Emmanuel Lacaba
Sa Alaala ni Nick Solana
(Namatay noong Abril 1975 sa Davao Oriental)
I
Noong huli tayong magkita, ikaw pa'ng
Naghatid sa amin, patungong pagsampa
Sa binhing gobyerno nating mamamayan,
Binhing umuusbong sa bundok ng ulan.
Noong huli nating pagkikita, nabigla
Kapwa tayo, hindi nakini-kinitang
Ang mga dating magkaeskwela'y
Magkaharap muli bilang magkasama.
Magkasama ngayon sa isang dakilang
Himagsikan nating mga inagawan.
Nanghinayang tayo sa mga inaksayang
Araw sa mapambulag na puting pamantasan.
Hindi man lamang sa akin binanggit
Ang kabiyak mong kasamang napipiit,
Pagkamakasarili'y hinuhukay mo na
Sa loob mo, noong huli tayong magkita.
II
Ikalabimpito ng Abril, sa wakas
Ay pasampa ka na sa namumulaklak
Na pamahalaan, hukbo't paaralang
Anakpawis dito sa bundok at parang.
Ikalabimpito ng Abril, may apat na
Araw ka pa lamang sa siyudad,
Ngayo'y walang sapin, nag-aaral bumasa
Ng paliku-likong mga lihim na ruta.
Nag-aaral bumasa ng madulas na putik,
Tulay na punongkahoy, bigla-biglang tinik,
Batong matutulis, rumaragasang sapa,
Buhanging ang bunga'y nana sa hiwa;
Nag-aaral bumasa upang maisulat
Sa kasukalan ang sanlibong bakas
Ng mesiyang masang mulat, nagmamartsa't
Sumusugod, tangang mahigpit ang armas;
Nag-aaral maging bakal, binalutan
Ng bulak: ang bakal para sa kaaway,
Bulak sa malawak na sambayanan;
Handa sa digmaang pangmatagalan.
Ikalabimpito ng Abril, dalawang
Daang metro na lang sa mga kasamang
Naghihintay, ikaw ay pinaputukan
Ng taksil sa uri at tagong kaaway.
Ang taksil sa uri at tagong kaaway
Ay pinarusahan na, at pinarusahan
Nating ang damdamin ay basa ng pait
Sa pagkasambulat ng tapat mong dibdib.
Ipaghihiganti namin kayong lahat,
Mga martir, kayong natuklaw ng ahas
Paghawan ng landas tungong katuktukang
Kasimbigat, Ka Nick, ng iyong pagpanaw.
Kasimbigat, Ka Nick, ng iyong pagpanaw
Ikalabimpito ng Abril, samantalang
Magaang balahibo lamang ang kamatayan
Ng taksil sa uri at tagong kaaway.
At di man masilayan ng bukang-liwayway
Sa likod ng tuktok, sa pamamagitan
Nitong alaalang dala ng damdamin,
Ang araw sa parang ay mararating mo rin.
III
"Anong ingay iyon, Nanay, Nanay;
Anong ingay iyon sa kabukiran?"
Hangin lamang, anak, sa damo't maisan
Hanging sumusuot, maliksi, matapang.
"Anong ilaw iyon, Tatay, Tatay;
Anong ilaw iyon sa kagubatan?"
Alitaptap lamang, anak, burda sa dilim;
Magpahinga ka na't mahimbing, mahimbing.
Magpahinga ka na't mahimbing, mahimbing;
Isip at katawa'y iyong palakasin;
Ang loob at kamay ay iyong ihanda
Para sa panahon ng pagkaunawa.
Sa ating panahon ng pagkaunawa
Amihan na'y unos; sa milyong pagdagsa!
Dambuhalang talon! kulog at lindol!
Ng mamamayang ganap na nagbangon!
|