Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Ka Basil, dakilang rebolusyonaryo

 Read this article in English


"Masasabing ang kasaysayan ni Ka Basil sa rebolusyon ay kasaysayan na rin ng buong Timog Katagalugan. Lahat ng ikot, liko at igpaw ng rebolusyon sa rehiyong ito ay nalahukan niya. Lahat ng mapapait na yugto ng pagkilos, pag-ibig at pagpapamilya ay naranasan niya rito. Gayundin, ang masasayang panahon at matatamis na tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyon ay nadama niya rito." �Ka Higom Maragang

Noong Pebrero 6, namatay si Mabini Permalu Fabon, 52, kilala bilang Ka Basil, Ka Romy, Ka Andoy, Ka Benny, Ka Albert, Ka Bitoy at nitong huli, Ka Apolinario, habang ihinahatid sa Batangas upang ipagamot ang di inaasahang malalang karamdaman. Isa si Ka Basil sa mga rebolusyonaryong pinakamatagal na nagsilbi sa Southern Tagalog. Salamin ang kanyang buhay ng kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan ng rehiyon.

Kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) si Ka Basil nang ipataw ang batas militar noong 1972. Kabilang siya sa 15 aktibista na nagkusang tumungo sa kanayunan ng Cavite upang mag-organisa sa masa roon at hanapin ang Bagong Hukbong Bayan. Noong 1974, sa pamamagitan ng pambansang pamunuan ng KM na patuloy niyang nauugnayan, sumumpa siya bilang kandidatong kasapi ng Partido. Namuhay siya sa mga bulubunduking bahagi ng Cavite at malalim na umugat sa hanay ng mga magsasaka roon hanggang 1976. Ginamit niya ang mga dokumento ng Partido bilang gabay sa pag-oorganisa habang naghihintay na maugnayan ng BHB. Nakasanib siya sa BHB sa Quezon-Bicol Zone (QBZ) pagsapit ng Disyembre 1976.

Naitalaga siya sa Tagkawayan, Quezon noong 1977 at dito niya lubusang natutunan

ang pagpapalawak at pagpapatatag ng isang larangang gerilya alinsunod sa estratehiya ng matagalang digmang bayan. Sa panahong ito nasaklaw ng pagkilos ng BHB ang kalaparan ng QBZ at inabot nito sa unang pagkakataon ang mga bayan ng Ragay at Lupi sa Camarines Sur. Malaki rin ang itinulong ni Ka Basil sa pagpapaunlad ng gawain sa edukasyon at pinaunlad niya ang paggamit ng mga tulong biswal para mas madaling maunawaan ng mga magsasaka. Sa panahon ding ito naging ganap na kasapi ng Partido si Ka Basil.

Panandalian siyang itinalaga sa gawaing propaganda noong 1980 kung saan pinangasiwaan niya ang paglalabas ng Kalatas, ang rebolusyonaryong pahayagan ng rehiyon. Ngunit sa taon ding ito ay inilipat siya sa yunit pang-organisa sa hangganan ng Batangas-Laguna-Quezon upang palawakin ang saklaw ng BHB doon. Matagumpay na nabuksan ng BHB ang Lipa, Padre Garcia, Rosario, Taysan, San Juan at Lobo sa silangang Batangas sa kabila ng matitinding operasyon ng AFP.

Ngunit dumanas ng matitinding hagupit ang yunit na kinapalooban ni Ka Basil. Noong 1982, nakubkob at nadurog ang yunit na ito sa Lipa. Tanging si Ka Basil at isa pang mandirigma ang nakaligtas. Gayunpaman, hindi nabawasan ang pagpupursige at kasigasigan ni Ka Basil.

Sa panahong ito sineryoso niya ang pag-aasawa at pagtatayo ng pamilya sa balangkas ng kanyang pagkilos sa kanayunan. Ikinasal sila ng kanyang kasintahan noong Marso 29, 1985 sa isang kweba sa Bundok Banoy sa Batangas sa gitna ng isang matinding operasyong militar ng kaaway sa lugar.

Pagdating ng 1985, lumahok siya sa ikalawang kumperensyang panrehiyon at nahalal bilang regular na kagawad ng Komiteng Rehiyon (KR) ng Partido sa ST.

Noong 1988, nabiktima siya ng Operation Missing Link, ang hibang na kampanyang anti-impiltrasyon na ipinatupad sa ST. Isa siya sa mga nailigtas nang irebyu at ipatigil ito ng pamunuan ng Partido. Sa tulong ng mga kasama, nilagom niya ang kanyang karanasan bilang biktima ng OPML at nagsikap na pangibabawan ang mga pisikal at sikolohikal na epekto nito sa kanya. Agad siyang pumailalim sa balangkas ng pag-aayos sa organisasyon, tuluy-tuloy na nagmantine ng ugnay sa mga kasama at gumampan ng mga nakayanan niyang gawaing rebolusyonaryo habang nagrerekober. Habang nagpapagaling, iniukol niya ang makakaya para matulungan sa mga problemang pangkabuhayan at makapiling ang asawa at kaisa-isang anak.

Tuluy-tuloy siyang nagbasa ng mga akda ni Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao, pinanindigan ang mga batayang prinsipyo at pananaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pinanghawakan ang rebolusyonaryong kapasyahan. Di nagtagal, muli siyang nagpultaym.

Nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992, kaagad niyang niyakap ang mga aral at hinarap ang mga hamon nito. Agad siyang tumugon sa panawagan ng Partido na muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo, kabilang ang kapasyahang mahigpit na panghawakan ang armadong pakikibaka. Samantalang nananatili ang kapasyahang muling bumalik sa pagkilos sa larangang gerilya, patuloy pa siyang pinagampan muna ng mga gawain sa lunsod.

Noong 1998, muli siyang sumanib sa BHB. Ipinagkatiwala sa kanya ang pangangasiwa sa isang larangang gerilya na laking distrito sa Quezon.

S a kanyang muling pagsanib sa BHB at paggampan ng gawain sa pamumuno sa larangang gerilya, hinangaan ng mga kasama ang kanyang matatag na paninindigan para sa rebolusyon sa kabila ng dinanas na mga pasakit at kahirapan. Balewala sa kanya ang mga sugat sa digmaan, ang paminsan-minsang dinanas na gutom at iba pang sakripisyo sa pagrerebolusyon.

Mabilis siyang nakapangibabaw sa mga pagsubok at nanatiling matatag sa gitna ng pananalasa ng militarisasyon sa nilipatan niyang larangang gerilya. Di naglaon ay idineploy siya sa Mindoro.

Ang mahigit tatlong taon niya sa Silangang Mindoro ay nagbigay sa kanya ng panibagong sigla at pag-asa sa pagsusulong ng rebolusyon. Sinariwa niya ang maraming karanasang naipon niya sa pagkilos sa Cavite, Quezon-Bikol Zone, Batangas at Laguna. Kinilala ang halaga ng mayaman niyang mga kaalaman at karanasan.

Habang lubos niyang pinahalagahan ang mga aral ng IDKP, higit niyang nakita at natutunan ang mga pinong punto nito laluna ang mga pagwawasto ng mga nakaraang kahinaan sa gawaing masa at iba pang gawain ng BHB. Hindi siya pinanghinaan bagkus ay nahamon na ibayong magwasto at lalong magpakahusay sa panibagong disposisyon.

Ang lahat ng mga kasamang nakakilala sa kanya ay saludo sa kanyang matitingkad na positibong katangian. Isa siyang dakilang halimbawa sa mga kasamang naging biktima ng OPML na nagsumikap na makapangibabaw dito, at yumakap at nagtaguyod sa IDKP. Matatag siya sa hirap at sakripisyo, walang natutunang bisyo, disiplinado sa sarili at sa pangangatawan, di mapaghanap ng mga kaginhawaan, kung anu-anong pagkain o anumang karangyaan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Pebrero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Marami pang liko't ikot ang daraanan ng usapang pangkapayapaan

Mga pakinabang ng mamamayan mula sa kasunduan sa Oslo
Mga kinatawan sa JMC, hinirang
Mga aktibista para sa karapatang-tao, pinaslang ng militar
Karahasan laban sa mga progresibong kandidato at partido
Matatagumpay na Opensiba ng BHB
27 armas, nasamsam ng BHB

Mga Ulat Koresponsal:
Pagpaparami ng mga guro ng rebolusyon sa Camarines Sur

Mga Ulat Koresponsal:
Ka Basil, dakilang rebolusyonaryo
Mga Ulat Koresponsal:
Mapait ang asukal sa Negros

Laban sa imperyalistang globalisasyon at gerang agresyon:
Mumbai Resistance 2004, matagumpay na idinaos

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.