|
Katalino Maylayon Agosto 1981
Alam, Ewan at Akala
(Isang Tanong sa Sampung Saknong)
Tanong ng kasamang giya
Sa tatlong kaharap niya,
"Paano," anya, "nagkakaiba-iba
Ang 'ALAM,' ''EWAN' at 'AKALA'?"
"Paano nga ba?"
Bulong ng una.
Alam niyang di niya alam
-Sabihin nang EWAN niya.
"Pare-pareho sila!"
Sagot naman ng ikalawa.
Di raw magkakaiba;
Iyon ang AKALA niya.
Ikatlo'y nagwika ng ganito:
" 'Pag ALAM, ang nasa isip ay tama;
Ang EWAN ay kawalan - blangko
Maling kaisipan naman ang AKALA."
At 'dinugtong pa niya
Na lubhang mahalaga
Ang pagkakaiba-iba
Ng tatlo sa isa't isa.
"Habang napagkakamalan
Na 'alam' raw ang AKALA,
Ibinubunga ay kamalian,
Kabiguan o pinsala.
"Ang EWAN naman
Sa bagay na mahalaga,
Nag-aanyaya ng pag-alam
At pagsusuri pa.
"Ang ALAM nama'y batayan
Ng matagumpay na hakbang;
Buhay na karanasan
At pagsusuri ang laman.
"Iba-iba nga sila, at pati na:
Ang hula, haka-haka at tantya;
Ang 'yata,' 'dapat' at 'sana';
Ang 'tiyak,' 'malamang' at 'baka'.
Sabi ng giya, "Wasto, ganoon nga!
Mahalagang kasaguta'y
Masasabing alam niya."
Sa tingin naman n'yo, tama ba sila?
|
|