperyalismong US at mga ahensyang internasyunal na kontrolado nito, pangunahin ang IMF-WB-WTO. Kaalinsabay, pinaigting ng US ang kanyang diplomasyang pangkalakalan at tuwirang panghihimasok, gamit ang mga ahensyang tulad ng USAID (United States Agency for International Development) at AGILE (Accelerating Growth, Investment and Liberalization with Equity), para ipataw ang mga batas, patakaran at programang pabor sa malaking negosyong US at nagtataguyod sa "globalisasyon," liberalisasyon at deregulasyon. Walang renda ang pandarambong ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa lakas paggawa at likas na yaman ng bansa. Pumipiga sila ng superganansya sa pamamagitan ng kalakalang kolonyal, usurang internasyunal, manipulasyon sa mga kontrata, ispekulasyon sa mga sapi at pananalapi, pagsakmal sa mga korporasyong pag-aari ng estado sa presyong bargeyn, murang hilaw na materyales, at iba pang sari-saring panggagantso at pakana. Hinuhuthot ng imperyalistang "globalisasyon" ang masang manggagawa at magsasaka, ang mga propesyunal, intelektwal at iba pang petiburgesyang syudad, at maging ang mga negosyanteng panggitna.

Sinasagasaan ng imperyalistang "globalisasyon" ang anupamang natitirang proteksyon sa lokal na industriya at ekonomya at sinasagkaan ang pambansang industriyalisasyon at pag-unlad. Kasabwat ang lokal na malaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa, sinasamsam at minomonopolisa ng mga imperyalista ang mga estratehikong sektor ng ekonomya, kabilang ang mga negosyo at serbisyong pampubliko. Maging ang agrikultura ay sinasalanta ng pagbaha ng mga imported na palay, mais, prutas, gulay, asukal, isda, karne, tabako, bawang at iba pang produktong agrikultural.

Todong binubuksan sa dayuhang monopolyong kapital ang lokal na pamilihan at negosyo habang ang mga industriya at negosyong lokal ay inoobligang makipagsabayan sa brutal na kumpetisyon sa pandaigdigang pamilihang nalulukob ng labis na produksyon at labis na suplay ng halos lahat ng tipo ng kalakal. Noon pang huling bahagi ng dekadang 1970 bumagsak dahil sa sobrang suplay ang presyo at pamilihang internasyunal para sa mga tradisyunal na eksport na hilaw na materyales gaya ng asukal, troso, kopra, mineral at iba pang katulad. Hindi pa nakakabawi ang mga ito hanggang ngayon. Mula huling bahagi ng dekadang 1980 tumindi naman ang krisis sa sobrang produksyon ng mga mumurahing malamanupaktura gaya ng kasuotan at sapatos, laruan, mga elektronikong produktong pangkonsumo, at iba pang katulad. At mula 2000 bumagsak maging ang pamilihan para sa mga mamahaling produktong high-tech.

Wala pang katulad sa nakaraang 50 taon ang lala ng nagaganap na pagbagsak ng lokal na agrikultura at industriya dulot ng matumal na benta sa pamilihang internasyunal at pagdagsa ng imported na mga produkto, kasabay pa ang paglala ng ismagling na kasabwat mismo ang mga taga-Malakanyang. Pinakamatinding tinatamaan ang industriya ng asukal, gulay, manok at baboy, semento, produktong katad, kasuotan at iba pa. Ang tuluyang pag-alis ng kota sa kasuotan sa US sa susunod na taon ay pinaniniwalaang maglilibing sa lokal na industriya ng kasuotan.

Ang matinding krisis ay lalo pang pinasasahol ng talamak na korapsyon sa reaksyunaryong gubyerno. Walang kapantay ang paglaki, paglawak, paglubha at kawalan ng pakundangan ng pangungurakot at pandarambong ng matataas na burukratang sibil at militar. Tinatayang umaabot sa mahigit 20% ng kabuuang badyet ng reaksyunaryong gubyerno o mga P200 bilyon ang taunang nawawala dulot ng korapsyon. Sa nakaraang eleksyon, bilyun-bilyong pondo ng PAGCOR, Philhealth, NIA, Department of Agriculture, Quedancor at iba pang ahensya ng gubyerno ang garapal na ginamit para sa kampanya ni Arroyo at ng partido niya.

Taun-taon P90 bilyon ang badyet ng AFP, PNP at ng paniniktik ng Malakanyang bukod sa bilyun-bilyon pang nakatago sa badyet ng iba't ibang departamento at ahensya na ginagasta ng reaksyunaryong militar o di kaya'y para sa pangangailangan at mga operasyon nila. Nilulustay ang pondong ito sa pagmamanman at pagsupil sa mamamayan, laluna ang mga lumalaban na buong bangis na sinasalakay. Kinukurakot din ito ng matataas na upisyal ng militar at pulisya.

Sa kabuuan, lalo pang naging atrasado, palyado, bulok, bangkrap at lugmok ang kabuhayan ng Pilipinas. Habang nakagapos sa imperyalistang "globalisasyon," ang bulok na ekonomyang malapyudal ay lubos na walang pag-asang makaahon sa krisis. Lahat ng palatandaan ay nagbabadya ng patuloy at higit pang paglala sa halip na paglubay ng krisis.

Labis-labis na ang paghihirap ng masang manggagawa at magsasaka at iba pang maralitang binibiktima ng laganap na disempleyo, pagbagsak ng kabuhayan, kawalang kasiguruhan sa kita, at matinding kasalatan sa mga saligang pangangailangan. Ang masama ay lalo pang titindi ang kanilang mga tinitiis bunga ng krisis at ng walang patawad na pagpiga pa ng papet na rehimeng Arroyo upang maipasa sa mga uring pinagsasamantalahan at inaapi ang buong pasanin sa krisis.

Ang papet na rehimen ay desperadong naghahagilap ng dagdag na kita at pondong maipantutustos sa operasyon at mga bayarin ng reaksyunaryong gubyerno-habang pinangangalagaan ang superganansya ng mga dayuhang monopolyo at tinitiyak ang bayad-utang sa mga dambuhalang bangkong internasyunal at lokal. Patung-patong na buwis, sunud-sunod na pagtataas ng presyo at walang katapusang paghihigpit ng sinturon ang inoobliga ng reaksyunaryong gubyerno sa taumbayan. Wala pang isang buwan matapos ipangako sa kanila ni Arroyo ang buwan at mga bituin sa kanyang tinaguriang 10-puntong programa, hindi na makahinga ang taumbayan sa sunud-sunod na pait at pahirap na isinusubo sa kanila ng papet na gubyerno. Walong bagong buwis na naglalayong kumulekta ng dagdag na P80 bilyon hanggang P127 bilyon ang itinutulak ng Malakanyang na aprubahan ng Kongreso para ipambayad sa utang at gastusin sa operasyon ng NAPOCOR at iba pang korporasyong pag-aari ng gubyerno.

Samantala, ang mga dambuhalang bangkong internasyunal at lokal ay tinitiyak na makatatanggap ng kanilang dambuhalang interes at singil sa pautang. Ang mga monopolyong korporasyon ay pinagpapasasa sa libre o di kaya'y pakitang-taong buwis, mga kontratang hindi patas, napakataas na rate of return on investment na may garantiya ng batas at iba pang sari-saring kaluwagan at pakinabang. Sa katunayan, ang daan-daang bilyong bayarin sa buwis at taripa na nailibre ng mga monopolyong kapitalista at mga lokal na kasosyo nila-bukod pa sa matatabang subsidyo at insentibong bigay sa kanila sa ilalim ng mga patakarang nagtataguyod sa "globalisasyon" at liberalisasyon-ang isa sa pinakamalaking dahilan sa pagbagsak ng kita at pagdurugo ng gubyerno sa nakaraang walong taon. Umaabot sa P400 bilyon taun-taon ang halaga ng mga insentibong wala namang maipakitang ibinubungang makabuluhang pag-unlad at paglago.

Para daw makapagtipid, inianunsyo ng reaksyunaryong gubyerno ang balak na pagsibak sa 30% o 420,000 sa 1.4 million kawani ng gubyerno. Sa kabilang banda, walang namang tigil ang pangungurakot, katiwalian at paglustay sa kaban ng bayan ng malalaking burukratang kapitalista. Kamakailan, nabulgar ang iskandalosong sweldo, alawans at honorarium ng matataas na upisyal ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno na ang ila'y umaabot sa halos P10 milyon, bukod pa sa naglalakihang mga pribilehiyo, luho at kurakot. Alam ng madla na ang mga pusisyon sa mga korporasyong ito ay gamit na pabuya sa pinakamalapit na mga tagasuporta sa pulitika, kroni at kamag-anak ng naghaharing paksyong reaksyunaryo. Dahil gatasan ng mga nasa poder at ng kasabwat nilang lokal at dayuhang mga ispekulador at manunuba, ang mga korporasyong ito ay tambak sa mga kontratang baluktot, nalulugi ng daan-daang bilyon bawat taon, lubog sa utang, malakihang lumulustay ng pondong publiko, at nangungunang sanhi ng gabundok na utang at depisit ng reaksyunaryong gubyerno.

Mahigpit na hinahadlangan ng reaksyunaryong rehimen ang makatarungang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at sweldo ng mga kawani sa gubyerno habang todo-larga sa paulit-ulit at sobra-sobrang pagtataas ng singil ng mga dambuhalang kompanya ng langis at pampublikong yutilidad. Walang awa at walang pakundangang kinakaltasan ang pondo para sa mga serbisyong publiko at panlipunan kahit dati nang lubhang kapos, atrasado, naghihingalo at uhaw na uhaw sa pondo ang sistema ng pampublikong edukasyon, kalusugan at pabahay at labis nang busabos ang pamumuhay ng karaniwang mamamayan."

Pumatong at nagpapalala sa krisis ang epekto ng mga kalamidad na dulot ng mga bagyo at pagbaha. Ang masang anak-pawis pa rin ang pinakamatinding hinagupit ng kalamidad. Sila'y namatayan, nasugatan, nawalan ng bahay, mga hayop at ari-arian, at natabunan ang mga palayan at taniman. Mas matinding gutom at pagdarahop ang tiyak nilang daranasin sa sunod na taon at mas malaon pa. Walang dapat sisihin kundi ang sakim na imperyalismong US at ang malalaking burgesya kumprador na noon pang 1950s nagla-logging at nangangalbo ng kagubatan.

Pinaiigting ng krisis sa ekonomya ang krisis sa pulitika. Tumitindi ang bangayan ng mga reaksyonaryo at lantaran na ang pagkakapaksyon at pusisyunan sa hanay ng reaksyunaryong militar. Ang milyong taong nagpunta sa burol at nakipaglibing kay Fernando Poe ay hindi simpleng tagahanga ng namatay na artista bagkus ay pagpapakita ng galit at disgusto sa inutil, korap, papet, pasista at mandarayang si Arroyo. Napapanahong ipanawagan ang pagpapatalsik kay Arroyo.

Ganito ang pagsasalarawan ng Komite Sentral sa krisis sa pulitika:

"Ang pagsambulat ng krisis sa pananalapi at ekonomya ay lalong nagsusulsol sa mga reaksyunaryong anti-Arroyo na nagpupuyos pa ang galit sa malawakang dayaan sa katatapos na eleksyon. May kanikanilang mga galaw at pakana ang mga paksyon nina Estrada, Honasan, Danding Cojuangco, FPJ at mga Marcos para ipitin, hadlangan at igupo ang naghaharing paksyon. Nababalot ng mga paratang at bantang deestabilisasyon at kontra-deestabilisasyon ang mga girian at maniobrahan ng mga reaksyunaryong magkakaribal sa pulitika.

Nasa gitna ng gulo ang mga makapangyarihang paksyon sa loob ng reaksyunaryong militar at pulisya kaya pwedeng mabilis na bumaling sa karahasan ang mga alitan ng mga reaksyunaryo. Kapuna-puna ang mga retiradong heneral sa mga nagpapanukala sa pag-agaw ng AFP sa kapangyarihan at pagtatayo ng civilian-military junta. Aktibo sila sa mga aksyong protesta at mga pagtitipong inoorganisa ng mga reaksyunaryong anti-Arroyo, samantalang ipinupwesto sa matataas na pusisyong sibilyan ang mga retiradong heneral na kabig ng naghaharing paksyon. Maigting ang intrigahan, maniobrahan at agawan sa pusisyon, mga pribilehiyo at kurakot ng mga paksyon sa militar at pulisya.

Ang AFP at PNP ay hindi lamang inutil sa pagsugpo sa malaganap at malalang kriminalidad. Mga mataas na pinunong militar at pulis mismo ang utak o di kaya'y protektor ng pinakamalalaking sindikato sa ismagling, kidnapping for ransom, panghoholdap ng mga banko, huweteng at iba pang iligal na sugal, iligal na droga at iba pang gawaing kriminal.

Laganap ang diskontento sa hanay ng karaniwang sundalo at nakabababa't kabataang upisyal ng militar at pulisya dahil sa malalang kurakutan, korupsyon, paboritismo at kriminalidad ng matataas na upisyal, kawalan ng demokrasya sa loob ng AFP at PNP, kapabayaan sa kanilang kapakanan at kaligtasan, at malubhang pagkakahiwalay sa masa bunga ng mga patakaran at gawaing anti-mamamayan at pasista. Dumarami ang hindi na makatiis sa mersenaryong pakikipagkutsabahan sa bulok na mga reaksyunaryong pulitiko at ang paninikluhod at paninibilhan sa mga dayuhang imperyalistang nagpapaigting ng kanilang armadong interbensyon base sa imbitasyon ng Malakanyang at Kampo Aguinaldo. Aktibo ang mga grupong lihim na nag-aahita at nag-oorganisa sa loob ng AFP at PNP. Paminsan-minsan ay pumuputok ang mga armadong protesta gaya ng sa Oakwood o di kaya ang mga indibidwal na paglantad at pagbatikos sa mga kasamaan sa AFP at PNP. Palatandaan ang mga ito ng kumukulong kalagayan sa loob ng reaksyunaryong militar at pulisya.

Sa ngalan ng gerang "kontra-terorismo" pinaiigting ng imperyalismong US ang interbensyong militar at itinutulak ang lalong pagpapatindi ng pasismo at pasisasyon sa bansa. Sa pamamagitan ng walang patid na serye ng mga "pagsasanay" na Balikatan at walang patlang na relyebo ng mga tauhan, ang US ay muling nakapagpipirmi sa bansa ng kanyang mga tropa, armas at kagamitang militar kahit wala pang lantad na baseng militar. Tuluy-tuloy na minamasahe ng mga propagandista ng US ang upinyong publiko para ipatanggap ang mas malawak at mas lantad na armadong panghihimasok hindi lamang laban sa kakarampot na pulutong ng Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah kundi maging sa tunay na mas malalaking target nila, ang MILF-BMA at ang NDF at BHB.

Pinatahimik ng US ang gusot kaugnay ng pagpapauwi ng mga tropang Pilipino sa Iraq dahil pinangangalagaan nito ang kanyang pusisyon at mga operasyon sa Mindanao.

Tuluy-tuloy ang kampanya ng mga propagandista ng imperyalismong US para mas palakihin pa ang badyet ng AFP at PNP at mga operasyong "kontra-terorista." Itinutulak din nila ang mga batas na lalong maghihigpit at maglilimita sa mga karapatan ng karaniwang mamamayan alang-alang sa mas malakas at mas largadong pagtugis at pagsalakay sa mga pinaghihinalaan at pinaparatangang "terorista," isang elastikong kategorya na pwedeng banatin para saklawin maging ang mga ordinaryong welgista at iba pang nagpuprotesta.

Sa sarili nito, ikinakasa na ng reaksyunaryong rehimeng Arroyo ang mas agresibong pagmamanman at pagsalakay sa itinuturing nitong mga kalaban. Walang humpay ang mga operasyon at kampanyang militar laban sa mga larangang gerilya ng BHB. Sa kabila ng kagipitan sa pondo, patuloy na binubuo ang mga bagong batalyon ng Philippine Army at mga yunit ng CAFGU sa iba't ibang sulok ng kapuluan. Pagkatapos ng eleksyon agad pinaigting ang mga opensibang militar at mga operasyong SOT at RSOT sa mga baryo at bayan sa iba't ibang probinsya sa lahat ng rehiyon. Tinatarget hindi lamang ang mga lugar na tukoy na kinikilusan ng mga yunit ng BHB kundi maging ang mga lugar na aktibo ang mga protesta at pakikibakang masa at nagbigay ng malaking boto sa mga progresibong partidong party list.

Ang mga pasistang kahayupang paulit-ulit at walang pakundangang isinasagawa sa Mindoro, na pambansang prayoridad ng AFP sa gera laban sa armadong rebolusyon, ay mas pinalalaganap pa sa ibang rehiyon at probinsya para sindakin sa takot ang mamamayan. Dumadalas at lumalaganap ang mga pagdukot, pagpaslang, iligal na pag-aresto at iligal na paghalughog. Sinasaklaw ng mga operasyong SOT at RSOT maging ang mga poblasyon at syudad sa probinsya na nagpapakita ng lakas at impluwensya ang ligal na kilusang demokratiko.

Upang apulain ang galit ng masa at paypayan ang mga ilusyong repormista iniaalok ng reaksyunaryong rehimen ang pagbabago sa konstitusyon. Ilang ulit nang bumabaling dito ang mga reaksyunaryo kapag nililigalig ng di karaniwang tindi ng krisis ang naghaharing sistema. Pero dala ng aral sa mga nakaraang karanasan, nagmamatyag ang taumbayan dahil mas malamang na gamitin iyon ng mga reaksyunaryo para alisin ang anupamang natitirang konstitusyunal na sagwil sa "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon, gayundin sa libreng interbensyon at operasyong militar ng US sa bansa. Gustong gayahin din ni Arroyo si Marcos at sangkalanin ang pagbabago sa anyo ng gubyerno para magtagal sa Malakanyang nang lampas sa 2010.

Lalong kamuhi-muhi para sa malawak na masa ng sambayanan ang mapagsamantala, mapang-api, papet at bulok na reaksyunaryong makauring paghahari ng malaking burgesyang kumprador at uring malaking panginoong maylupa. Walang hangganan ang kasakiman ng imperyalismong US at mga lokal na alipuris nito. Lahat ng pasistang panunupil at kalupitan ay kanilang gagawin para masugpo ang paglaban ng mga inaapi at mapanatili ang kanilang makauring paghahari. Tanging nasa armadong demokratikong rebolusyong bayan ang kaligtasan ng bayan mula sa kasamaan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo."

Ang ating mga tungkulin

Ang sumusunod ang mahihigpit na tungkuling inilinaw ng Komite Sentral ng Partido sa pahayag nito ng Setyembre 21, 2004:

  1. Mapangahas na palawakin at palakasin ang pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Ituon ang pinakamalakas na hambalos sa reaksyunaryong rehimeng US-Arroyo para ihiwalay at pabagsakin ito. Gayunman, ipagpatuloy ang pagsingil sa at huwag hayaang makalusot ang mga reaksyunaryong anti-Arroyo na malalaking pasistang kriminal at mandarambong na hindi pa nakapananagot sa kanilang mga kasalanan.

  2. Mapangahas na palawakin at paigtingin ang rebolusyonaryong pakikidigmang gerilya. Palawakin at palakasin ang hukbong bayan. Pahusayin ang mga platung gerilya bilang saligang pormasyon sa pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya sa kasalukuyang yugto. Magpunyagi sa pagpapaunlad ng ilang laking-kompanyang larangang gerilya sa bawat rehiyon para makapag-ipon ng sapat na lakas at makagpasigla ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa bilang preparasyon sa higit pang pagpapalawak sa lahat o halos lahat ng mga distrito at munisipalidad. Magpakahusay sa mga taktikang gerilya ng pleksible at napapanahong pagkokonsentra, paghihiwahiwalay at paglipat para magampanan ang mga tungkulin sa pagbubuo ng baseng masa, paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, pagpapalakas ng hukbo, pagbigo sa mga pagsalakay ng kaaway, at iba pa. Higit pang palaganapin at padalasin ang mga taktikal na opensibang kayang ipanalo.

  3. Mapangahas na palawakin at palakasin ang mga kampanya at pakikibakang masa ng mga magsasaka. Bigyan ng pangunahing diin ang pagsusulong ng mga pakikibakang antipyudal, habang inaasikaso ang iba pang tipo ng mga kampanyang masa sa pulitika, organisasyon, ekonomya, edukasyon, kultura at kalusugan. Pabilisin ang pag-oorganisa ng milyun-milyong magsasaka sa mga samahang masang sumasaklaw sa buu-buong baryo at bayan, habang tinitiyak ang pagiging solido ng mga organisasyong masa at pinahuhusay ang mga sikretong paraan ng pagkilos. Itayo ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika sa pinakamaunlad na kulumpon ng mga baryo. Palawakin at palakasin ang pakikibaka sa makahayop na pasistang panunupil sa masang magsasaka. Padagundungin sa buong kapuluan ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

  4. Mapangahas na palawakin ang ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran at kabayanan. Isulong ang malawak na kilusang masa para sa pagtatanggol ng kabuhayan, kagalingan at mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa, magsasaka, iba pang maralita ng lunsod, mga propesyunal at intelektwal, maliliit na negosyante at iba pang uri at saray na inaagrabyado ng imperyalismo, reaksyon at pasismo. Ipaglaban ang makatarungang kahilingan sa dagdag na sahod ng mga manggagawa, umento sa sweldo ng mga kawani, kabuhayan para sa walang trabaho, pabahay para sa mga maralita, at disente at makataong pamumuhay para sa lahat. Ipaglaban ang pagbibigay-prayoridad sa kagalingang panlipunan at tutulan ang lalong pagbundat sa mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, mga panginoong maylupa at malalaking burukratang kapitalista. Labanan ang mga patakaran at hakbanging nagdudulot ng malawakang disempleyo, kaswalisasyon, paglabag sa mga demokratikong karapatan at iba pang anyo ng ibayong panggigipit sa mga manggagawa. Itaguyod ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa pag-uunyon, pag-oorganisa, sama-samang pagkilos at paglaban sa pang-aapi at pambubusabos.

  5. Kabigin ang mga panggitnang pwersa, kabilang ang mga taong-simbahan, mga mamamahayag, mga propesyunal, maliliit at panggitnang negosyante at iba pa, para lumahok sa kilusang anti-"globalisasyon" at sumuporta sa mga pakikibaka laban sa pasismo at iba pang pakikibaka ng batayang masa. Paigtingin ang kilusang protesta laban sa imperyalistang "globalisasyon," liberalisasyon, deregulasyon at iba pang imperyalistang panghihimasok at imposisyon na sumasalanta sa kabuhayan ng karaniwang mamamayan. Itaguyod ang makabayang industriyalisasyon at kagalingang bayan laban sa imperyalistang "globalisasyon" at liberalisasyon. Isulong ang pinakamalawak na nagkakaisang prente ng lahat ng uri at sektor na inaagrabyado ng imperyalistang "globalisasyon."

  6. Isulong ang kilusang protesta laban sa pandarambong at malakihang korapsyon kapwa ng mga nakaraan at kasalukuyang rehimen, at laban sa mga panibagong pasanin at pahirap na ipinapataw ng rehimeng US-Arroyo sa mamamayan.

  7. Tutulan at labanan ang todo-todong gerang kontrarebolusyonaryo ng rehimeng US-Arroyo sa ngalan ng "antiterorismo." Labanan ang malawakang militarisasyon, tumitinding pasistang panunupil at paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan. Itaguyod ang CARHRIHL para ipagtanggol ang mga karapatan at kapakanan ng mamamayan at labanan ang anti-komunistang paninira at kampanya ng reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito.

  8. Palawakin at palakasin ang kilusang protesta laban sa interbensyong militar at pagtutulak ng pasistang terorismo ng US sa ngalan ng gerang "kontra-terorismo." Tutulan ang agresyong militar ng imperyalismong US sa iba't ibang dako ng daigdig.

  9. Palakasin at sinsinin ang rebolusyonaryo at progresibong propaganda at edukasyong pampulitika sa hanay ng mamamayan. Malawakang isiwalat sa sambayanan ang tunay na ugat ng krisis sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng lipunan, pananalasa ng imperyalistang "globalisasyon," teroristang gera at interbensyon ng US, at mga hambalos ng pandaigdigang krisis ng imperyalismo. Matiyagang magpaliwanag sa mamamayan para labanan ang sistematiko at walang humpay na kasinungalingan, saywar at paninira ng reaksyunaryong gubyerno at AFP. Engganyuhin ang kasigasigan ng mamamayan sa armadong rebolusyon at pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

  10. Samantalahin at mas paigtingin pa ang mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo upang labanan ang mga pakanang anti-masa, anti-demokratiko at anti-nasyunal at ihiwalay at labanan ang pinakamalaki at pinakamasahol na mga papet ng imperyalismo. Palawakin ang ugnay at pakikipag-alyansa sa mga grupo at elemento sa hanay ng mga naghaharing uri na handing makipagtulungan sa mga rebolusyonaryong pwersa para sa mutwal na pakinabang at para sa kabutihan ng masa ng sambayanan.

Wala nang iba pang mapagpipilian ang sambayanang nakasandal na sa pader bunga ng lumulubhang krisis sa bayan at sa daigdig at ng malulupit na antinasyunal at antimamamayang hakbangin ng papet na rehimen at amo nitong imperyalista kundi ang lumaban at magrebolusyon. Nasa pagrerebolusyon lamang ang tunay na kalutasan sa walang katapusan nilang paghihirap sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal at sa harap ng walang patumanggang mga atake ng imperyalismo.

Sa pagpasok sa ika-37 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka, ating tuntungan at puhunanin ang mga tagumpay na natamo ngayong taon at targetin ang pagsulong at paglakas na mas mabilis kaysa rati sa gitna ng panibagong pagbulusok ng naghaharing sistema. Itakwil natin ang konserbatismo, ang kabagalan, ang pagka-kampante, ang pagdadalawang-isip at ang pagpapatayung-tayong. Magtiwala tayo sa masa. Handang-handa na silang lagutin ang tanikala ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismong patuloy na naglulugmok sa kanila sa kahirapan at pagkabusabos.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!
Makipagkaisa sa mamamayan ng daigdig para ibagsak ang imperyalismo at lahat ng reaksyon!


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.