Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
PANAYAM KAY KA ROGER
Sa Araw-araw
 Basahin sa Ingles

  1. Papaano ninyo ilalarawan ang isang tipikal na araw ng Pulang
    mandirigma o ng mga kasama sa kanayunan?


  2. Bilang isang padre de pamilya, papaano ninyo itinuturing ang pamilya bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan?
    Papaano tinatanggap ng iyong pamilya ang iyong pagiging rebolusyonaryo?


  3. Ano ang pinagkukuhaan ninyo ng kasiyahan habang naglulunsad ng seryoso at mahirap na armadong pakikibaka?


1. Papaano ninyo ilalarawan ang isang tipikal na araw ng Pulang mandirigma o ng mga kasama sa kanayunan?

Sa totoo lang, taliwas sa pagka-unawa ng iba na ang BHB ay wala nang inaasikaso kundi ang pananalakay, ang deployment ng hukbong bayan ay 90:10. Di hihigit sa 10% lang ang nakatuon sa aktwal na gawaing militar, kabilang na ang mga pagsasanay-militar. Sa kabilang banda, di bababa sa 90% ng panahon ng isang mandirigma
ang nakatuon pangunahin na sa gawaing masa---pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang masasaka---at iba pang gawaing pampulitika, tulad ng gawaing alyansa at gawaing produksyon para sa masa at sa sariling yunit. Sa paggagawaing masa, nilalapitan ng hukbong bayan ang mga magsasaka, pinauunawa sa kanila ang mga saligang suliranin, ang ugat ng mga ito, bakit umiiral ang mga ito, ano ang solusyon sa mga ito at paano makakamit ang solusyon. Kapag naimulat, oorganisahin at kapag naorganisa ay pakikilusin ang mga magsasaka para sa mga pangkagyatan at estratehikong kalutasan.

Ang araw-araw na buhay ng BHB ay pakikisalamuha sa masa, walang sawang pagpopropaganda, pag-eeduka, pakikipagtalakayan, tuiwirang pagtulong sa produksyon ng masa at sa kung ano ang madatnang trabaho ng masa sa bahay ng masa. Sinisikap ng mga kasamang lumahok sa lahat ng ito---pagluluto, paghuhugas ng mga kinainan, pag-iigib, pagsisibak ng panggatong, paglilinis, hanggang sa paglutas ng mga suliraning pampamilya. Ang layuni'y makatulong mula sa pinakamaliit na bagay na makabuluhan din para sa masa hanggang sa paglutas ng pinakamalalaking suliranin. Pinakamalaki na nga ang suliranin sa lupa---pangunahing pamamaraan ng mga kasama sa pagtulong dito ay sa pamamagitan ng pagtuturo at pamumuno sa kanilang maintindihan ang usapin at makibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Naririyan din ang pagtulong sa paglutas ng iba pang mga problema ng masa, tulad ng pagsasamantala ng mga komersyante-usurero, problema sa pang-aapi ng gubyerno, ng militar, ng mga warlord, mga problema sa kriminalidad at iba pa. Sa karamihan nito'y ang pagtulong ay pangunahin na sa pamamagitan ng pagtuturo sa masa upang organisahin ang sarili at kumilos para sa sariling kapakanan at kapakanan ng kapwa.

Kaya ang mga Pulang mandirigma ay ahitador, organisador at kampanyador din. Minsan, pari din siya dahil nilalapitan ng masa kapag may problema. Minsan ay abugado---tagapagtanggol ng mga magsasaka laban sa panloloko at pang-aapi ng mga panginoong maylupa, mga negosyante, mga burukrata. Madalas ring counsellor o arbiter siya-nag-aayos ng mga kontradiksyon sa pagitan ng mga tribo,
mga alitan ng mga taumbaryo at madalas din sa pagitan ng mag-asawa o sa pagitan ng mga kabataan at mga nakatatanda sa pamilya o sa baryo.

Ang mga mandirigma ay napapasabak sa kung anu-anong trabaho. Dahil kung ano ang inilapit na problema ng masang magsasaka ay obligada ang mga rebolusyonaryo na tugunan. Kung hindi pa lubusang alam ng kasama ang tungkol dito ay kinakailangan siyasatin at pag-aralan pa niya ito. Kailangang magtanong siya sa ibang mga kasama o sinumang may nalalaman para may maitulong siya at mahanapang lagi ng kalutasan ang anumang makabuluhang usaping ilapit ng masa. Dahil tayo ay rebolusyonaryo, responsableng inako natin ang lahat ng ito.

Nakasandig din ang BHB sa masa maging sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, kaya maging sa pagpapatupad ng mga gawaing militar---mula sa pagsisiyasat at paniktik, paghahanda ng babauing pagkain, gamot at iba pang suplay, at sa ilang pagkakataon maging sa aktwal na pagpapatupad---kailangan na kailangan ng hukbong bayan ng tulong ng masa.

Kaya't ang bawat Pulang mandirigma ay masasabing lubusang nakalubog sa masa at ang buhay ng mamamayan ang siya nang buong buhay niya. Pangalawa na lamang sa kanya ang pakikibaka para sa sarili, para sa pamilya. Isinanib at inilulugar na niya ang mga ito sa araw-araw na trabaho at pakikipaglaban para sa sambayanan.TOP

2. Bilang isang padre de pamilya, papaano ninyo itinuturing ang pamilya bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan? Papaano tinatanggap ng iyong pamilya ang iyong pagiging rebolusyonaryo?

Kung sa panig ko, ako ay may sarili na ring rebolusyonaryong pamilya. Yung iniwan kong pamilya---yung pamilya ng aking magulang, noong una ay hindi nila kaagad naunawaan at talagang tumutol sila, pero hindi ito naging problema sa akin. Nagpapaliwanag ako sa kanila, sabi ko balang araw maaintindihan din nila. Pero, ngayon ay naiintindihan na nila. Hindi ko lang alam kung lubos na lubos na nilang natatanggap pero sinusuportahan nila ako at ang aking pamilya.

Kapag ang rebolusyonaryo ay tuluy-tuloy na nakikibaka at humarap sa sariling pagpapamilya, ang susunod na obligasyon niya ay huwag hayaang mangibabaw ang burgis at pyudal na mga kalakaran at impluwensya sa pagpapamilya at pagpapalaki ng mga bata, kundi itransporma ang pamilya sa pagiging rebolusyonaryong pamilya. Kapag umabot sa ganyan ay siya nang pinakamasayang oras para sa kanya, sa kanyang pamilya at sa mga kasama.TOP

3. Ano ang pinagkukuhaan ninyo ng kasiyahan habang naglulunsad ng seryoso at mahirap na armadong pakikibaka?

Sabi nga ng mga dayuhan, isang matingkad na katangian ng mga Pilipino, maging ng mga rebolusyonaryong Pilipino, ang pagiging masaayahin. Kapareho daw ng mga rebolusyonaryong Pinoy ang mga rebolusyonaryo sa Vietnam.

Isang kairalan sa mga yunit ng BHB, at maging sa pakikisalamuha ng mga kasama sa masa, ang malakas at nakahahawang rebolusyonaryong camaraderie---ang maalab at masayang mapagkasamang pagsasamahan. Bunga ito ng higpit ng
pagkakaisa sa mga rebolusyonaryong prinsipyo, mga ipinaglalabang adhikain, makauring pagmamahalan, malusog na mga kolektibo at tuluy-tuloy na pagtutulungan at pagdadamayan, pagiging magkapatid sa pakikibaka, mga pinagsamahang laban---kapwa matagumpay at bigo.

Sa hukbo, karaniwang kasiyahan ang pagbibiruan. Nariyan din ang madalas na pag-aawitan ng magagandang awiting rebolusyonaryo at tuluy-tuloy na pagpapalitan ng mga mahahalagang karanasan at aral. At saka obligado rin tayong paminsan-minsan ay pasayahin ang sarili para hindi naman tayo 'ika nga'y mabagot, mabilis na tumanda at maging masyadong seryoso. Madali tayong gumawa ng mga bagay na ikinatutuwa, ikinasasaya ng lahat. Kaya't sa araw-araw na buhay ng hukbong bayan, makikita mo ang maraming kasayahan at kasiyahan, maraming nakakatawa at nakatutuwang bagay, maraming nakapagpapataba ng pisngi at puso. Laluna mula nang makapangibabaw na mula sa mga nakaraang disoryentasyon, halos wala kang makakikitang pagkalugmok at matabang na pakikisalamuha.

Katangian din naman talaga ng isang rebolusyonaryo ang pagiging sabi nga'y "mababaw ang kaligayahan". Palibhasa'y estratehiko ang pananaw niya, lubos na pinahahalagahan niya ang mga kagyat na tagumpay at kahit pansamantalang natatamasang kaligayahan at kaginhawaan. Dahil kontrolado ng rebolusyonaryo ang kanyang pag-iisip, kaya niyang pasayahin ang kanyang sarili kahit sa gitna ng mahirap na gawain, mahigpit na kalagayan, malaking problema at maging sa harap ng kaaway at kabiguan.

Partikular sa akin, mahilig akong makinig ng musika. Kahit noong ako ay hindi pa rebolusyonaryo, mayroon akong natutuhang kawikaan at hindi ko na nga malaman sino ang may-akda, grade 3 pa ako noon-ang sabi ay "music makes me happy in times of peace and makes me brave in the time of war". Hinding hindi ko iyan nakalilimutan.Ang mas problema ko lang, ang mga gusto kong pakinggang musika ay hindi na kinahihiligan ng nakararami nating mga kasamang kabataan. Iilan na lang kaming mahilig sa ganoong mga musika, pero ok pa rin sa akin.

Higit sa lahat, ang pinaka-nagdudulot sa atin ng kasiyahan ay nakagagampan tayo ng ating mga rebolusyonaryong gawain, nakatutulong tayo sa unti-unting pagmumulat ng mamamayan, nagkapag-iipon tayo ng mga tagumpay. Iyan ang pinakaultimong kasiyahan natin, ang makagampan ng ating rebolusyonaryong gawain, makatupad ng ating tungkuling sinumpaan sa rebolusyon at mamamayan, makapag-ambag sa kabuuang pagsulong ng rebolusyon.TOP

<<< SINUNDAN


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.