|
Wilfredo Gacosta Setyembre 1973
Ang Kapalaluan ay Kaaway ng Tagumpay
luntiang damuhan,
katulad mo'y nakalatag na banig
sa sahig na kawayan,
may alay na kandungan,
sa mga hapo naming isip at katawan.
matatayog na niyog,
naghahabaang leeg ng mga manonood
sa nagdaraang martsa ng bayan.
magubat na kabundukan,
matataas na bubungan
ng mga progresibong pamantasan-
dinadagsaan ng masang estudyanteng
tinikis ng huwad na karunungan.
ginintuang palayan,
ang indayog ng iyong mga bisig
ay kaway-bati ng ina, asawa't mga anak-
naluluha't nagagalak sa araw ng pagsapi
sa Bagong Hukbong Bayan.
humahalakhak na ilog,
namimilipit-sa-tuwang manonood
sa paglilitis ng namumutlang
usurerong ganid sa hukumang bayan.
bakit kayo biglang tinakasan ng sigla?
may mga dayong yabag bang nakapasok
sa sentral na purok?
may kalupitan. bang nagbabantang gumulo
sa dakilang kilusang agraryo?
kayo rin ba sa kanila ay galit?
sila ba'y inyo ring kaaway?
sila ba'y inyo ring tatambangan?
lumakas ang Whip ng hanging silangan,
tumango ang mga mala-gulok na damo
at mala-lambat na mga dahon ng niyog,
lumagpak ang mga bungang hinog
ng mga punongkahoy sa kagubatan,
at muling umugong ang ilog.
a, kaibigang kalikasan,
kalabisan ang kantiyawa't pustahan.
ang kapalaluan
ay kaaway ng tagumpay!
|
|