|
Lucia Makabayan Hulyo 1981
7 Hulyo
Kasamang itinatangi,
Dito sa kaibuturan ng gubat
Ipagdiwang natin ang iyong kaarawan
(Regalo'y di na kailangan -
Wala tayong pambili
At wala rin namang mabibilhan.)
Hayaan mo na lamang
Na kita'y hagkan
Tulad ng init ng araw
Na ibig tumagos sa kagubatan.
Mahal na kasama,
Ipagdiwang din natin ang iyong katatagan
Higit na pinatibay sa pakikilaban
Higit na yumabong sa pagkupkop
At paglahok ng sambayanan.
Kasamang irog,
Ipagbunyi natin ang darating pang kaarawan
Alay na may kabuluhan
Patitingkarin pa ng mga pagsubok
Sa larangan ng digmaan.
|
|