PRESS RELEASE Information Bureau Communist Party of the Philippines
Signipikanteng mga tagumpay ng BHB sa taong 2007, higit pa't mas malalaking tagumpay, napipinto sa 2008 -- PKP
Disyembre 27, 2007
Sinabi ng PKP ngayong araw na "nakamit ng BHB ang
signipikanteng mga tagumpay pangmilitar nitong nakaraang taon, at
napipinto ang mas marami't mas malalaking tagumpay bilang tugon sa
pang-anibersaryong panawagan ng Partido na paigtingin ang mga pagsulong
sa 2008."
"Batay sa aming pagsusuma ng napaka-parsyal pang mga ulat mula
sa mga larangan, malinaw na nagkamit ng makabuluhang mga tagumpay ang
mga rebolusyonaryong pwersa sa paglulunsad ng gerilyang pakikidigma.
Pangunahin ang pagkabigo sa mga kampanyang militar na inilunsad ng
Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong taon," anang tagapagsalita
ng PKP na si Gregorio "Ka Roger" Rosal.
Sinangguni ni Rosal ang mga ulat na nakalathala sa pahayagang
Ang Bayan ng PKP at sinabing nakapaglunsad ang BHB ng di bababa sa 95
"malalaki't maliliit" na taktikal na opensiba sa buong bansa ngayong
taon. Mayroong pang di bababa sa 200 di nakaulat na mga taktikal na
opensibang inilunsad ng BHB laluna sa Mindanao. Sa mga inisyatibang
militar na ito, nakasamsam ang BHB nang di bababa sa 327 sandatang
kinabibilangan karamihan ng matataas-na-kalibreng riple,
puu-puong-libong bala, at samutsaring gamit pangmilitar at
pangkomunikasyon. "Ang mga sandatang ito ay sapat para armasan ang di
bababa sa tatlong bagong kumpanya ng mga Pulang mandirigma."
Sinabi ni Rosal na "May mga itatala pa tayong mga tagumpay sa
mga taktikal na opensiba ng BHB sa maraming larangang gerilya, laluna
sa Mindanao, kung saan nagkaroon ng daan-daang matatagumpay na taktikal
na opensiba ang BHB nitong nakaraang tatlong taon. Apatnaraan dito ang
inilunsad noong 2006. Dito, nagtamo ang mga armadong pwersa ng gubyerno
ng 330 kaswalti at nasamsaman ng BHB ng 300 sandata."
Sa mga tampok na tagumpay ng BHB ngayong taon, partikular na
tinukoy ni Rosal ang reyd sa Davao Penal Colony noong Abril 7 kung saan
nasamsam ang 108 iba-ibang armas "nang walang putok." Binanggit din
niya ang pagpapabagsak sa isang Huey Helicopter ng Philippine Air Force
nitong Disyembre 14 ng BHB sa Tanay, Rizal. Apat ang patay na sundalo
at siyam ang sugatan dito.
"Di bababa sa 204 pwersang militar, pulis at paramilitar ng
gubyerno ang napatay at mahigit 149 iba pang pwersang kaaway ang
sugatan sa mga armadong engkwentrong ito. Siyam na sundalong gubyerno
at elemento ng CAFGU rin ang naaresto sa labanan, naging mga
bihag-ng-digma at pagdaka'y pinalaya sa makataong mga batayan," dagdag
ni Rosal.
"Iginawad rin ang rebolusyonaryong parusa laban sa mga ilang
elemento ng death squad ng AFP na nasa likod ng mga pagpatay na
ekstrahudisyal na pakana ng mga upisyal sa national security ni
Arroyo," ani Rosal. "Ang mga hakbang na ito'y isinagawa ng BHB matapos
ang puspusang mga imbestigasyon at matamang pagsasapraktika ng due
process," ani Rosal.
"Pinakamahalaga sa lahat, nagawa ng BHB na biguin ang
antas-dibisyon, laking-brigadang mga kampanyang militar ng panunupil na
inilunsad sa maraming larangang gerilya sapul noong Enero. Sa Rehiyong
Ilocos-Cordillera, ang umaatakeng AFP ang nagtamo ng kaswalti na di
bababa sa 33 mula Enero hanggang Abril. Sa Rehiyong Northeast Mindanao,
katumbas ng kumpanya ang nawala sa 58th IB dahil sa mga kaswalti at
dahil na rin sa mga demoralisadong tropa na nag-AWOL," bunyag ni Rosal.
"Kapansin-pansing naging napakababa ng moral sa hanay ng mga
nakababatang upisyal at karaniwang sundalo ng AFP. Ito'y pangunahing
dahil hindi nila madurog ang BHB na di makakailang may bentahe ng
malalim at malawakang suporta ng masang magsasaka at iba pang bentahe
tulad ng elemento ng surpresa, pagkakabisa ng kalupaan at iba pa,"
punto ni Rosal. "Dagdag pa, lubhang demoralisado ang AFP dahil sa
korupsyon, pasismo at terorismo ng rehimeng Arroyo at ng pinakamatataas
na upisyal nitong pangmilitar at panseguridad."
Natawa lamang si Rosal sa mga deklarasyon ni PA Chief Lt. Gen.
Alexander Yano na kayang tapusin ng AFP ang rebolusyonaryong kilusan
'sa loob ng 39 linggo", nang may pasintabi sa ika-39 anibersaryo ng PKP
kahapon.
Hinamon ni Rosal si General Yano na isuko ang lahat ng kanyang
mga medalya at tanggapin ang 'dishonorable discharge" sa Oktubre 2008
gayong tiyak na mapapatunayang mali siya oras na magtapos ang "39-week"
na oras niya.
"Papaano mabibigo ng mga armadong pwersa ng gubyernong malalim
ang pagkakahati-hati, demoralisado at inutil ang solido,
mataas-ang-moral at may-kakayahang-lumabang katapat na BHB," tanong ni
Rosal. "Papaanong gagapiin ng mga pasistang reaksyunaryo ang BHB gayong
naglulunsad sila ng brutal at barbarikong digma na lalo lamang
nagtutulak sa paparaming mamamayan na kamuhian ang AFP at ang rehimen
na pinaglilingkuran nito. Sa paglala ng kahirapan, pang-aapi at
paghihirap ng masa ng sambayanan sa ilalim ng bulok at papet na
rehimen, paparami lamang ang mamamayang nag-aarmas at sumasanib sa
BHB."
"Ni hindi maikonsentra ng AFP ang bulto ng nanlalabang pwersa
nito sa mahigit 10% ng lahat ng larangang gerilya ng BHB. Desperado
nilang pinabibilis ang pagrekluta ng mga pwersang paramilitar,
samantalang kumakaunti ang kanilang mga tagumpay at nadadagdagan ang
mga kapunahan, lalo at maraming myembro ng CAFGU ang naiuulat na
napaghihinalaang sumusuporta sa BHB," ani Rosal. Binanggit niya ang
insidente kung saan limang elemento ng CAFGU ang minasaker noong Hunyo
28 ng mga elemento ng 29th IB sa Las Nieves, Agusan Sur, matapos
paghinalaan ang mga itong tumutulong sa BHB sa reyd ng detatsment ng
23rd IB isang araw bago nito.
"Naglalayon ang BHB na makamit ang mas malalaking tagumpay sa
susunod na taon alinsunod sa panawagan ng pamunuan ng PKP na pabilisin
ang mga pagsulong," ani Rosal. "Inaasahan nating makapaglulunsad ang
BHB ng mas malalaki at nas nadadalas na taktikal na opensiba simula sa
unang kwarto ng 2008."
"Lahat ng yunit ng BHB ay hinahamong lagpasan pa ang lahat ng tagumpay ng mga nakaraang taon," ani Rosal.
Reference:
Marco Valbuena Media Officer Cellphone Numbers: 09179776392 :: 09282242061 E-mail:[email protected]
Back to top
|