Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR,
Ulos: Setyembre 2000
Sanaysay II
TOC Ang Kwento ni Kasamang Raina


Panahon ng rehimen ng pasistang lagim nang ako'y ipinanganak, doon sa kaigangan ng baseng gerilya, dito sa bulubundukin ng Samar. Ako'y lumaki gaya rin ng isang gerilya; marami nang mga tahanan, lugar, at mukha ang aking nadaanan. Mag-iisang taong gulang pa lamang ako nang ako'y ipinagkatiwala ni Nanay sa piling ng isang mag-asawang magsasaka. Pinalaki nila akong parang anak ang turing. Minahal nang tunay dahil sa ako'y anak ng mga kasama sa rebolusyon. Ang anak nilang binata ang madalas na nag-aalaga sa akin. Ngunit isang araw siya'y walang-awang pinaslang ng mga militar at kanilang itinapon ang kanyang bangkay sa loob ng isang balon. Nang siya'y mamatay, lalo akong napamahal sa mga nag-aalaga sa akin dahil madalas nilang makita sa aking katauhan ang kanilang anak na tinuring ko nang kuya.

Kahit sa aking kamusmusan, alam kong di-pangkaraniwan ang buhay ng aking mga tunay na magulang. Madalas akong labas-masok sa kampong gerilya upang makapiling sila. Nang ako'y apat na taong gulang, sinubukan nilang ipaliwanag sa akin kung ano ang kanilang ipinaglalaban, at kung bakit lagi silang malayo sa akin. Bagamat di ko pa sila lubos na nauunawaan, ganoon na lamang ang pagnanais kong lagi silang makapiling. At dahil hindi ito maaari sapagkat wika nila'y wala pa ako sa tamang edad para sa pakikibaka, ang bawat paglisan at muling paglayo ko sa kanila ay madalas na lamang mauwi sa mga hikbi ng pangungulila.

Nang ako'y mga apat o limang taong gulang, inilipat ako sa isang bahay sa lungsod. Nalungkot din ang mag-asawang umaruga sa akin sapagkat natutunan na nila akong mahalin na parang tunay na anak. Ngunit ang paglisan ko'y para na rin sa sarili kong kaligtasan sapagkat si Tatay ay inaresto't ikinulong ng militar. Kasama ang iba pang mga kamag-anak, dinalaw ko siya minsan sa kulungan. Bago noon, ipinayo na sa akin na tawagin ko siyang tiyo, para hindi malaman ng militar na ako'y anak niya. Sa "tanghalan ng panunupil", ginampanan kong mabuti ang gayong papel, kaya nagkita kami ni Tatay sa ilalim mismo ng ilong ng kaaway.

Mas malungkot sa bago kong tirahan; madalas akong naiiwang mag-isa sa itaas ng bahay. Kapansin-pansin kasi ang pagkakaiba ng hitsura ko sa iba pang myembro ng pamilya kapag malaya akong nakikihalubilo sa mga tao sa ibaba ng bahay. Madalas akong nagpapalipas ng oras sa may balkonahe, nakahawak sa mga balustre at nakatanaw sa kalye sa labas. Alam na alam ni Tatay kung saan ako malimit matagpuan. Kaya nang makatakas ang ama ko mula sa bilangguan, nagkaroon siya ng pagkakataon na ako ay madalaw at minsa'y dumaan nga siyang sakay ng motorsiklo. Sadyang inihinto niya ito ilang distansya mula sa kinaroroonan ko. Kunwa'y may binubutinting sa kanyang sasakyan, palihim siyang titingin sa akin. Alam kong siya iyon at magkakatitigan na lamang kami. Sa likod ng aking mga luha, kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pananabik ng isang amang hindi makalapit sa anak. Taimtim ko siyang pagmamasdan habang unti-unti siyang mawawala sa aking paningin. Nakasanayan ko nang hintayin ang walang-katiyakang mga dalaw na ito ni Tatay mula sa malayo.

Pagkalipas ng ilang buwan, ako'y dinala sa Maynila upang manirahan sa aking mga kamag-anak sa isang maralitang komunidad. Dito ako magtatagal hanggang umabot ako sa ikalimang baytang ng pag-aaral sa elementarya. Simple lamang ang pamumuhay ng aking mga kamag-anak dahil maliit lamang ang kinikita nila sa kanilang trabaho at may iba pa silang batang inaalagaan. Kumakain din naman kami ng tatlong beses isang araw, at nakakapag-aral ako nang regular. Sa aming lugar, madalas akong tinutukso ng ibang mga bata dahil napapansin nilang hindi talaga ako bahagi ng pamilya. Napapaaway ako kapag tinatawag nila akong ampon lamang.

Paminsan-minsan, dumarating sina Tatay at Nanay mula pa sa Samar upang ako'y dalawin at ipasyal. Pero hindi sila nagtatagal ng mahigit sa isang araw, at minsan pa nga'y mga ilang oras lamang. Nag-iingat sila, hindi lamang dahil hinahanap sila ng mga ahente ng gubyerno, kundi para na rin sa sarili kong kaligtasan. Kapag panahon na ng pamamaalam, lagi akong nakikiusap sa kanilang isama na ako. At lagi-lagi, ang marahan nilang pagtanggi ay simbigat ng paghahangad kong sumama.

Nang ako'y nasa ikaapat na baytang sa elementarya, nakita ko rin sa wakas ang aking kuya, na dumating sa Maynila para manirahan sa iba pa naming kamag-anak. Di nagtagal ako'y inilipat muli sa ibang tahanan dahil sa problema sa seguridad. Doo'y naaalala kong naging masaya ang okasyon ng aking pagtatapos sa elementarya. Sa unang pagkakataon ay naging buo ang pamilya. Nandoon si Tatay, si Nanay at ang mga kapatid ko, liban sa kuya kong hindi nakarating.

Kasama ang nakababata kong kapatid na babae, lumipat na naman ako sa ibang tahanan at nagsimula ng unang taon sa hayskul sa isang pribadong paaralan. Ang mag-asawang kumupkop sa akin, na tinawag kong Tita at Tito, ay may tatlong anak at ako ang nagsilbing ate nila. Naging malapit ako sa aking mga alaga, lalo na sa bunso na dalawang taong gulang, na lagi kong nilalaro at hinehele sa pagtulog. Kailangan kong magising nang maaga dahil malayo ang eskwelahan, at para magluto, maglinis, at bantayan ang mga bata.

Minsan, dumadalaw ang mga kamag-anak nina Tita at Tito at magtatanong tungkol sa akin. Kung kamag-anak sila ni Tita, sasabihin niyang pamangkin ako ni Tito, at kung kamag-anak naman ni Tito, sasabihin niyang pamangkin ako ni Tita. Naging mabuti ang pakikitungo nila sa akin. Sila'y mga nasa rebolusyonaryong kilusan din. Subalit dinamdam nila ang pagiging delingkwente ko sa eskwelahan; madalas akong pinalalabas ng silid-aralan dahil sa kapilyahan. Madalas nila akong parangalan sa aking mga kalokohan, at minarapat nilang pauwiin ako sa Samar nang maranasan ang buhay sa kanayunan na ika pa nila'y "bago ako lumaking petiburgis na matigas ang ulo."

Sumang-ayon sina Tatay at Nanay. Kaya, matapos ang halos sampung taon, kami ng nakababata kong kapatid na babae ay umuwi sa Samar para sa aming unang integrasyon sa sonang gerilya sa kanayunan. Noong una'y naging mahiyain ako tuwing dumadaan kami sa mga bahay ng masang magsasaka. Nahihiya rin ako kapag nakikikain kami sa kanila, dahil pakiramdam ko'y mga bisita kaming di-kilala ng tumatanggap sa amin. Madalas kong tinatanong kung bakit ganoon.

Pagdating namin ay gayun na lamang ang pagsalubong sa amin ni Tatay. Mahigpit niya kaming niyakap sa matinding tuwa. Napapangiti ako ngayon sa tuwing naaalala ko ang aking takot sa mga baril na dala-dala niya at ng kanyang mga kasamahan. Sa kampo, mainit din kaming binati ng nakangiting mga kasama ng Mabuhay! Mabuhay! Labis akong nagulat sa ganitong paraan ng rebolusyonaryong pagbati na pangkaraniwan sa Samar. Sa ganitong pagkakataon akong nagtanong nang seryoso tungkol sa rebolusyon.

Madalas kong usisain ang mga kasamang nakilala kong matatagal na dito. Bakit kayo nandito? Anong klaseng buhay mayroon kayo? Magiliw nila akong sinasagot, subalit dinamdam ko rin noong una ang pagpuna nila sa edukasyon kong tinawag nilang "burgis." At masyado pa rin akong mahiyain noon para malayang gumala sa kampo; mas madalas akong nasa loob lamang ng kubo.

Naantig ako nang unang matunghayan ang mahirap na kalagayan sa kanayunan, laluna ng masang magsasaka. Hanggang ngayon ay patuloy ko pa ring inuunawa ang rebolusyon. Natatawa nga ako kapag naaalala ko ang isang insidente nang papalabas na ako ng sonang gerilya pagkatapos ng halos isang buwan. May isang kasamang lumapit sa akin at nagtanong, "Isa ka bang kasama?" Nagulantang siya dahil sa pagkagulat ko ay sinabi kong hindi, at nangandarapang nagtanong muli, "E, alam mo ba kung ano ang saligang katangian ng lipunang Pilipino?" Seryoso naman ang pagtatangka ng kasamang makipagdiskusyon, pero nayamot ako sa tono niyang nagsesermon, kaya di na rin ako nakinig nang mabuti.

Dito ko na sa Samar itinuloy ang hayskul. Mas mahalaga pa, dito tumaas ang pampulitikang kamulatan ko at nang inumpisahan ang pagsubok na gagapin ang mga isyu sa lipunan. Sa bahay na tinirhan ko, sinimulan kong basahin ang mga libro nina Renato Constantino at Jose Ma. Sison. Sinulatan ko ang mga magulang ko tungkol dito, at sumagot silang hinihimok akong ipagpatuloy ang pag-aaral sa mga bagay-bagay upang maliwanagan sa maraming katanungan.

Tuwing bakasyon sa tag-init, itinuloy ko ang pagdalaw sa sonang gerilya. Natuto akong magtanim ng palay sa ikalawang dalaw ko. Nawala ang pagiging tahimik ko, at mas naging bukas ako sa pakikitungo sa ibang mga kasama. Pero sa paglahok ko sa masiglang gawain sa kultura sa kanayunan, ang musika ng pakikibaka't sakripisyo ang direktang tumalab at kumausap sa aking puso at mabilis na nagpaliwanag sa akin tungkol sa rebolusyon. Minsa'y tinanong ako ni Tatay kung gusto ko raw makarinig ng mga rebolusyonaryong awitin, at buong puso niya akong inawitan ng Pag-ibig sa Tinubuang Lupa, na sa unang pagkakataon ay doon ko lamang narinig. Inawit rin niya ang Halina at Sta. Filomena.

Sa ikatlong pagbisita ko, dumalo ako ng mga pag-aaral sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, sa 12-Puntong Programa ng Pambansa-Demokratikong Prente, at Oryentasyon sa mga Masang Aktibista. Ang mga pampulitikang pag-aaral, syeyring sa ibang mga kasama, gawaing masa, at ang malaon ko nang natikman na kahirapan: ang mga ito'y nagpalalim sa aking pag-unawa at nagpatibay sa aking paninindigan.

Nang magtapos ako ng hayskul, sinubok ko ang mas mahabang panahon ng integrasyon sa kanayunan hanggang sa ako'y nagpasyang magpultaym sa Hukbo. Nakatulong sa aking pagpupultaym ang aking kapatid na babae. Ngayon, halos isang taon na akong nandirito ngayon sa kanayunan. Sa loob ng dalawang buwan, natalaga ako sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan na nag-oorganisa sa maralitang magsasaka.

Sa esensya, ang rebolusyon ay gaya ng aking ina na siyang nagsilang sa akin. Ngunit patuloy pa rin ang tunggalian sa aking sarili habang patuloy sa pakikibaka. Kung ako ma'y naghirap, alam kong gayundin ang anak ng iba pang mga kasama, gayundin ang ang iba kong mga kapatid, at marahil ay mas masaklap pa. Alam kong dumaranas ang masa ng sambayanan ng kahirapang di hamak na mas masakit pa kaysa sa hapdi ng pangungulilang, hatid ng mga biglaang pag-alis at walang katiyakang pagkikita.

Naniniwala ako sa rebolusyon gaya ng paniniwala ng isang anak sa ginintuang puso at dakilang layunin ng kanilang mga magulang. Sa ngayon, inihahanda ko na ang aking sarili para sa buong-pusong paglilingkod sa sambayanan.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.