|
Lucia Makabayan 19 Oktubre 1981
Banyuhay
Bahagyang lumapat sa isip
Yaong panahong tahimik na nalanta
Damong limot sa tiwangwang na lupa.
Hungkag noon ang ating mga sigaw
Sa mga pasilyo'y gumambala't umalingawngaw
May namaos sa paglakad ng araw
May nanghina, naghingalo't naagnas
May mga ibinaon
Ngunit mayroon namang sumibol.
Nagpaalam na sa mga sandaling mahinahon
Nalagas na ang mga nangalantang dahon.
Ngayon, dito
Damo't paligid tuwina'y nagpapalit-kulay
Nalusaw na ang mga pasilyo
Hindi na bahaw ang sigaw
Hindi na naglilibing ng mga anino.
Dito'y tiyak ang pagbagtas
Sa mapanganib na talampas
At ang dating paslit
Ay gerilyang saksi sa mga tagumpay
Nakikinig, nanonood, sumasabay
Sa alon ng kasaysayan.
|
|