Liwanag ang araw, ang araw ay init,
Kaya't ang halaman, kay raming pangalan;
May awit ang bagwis ng ibong kay rikit.
At dahil sa kanya, may sangkatauhan.
Tahanan ang gubat, ang gubat ay lilim,
Ng mga kulisap sa'n mang kakahuyan;
Bukal ng pagkain, gamot at inumin,
Dahil sa kanya, may sangkatauhan.
Hantungan ang dagat, ang dagat ay sa atin,
Ang kung ilang pusod ng kasaganahan,
Ang sigla ng isda sa linaw at lalim
Dahil sa kanya, may sangkatauhan.
At ang proletaryo ay ganoon din,
Kagaya ng araw, gubat, karagatan,
Sadyang magsisilbi, alay ang gawain
Sa biyaya't buhay ng sangkatauhan.
|