Minsan, kasing dalas ng kurap
Ang pagdadalawang-isip,
Nagsalansang lumot ang alinlangan
Na kahit saan ay pumapagkit;
Kaya't bagong bagay ay laging babala
At pag-aaral ay nakababalisa-
Bulag na pangamba, sa madaling salita.
Kaya't pakinggan itong Inang Lawin
Na sa kanyang inakay ay naghahabilin:
"H'wag matakot na bansot mong bagwis
Ay pailanlangin sa pangangampay.
Oo, bunso, wagas ang hiwaga ng buhay-
Di ka man lumundag mula sa 'yong pugad
At sa pag-igkas ay mabuway,
Tiyak rin namang mamamatay-
Ngunit, bunso, pakatandaan,
Nasa pagtuklas ang tagumpay;
Sabay mang maaburido ang kidlat at bagyo,
Kung huni nito at puyo ay 'yong makakabisado,
Mababatid mo kung kailan pakatatayog
Kung kailan pakalulundo;
At bunso, mula sa yakap ko
Matatawid mo ang mundo."
Kaya't Kasama, kung bato ang kaaway
Pag-aralang bakal ay mapanday;
Kung s'ya nama'y higanteng malabay
Pag-aralan ang taktika ng anay sa pagsalakay;
At kung siya'y nag-aalimpuyong baha
Pag-aralang paliparin ang bangka.
Hindi natatapos ang pag-aaral, Kasama
Hindi tayo hihinto at magpapahinga.
|