|
Ruth Firmeza 11 Mayo 1983 Cagayan
Bakit Pula ang Mukha ng Araw?
Kapag pula ang mukha ng araw,
May digmaan.
- Kasabihan
Pulang-pula ang mukha ng araw
sa pag-aagawan ng gabi at liwanag
sa pagluluksa ng takipsilim
kaya't maging sa pagkalat ng dilim
ang hiram na liwanag ng buwan
ay kulay pula hindi dilaw
sa maagang dapithapong humahabol
sa paglubog ng araw sa kanluran
Sa tuktok ng bundok ay iisang anino
matayog na bantayog sa dilim ang natatanaw
di na madaraanan ng matitibay na paang
bibitin-bitin sa mga baging
Ka Enyong, maniniwala ba ako sa matatanda?
Kung bakit sa pula ng araw, pinawi ng digmaan
ang buhay mo gayong dapat sanang nailigtas mo
ang hininga ni Ka Greg na nagwakas dahil wala,
wala ka ritong aming doktor?
Nakapagngingitngit isiping nasawi ka sa kamay
ng malulupit na pasistang walang isip
nadakip sa patibong ng mga buktot
na hiwaga sa likod ng dilim ng pulang
lumulukob sa mukha ng araw
Totoo ang sinabi mong humiram ng silahis ang buwan
sa ngayo'y pulang-pulang araw.
Tulad ng tanglaw ng prinsipyo mong mula sa Isabela
hanggang Bikol ay naglingkod sa mga api
Pula ang mukha ng araw dahil may digmaan
pula ito dahil nagngangalit ang mga mamamayan
Patuloy na tatanglaw ang buwan sa madilim na landas
na iyong tinahak at naiwan
sa landas ng mga mandirigmang di tumitigil
sa pakikibaka
hanggang matiyak ang tagumpay
|
|