Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynon
   

BAKIT KINAKAPOS NG HANGIN AT HUMIHINA ANG HAMON NI FPJ KAY GMA

Prof. Jose Ma. Sison
National Democratic Front of the Philippines
Chief Political Consultant
Abril 23, 2004

Ang mga nangunguna sa kasalukuyang paligsahang elektoral para sa pagkapresidente ay sina Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), ang makapangyarihang presidente ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ang sinasabing popular na artista sa pelikula na si Fernando Poe Jr. (FPJ).

Parehong mas kilala ang dalawang ito sa kanilang negatibong mga aspeto at bulnerabilidad kaysa sa mga positibong kwalipikasyon nila para sa mataas na katungkulang kanilang pinagtatagisan. Sinasalamin nila ang padausdos na tunguhin ng naghaharing sistemang tigib sa krisis.

Bulnerable si GMA sa kritisismo dahil sa kanyang perpormans sa mahigit tatlong taong panunungkulan. Si FPJ naman ay bulnerable na agarang tanggihan bilang taong walang anumang intelektwal na kahandaan at karanasan sa pulitika para sa katungkulan ng presidente.

Sa simula pa lamang ng kampanya, pinawalang-saysay na ng tinatawag na tipong-ABC na media audience si FPJ bilang masamang biro sa mamamayan. Nag-aalala nga sila na baka iboto siyang presidente ng tipong-D at E na media audience nang dahil lamang sa bulag na paghanga sa kanya ng masa bilang bida sa pelikula.

Subalit hindi dapat maliitin ang masang anakpawis bilang mga mangmang. Ang totoo, sila ang pinakamahusay na balon ng pagkatuto. Basta't magkaroon sila ng sapat na pagkakataong marinig ang lahat ng pananaw, napatatalas nila ang kanilang kamalayan tungkol sa kanilang sariling kalagayan at pangangailangan at nakagagawa ng intelihenteng mga desisyon.

Sapat-sapat na ang itinakbo ng kampanya para mabatid ng masa ng sambayanan na si FPJ ay mas mahina di lamang kay GMA sa usapin ng kahandaan at karanasan kundi pati sa kanyang malapit na kaibigang si Joseph Estrada nang ito'y tumakbo sa pagkapresidente noong 1998.

Hindi lang simpleng artista si Estrada noon. Nanungkulan na siya bilang alkalde at senador at umuupo bilang bise presidente, mahusay magsalita laluna ng Tagalog at matagumpay niyang nailarawan ang sarili bilang "Erap para sa Mahirap."

Kung matalas na ihahambing kay Estrada, si FPJ ay hindi kailanman naiboto sa anumang katungkulang pampubliko at hindi nagtagumpay na ilarawan ang sarili bilang kampeon ng mahihirap maliban lang sa pelikula. Siya ay suplado, arogante at bugnutin. Kadalasan, padalus-dalos siya sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa mga patakaran. Halos hindi siya makabuo ng pangungusap sa Tagalog man o Ingles.

Madalas makalimutan ng mga nagmamaliit sa katalinuhan ng masa na sa buong hanayang pampulitika sa Pilipinas, mayroong mga patriyotiko at progresibong pwersa, kabilang na ang mga rebolusyonaryo, na tumutulong sa masang anakpawis ng manggagawa at magsasaka na maunawaan ang kalagayan ng Pilipinas at mga isyu tungkol sa ekonomya, pulitika, kultura at iba pa.

Inilalantad ng mga progresibong partido sa party list na walang nilalaman ang programa ni FPJ na makapagbabago ng kalagayan ng Pilipinas. Ang pinakamasahol nito, ang mga katulad nina Estrada at mga Marcos at iba pang matagal nang nandarambong at lumalabag sa karapatang-tao ang nasa likod niya at gumagamit sa kanya bilang dummy.

Napansin din ng mga progresibong partido sa party list na napaka-makasarili ng mentalidad, estilo sa pangangampanya at pakikitungo sa mga tao ni FPJ. Ipinakikita niya na hindi siya nangangailangan ng tulong ninuman dahil napakapopular na raw niya at sigurado nang mananalo.

Hindi niya kinikilala ang lakas ng swing-vote ng mga progresibong partido at ni hindi niya sila nilapitan para makipagtulungan. Nagpabaya siya sa pagbigkis kahit man lang ng mga taong direktang nakapaligid sa kanya at bigo siyang bumuo ng pambansang makinarya ng mga kandidato at tagapangampanya.

Dahil sa lahat ng naipalawanag sa itaas, hindi kataka-taka kung ang hamon ni FPJ kay GMA ay kinakapos na ng hangin at humihina na. Kinukumpirma ang tunguhing ito ng mga ulat sa kampanya ng mga progresibong partido. Sinasalamin ang tunguhing ito ng lahat ng seryosong sarbey tungkol sa eleksyon, kabilang yaong sa Ibon. Kaya kahit si Gen. Panfilo Lacson, na isang pusakal na manglalabag ng karapatang-tao, ay tumatangging maging bise presidente ni FPJ at iginigiit ang pananatili bilang kandidato sa pagkapresidente. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.