Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisaya
   

Ang tinatawag na 10-puntong adyenda ni GMA ay kasuklam-suklam na listahan ng mga kasinungalingan

Prof. Jose Ma. Sison
National Democratic Front of the Philippines
Chief Political Consultant
Hulyo 07, 2004

Nakaabot sa akin ang impormasyon na ipinagkakalat ng mga propagandista ni Gloria Macapagal-Arroyo ang katawa-tawang kasinungalingan na suportado ko raw ang tinatawag na 10-puntong adyenda at sa gayo�y suportado ko rin ang kanyang madayang pagkakahalal bilang presidente ng reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Ang pinakamahusay na paraan para tugunan ang gayong di kapani-paniwalang kasinungalingan ay ilantad na ang tinatawag na 10-puntong adyenda ay kasuklam-suklam na listahan ng mga kabulaanan at ipaliwanag kung bakit ang bawat punto nito ay kasinungalingan.

  1. Hindi makalilikha ng anim na milyong trabaho ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa loob ng anim na taon. Bangkarote ang reaksyunaryong gubyerno. Patuloy na malulugmok sa krisis ang ekonomya dahil wala itong gaanong maieeksport na mapagkakakitaang kalakal sa pandaigdigang pamilihan. Lalaki ang mga depisit sa badyet at kalakalan. Lalo pang bibigat ang napakabigat nang pasanin na panlabas at lokal na utang. Ang mga utang ay patuloy na pakikinabangan ng mga dayuhang monopolyong empresa at malalaking kumprador at hindi ng maliliit at panggitnang mga empresa. May isa o dalawang milyong ektaryang ibibigay sa mga dayuhan at lokal na korporasyon sa agrikultura sa kapinsalaan ng mga magsasakang walang lupa at iba pang mamamayan.
  2. Hindi makapaglalaan ng sapat na bilang ng mga bagong gusali, silid-aralan, mesa, upuan, libro at scholarship sa mga estudyante dahil ang prayoridad na ginagastusan ng bangkaroteng reaksyunaryong gubyerno ay ang militar, pulisya, mga serbisyong paniktik, mga proyektong batbat ng katiwalian at ang pagbili ng mamahaling mga kotse at gamit-upisina para sa matataas na burukrata.
  3. Hindi mababalanse ang badyet. Patuloy na lalaki ang depisit dahil sa mga proyektong batbat ng anomalya. Subalit ang mga serbisyong panlipunan, laluna sa edukasyon, kalusugan, tubig, kuryente at iba pa ay patuloy na pagkakaitan ng sapat na pondo at rekurso.
  4. Hindi uunlad ang �desentralisasyon� dahil sa malubhang krisis at lubusang pagkabangkrap ng reaksyunaryong gubyerno. Patuloy na mabubulok ang imprastrukturang pantransportasyon, laluna ang feeder roads. Lalawak ang �digital gap� (agwat sa teknolohiyang elektronik) kung saan ang mga mapagsamantala ay magkakaroon ng sobra-sobrang kagamitang digital samantalang ang masang anakpawis ay pinipigilang magpahayag ng kanilang mga karaingan at kahilingan.
  5. Hindi mabibigyan ng serbisyo sa kuryente at tubig ang mga barangay sa buong kapuluan. Nagsisinungaling ang rehimen kaugnay nito. Ikinukubli ng rehimen ang patakaran nito sa pagsasapribado sa suplay ng kuryente at tubig at ang katotohanan na patuloy na itinataas ang singil dito ng mga monopolista sa enerhiya at tubig. Pinahintulutan ng rehimen ang mga imperyalistang tagasuplay ng enerhiya at kagamitan na kontrolin ang mga sistema sa kuryente at tubig at yurakan ang mamamayan. Pinahintulutan din nito ang mga US, British at Dutch na kumpanya ng langis na magmay-ari ng 90% ng mga rekursong langis at gas at mga pipeline sa Malampaya at isinuko na ng rehimen ang teritoryal na hurisdiksyon sa mga rekursong langis at gas sa karagatan ng Palawan.
  6. Hindi mababawasan ang dami ng tao sa Metro Manila sa pamamagitan ng di-makatotohanang pangako ng rehimen na susuong sa mga nakapagpapataas-presyong gastos (inflationary spending) para sa konstruksyon ng mga gusaling pang-upisina ng gubyerno at mga mamahaling pabahay sa iba pang bahagi ng bansa. Nagpapatuloy ang mga pinsalang dulot ng pagbagsak ng konstruksyon mula pa noong 1987.
  7. Ang pagpapaunlad sa Clark at Subic ay para sa kapakinabangan hindi ng mamamayang Pilipino, kundi ng mga negosyo ng US at iba pang multinasyunal na empresa at para magsilbing daungan at paliparan ng mga barko at eroplanong pangmilitar ng US. Subalit kahit ang kaunlaran para sa mga interes ng dayuhan ay nililimitahan ng kasalukuyang pandaigdigang depresyon.
  8. Ang automation o paggamit ng kompyuter sa prosesong elektoral ay dagdag na namang pagkukunan ng kurakot at hindi pa rin makapipigil sa malawakang pandaraya ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Pwedeng iprograma ang mga kompyuter para dayain ang mga resulta sa eleksyon.
  9. Balak ng rehimeng Macapagal-Arroyo na tapusin na ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Wala itong ginawang epektibong hakbang para kontrahin ang pagkakabilang ng PKP/BHB at ng chief political consultant ng NDFP sa listahan ng mga �terorista.� Hindi ito tumupad sa pangakong palalayain ang mga bilanggong pulitikal at isasaayos ang pagbibigay ng indemnipikasyon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos. Parang asong ulol ang militar, pulisya at pwersang paramilitar ng GRP sa paglabag nila sa karapatang-tao sa buong bansa. Naghahasik sila ng ibayo pang inhustisya laban sa mamamayang Pilipino. Sa atas ng US, napipinto nang tapusin ng rehimen ang negosasyong pangkapayapaan.
  10. Nais ng rehimeng Macapagal-Arroyo na makipagkaisa at makipagkasundo sa mga Marcos, Estrada at Cojuangco subalit hindi sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at sa mga panggitnang saray ng lipunan na ngayo�y binabayo ng pinakamalulupit na anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Dahil sa mga kasinungalingan at hungkag na mga pangako ng rehimeng Macapagal-Arroyo at ng katotohanan ng umiigting na pang-aapi at pagsasamantala, nabubuo ang isang malawak na nagkakaisang prente ng mga patriyotiko at progresibong pwersa. Dumadaluyong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang Pilipino para hamunin ang buong naghaharing sistema.
###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.