Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Setyembre 2000
Editoryal
TOC Sa Silangang Kabisayaan, ulos ng rebolusyong pangkultura


Rebolusyonaryong sining at panitikan mula sa kung ilang Pulang larangan ng Silangang Kabisayaan. Sa pagtatampok sa mga obrang ito ng rehiyon, binibigyang-pugay ng Ulos ang mga kadre, Pulang mandirigma at aktibistang masa ng Samar at Leyte sa kanilang masiglang pagsusulong ng rebolusyong pangkultura bilang integral na bahagi ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang pagtitipon sa mga likhang-sining at pampanitikang ito ay bahagi ng kasalukuyang tunguhing bigyan ng sapat na puwang ang mga rebolusyonaryong obra ng isang partikular na rehiyon sa pamamagitan ng paglalathala sa mga ito bilang isang buong isyu ng Ulos. Layon din nitong kumprehensibong matalakay at maibahagi sa pambansang saklaw ang kanilang mga pangkalahatan at partikular na katangian at antas ng gawaing pangkultura sa sining at panitikan.

Hahagipin din sa ganitong isyu ang panlipunang kalagayan, pisikal na katangian at tradisyon ng isang rehiyon. Gayundin ang pag-unlad ng kanilang rebolusyong pangkultura sa gitna ng buhay-at-kamatayang pagsusulong ng digmang bayan.

Noong 1983, karamihan sa mga akdang lumabas sa Ulos ay nagmula sa Silangang Kabisayaan. Ngayon, matapos ang halos dalawang dekada, muli na namang tampok ang mga obrang nilinang sa kaigangan ng Samar at Leyte. Muli na namang mamamalas - lalu't higit pa sa yugtong ito ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto - ang kasiglahan at iba't ibang sangkap ng kultura at sining ng rehiyon.

May kakaibang hilig - kundi man "pagkahumaling" - ang masa ng rehiyon sa kultura at sining, partikular sa awit at sayaw. Patunay, halimbawa, sa tila likas na pagkamakantahin ng mga tagarito ang kung ilang katutubong awit na di iikli sa limang parapo. Dagdag pa, marami sa mga ito ang walang koro, na karaniwa'y sadyang kinakailangan upang mapadali ang pagkabisa sa mga awit. Maging ang balagtasan (matalinghagang pagdedebate) na popular sa Luzon ay inaawit sa Samar at sinasabayan pa nga ng sayaw - kilala ito sa tawag na ismayling. At kung sayawan din lamang ang pag-uusapan, naririyan ang kuratsa; karaniwan nang kinukulang ang magdamag para sa tila walang-kapagurang kuratsahan.

Maging ang mga rebolusyonaryong pwersa - mula sa mga Pulang mandirigma at namumunong kadre ng Partido - ay ganun na lamang ang sigla pagdating sa awit at sayaw. At dahil gagap nila ang dulot nito sa gawaing propaganda at edukasyon, mabisa nilang narerebolusyunisa ang mga tradisyunal na awitin at iba pang likhang- sining ng masa. Kaya naman may kung ilan nga silang tinatawag na Bahuba Medley. Kaya naman may rebolusyonaryong ismayling (kung tutuusin, matagal na sanang nalimot ng panahon ang tradisyunal na pormang ito kundi lamang ito "naisalba" o binigyan ng rebolusyonaryong tunguhin ng mga kasama). Kaya naman may Pulang kuratsa. At kaya naman maging ang mga burgis na awiting popular ay di rin nakaligtas: may rebolusyonaryong kanta, halimbawa, na katono ng mga awit ng Beatles at Cascades; ang Dayangdayang naman ay may tatlong bersyon na lahat ay pawang tungkol sa Bagong Hukbong Bayan.

Lubos ang galak at tuwa ng patnugutan sa pagbisita at pagdapo nito sa Silangang Kabisayaan. Sa proseso ng pangangalap ng datos at pakikisalamuha ng patnugutan - sa pakikipagtunggali sa maigang na kalupaan, sa pakikipagtagisan sa mga salitang Waray at Cebuano, sa pakikipagsayawan ng kuratsa(Pulang kuratsa!) - totoong di naiwasang mapanday ang mainit at ispesyal na ugnayan ng Ulos sa mga kasama at masa ng Samar at Leyte. Sa anu't anuman, nakatitiyak ang Ulos na sadyang ganito rin ang mapapanday sa iba pang mga kasama at mamamayan ng iba pang rehiyon; anupaman ang kanilang salita, kalupaan at sayaw. Sapagkat naroroon ang mga kasama at masa. Sapagkat naroroon ang muog ng rebolusyon; naroroon ang ulos ng rebolusyong pangkultura.#



Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.