Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
| Revolutionary Songs | Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Koleksyon (1984) | Alab ng Digma (2000) | Ibong Malaya - Vol. 1 | Ibong Malaya - Vol. 2 |


Introduksyon
Paunang Salita

Sa lahat ng popular na porma ng sining at panitikang nagsisilbi sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pambansa-demokratiko, ang kanta ang pinakamalaganap sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.

Tampok sa Pagtitipon

Ang pag-aawit ng mga rebolusyonaryong kanta ay lagi nang kinagigiliwang bahagi ng anumang alatuntunang inihahanda at dinadaluhan ng mga aktibista at orgnisadong masa sa hanay ng mga manggagawa't magsasaka, Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at kadre at myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga palatuntunang ito ay idinaraos kaugnay ng kampanya sa pagpapagsigla ng gawaing militar o aksyong masa sa sonang gerilya, pulong pag-aaral, pulong paranal sa mga rebolusyonaryong martir, o pulong paggunita sa mga dakilang araw sa kasaysayan ng BHB at PKP.

Maririnig ang mga kanta maging sa karaniwang pagsasaya, pagtatrabaho o pamamahinga ng mga kasama at masa.

Bakit Popular?

Bakit mabilis at malawak na naipapalaanap ang rebolusyonaryong kanta, laluna sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan?

Una'y dahil sa angking katangian ng kanta bilang sining; may kagyat na bighani ang himig nito na madaling makatawag pansin, makaantig ng damdamin o makintal sa isip. Ikalawa, ang kanta ang pinakmasiglang porma ng tradisyunal na sining na nananatiling buhay na bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay at pakikibaka ng masa. At ikatlo, napakaraming mamamayang nasa kanayunan ang hindi natutong magbasa't magsulat bunga ng kapabayaan ng sistemang edukasyon ng mga naghaharing-uri, kaya't ang sining na oral (pabigkas o paawit) ang pinakamabilis na paraan ng rebolusyonaryong pamamahayag.

Ang rebolusyonaryong kanta ay sumasagot sa pampulitikang pangangailangan at interes ng masa kaya't masigla nila itong tinatangkilik. Sinasalamin nito ang kalagayan, pangangailangan at hangarin ng pinakamalawak na masa. Kayat mulat itong ginagamit ng mga kadre ng Partido, Pulang mandirigma at aktibistang masa upang ibandila ang mga adhikain ng pambansang demokrasya sa buong kapuluan.

Ang mahigit na apatnapung kanta sa unang koleksyon ng Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino ay kumakatawan sa daan-daang kantang nilikha sa gitna ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang demokrasya.

Pinapaksa ng mga piniling kanta ang ilang tampok na nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan at ang pananalig dito ng sambayanang Pilipino, ang armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa; at ang pagpapanibagong hubog ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Sandata sa Pagbabago at Lipunan

Ang mga rebolusyonaryong kanta ay may katangi-tanging kakayahan at tungkulin sa malawakang pagmumulat, pagpapakilos, at pagpapatatag sa masa kayat ito ay mabisang sandata sa pagbabago ng lipunan.

Sa pamamagitan ng mga kantang "Makigbisog, Ayaw Kahadlok!" (Makibaka Huwag Matakot), "Pagbabalikwas," at "Rebolusyon" naipopularisa ang ilang bahagi ng linya ng demokratikong rebolusyong bayan; ang armadong pakikibaka bilang pangunahing sandata ng sambayanan sa pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado, ang estratehiya at taktika ng matagalang digma; at ang pamumuno ng proletaryado sa rebolusyon.

Ang militanteng diwa ng mga kantang ito ay lalo pang pinatitingkad ng paggamit ng himig ng martsa.

Ang rebolusyonaryong pambansa-demokratiko ay pagpapatuloy ng Rebolusyon ng 1896 na pinamunuan ng manggagawang si Andres Bonifacio; ipinapakita ang ugnayang ito sa pagsasakundiman ng tula ni Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa".

Sa kabilang banda, ipinakita ng kantang "Internasyonal" ang katangian ng kasalukuyang pakikibaka bilang bahagi ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Iniuugnay ng makapangyarihang kantang ito ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa mga pakikibaka sa iba't ibang bayan sa Asya, Aprika at Amerikang Latina laban sa imperyalismo, kolonyalismo at iba pang paraan ng pang-aapi't pagsasamantala ng mga naghaharing uri.

Armadong Pakikibaka at Rebolusyonaryong Kilusang Masa

Ang aktibong paglahok ng masa sa rebolusyon ay mayamang bukal ng mga paksa't tema para sa mga likhang pampanitikan at pansining. Mula sa mga larangan ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa humahango ang ating mga manunulat at kompositor ng mga karanasan at aral upang isaawit.

Sa ganitong paraan, ang ating mga kanta ay hindi lamang mahigpit na nakaugnay sa rebolusyonaryong pakikibaka kundi nakatutulong pa sa higit na pagsulong nito.

Ang mga kantang "Pasismo ha Nagookan" at "O Marcos Baliling" ay naglalarawan ng pang-aapi na dinaranas ng masa sa kamay ng mga naghaharing uri. Ang unang kanta ay nagsasalaysay ng karanasan ng mga magsasaka sa militarisasyon, samantalang tunutuligsa naman sa ikalawang kanta ang proyektong Chico Dam ng gubyerno na wawasak sa ari-arian at kultura ng minoryang Kalinga. Ang mga kantang tulad ng mga ito ay tumutulong sa pagpapaibayo ng pagkakaisa ng masa laban sa kaaway.

Ang "Taktikal nga Opensiba" (Taktikal na Opensiba) ay nilikha sa larangang gerilya ng Samar kaugnay ng kampanyang edukasyon sa hukbo at masa para pasiglahin ang kampanyang militar sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Inilalahad dito ang kahalagahan at paraan ng pagsasagawa ng ganitong pagkilos.

Pinapaksa ng "Ronda ha Gamay ngan Mapanas" (Reyd sa Gamay at Mapanas) ang isang matagumpay na reyd ng mga Pulang mandirigma sa sentro ng kaaway. Masiglang iniisa-isa ang mga pangyayari: ang pagkontrol sa munisipyo, ang takot ng mga pulis at CHDF at ang pagkumpiska sa gamit-militar ng kaaway. Higit sa lahat, pinahahalagahan ng kanta ang pagtataguyod ng masa bilang susi sa tagumpay.

Mga Bagong Bayani

Ang mga manggagawa, maralitang magsasaka, Pulang mandirigma at iba pang mga progresibong uri't sektor sa lipunan ang mga bagong bayani ng sambayanang Pilipino. Malinaw itong isinasalarawan sa mga kanta ng pambansang demokrasya.

Ang pagkakabuklod ng mga manggagawa at magsasaka tungo sa iisang layunin ng pagpapalaya ng bayan ang pinapaksa ng mga martsang "Manggagawa at Magbubukid" at "Sumulong ka Anakpawis"

Ang masang magsasaka ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Ang kanilang api't hikahos na kalagayan at aktibong paglahok sa armadong pakikibaka ang tinatalakay naman ng mga kantang "Tano," "Ako, Mangunguma" at Awit ng Kainginero". Angkop ang paggamit ng tradisyunal na himig sa huling dalawang kanta laluna't nauukol sa mga magsasaka.

Inilalarawan ng mga kantang "Ang Bagong Hukbong Bayan," "Di Magagaping Diwa" at "Disiplina han BaHuBa" ang pagkilos, paninindigan at kabayanihan ng Bagong Hukbong Bayan, ang armadong destakamento ng sambayanan.

Binigyang pansin ng mga kantang tulad ng "Gumising Ka, Kabataan" ang ispisyal na mga sektor ng kabataan, kababaihan at minorya para mamulat at maiugnay nila ang partikular nilang pakikibaka sa pangkalahatang pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Gayundin naman ang mga bilanggong pulitikal. Sa mga kantang likha mismo ng mga bilanggong pulitikal tulad ng "Mutya" at Ibong Malaya," inilalarawan ang matinding pagnanais na makalaya't makabalik sa pangunahing agos ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Muling Paghuhubog

Ang pagbabago ng mapang-aping balangkas ng kasalukuyang lipunan ay nangangahulugan din ng panloob na pagbabago ng mga rebolusyonaryong pwersa nang gayo'y higit nilang magampanan ang tungkulin sa pakikibaka.

Ang mga rebolusyonaryong kanta ay nagsisilbing instrumento sa pagbaka ng mga pyudal at burgis na pananaw, aktitud at gawi na sumasagka sa pagsulong ng mamamayan.

Sa "Pantasya" halimbawa, inilalantad ang bangkaroteng kaisipang pyudal na pumipigil sa aktibong pagkilos ng mamamayan tungo sa pagbabago ng lipunan at mamamayan. Ipinag-iiba ng kanta ang reaksyunaryong kaisipang ito sa mapagpalayang kaisipang nakabatay sa makauring pananaw sa daigdig.

Nilalaman naman ng mga kantang "Awit sa Kasal," "Sa Pagkakalayo ay may Paglalapit Din" at uyaying "Tulog na Bunso" ang rebolusyonaryong pagbabago sa institusyon ng pamilya para maiayon sa batayang prinsipyo ng paglilingkod sa masa. Sa "Awit sa Kasal," itintakwil ang pyudal at burgis na gapos sa pag--aasawahan nang sa gayo'y magsilbing salik ang pagrerelasyong ito sa ibayong pagsusulong ng pakikibaka.

Para sa mga kasamang nanlalamig sa pagkilos, ang "Halina, Halina" ay mapagalalang pagpapagunita sa kahalagahan ng pag-aaral, punahan at pagtitiwala sa hinaharap ng rebolusyonaryong pakikibaka, nang sa gayo'y mapanumbalik ang sigla sa pagkilos.

Ang pag-aalay ng buhay alang-alang sa paglaya ng bayan ay dinadakila sa "Alay" at "Luksampati". Ang pighati ay pinangingibabawan ng ibayong tatag, tapang at sigasig sa pakikibaka.

Iba't ibang Himig

Ang paksa o tema ay lalong pinatitingkad ng angkop na himig. Karaniwang ang himig ay popular sa masa, tulad ng martsa, balse, kundiman, uyayi, awit ng pag-ibig, pagluluksa, o musikang pop. Ginagamit din ang katutubong himig ng mga pambansang minoryang Aggay sa Cagagayan Valley at Manobo sa Mindanaw.

Pagkakaisa ng Nilalaman at Porma

Ang mahusay na pagsasanib ng nilalaman at porma sa mga likhang pampanitikan at pansining ay mahalaga sa epektibong paglalahad ng mensahe.

Sa koleksyong ito, mababanggit ang ilang kantang mahusay ang pagsasanib ng nilalaman at porma.

Ang kantang "Banagbanag" ay tumatalakay sa pangkalahatang kalagayan ng ating bayan. Ang kasalukuyang panahon ay inihahalintulad sa takipsilim at gabi habang ang hinaharap, matapos ang mahabang panahon ng pakikibaka, ay inihahambing sa pagbubukang-liwayway ng bagong umaga.

Gumamit ang manunulat ng madamdaming mga larawan mula sa kalikasan upang ipahayag ang nilalaman. Ang melodya ay maindayog ngunit mabagal at unti-unting umuunlad hanggang sa huling linya ng ikatlong saknong kung saan inihahayag ang tema ng buong kanta - darating din ang araw ng ating lubos na paglaya.

Kakaiba naman ang pag-unlad ng melodya sa kantang "Diwang Walang Takot." Sa unang dalawang saknong, kung saan ipinahahayag ang ang kalagayan ng mga bilanggo, gumamit ang kompositor ng malungkot na himig at mabagal na tyempo. Sa koro, na naglalaman ng matibay na determinasyon ng mga bilanggong pulitikal sa pakikipaglaban at pagbalik sa pangunahing agos ng pakikibaka, ang himig ay sumisigla at ang ritmo ay nagiging martsa.

Ang "Pagbabalikwas" ay isang panawagan sa buong bayan na lumaban sa uring mapang-api at mapagsamantala; binagayan ng kompositor ang nilalamang ito ng isang masigla't maindayog na martsa. Bagamat maindayog, ang paglalapat ng ritmo ng martsa ay nagpapatingkad sa pagiging militante ng kanta.

Bahagi ng Kulturang Rebolusyonaryo

Ang mga kanta ng rebolusyong Pilipino ay bahagi ng rebolusyonaryong kulturang pambansa, syemtipiko at pangmasa. Pambansa, sapagkat tumutulong ang mga kanta sa pagbibigkis ng mga mamamayan tungo sa pambansang kaisahan, pinangingibabawan ang makitid na rehiyonalismo at lokalismo, nililinang ang lahat ng magpapatingkad sa dignidad at kasarinlan ng mga Pilipino habang sinasalungat ang lahat ng mapanira't atrasado sa kulturang reaksyunaryo. Nilalaman ng mga rebolusyonaryong kanta ang mga kalagayan, karanasan at mithiin ng malawak na masa ng lipunan. Gumagamit ang mga rebolusyonaryong kanta ng Pilipino, ang pambansang lenggwahe. Pinapaunlad ng ating mga kompositor ang mga tradisyunal na porma (kundiman, balse, martsa, at iba pa) kasabay ng mga pormang katutubo at pop o moderno. Aktibong sinasalungat ng mga kanta ng pambansang demokrasya ang kolonyal, pasista at elitistang panitikan at sining na inilalako ng imperyalismong Estados Unidos at mga lokal na alipures nito.

Ang mga kantang ito ay syentipiko sapagkat naninindigan para sa katotohanang nakabatay sa realidad. Binabaka nito ang mga pamahiin at reaksyunaryong ideyalismo habang itinatampok ang progresibo at wastong pag-iisip.

Ang mga kanta ng rebolusyong Pilipino ay pangmasa sapagkat nagsisilbi sa masa at mahigpit na nakaugnay sa buhay at pakikibaka nila. Tinatalakay ng mga ito ang buhay, karanasan, hangarin at kabayanihan ng batayang masa sa paraang simple, kongkreto at malalim. Ang lengguwahe at mga pormang ginagamit ay popular sa masa.

Bilang instrumentong pangkultura, ang kanta at iba pang popular na anyong pampanitikan at pansining ay tumutulong sa pagwasak ng lumang lipunan at pagtatayo ng bago. Kaya nga't ang ibayong pag-unlad ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa sa buong kapuluan ay nangangahulugan ng higit pang pagsisikap ng mga manggagawang pangkultura sa paglikha at pagpapalaganap ng mas marami at mas mahuhusay na likhang pampanitikan at pansining, laluna ng rebolusyonaryong kanta.

-Patnugot-


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.