Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English

Labanan ang panggigipit kay Kasamang Jose Ma. Sison

Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Oktubre 2, 2007


Ang gubyerno ng US, The Netherlands at Pilipinas ay mga reaksyunaryong halimaw na kumukuyog kay Kasamang Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Mabangis at pursigido sila sa pagsisikap na sirain ang isang rebolusyonaryong sagisag na patuloy na nagsisilbing guro at gabay para sa mga kapwa rebolusyonaryo, patriyotiko, demokrata at anti-imperyalista sa Pilipinas at sa buong mundo.

Mula nang ibilang ng gubyernong US si Sison sa tinaguriang mga "dayuhang terorista" noong 2001, pinag-ibayo ng mga imperyalistang Amerikano at Dutch at ng lokal na papet na rehimen ang kanilang mga pagsisikap na siya'y gipitin at patayin . Sunud-sunod na mga pakana ang ginawa nila para siya ay ipakulong, isuko sa awtoridad ng US o paslangin.

Malaon nang nais lapain nitong mga pasistang halimaw si Kasamang Sison. Nanggagalaiti sila sa kanyang nangungunang papel bilang proletaryong rebolusyonaryo at guro. Ikinagagalit nila ang kanyang pagsisilbing gabay sa gawain sa internasyunal na pakikipagkaisa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at International League of People's Struggles (ILPS) at sa pagpapanibagong-sigla ng pandaigdigang kilusang komunista at anti-imperyalista.

Matagal nang kinapopootan ng mga imperyalista at reaksyunaryo si Kasamang Sison dahil sa pagsusulat niya ng mga susing artikulo at talumpati na naglalantad sa kabulukan ng imperyalismong US at ng papet na estado sa Pilipinas, nagtataguyod sa kawastuan ng ideolohiyang Marxista-Leninista-Maoista at humihimok sa mamamayan na lumaban.

Takot sila kay Kasamang Sison at pilit nila siyang nais puksain. Sukdang tahasang labagin nila ang kanyang mga karapatan sa pag-aakalang madidiskaril ng gayon ang pag-abante ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang kalayaan.

Batay sa pawang gawa-gawang mga kaso, inaresto si Kasamang Sison at 17 araw na ibinartolina ng pulisyang Dutch. Ang opensibang ligal laban sa kanya ay kabilang sa mahigit sanlibong niluto ng Inter-agency Legal Action Group (IALAG) ng Malaca�ang, na pinangunguluhan ni National Security Adviser Norberto Gonzales. Kumilos ang IALAG sa gabay ng gubyernong US at nakipakoordina ito sa pulisyang Dutch para mag-imbento ng mga kasong "inciting to murder" kaugnay ng pagkamatay ng dalawang susing kontrarebolusyonaryong aset ng papet na estado�sina Romulo Kintanar at Arturo Tabara. Nilubid ang umano'y mga ebidensya sa bakuran ng mga embahadang Dutch at US at ng dating Clark Air Base.

Tahasang idinedeklara ng PKP na pawang kasinungalingan ang mga kaso laban kay Kasamang Sison. Ang operasyong pag-aresto na humantong sa pagkamatay nina Kintanar at Tabara ay isinagawa ng mga tim ng BHB na inatasan ng kaukulang mga hukumang bayan sa Pilipinas. Ang mga operasyon para arestuhin ang dalawang taksil at kriminal ay mga lehitimong aksyong rebolusyonaryo at mga nararapat na paggigiit ng rebolusyonaryong hustisya sa harap ng mga kaso ng malulubhang salang kontrarebolusyonaryo at kriminal laban sa kanila. Malaon nang humihingi ng hustisya ang sambayanang Pilipino, ang kanilang mga biktima at ang rebolusyonaryong kilusan sa mga krimeng iyon.

Ang mga kaso laban kina Kintanar at Tabara ay inihanda at malalimang tinalakay ng kolektibong pamunuan ng PKP at BHB sa isang pulong sa isang baseng gerilya noong 1992 at pormal na isinampa sa hukumang bayan noong sumunod na taon. Ang naturang mga kaso ay suportado ng maraming di mapasusubaliang katibayan.

Habang nagkukunwa pang rebolusyonaryo noon ang dalawang taksil at mga tagasunod nila, nasasaksihan na ang kanilang pag-angkin sa awtoridad, paggamit sa pondo, pasilidad at mga pwersa ng rebolusyonaryong kilusan sa mga gawaing kriminal at ang kanilang maluhong pamumuhay, na pawang sinikap nilang ilingid sa pamunuan at mga kasama sa PKP at BHB.

Matapos itiwalag sa PKP at BHB, si Kintanar ay upisyal na naging susing ahenteng paniktik ng AFP at ginantimpalaan ng malalaking komisyon bilang upisyal ng customs collection office ng gubyerno. Mahigpit siyang nakipagtulungan sa ISAFP sa pag-iipon ng impormasyon ukol sa PKP at BHB at pagsasapanahon sa konsepto nito ng operasyong kombat labat sa rebolusyonaryong kilusan. Noong 2000, pinakilos siya ng National Security Council para mamuno ng isang pangkat na inatasang pumatay kay Kasamang Sison sa The Netherlands.

Bilang organisador at pinuno ng RPMP-RPA-ABB matapos siyang itiwalag sa PKP at BHB, tuwirang tumindig si Tabara bilang armadong kalaban ng rebolusyonaryong armadong kilusang pinamumunuan ng PKP. Nakipagsabwatan siya sa naghaharing reaksyunaryong rehimen sa pagbubuo ng isang hungkag na kasunduang pangkapayapaan kung saan ginantimpalaan siya ng P500 milyon para sa mga "programang kabuhayan at reintegrasyon."

Tinugutan niyang maging paramilitar ng galamay ng AFP at PNP ang RPMP-RPA-ABB. Gumanap sila ng gawaing paniktik, pagdukot at pamamaslang para sa AFP, lumahok sa mga operasyon laban sa BHB kasama ng militar at naglunsad ng sariling mga armadong atake sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Western Visayas, Central Luzon at iba pang lugar. Ang RPMP-RPA-ABB ay nasangkot sa iba't ibang kasuklam-suklam na gawa, namaslang ng ilang lider magsasaka at nang-api ng masang magsasaka at manggagawa sa pagsisilbing mga maton ng malalaking PML-kumprador tulad ni Eduardo "Danding" Cojuangco at mga notoryus na reaksyunaryong warlord sa Masbate at iba pang lugar.

Sa mga operasyon para arestuhin sina Kintanar at Tabara, batid ng mga tim ng BHB na ang mga target ay armado at mapanganib. Sa proseso ng operasyon, marahas na tumangging magpaaresto ang dalawa at napatay sila sa nangyaring pakikisagupa sa pwersang taga-aresto ng BHB.Upisyal na inako at ipinaliwanag ng PKP at BHB ang mga sirkunstansya ng mga naturang operasyon.

Umaksyon ang rebolusyonaryong kilusan alinsunod sa karampatang awtoridad nitong maggawad ng hustisya sa pagsisikap na arestuhin at iharap sa hukumang bayan sina Kintanar at Tabara.

Ang gayong katangian ng naturang mga kasong ay kinatigan maging ng mga korte ng Pilipinas. Dapat pansinin na iniutos ng Korte Suprema na ang mga asunto ukol sa pagpatay kina Romulo Kintanar noong 2000 at Arturo Tabara noong 2004 ay ipailalim sa kasong rebelyon laban kina Kasamang Sison at 50 iba pa na isinampa ng rehimeng Arroyo. Ang naturang kasong rebelyon ay ibinasura ng Korte Suprema ng Pilipinas noong Hulyo dahil sa kawalan ng merito.

Nitong Setyembre 13, iniutos ng District Court ng The Hague ang pagpapalaya kay Kasamang Sison matapos nitong ibasura dahil sa kawalan ng tuwiran at sapat na katibayan ang muling binuhay na kasong "inciting to murder" na pawang gawa-gawa at isinampa na may layuning pulitikal.

Desidido pa rin ang mga imperyalistang kapangyarihan at ang papet na rehimen na ipursige ang kaso at pag-ibayuhin pa ang panggigipit kay Kasamang Sison at iba pang Pilipinong rebolusyonaryo at patriyotiko na mapasasakamay nila.

Para suhayan ang kanilang apela sa Court of Appeals ng The Netherlands na baligtarin ang pagbabasura ng District Court ng The Hague sa kaso, paspasang nag-imbento ng mga dagdag pang ebidensya ang pulisya at mga tagausig ng The Netherlands at mga lokal na katuwang nila upang suportahan ang kasong "inciting to murder" at magbuo ng mas tusong pakana para makasuhan ng terorismo si Kasamang Sison.

Nagdagdag pa sila ng mga huwad na testigo, kabilang si Delfin de Guzman na paulit-ulit na ginagamit ng militar bilang testigo sa iba't ibang kaso sa nakaraan. Si De Guzman ay dinukot sa Norzagaray, Bulacan at detenido ng militar mula pa noong May 11, 2006. Ginamit siyang "testigo" para palabasing may kaugnayan sa BHB ang "Erap 5"�mga tagasuporta ni dating Pres. Joseph Estrada na dinukot at tinortyur ng mga ahenteng paniktik ng AFP at PNP. Kamakailan, sinabi ng AFP na si De Guzman ang utak ng pagdukot sa aktibista ng kilusang magsasaka na si Jonas Burgos. Ginagamit uli siya ngayon at ipinahiram sa mga tagausig na Dutch para tumestigo laban kay Kasamang Sison.

Ang paggigiit ng mga tagausig na Dutch sa kasong "inciting to murder" at mas malalaki pang kaso laban kay Sison ay walang tunay na batayan at walang tunay na katibayan para umusad sa isang makatarungang hukuman.

Anuman ang maging desisyon bukas ng hukumang Dutch, lahat ng tagapagtanggol ng mga demokratikong karapatan ni Kasamang Sison ay nararapat manatiling mapagbantay at mapanlaban, at magpunyagi laban sa pinag-iibayong pasistang atake sa kanya. Kailangang tuluy-tuloy ang todo-todong pagsisikap para pigilin ang panggigipit kay Kasamang Sison at ang mga pakana para mag-imbento pa ng mga kasong walang batayan laban sa kanya at ang ibang pang rebolusyonaryo at patriyotikong Pilipino.

Muli naming pinagtitibay ang tiwala sa ganap na pagtatagumpay ng kilusang bayan at tagumpay sa kalaunan ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, katarungan, demokrasya, kapayapaan at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon sa Pilipinas at sa buong mundo.


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.