|
Kris Montaņez
M-79
Malayo ang narating,
Nararating, ng baril na ito.
Sa puluhan, matiyagang inyuukit
Ng bayarang sundalong mayhawak nito
Ang bawat letra ng mga probinsyang
Pinagdistinuhan sa kanya
Ng kanyang mga panginoon:
Davao, Cotabato, Samar, Tarlac,
At sa huli'y Cagayan.
Sa mga sandali ng paghihintay ng misyon
Para sa paglusob, o kaya'y ng pamamahinga
Pagkatapos ng isang madugong labanan,
Habang ang larangan ng digma
Ay tila mapayapang tanawin lang ng isang lugar
At ang baril ay laruang kinakalung-kalong,
Mariing itinatarak ng bayarang sundalo
Ang kanyang lanseta sa makinis na pisngi
Ng puluhan hanggang sa maiuka niya
Ang mapa ng kanyang karahasan.
Nakadadarang ang ibinubugang apoy
Ng baril na ito, lumulundo ang langit at lupa
Sa dagundong na bumabasag ng bungo't
Umuuka sa dibdib ng buong kapuluan.
Nakatutok ang baril sa mamamayan.
Ngayon, ang baril na ito'y
Hawak na ng Pulang mandirigma.
Bawat putok nito'y umuukit ng bagong titik
Sa bungo ng kaaway saan mang dako
Ng kapuluan.
Malayo ang narating,
Nararating, ng baril na ito.
|
|