Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English

Parusahan ang mga pasistang kriminal!

Pahayag ng Komite Sental
Partido Komunista ng Pilipinas


Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ang walang habas, tuluy-tuloy at lalo pang pinatitinding kampanya ng pamamaslang at pagdukot ng mga lider at aktibista ng ligal na mga demokratikong partido, organisasyong masa at alyansa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataang estudyante, propesyunal at iba pang demokratikong uri at sektor.

Daan-daan nang biktima, na pawang walang armas at walang laban, ang brutal na sinalakay at pinatay ng mga death squad na kontrolado ng mataas na kumand at mga yunit paniktik ng AFP at PNP.

Ang pagpaslang kay Sotero Llamas sa kabila ng napakalawak nang pagkundena ng demokratikong upinyong publiko sa loob at labas ng bansa ang pinakahuling pruweba ng kumpletong kawalan ng pakundangan sa mga pamantayang makatao at sibilisado, labis na arogansya at pag-abuso sa kapangyarihan, at hibang na pagkauhaw sa dugo ng mga lisensyadong mamamatay-tao ng estado at ng naghaharing rehimeng Arroyo na nagmamando at kumokontrol sa kanila.

Naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan sa kriminal na pananagutan ng pasista at papet na rehimeng Arroyo bilang utak, tagaplano at tagamando ng buhong na pag-atake sa mga walang armas na kasalungat sa pulitika. Sa utos at basbas ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang nagaganap na pagbaha ng dugo ay plinano, inorganisa at dinidirihe ng national security cluster ng gabinete sa pamumuno ni dating Gen. Eduardo Ermita at kinabibilangan ng mga panatikong anti-komunistang sina Norberto Gonzales, Raul Gonzalez, Avelino Cruz, Gen. Generoso Senga ng AFP at Gen. Arturo Lomibao ng PNP.

Desperadong manatili sa poder na inagaw sa pamamagitan ng malawakang pandaraya at pagwaldas sa pondong publiko, ginagamit ng naghaharing rehimeng Arroyo ang hubad na pasistang terorismo upang paralisahin at disorganisahin ang mga ligal na demokratikong partido at organisasyon at iba pang masugid na nagtataguyod ng pagpapatalsik sa huwad na pangulo.

Ang mga biktima at mga pamilya nila ay hindi kailanman makakaasa ng katarungan mula sa pasistang pulisya at militar, kongreso at iba pang ahensya ng reaksyunaryong estadong pinamumugaran ng mga utak, tagapagtaguyod at tagapagtakip sa kampanya ng pamamaslang.

Obligasyon ng Partido Komunista at Bagong Hukbong Bayan na kamtin ang rebolusyonaryong katarungan para sa kanila. Gagawin ng Partido at hukbong bayan ang abot-kaya para papanagutin sa katarungan at parusahan ang mga pasistang kriminal na nagpakana, nag-utos at nagsagawa ng buktot na pamamaslang.

Nananawagan kami sa lahat ng biktima, mga simpatisador nila at lahat ng naghahangad na pigilan ang naghuhuramentadong naninibasib na mga pasistang nasa kapangyarihan na magbigay ng mga impormasyon at aktibong tumulong sa iba't ibang paraan para matukoy, maikahon, madakip at maparusahan ang mga pasistang kriminal mula sa mga utusang triggermen hanggang sa pinakamataas na mga utak at controller. Mahigpit na ililihim ng Partido at hukbo ang identidad ng lahat ng tutulong at pangangalagaan ang kanilang kaligtasan.

Walang pasistang kalupitan at kabuktutang maaaring makapagpalugmok at makapagpayukod ng sambayanan sa mga pasista, papet at tiranong malaki at maliit na naghahari-harian sa bansa. Tanda ng matinding takot at desperasyon, hindi ng lakas, ang pasistang paninibasib kaululan ng rehimeng masidhing kinasusuklaman ng malawak na masa ng sambayanan. Lalo lamang pinalalalim ng pasistang pangkating Arroyo ang hukay na kanilang kinasasadlakan at kalilibingan.

Lubos na nasa demokratikong karapatan ng mga ligal na partido, organisasyong masa at alyansa na igiit at ipaglaban ang kanilang lehitimong karapatang mag-organisa, magpahayag at makitunggali sa ibang partido at pwersa sa loob ng mga tuntunin at proseso ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Sa pamamagitan ng garapal na paglabag sa mga batas at proseso ng reaksyunaryong sistema mismo, lalong inilalantad ng mga sagadsaring reaksyunaryo at pasista ang kanilang tunay na katangiang anti-demokratiko, anti-masa at anti-nasyunal.

Habang lalong nauulol sa pamamaslang at panunupil sa mga ligal na organisasyon at personalidad ang mga armadong galamay ng reaksyunaryong estado, dapat lalo lamang palawakin at palakasin ang pakikibaka para ibagsak ang pasista at papet na rehimeng Arroyo. Kailangang pursigidong palawakin pa ang alyansa ng mga pwersang anti-Arroyo, palakasin ang mga protesta at pakikibakang masa, at paigtingin ang mga kampanya at pakikibaka sa lahat ng larangan para mas mabilis na tapusin ang rehimen at ang pinamamayani nitong terorismo at kasakiman.

Higit kailanman sa nakaraan, lalong malinaw na nakikita ngayon ng masang binubusabos at inaapi ang mahigpit na pangangailangang isulong at paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tanging armadong rebolusyon ang makapagpapabagsak sa bulok na reaksyunaryong sistemang malakolonyal at malapyudal at, sa gayon, ang ganap na solusyon sa napakatagal nang krisis na labis-labis na ang idinulot na pagdurusa sa mamamayan at bansa. ###


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.