Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
 English  
   

Hindi Makahindi sa Rebolusyon: Douglas Vizmanos-Dumanon, 1954-2010

Revolutionary Council of Trade Unions
National Democratic Front of the Philippines
28 Enero 2010

Kami, sa Revolutionary Council of Trade Unions-National Democratic Front of the Philippines, ay sumasaludo sa rebolusyunaryong buhay, pakikibaka at mga ambag ni Kasamang Douglas Vizmanos-Dumanon! Si Ka Douglas, sa tawag sa kanya ng marami, ay beteranong kadre at masigasig na organisador ng rebolusyunaryong kilusang manggagawa sa bansa. Namatay siya dahil sa mga kumplikasyong dulot ng kanser noong 25 Enero. Ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya, kaibigan at kasama, lalo na sa kanyang asawang si Beth at anim na anak. Mahal na mahal si Ka Douglas ng mga kasama at ng masang anakpawis.

Unang sumangkot si Ka Douglas sa pambansa-demokratikong rebolusyon ilang buwan bago ang deklarasyon ng batas militar noong Setyembre 1972. Sumali siya sa Kabataang Makabayan, ang militanteng organisasyon ng kabataan, at pagkatapos ay naging opisyal sa edukasyon ng balangay ng KM sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isa siya sa di-mabilang na mga taong kagyat na inaresto matapos ideklara ang batas militar. Pinalaya siya noong 1973.

Noong 1977, nahalal siyang pangulo ng unyon ng mga manggagawa sa Luzon Stevedoring Corporation o Luzteveco, isang kumpanya sa pier. Pinamunuan niya ang mga kamanggagawa niya sa pakikibaka para sa kanilang mga karapatan at interes. Hindi nagtagal, gumagampan na siya ng namumunong papel sa ligal na kilusang manggagawa sa bansa. Kasama siya sa maraming magigiting na kalalakihan at kababaihan na, sa kabila ng lantad na panunupil na pinawalan ng diktadurang Marcos laban sa mga militanteng organisasyon, ay namuno sa pagkakatatag ng Kilusang Mayo Uno noong 1980.

Tumangan siya ng mga namumunong posisyon sa KMU matapos ang maramihang pagdakip sa mga lider at kasapi nito noong 13 Agosto 1982 -- ang tinatawag na "Black Friday" ng kilusang manggagawa sa bansa. Sa partikular, namuno siya sa gawaing alyansa ng nasabing sentrong unyon. Sa tungkuling ito, naglatag siya ng mga tulay sa mga independyenteng pederasyon at unyon ng mga manggagawa. Nakabig niya ang malaki-laking seksyon ng mga pormasyong ito sa panig ng sentrong unyon. Dahil sa kanyang katatagan sa pagsusulong ng tunay, militante at makabayang unyonismo, at sa kanyang pagiging bukas at magiliw, nakamit niya ang respeto ng mga organisasyong ito.

Noong unang bahagi ng dekada '90 at pagkatapos, isa si Ka Douglas sa mga kadre ng kilusang manggagawa na namuno sa pagtalima sa panawagang muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo ng rebolusyunaryong kilusan at iwasto ang malulubhang pagkakamaling nagawa noong dekada '80. Matatag siyang tumindig sa panig ng rebolusyunaryong kilusang manggagawa at hindi nagpatangay sa mga kontra-rebolusyunaryong taksil na nagsubok pero nabigong wasakin ang kilusan mula sa loob.

Halos kaalinsabay, naging opisyal siya sa pinansya ng KMU. Naging responsable siya sa paglikom ng pondo mula sa iba't ibang pagkukunan para sa operasyon ng KMU matapos dambungin ng mga kontra-rebolusyunaryo ang pera nito sa bangko. Sa panahong ito, tumulong din siya sa pamumuno sa mga kampanya at pakikibakang masang isinulong ng sentrong unyon. Tumulong din siya sa gawaing internasyunal nito.

Pagkatapos, naging lider at organisador si Ka Douglas ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, ang pambansa-demokratikong organisasyon ng mga maralitang-lungsod na nasa ilalim ng KMU. Nag-organisa siya sa hanay ng mga maralitang-lungsod sa Payatas, nag-ambag sa mga kampanya ng pagpapalawak ng Kadamay, at namuno sa mga kampanya para sa kabuhayan at paninirahan para sa maralitang-lungsod.

Kahit noong labis na siyang pinahina ng sakit, hindi siya naputulan ng ugnay sa mga kasama sa rebolusyunaryong kilusang manggagawa, at nangako pa ngang babalik sa aktibong paglilingkod ilang buwan bago siya pumanaw. Kasapi si Ka Douglas ng komiteng tagapagpaganap ng RCTU noong namatay siya bunsod ng mga kumplikasyong dulot ng kanser.

Manggagawang intelektwal si Ka Douglas. Maraming tao ang nagpapatunay sa kanyang kahanga-hangang kakayahang intelektwal na masaya, bagamat mahiyain, niyang ibinahagi sa mga kasama at kaibigan at sa sambayanan at manggagawang Pilipino sa iba't ibang pag-aaral at pulong. May malawak siyang kaalaman sa Rebolusyong Ruso ng 1917, Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Digmaan sa Vietnam, at napapanahong mga isyung hinaharap ng mga mamamayan ng maraming bansa sa mundo. Sinubaybayan niya ang iba't ibang grupo at tendensya sa kilusang manggagawa sa Pilipinas, kaya kayang-kaya niyang ilatag ang kumpigurasyon ng mga pwersa sa sektor.

Isinabuhay ni Ka Douglas ang maraming mabubuting katangian ng isang rebolusyunaryo. Sa kabila ng kanyang kaalaman at mga tagumpay sa rebolusyunaryong gawain, lagi siyang mapagpakumbaba at bukas sa mga kritisismo. Bagamat mukha siyang seryoso, lagi siyang handang makipagbiruan sa mga kasama at kaibigan. Sa harap ng maraming suliranin sa rebolusyunaryong gawain, lagi siyang kalmado at mahinahon magsalita.

Bihirang uminit ang ulo niya, maliban sa mga nagsasamantala sa mga manggagawa at mamamayan na buong buhay niyang kinapootan. Maraming kasamang nakatrabaho niya ang nagsasabing hindi niya kayang humindi sa rebolusyunaryong gawain. Lagi siyang handang tumangan ng mga tungkulin, maliit man o malaki, hangga't nakikita niya ang halaga nito para sa pagsulong ng rebolusyon. Makikita sa kanya ang simpleng pamumuhay na puno ng pagsisipag at pagpupunyagi.

Nalulungkot kami sa pagkamatay ni Ka Douglas. Sa kabilang banda, nagagalak na rin kami na napahinga na siya sa pananalasa ng kanyang karamdaman. Isa siyang bayani at martir ng rebolusyon, na naglingkod sa masang anakpawis at sambayanan hanggang sa kanyang huling hininga.

Nangangako kaming itutuloy ang pakikibakang pinaglaanan ni Ka Douglas ng mahigit tatlong dekada ng kanyang buhay. Nangangako kaming isusulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka sa bago at mas mataas na antas sa susunod na mga taon. Sa pagsisikap na ito, lubos naming pinapahalagahan ang mga ambag ni Ka Douglas sa rebolusyunaryong kilusan, gayundin ang kanyang maningning na halimbawa sa mga kasama at sambayanan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.