Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisaya
   

Isang update tungkol sa imperyalismo, gera at pakikibaka ng mamamayan

Prof. Jose Ma. Sison
National Democratic Front of the Philippines
Chief Political Consultant
Marso 03, 2003

Mga kasama at kaibigan,

Lubos kong ikinalulugod na mahilingan ng update tungkol sa krisis ng imperyalismo, sa pang-uupat ng US ng gera at sa tunguhin ng pakikibaka ng mamamayan.

I. Ang kasalukuyang krisis ng imperyalismo

Ang pangunahin at esensyal na layunin ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" ay bigyang-daan ang monopolyong burgesya na mapalaki nang husto ang tubo nito mula sa pagsasamantala sa uring manggagawa kapwa sa mga imperyalistang bansa at mga neokolonya at mapaliit nang lubos ang paglalaan ng di pirmeng kapital para sa sahod at gayundin sa pamumuhunang panlipunan at serbisyong sosyal ng mga estado.

Sa buong mundo, ang mga multilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO ay direkta at di-direktang nanggigipit sa lahat ng estado upang talikuran ng mga ito ang mga panlipunang responsibilidad o pakitang-tao sa uring manggagawa at tangkilikin ang patakaran ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon para lansagin ang mga sagkang pambansa, panlipunan at pangkalikasan upang mapabayaang manaig ang kahayukan ng mga monopolyong empresa sa ilalim ng islogan ng laissez faire (di pakikialam ng gubyerno).

Sa gayon, ang pagdiriin sa patakarang globalisasyon ng "malayang pamilihan" ay nagpabilis sa akumulasyon at konsentrasyon ng produktibo at pinansyal na kapital sa kamay ng monopolyong burgesya sa iilang imperyalistang bansa, pangunahin na sa US. Subalit ang di maiiwasang bunga nito ay ang pagliit ng kita at kakayahang bumili ng uring manggagawa sa buong mundo, laluna sa ikatlong daigdig at sa mga dumausdos na bansang dating pinaghaharian ng mga rebisyunistang pangkatin.

Mabilis na lumaki ang awang sa pagitan ng kita ng mayayaman at mahihirap. Kinakamal ng pinakamayamang 20% sa mundo ang mahigit 85% ng kita. Ang tatlong pinakamayayamang tao sa mundo ay may pinagsamang kayamanang mas malaki pa kaysa sa pinagsamang gross national product (GNP, kabuuang produksyon ng bansa) ng 48 pinakamahihirap na bansa na may pinagsamang populasyon na 600 milyon. Sa araw-araw, mas mababa pa sa US$2 ang ikinabubuhay ng mayorya ng sangkatauhan o wala pang US$1 para sa 1.2 bilyong mamamayan.

Sa mismong takbo nito, pinatutunayan ng imperyalismo o monopolyong kapitalismo na ito ay kapitalismong nasa pinakamataas at huling yugto, naghihingalo na at dekadente. Paulit-ulit na nalalantad ang kronikong krisis ng monopolyong kapitalismo, na bunga ng pagsasamantala ng mga nagmamay-ari ng kapital sa mga manggagawa. Ang paggamit ng mas mataas na teknolohiya para sa komersyal na produksyon at ang pinabilis na akumulasyon ng produktibo at pinansyal na kapital kaugnay ng bagong teknolohiya ay sumisikil sa pondong pangsahod at sa kalaunan ay nagpapaimpis sa pamilihan.

Di pangkaraniwan ang krisis sa produksyon at mga pagbagsak sa pinansya at palala nang palala ang mga ito taun-taon mula 2000, nang magsimulang dumausdos ang stock market (pamilihan ng mga sapi) noong Marso, at nang dumausdos din ang industriyal na produksyon sa US noong Oktubre. Sa loob lamang ng tatlong taon, nalusaw sa isang matagalang tipo ng pagbagsak ang US$8 trilyong halaga ng mga stocks. Ang mga pagkabangkrap sa industriya ay naglantad rin sa malakihang mga panloloko sa mga pautang sa bangko at transaksyon sa stocks (Enron, WorldCom, Global Crossing, Lucent, Adelphia, Xeriz at K-Mart). Ang mabilis na pagdausdos ng ekonomya ng US ay nagpalubha sa krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mga pagkabangkrap sa industriya at maramihang pagsisisante ay lumalaganap sa buong mundo at nagbubunga ng mabilis na paglobo ng disempleyo. Di bababa sa sangkatlo ng tatlong-bilyong pwersa sa paggawa ng daigdig ang walang trabaho o kundi ma'y malubhang kulang sa trabaho.

Nangawala na ang mga propagandista ng monopolyong kapitalismo na nagyayabang na ang "bagong ekonomya" ng US ay nakapagkakamit ng paglago nang walang implasyon dahil sinisikil nito ang sahod at dahil ang high technology (mataas na teknolohiya) ay patuloy na nakapagbunsod ng paglago, na ang ekonomya ng US ang siyang pandaigdigang motor ng paglago at siyang "pinakahuling masasaligang pamilihan" dahil sa konsumerismong Amerikano at sa daloy ng dayuhang pondo patungo sa mga bonds (bono) at stock sa US.

Ang totoo, mayroong krisis ng sobrang produksyon ng mga produktong high tech bukod pa sa naunang krisis ng sobrang produksyon ng mga hilaw na materyales at batayang produktong industriyal. Hindi na nangunguna ang US sa pagmamanupaktura ng mga produktong high tech para sa konsumo at produksyon. Patuloy itong nagbabawas ng produksyon sa lahat ng iba pang tipo ng produkto, maliban sa produksyon ng mga armas. Nangunguna ito sa paggamit ng pondo ng estado para sa gastos-militar at produksyong militar. Dahil sa pagbabawas sa buwis mula sa mga korporasyon at malakihang pagpapalobo sa gastos-militar at gastos para sa pambansang seguridad, biglang dumaranas ang US ng depisit sa badyet at malamang na kumuha ito sa pondo para sa panlipunang seguridad.

Patungo sa ibayong paglala ang tumatagal na resesyon sa US. Hindi maaaring mapalaki ng US ang empleyo at demand (pangangailangan) ng mga konsumer sa pamamagitan ng high tech na produksyong militar, kung saan maliit ang empleyo. Matarik ang pagbagsak ng tantos ng tubo at nagpapahina ito pamumuhunan sa negosyo. Ang US$7 trilyong pagkakautang ng mga korporasyon o 70% ng GNP sa unang kwarto ng 2001 ay pinakamataas na sa kasaysayan. Mataas ang tantos ng di pagtutubos sa mga corporate bonds (bono ng mga korporasyon) at di pagbabayad ng mga utang sa bangko.

Sa sobrang laki ng household indebtedness o pagkakautang ng mga pamilya (kinabibilangan ng sangla sa bahay, utang-pambayad sa kotse, utang sa credit card), nauuk-ok ang paggastos ng mga konsumer. Sa kauna-unahang pagkakataon, noong 1999 ang mga pamilyang Amerikano ay nagkaroon ng mas marami pang utang kaysa disposable income (kita na maaaring magastos). Pagsapit ng maagang bahagi ng 2001, lumobo ang household debt sa 120% ng disposable income. Subalit ang depisit sa current account (kasalukuyang kwenta ng labas-masok ng salapi) ng US ay patuloy na lumalaki nang lampas sa antas na US$450 bilyon dahil sa patuloy na pagbagsak ng produksyong industriyal sa US.

Sa katapusan ng 2001, ang pangkalahatang pumasok (karamihan mula sa Japan at Europe) na dayuhang pamumuhunan sa US na mahigit US$9.3 trilyon (kabilang ang mga stocks, bonds at pagmamay-aring sapi sa mga negosyong empresa) ay mas lumaki na kaysa sa pamumuhunan ng US sa ibayong dagat na nagkahalaga ng US$6.9 trilyon. Mula noon, ang netong panlabas na utang ng US na US$2.3 trilyon ay lumobo sa tinatayang antas na US$2.8 trilyon. Dahil sa pagbagsak ng tantos ng tubo sa US, nagiging lalong bulnerable ang US sa pagtalilis ng kapital.

Ang US, at ang mga bansa sa Group of 8 at OECD ay bigo sa paghahanap ng anumang epektibong solusyon sa lumalalang krisis pang-ekonomya at pangpinansya ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Syempre, lahat sila'y may kani-kanya at sama-samang pagsisikap na magbalangkas at magmungkahi ng mga solusyon. Iniisip nilang pasikarin ang ekonomya sa pamamagitan ng mga paketeng pinansyal para sa kapitalismo ng estado.

Pinaghahalo ng US ang neoliberal na kahayukan at Keynesianismong militar: mga pagbabawas ng buwis, at pagbibigay ng mga subsidyo para sa pananaliksik at pagpapaunlad at para sa mga kontratang pamproduksyong militar para sa monopolyong burgesya. Sa bersyong US ng monopolyong kapitalismo ng estado, pigil ang pambansang gubyerno ng US na mamuhunan nang direkta ngunit nagpapakalulong naman ito sa di tuwirang pamumuhunan sa anyo ng guided loans (ginagabayang mga pauntang), mga garantiya sa pamumuhunan, mga subsidyo at mga kontrata sa pagbili, laluna sa larangan ng produksyong pangmilitar.

Hindi makapaglilikha ng signipikanteng empleyo at hindi makapagpapasikad ng pangmatagalang paglago sa ekonomya ang monopolyong pagpopondo ng estado sa high tech na produksyong pangmilitar at pwersang militar ng US. Kabilang sa pormulang iniluwal ng rehimeng Bush ang pang-uupat ng isterya para sa gera, pagpapalaki ng produksyong panggera, pagpapakawala ng mga gerang agresyon hanggat kakayanin, pang-aagaw ng langis at iba pang rekurso mula sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng gera o pagbabanta, at sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga armas ngunit paglilingid ng mataas na teknolohiyang gamit sa paggawa ng mga ito.

Sinusubukan ng mga tagapagtanggol ng imperyalismo, laluna ng mga tagapagpalaganap ng globalisasyon ng "malayang pamilihan" na muling buhayin si Kautsky sa pagsasabing pinalalaganap ng monopolyong kapitalismo ang kapitalistang kaunlaran, pinalalaki ang uring manggagawa at pinapawi ang pagkakaiba ng mga pambansang ekonomya sa usapin ng antas ng pag-unlad. Subalit tuwing dumadausdos sa ibayong kalaliman ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lalong walang kasing-linaw na ang mga imperyalistang bansa at mga atrasadong bansa ay may pagkakaiba sa ekonomya at pulitika.

Walang kasinghalaga para sa monopolyong kapitalismo ang bansang estado (nation state) at ang basehang pambansa. Ginagamit ng mga imperyalista ang sarili nilang mga bansang estado at kliyenteng estado (client state) upang magpataw ng monopolyong interes sa iba pang mga bansa at mamamayan. Nangangailangan ang monopolyong kapitalismo at monopolyong kapitalismo ng estado ng baseng lunsaran para sa pagsugod sa iba pang mga bansa. Sa kasalukuyang krisis, kinokonsentra ng walang kasingliit na bilang ng mga monopolyong burgesya ang walang kasinglaking pinansyal at industriyal na kapital, na hinuhuthot nila mula sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Sa nagpapatuloy pang panahon ng imperyalismo at rebolusyong proletaryo, ang pag-eeksport ng sobrang kapital mula sa mga imperyalistang bansa patungong mga atrasadong bansa ay nagkaroon ng walang katulad na halaga kumpara sa pag-eeksport ng sobrang produkto. Di hamak na mas malaking superganansya ang nakukuha ng mga imperyalistang bansa mula sa bayad-utang kumpara sa pakikipagpalitan ng produkto sa mga atrasadong kliyenteng estado.

Pinapasan ngayon ng mga bansa sa ikatlong daigdig ang US$2.8 trilyong panlabas na utang. Para rito, kailangan nilang magbayad ng interes, bukod pa sa takdang taunang hulugang pagbabayad ng inutang na prinsipal. Ang kabiguang magbayad ay mangangahulugan ng pagpapatong-patong ng mga pasanin sa utang. Sa pana-panahon, nagpapasiklab ang mga imperyalista sa pamamagitan ng pagkansela sa maliliit na halaga ng di nababayarang utang ng pinakamahihirap na bansa. Subalit ni minsan ay hindi nila nilubayan ang pag-uusurang internasyunal at paggagapos ng buu-buong mga bansa sa tanikala ng pagkakautang.

Sa kasalukuyang kalagayang umiimpis ang pandaigdigang kalakalan dulot ng krisis sa sobrang produksyon at mga pagbagsak sa pinansya, ang mga atrasadong kliyenteng estado ay ipit ng mga depisit sa kalakalan at pasaning utang. Ito ang panahong sinasamantala ng mga imperyalistang bangko at empresa upang angkin ang mga nabangkrap na empresa ng mga kliyenteng estado at mga lokal na negosyante sa pamamagitan ng pagdikta ng presyong barato para sa mga ito at pagtransporma ng utang patungong sapi sa pag-aari (equity).

Sa pagsisikap na makapanatili sa harap ng paglitaw ng mga sosyalistang bansa at mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga imperyalistang bansa ay naging sunud-sunuran sa US noong Cold War. Nanguna ang US sa paggamit ng mga instrumento ng monopolyong kapitalismo ng estado upang muling maibangon ang mga ekonomyang nawasak ng gera sa pamamagitan ng mga pautang ng estado at mga subsidyo, pagtataguyod at paggagarantiya sa paglago ng kapital, pagtatayo ng kapangyarihang militar, pagdedeploy ng mga baseng militar at tropa sa ibayong dagat at paglulunsad ng mga gerang agresyon.

Subalit mula nang matapos ang Cold War noong 1991, hinatak ng US ang iba pang imperyalistang kapangyarihan, kabilang ang Russia, upang maghiganti laban sa uring manggagawa, mga independyenteng bansa at sa adhikaing sosyalista sa pamamagitan ng pag-andar alinsunod sa prinsipyo ng walang pakundangang personal na kahayukan at sa ilalim ng bandila ng globalisasyon ng "malayang pamilihan". Sa mga gerang agresyon laban sa Iraq, Yugoslavia at Afghanistan, madaling nagkaisa ang mga imperyalistang kapangyarihan laban sa kanilang mga kalaban sa ikatlong daigdig.

Subalit, sa likod ng mistulang pagpapatuloy ng alyansang imperyalista sa ilalim ng pamumuno ng US, masyadong marami na ngayong imperyalistang paghaharing nagpapaligsahan sa gitna ng pag-iral ng krisis sa sobrang produksyon at mga pinansyal na pagbagsak. May litaw nang mga lamat sa alyansa, na nakikita sa mga kontradiksyon sa pagitan ng US, Britain, Spain at Italy sa isang banda at ng France, Germany, Russia at China sa kabilang banda, sa usapin ng pagpapakawala ng panibagong gerang agresyon laban sa Iraq.

Mula sa umpisa ng ika-20 siglo, nakumpleto na ang pagkakahati ng buong mundo sa mga teriroryong pang-ekonomya sa hanay ng mga imperyalistang bansa. Ang mga bansa o kalupaan labas sa mga bansang imperyalista ay naging mga kolonya, malakolonya o dependyenteng bayan. Ang mga imperyalistang bansa ay nagpaligsahan para sa kontrol ng mga mapagkukunan ng mga hilaw na materyales, mga pamilihan, mga larangan ng pamumuhunan, mga estratehikong pusisyon at saklaw ng impluwensya. Mula sa mahinahong kumpetisyon, ang paligsahan para muling hatiin ang mundo ay maaaring humantong sa mga gerang agresyon, tulad ng napatunayan na sa kasaysayan.

Lumilitaw ang mga gerang agresyon kapag ang isa o mas marami pang imperyalistang kapangyarihan ay lumalakas at nagnanais magkaroon ng mas malaking bahagi ng teritoryong pang-ekonomya at ayaw naman ng iba pa o mas marami pang imperyalistang kapangyarihan na maagrabyado. Ang kagustuhang maglunsad ng gerang agresyon para sa ekspansyong pang-ekonomya o para mapanatili ang kasalukuyang kalagayan ay hindi lamang bunsod ng mga salik na pang-ekonomya; bagkus, mas mahalaga pa nga ang mga salik pampulitika tulad ng paglitaw ng mga dulong-kanang pwersa ng jingoismo, rasismo, panatisismo sa relihiyon at pasismo.

II. Ang Pang-uupat ng US ng gera

Kaya ng US na pasabugin ang barkong pandigmang Maine at pumatay ng halos 300 upisyal at tauhan ng US Navy upang pasiklabin ang Digmaang Amerikano-Espanyol at mabigyang-laya ang US na mang-agaw ng mga kolonya ng Spain tulad ng Cuba, Puerto Rico at Pilipinas. Kaya maraming nagsasabing kaya ng US na maging sanhi sa pagkamatay ng 3,000 katao sa mga atake noong Setyembre 11 para sa mas malaking nakataya. Sinasabi nila ito dahil hanggang ngayon ay wala pang nakakukumbinsing paliwanag kung bakit hindi agad kumilos ang mga awtoridad sa US batay sa mas maagang mga ulat-paniktik ukol sa mga nagsasanay na pilotong sa kalaunan ay naging mga hijacker noong Setyembre 11.

Ginagamit ngayon ng US ang mga atake noong Setyembre 11 bilang lisensya upang baluktot na ilarawan bilang "terorista" ang mga bansang naggigiit ng pambansang kasarinlan, mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya at mga progresibong lider, mang-upat ng histerya ng isang "permanente at walang hangganang gera laban sa terorismo," maggiit ng doktrina ng preemptive strike (pansansalang bira) at paniniil sa mamamayan, magbaling ng mga rekurso tungo sa mga pwersang militar ng US, pambansang seguridad, paghahanda para sa gera at produksyong panggera, at magamit ang patakaran ng agresibong gera at pagbabanta para palakihin pa ang teritoryong pang-ekonomya ng US.

Pagkatapos ng mga atake noong Setyembre 11, lalong nakatagos ang US sa Central Asia at South Asia at nakakuha ng karagdagang paraan ng pag-abot sa rekursong langis at gas sa Caspian Sea at Central Asia. Nagbatay ito sa naunang ipinuhunang US$20 bilyon sa rehiyon. Hinawan din nito ang daan para sa isang pipeline (linya ng suplay) ng langis patungong Indian Ocean na daraan sa Afghanistan at Pakistan, gamit ang pagdadahilang patayin si Osama bin Laden at wasakin ang Al Qaeda sa Afghanistan.

Makaraang matagumpay na naipwesto ang isang bagong papet na gubyerno sa Afghanistan ngunit mabigong patayin si Osama bin Laden at wasakin ang Al Qaeda, nalulong na ang US sa ibayong paghahanda ng gerang agresyon laban sa Iraq sa pagdadahilang ang gubyernong Iraqi ay gumagawa at nag-iimbak ng mga armas para sa maramihang pagpatay (weapons of mass destruction o WMD). Hindi makumbinse ang lahat ng alyado ng US, ang siyang pinakamalaking nagmamanupaktura at nag-iiimbak ng WMD, na ang Iraq ay nagtatago ng gayong mga armas.

Lubusang nalalantad ang kabuwayan ng pagdadahilan ng US bunga di hamak na mas pigil na reaksyon nito sa deklarasyon ng Democratic People's Republic of Korea (DPRK) na mayroon itong nagpapatuloy na programa sa pagpapaunlad ng mga armas nukleyar at mayroon na itong ilang armas nukleyar para sa sariling depensa. Binansagan ng US ang DPRK na kabilang sa tinaguriang "sentro ng kasamaan" (axis of evil), pero sa partikular na kasong ito, maingat ang reaksyon ng US dahil sa determinasyon ng DPRK na lumaban. Bukod rito, hindi pumapayag ang katabing bansang China na sumunod sa mga utos ng US na ikapipinsala ng DPRK.

Sa unang gerang agresyon laban sa Iraq na pinamunuan ng US noong 1991, nakamit ng US ang mahigpit na kontrol sa Middle East at ang napakaraming benepisyo tulad ng pagpasok doon ng permanenteng mga pwersang militar ng US, pagdakma sa kita mula sa langis ng Saudi Arabia at mga emirate sa pamamagitan ng pagbebenta sa kanila ng kagamitang militar ng US, panggigipit sa bansang Palestino at iba pa. Layunin ng US sa kasalukuyan nitong balak na paggegera sa Iraq na direktang kontrolin at muling kolonisahin ang Iraq at mas mahigpit na kontrolin ang buong Middle East.

Tulad ng sa mga huling gerang agresyon, malinaw na nakatakdang agawin ng US ang pinakamalaking bahagi ng dinambong na yaman sa pamamagitan ng pinaplanong paglupig at rekolonisasyon ng Iraq. Nais ng US na magkaroon ng direktang kontrol sa mga rekursong langis ng Iraq: ang 112 bilyong bariles ng napatunayang reserbang langis at mahigit 250 bilyong bariles ng potensyal na reserba nito. Sa pamamagitan ng pagkontrol nito, maaaring dominahan ng US at gawing inutil ang Organization of Petroleum Exporting Countries. Pagkatapos nito'y maaari na itong magkaroon ng di mapasusubaliang hegemonya sa mga rekursong langis sa lahat ng bahagi ng mundo.

Nagsilbing malakas na motibasyon para sa mahigpit na pakikiayon ng Britain sa US ang paglamon ng American Oil Company (AMOCO) sa British Petroleum. Gustong-gusto ng US na baligtarin ang tunguhing sinimulan ng Iraq noong November 2000 ng pagbaling sa salaping Euro ng mga bansang myembro ng OPEC para sa mga transaksyong may kinalaman sa langis. Dagdag pa, hindi nito nagustuhan ang pagkakakuha ng France, Russia at China ng mga konsesyon sa oil fields (ekplorasyon at pagpapaunlad) sa Iraq at ang pagkakakuha ng Germany ng kontrata sa engineering at suplay para muling itayo ang imprastruktura at industriya ng Iraq.

Kauna-unawa kapwa sa usapin ng ekonomya at pulitika kung bakit isang lamang "koalisyon ng mga sang-ayon" (coalition of the willing) ang maaaring makuha ng US. Hindi pumapayag ang France, Germany at China na maging bahagi ng isang imperyalistang alyansa para sa isang gerang nagbabanta sa sarili nilang pang-ekonomya at geopolitical (may kaugnayan sa dyograpiya at pulitika) na interes sa rehiyon, isang gerang tahasang di makatarungan at genocidal (mapamuksa sa lahi) at isang gerang tangi o pangunahing kapakipakinabang sa US. Ang nagtatagisang interes ng mga imperyalistang kapangyarihan ay nagsisilbing lamat sa imperyalistang alyansang pinamunuan ng US mula nang magkaroon ng Cold War.

Interesado ang rehimeng Bush na ilarga pa ang pandaigdigang hegemonya ng US at higit na palakasin ang industriya sa langis at depensa ng US. May natatanging interes ito na mabiyayaan ang ilang tiyak na investment group (grupo sa pamumuhunan) at kumpanya sa langis sa US na may nakataling interes sa pamilyang Bush (Carlyle Group at Enron), si Bise Presidente Cheney (Haliburton), ang national security adviser na si Condoleeza Rice (Chevron) at mga katulad nila. May mahigpit na kaugnayan si Defense Secretary Donald Rumsfeld sa mga kumpanyang US na may interes sa pagtatayo ng mga base militar ng US at mga proyektong rekonstruksyon.

Maaaring umigting ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalista di lamang dahil sa walang rendang arogansya at kahayukan ng nasosolong superpower at sa galit ng iba pang imperyalistang kapangyarihan kundi dahil din sa ang tinatarget na mga bansa sa ikatlong daigdig na naggigiit ng kanilang independensya ang siyang aktibong nagsisikap na butasan ang alyansa ng mga imperyalista sa pamamagitan ng mga kunsesyon sa ilang imperyalistang kapangyarihan. Positibong pangyayari ang pagbangon ng Non-aligned Movement (NAM) mula sa pagkakahimbing upang batikusin ang kahayukan at panggegera ng US.

Habang nakatutok ang atensyon ng mundo sa nagbabadyang gerang agresyon ng US laban sa Iraq, hinihikayat ng US upang baluktot na ilarawan ng rehimeng Sharon ang mga rebolusyonaryong organisasyong Palestino bilang "terorista" at buong layang pagpapatayin ang mga Palestino, palawakin ang mga Zionistang settlement (kolonya) at baklasin ang Palestinian Authority. Patuloy din nitong pinaiigting ang interbensyong militar at mga akto ng agresyon sa "ikalawang larangan laban sa terorismo" sa Pilipinas at Southeast Asia.

Aroganteng inianunsyo ng US sa mundo na ang US special operations forces ay magsasagawa ng mga operasyong kombat laban sa grupong Abu Sayyaf sa Sulu sa timog ng Pilipinas-isang talamak na paglabag sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Naglalatag ito ng daan para sa agresyong militar laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines.

Nagsasagawa ito ng mga kontra-rebolusyonaryong aktibidad sa Nepal, Colombia, Venezuela at marami pang ibang bansa, gamit ang prente ng isang digma laban sa droga at terorismo. Nang alukin ni US Secretary of State Colin Powell ng ayudang militar ang hari ng Nepal na si Gyandara at ang Prime Minister nitong si Sher Bahadur Deuba, kaswal niyang sinabing "ang Maoistang insurhensyang nagsisikap na ibagsak ang gubyerno ang siyang tunay na nilalabanan namin sa buong daigdig."

Dahil sa tindi ng interes nito sa langis, sinisikap ng US na higpitan pa ang pagsakal nito sa Pilipinas, Indonesia, Colombia at Venezuela. Nagmamaniobra rin ang US na makontrol ang mga rekursong langis sa Angola, Nigeria, Congo, Gabon, Cameroon at Equatorial Guinea. Inaasahan ng US na ang naturang mga bansang ang magsusuplay ng 25% ng langis nito pagsapit ng 2015.

Sinisikap ng US na mang-agaw ng teritoryong pang-ekonomya sa mas marami pang paraan bukod sa pagpapakawala ng gerang agresyon laban sa Iraq. Huwag nating kalimutan na habang ang US ay abala sa gerang agresyon nito sa Vietnam, kinaya pa rin nitong mang-upat ng anti-komunistang masaker na pumatay sa mahigit isang milyong Indonesian at magtiyak para sa US at mga alyado nitong British at Dutch ng kontrol nila sa langis at iba pang rekurso ng Indonesia.

Asahan na pagkatapos magtagumpay ang mapandigmang hakbang nito sa Iraq, magpapatuloy ang US na iangat ang produksyong militar, palakasin ang mga pwersang militar nito at itayo ang mas marami pang base militar sa ibayong dagat (na ngayo'y bumibilang nang 80) upang mapanatili ang pampulitika at pangmilitar na superyoridad nito sa sariling mga imperyalistang alyado at mamantine ang inisyatiba sa paglulunsad ng unilateral o multilateral na mga aksyon para samantalahin at apihin ang mamamayan ng daigdig.

Naglalaan ang rehimeng Bush ng mahigit US$300 bilyon para sa gastos-militar sa kasauluyang taon. Mayroon itong nakalaang di bababa sa US$600 bilyon para sa produksyon ng bagong sandata para sa maramihang pagpatay sa susunod na limang taon. Pinaplano nitong gumamit ng mga taktikal na armas nukleyar. Nagtatayo ito ng naglalakihang mga base militar sa dating Sobyet na bahagi ng Central Asia at kinukumpleto nito ang pagpapaligid sa China. Sa ilalim ng estratehikong konsepto ng "lahatang-panig na pangingibabaw" (full spectrum dominance o FSD), minimilitarisa nito ang kalawakan upang makamit ang superyoridad sa kalawakan at maikumbina ito sa superyoridad sa lupa, dagat at himpapawid.

Ang tunguhin ng US ay sa pang-uupat ng jingoismo, rasismo, pasismo at isterya sa gera. Hindi lamang ito simpleng dulot ng mga atake noong Setyembre 11. Di hamak na mas mahalaga pa, bunga ito ng lumalalang krisis pang-ekonomya at pinansyal ng US at ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Sa mahabang panahon bago pa man ang mga atake noong Setyembre 11, pinalalaki na ng mga awtoridad ng US ang banta ng terorismo upang bigyang-matwid ang mga mapaniil na aksyon laban sa masang anak-pawis, mamamayang hindi puti (people of color) at iba pang humahamon o hahantong sa paghamon sa imperyalismo sa US at ibayong dagat.

Nag-uumapaw sa arogansya ang US dahil sa huling tatlong gerang agresyon nito laban sa Iraq, Yugoslavia at Afghanistan, nakaiwas ito sa mga kaswalti sa kombat sa pamamagitan ng pagtutulak ng duwag na estratehiya at taktika ng paggamit ng mga high-tech na armas para durugin ang lahat ng klase ng mga pirmeng istruktura at pawiin bilang "collateral damage" (damay na pinsala) ang buu-buong mga sibilyang populasyon, at sa pamamagitan ng panunuhol sa mga papet upang hawakan ang kapangyarihan kapag hindi na kaya ng kasalukuyang mga awtoridad na pangasiwaan ang wasak na ekonomya. Nakaiiwas din ito sa mga kaswalti sa pamamagitan ng pagpopondo at pagmamando sa papet na mga armadong pwersa mula sa lokal na militar, paramilitar, bandido at sari-sari pang mersenaryong pwersa.

Tulad ng naganap sa Indochina noong dekada 1960 at 1970, ang pagbabaligtad ng lamesa laban sa kapangyarihang militar ng US ay pinakaposible kapag ang armadong rebolusyonaryong kilusan ay makilos at hindi pa responsable para sa pirmeng mga istruktura. Gumamit noon ang US ng mga high-tech na armas, kabilang ang mga eroplano, barko, kagamitang militar, napakaraming tipo ng bomba at mga kemikal na pawang sopistikado sa usaping teknikal, subalit natalo ito sa gera.

Kayang daigin ang kapangyarihang militar ng US ng kumbinasyon ng digmang bayan sa mga bansang agraryo at ng iba't ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka sa mas mauunlad na bansa. Sa darating na mga taon, ang superpower na ito ay tiyak na mahaharap sa isang bagay na mas makapangyarihan at mas malawak pa kaysa sa inaasahan nito.

III. Pakikibaka ng mamamayan

Tatlumpung milyong mamamayan ang naglunsad ng protestang masa sa 600 lunsod at bayan sa buong mundo noong Pebrero 15 at mga araw na iyon. Ang pinakamalalaki sa mga aksyong protesta ng masa ay ginanap sa US, Britain, Italy at Spain at nilahukan ng 500,000 hanggang 2.5 milyon sa bawat syudad. Ito ang mga bansa kung saan pinakagigil-na-gigil ang mga naghahari na magpakawala ng gerang agresyon laban sa Iraq. Sa ilang lunsod sa US at Europe, nahigitan na ng mga aksyong protesta ng masa yaong mga inilunsad laban sa gerang agresyon ng US sa Indochina sa huling bahagi ng dekada 1960 hanggang maagang bahagi ng dekada 1970.

Ang mga gahiganteng aksyong masa ay ibinunga ng patakaran at taktika ng malapad na nagkakaisang prente na ginamit ng mga organisador. Nagtipon ang maliliit na partido at grupo sa US para buuin ang mga ad hoc na grupong tagapagkoordina tulad ng ANSWER, Not in Our Name (NION) at United for Peace and Justice. Ang ilang grupong may kaugnayan sa European Social Forum at mga katulad nito ay nag-inisyatibang maglabas ng mga panawagan sa pagkilos sa ilalim ng malapad na islogang anti-gera o kapayapaan. Lahat sila ay malinaw na kumukundena at tumututol sa planong gerang agresyon ng US laban sa Iraq.

Nakatuon ang mga panawagan ng mga tagapagkoordina at organisador sa malawak na masa ng sambayanan laban sa aroganteng mga hiyaw pandigma ng US. Kabilang sa mga tumugon ang mga progresibong pwersa ng mga manggagawa, kababaihan at kabataan, karaniwang mamamayan, mga propesyunal, mga institusyong relihiyoso, mga burgis na partido, burukrasya at mga seksyon ng mga reaksyunaryong uri.

Patuloy na pinalalawak ng mga tagapagkoordina at organisador ang kanilang hanay. Ang kanilang mga batayang pahayag ng komon na adhikain ay madaling natatanggap at pinirmahan ng malawak na hanay ng mamamayan. Wala silang kumplikadong sistema ng organisasyon o anumang malaking pondo. Kinakatulong nila ang mga prominenteng personalidad at mga kalahok na organisasyon para hikayating lumahok ang iba pa. Pinamamahalaan nila nang mabuti ang kanilang mga website at email address at nagbebenta sila ng mga materyales para sa kampanya.

Ang mga organisasyong masang may kaugnayan sa International League of Peoples' Struggle ay aktibong-aktibo sa pandaigdigang kampanya laban sa gerang agresyon ng US laban sa Iraq at sa tinaguriang gera ng US laban sa terorismo. Maaari silang maging mas aktibo pa kumpara sa nakaraan at mag-inisyatiba nang husto, laluna sa mga kontinente, bansa at syudad kung saan mahina pa ang kampanyang masa at wala pang mga organisasyong tagapagkoordina na kasing prominente ng ANSWER at NION.

Ang tuluy-tuloy na trabaho ng mga progresibong pwersa at ang kanilang naipamalas na kakayahang magpalabas sa kalsada ng puu-puong milyong mamamayan ay ibayong makapagpupukaw, makapag-oorganisa at makapagpapakilos ng mas malawak pang bilang ng mamamayan. Kahit ang mga relatibong progresibo at panggitnang mga seksyon at isang signipikanteng bahagi ng konserbatibong seksyon sa mga burgis na partido, mga institusyong relihiyoso at ang mga bansa sa Non-aligned Movement ay lumahok na sa kilusang anti-gera at nagpapahintulot sa kanilang masang tagasunod na lumahok sa mga aksyong masa.

Sa hanay ng mga lider, organisasyon at masang lumalahok sa kilusang anti-gera, mayroong iba't ibang pampulitikang tunguhin tulad ng anti-imperyalismo sa hanay ng mga progresibong pwersa, burgis na pasipismo, relihiyosong pasipismo at ang hayagang sariling pambansang interes ng ilang bayan at gubyerno na nais pagsamantalahan ng US.

Isang mabuting bagay na ang patakaran at taktika ng malapad na nagkakaisang prente ay nakapagtitipon ng masang may iba't ibang antas ng kamulatan. Bunga nito, maaaring palaganapin ng mga progresibong pwersa ang anti-imperyalista at demokratikong kamulatan sa hanay ng mga ito. Ang kilusang anti-gera ay kailangang mulat at militanteng bigyan ng anti-imperyalistang nilalaman. Magagawa lamang ito kung ang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay mangunguna, higit pang mag-iinisyatiba at lalaki sa loob ng gayong tipo ng kilusang masa. Kailangan makapaglantad at makapagtutol ang kilusang ito sa interbensyunista, mapandigma, pasista, terorista at mapandambong na katangian ng imperyalismo.

Tuwing nagdadaluhong manggera ang imperyalismo, dapat binibilisan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at lahat ng anti-imperyalista at demokratikong pormasyong masa ang mga pagsisikap na pukawin, organisahin at pakilusin ang walang-katulad na paparaming bilang ng mamamayan alinsunod sa linya ng malapad na nagkakaisang prente. Dapat nilang mobilisahin ang malawak na masa ng sambayanan para maglunsad ng mga malakihang aksyong protesta at magharap ng kagyat na mga kahilingan.

Kasabay nito, ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay dapat estratehikong magbigay ng kunsiderasyon at kumilos para magkatotoo ang potensyal sa pagpapalakas ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa at pagtatransporma ng imperyalistang gera tungo sa rebolusyonaryong gera sibil sa takdang panahon. Napatunayan ng kasaysayan na ang kalagayan ng imperyalistang krisis at gera ay nagbubunsod ng armadong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo.

Isang katotohanan na tuwing umiigting ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at may isang imperyalistang superpower o grupo ng mga imperyalistang kapangyarihan na nagdadaluhong sa pandarambong at pagpatay at nagsasagawa ng pinakamasasahol na bagay laban sa mamamayan, siya namang nag-uudyok sa pagsulong ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.