|
Ruth Firmeza 10 October 1980 Bumaribar, Baggao, Cagayan
Daluyong ng Setyembre
Setyembre,
Lakasan mo pa ang ulan,
Hayaan mong mapatubigan ang mga bukid;
Uusbong ang mga punla sa nilinang na putikan,
Magiging luntian ang mga sakahan.
Ang nakaraang Marso ay tag-araw,
Naani na ang namulaklak na palay;
Nadurog ang matitigas na kimpal ng lupa
Sa lakas ng araro at suyod;
Hinalinhan ng init at lamig;
Sa pag-ulan,
Naging hiyaw ang katahimikan.
Ngayon,
Dumadagundong ang malalakas na sigaw
Na di mapapatahimik ng mga putok ng mga pasista;
Pula ang mga plakard, ang petisyong
Isinulat sa dugo. . .
Napahid na ang mga luha!
Uusbong pa rin ang mga punla,
Mamumulaklak pa rin ang mga mais
Kahit umulan at ilakas ng Disyembre ang bagyo!
(A.S.)
|
|