Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


NDFP Homepage The NDF and its representatives (statements links) NDF International Office Allied Organizations (statements links) Gallery of Heroes and Martyrs Peace Talks Documents
CARHRIHL: Makasaysayang karagdagang sandata ng mamamayan (Primer)

Apendiks B.

Mga kaugnay na pandaigdigang organisasyon at kasunduan:

Ang UN Covenant on Civil and Political Rights:

Ang UN Covenant on Civil and Political Rights ay isang pandaigdigang dokumento (kung saan nakapirma ang Pilipinas) na sumasang-ayon sa Pandaigdigang Deklarasyon ng mga Karapatang-tao.

Isinasaalang-alang nito ang obligasyon ng mga estado na kabilang sa United Nations (gaya ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas) na ipalaganap ang pandaigdigang paggalang at pagtataguyod sa mga karapatang pantao at kalayaan ng mamamayan. Binibigyang-diin nito ang tungkulin at responsibilidad ng bawat indibidwal sa kanyang kapwa at komunidad na ipalaganap din at itaguyod ang mga karapatang-tao.

Sa partikular, ibinabatay ng CARHRIHL sa sumusunod na mga artikulo ng UN Covenant ang pagtaguyod sa mga karapatan ng mga biktima ng batas-militar:

Artikulo 2: Paggalang at pagtiyak ng bawat estado sa lahat (sa naglathala ang diin) ng indibidwal sa loob ng kanilang teritoryo.

Artikulo 6: Karapatan ng bawat tao sa buhay. Ang karapatang ito ay ipagtatanggol ng batas. Walang sinumang pagkakaitan ng kanilang buhay.

Artikulo 7: Walang sinumang ipaiilalim sa tortyur o anumang malupit, di-makatao at mapanghamak na pagtrato o pagpaparusa. Sa partikular, walang sinumang ipaiilalim sa medikal o siyentipikong pag-eeksperimento nang wala siyang pahintulot.

Artikulo 9: Lahat ng tao ay may karapatan sa kalayalan at seguridad. Walang sinumang arbitraryong aarestuhin o ikukulong. Walang pagkakaitan ng kalayaan maliban sa mga batayang isinasaad ng batas. Lahat ng nadarakip ay dapat isailalim sa karampatang proseso ng batas. Lahat ng biktima ng iligal na pag-aresto ay may karapatan sa kompensasyon.

Artikulo 14/1: Lahat ng tao ay pantay-pantay sa korte at mga hukuman. Sa pagtukoy ng mga kasong kriminal, ang lahat ay may karapatan sa makatarungan at pampublikong pagdinig ng isang mahusay, nagsasarili at walang kinikilingang hukumang itinatag ng batas. Maaaring hindi ipasaksi sa midya o publiko ang paglilitis sa dahilang moral, kaayusang pampubliko o pambansang seguridad sa isang demokratikong lipunan, o kapag ang interes o pribadong buhay ng mga sangkot ay nangangailangan nito. Subalit anumang pasya sa kasong kriminal ay ipaaalam sa publiko maliban kapag ang nasasangkot ay mga nakababatang (juvenile persons) o alitang magulang o pagpatnubay sa mga bata.

Mga kaugnay na probisyon sa ilalim ng UN Convention Against Torture ng 1984:

Artikulo 13: (lunas) Titiyakin ng bawat estado na sinumang indibidwal na napailalim sa tortyur sa ilalim ng hurisdiksyon ng estadong iyon ay may karapatang magreklamo at mapag-aralan ang kaso. Titiyaking ang nagrereklamo at mga saksi ay napoprotektahan laban sa anumang masamang pagtrato o intimidasyon bilang konsekwensya ng kanyang pagrereklamo o pagbibigay ng ebidensya.

Artikulo 14: (lunas at pagremedyo) Titiyakin ng bawat estado sa ligal na sistema nito na sinumang biktima ng tortyur ay lulunasan at may karapatan sa nakasasapat at makatarungang kompensasyon, kabilang ang buong rehabilitasyon hangga't posible. Sa kamatayan ng biktima bilang resulta ng pagtortyur sa kanya, may karapatan sa kompensasyon ang kanyang mga kamag-anak o yaong mga nakaasa sa kanya.

Artikulo 16/1: (interpretasyon) Pipigilan ng anumang estado sa kanyang teritoryo ang anumang kalupitan, di makatao at mapanghamak na pagtrato o pagpaparusa kapag ito'y ginawa sa pahintulot o mismong ng isang pampublikong upisyal o iba pang taong ginagawa ito batay sa upisyal na kapasidad.

International Labor Organization

Ang ILO ay binuo ng United Nations noong Mayo 10, 1944 sa Philadelphia. Nakatungtong ito sa pagkilalang may malaking pangangailangan upang pahusayin ang mga kundisyon sa paggawa gaya ng pagregula ng oras ng paggawa, pag-iwas sa disempleyo, pagtakda ng nakasasapat na sahod, pagprotekta sa manggagawa laban sa sakit at iba pang pinsalang maaaring ibunsod ng kanyang pagtatrabaho; proteksyon ng mga bata at kababaihan, proteksyon sa interes ng mga manggagawang migrante, at marami pang ibang kaugnay nito. Itinakda ng ILO ang ILCFAPRO sa kurso ng tuluy-tuloy nitong pagbaybay sa mga usaping kinakaharap ng paggawa sa iba't ibang bansa sa buong daigdig.

International Labor Convention on Freedom of Association and Protection of the Right to Organize

Pinagtibay ito noong Hulyo 9, 1948 ng pangkalahatang kumperensya ng International Labor Organization sa ika-31 sesyon nito.

Ayon dito, dapat obserbahan ng bawat myembro ng ILO ang sumusunod na karapatan ng mga manggagawa at nag-empleyo sa usapin ng organisasyon. Dito, ang "organisasyon" ay nangangahulugan ng anumang organisasyon ng mga manggagawat o taga-empleyo na nagsusulong at nagtatanggol sa kanilang mga interes at karapatan:

  • magtatag ng organisasyong kanilang pinili at tumalima sa mga patakaran nito

  • magbalangkas ng sarili nilang konstitusyon at mga patakaran, maghalal nang buong-laya ng kanilang mga kinatawan; itakda ang pamumuno at mga aktibidad at likhain ang programa ng kanilang organisasyon

  • karapatang hindi durugin o isuspinde ng mga awtoridad sa administrasyon ang mga manggagawa o nag-empleyo o ang kanilang mga organisasyon

  • magtatag at lumahok sa mga pederasyon at kumpederasyon at iba pang katulad na organisasyon, at pakikipagtulungan sa mga internasyunal na organisasyon ng mga manggagawa at nag-empleyo

Aplikable ang mga nabanggit sa mga pederasyon at kumpederasyon at mga organisasyon ng mga manggagawa't taga-empleyo. Upang hindi malagay sa kundisyong hindi magiging aplikable ito sa mga manggagawa, mga taga-empleyo at mga organisasyon nila, igagalang ang kanilang pagkakaroon ng ligal na personalidad.

Sa kurso ng pag-ehersisyo ng mga naturang karapatan, igagalang ng mga naturang organisasyon ng mga manggagawa't taga-empleyo ang mga batas ng bansa. Ito ay hindi dapat maging hadlang, o gamitin upang hadlangan, ang mga probisyon ng Kumbensyon.

Itatakda ng mga pambansang batas o patakaran kung hanggang saan magiging aplikable ang mga ginagarantiya ng Kumbensyon sa panig ng militar at pulisya.

Titiyakin ng bawat myembro ng ILO na gawin ang lahat upang tiyakin na malayang naeehersisyo ng mga manggagawa at mga taga-empleyo ang kanilang karapatang mag-organisa.

International Convention on the Rights of Migrant Workers and Members of their Families

Ang Kumbensyong ito ay tinalakay ng General Assembly noong Disyembre 18, 1990. Isinasaalang-alang nito ang mga prinsipyong kinakatawan sa mga batayang instrumento ng United Nations hinggil sa mga karapatang-tao, laluna ang Universal Declaration of Human Rights at marami pang ibang kumbensyon at dokumento na pumapatungkol sa karapatang-tao, karapatan ng mga manggagawa, at ng mga kababaihan at mga bata kaugnay ng paggawa. Kinikilala nito ang kahalagahan at kalaganapan ng pag-iral ng migrasyon na kinaiimbweltuhan ng milyun-milyong mamamayan at umaapekto sa napakalaking bilang ng mga estado sa daigdig. Nilalayon nitong makapag-ambag sa matamang pagharap ng mga estado sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga batayang prinsipyo kaugnay ng pagtrato sa mga migranteng manggagawa at mga myembro ng kanilang mga pamilya. Binibigyang-diin dito ang mga karapatang-tao ng lahat ng mga migranteng manggagawa at inaasam ang pagpawi ng diskriminasyon sa usapin ng mga karapatan.

Geneva Conventions

Pinagtibay noong Agosto 12, 1949 sa Geneva, Switzerland ng Diplomatikong Kumperensya para sa Pagtatatag ng Internasyunal na Kumbensyon para sa Proteksyon ng mga Biktima ng Digmaan, ang "Geneva Conventions." Ang NDFP ay naglabas ng "Declaration of Undertaking" sa Geneva Conventions at mga protokol nito. Ang Pilipinas naman ay isang "High Contracting Party" dito. Sumusunod ang mga prinsipyo nito sa panahon ng digmaan ang mga kumbensyon sa Geneva:

  1. Geneva Convention para sa Pagpapabuti ng mga Kundisyon ng mga Sugatan at Maysakit sa mga Armadong Pwersa sa Labanan - Ginagarantiyahan nito sa partikular ang karapatan ng mga sugatan at maysakit, kabilang yaong mga napasakamay ng kalabang pwersa, sa pag-aaruga at serbisyo ng mga imparsyal na internasyunal na entidad gaya ng International Committee of th Red Cross. Dito nakasaad na hindi dapat maging target ng atake, bagkus ay karapat-dapat gawaran ng respeto sa lahat ng panahon, ang mga establisimyento, mobile na mga yunit-medikal, mga personel ng imparsyal na mga entidad.

  2. Geneva Convention kaugnay ng Pagtrato sa mga Bihag ng Digma - Itinatakda nito kung sinu-sino sa larangan ng digma ang itinuturing na bihag ng digma at binabalangkas ang mga karapatan ng mga ito, na dapat igalang ng mga bansang nakalagda sa kumbensyon.

  3. Geneva Convention kaugnay ng Pagprotekta sa mga Sibilyan sa Panahon ng Digma - Nilalayon ng kumbensyong ito na iligtas o iiwas sa mga pagdurusang bunsod ng digmaan ang mga maysakit at sugatang mga kombatant at di-kombatant, gayundin ang mga sibilyan na di kalahok sa labanan at, bagaman nasa loob ng teritoryo ng labanan, ay walang tungkuling militar sa katangian.

Mayroon ding Geneva Convention na pumapatungkol sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga sugatan, maysakit at nasiraan ng barkong mga myembro ng mga hukbong sandatahan sa karagatan.

Protocols 1 & 2

Ang Protocols 1 & 2 ay kapwa karagdagan sa Geneva Conventions na pinagtibay noong Hunyo 8 1977 ng Diplomatikong Kumperensya sa Muling-Pagtibay at Pagpapaunlad ng Internasyunal na Makataong Batas na aplikable sa mga Armadong Tunggalian.

Ang Protocol 1 ay ang "Protocol Additional to the Geneva Conventions of 12 August 1949, and relating to the Protection of Victims of International Armed Conflicts (Karagdagang Protokol sa Geneva Conventions ng 12 Agosto 1949, at kaugnay ng Proteksyon ng mga Biktima ng Internasyunal na Armadong Tunggalian). Gaya ng mga Kumbensyon sa Geneva, aplikable ang Protokol 1 sa lahat ng pagkakataon na may deklaradong digmaan o armadong tunggalian sa hanay ng mga nakalagda sa kumbensyon.

Ayon sa pagpapalawig sa Protokol 1, saklaw ng nabanggit na sitwasyon ang mga armadong tunggaliang "bunsod ng pakikibaka ng mamamayan laban sa dayuhang dominasyon at panghihimasok at laban sa mga rasistang rehimen sa kurso ng pag-ehersisyo ng karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, gaya ng sinasalamin sinasalamin sa Tsarter ng United Nations at Deklarasyon sa mga Prinsipyo ng Internasyunal ng Batas kaugnay ng Mapagkaibigang Relasyon at Tulungan sa hanay ng mga Estado at alinsunod sa Tsarter ng United Nations.

Ibayo nitong inilarawan ang mga ginagarantiyahan ng proteksyon ng Kumbensyon: ang mga sugatan at maysakit, mga biktima ng paglubog ng barko, mga yunit o establisimento at kagamitang medikal at relihiyoso. Pinalalalim ng Protokol ang pagtatanggol at pag-aaruga na napakahalagang maigawad sa mga nabanggit sa gitna ng digmaan. Binaybay din nito ang mga bawal na gawin kaugnay ng mga nabanggit, kahit pa kung may pahintulot sila.

Ang Protocol 2 naman ay ang Karagdagang Protokol sa mga Kumbensyon ng Geneva noong 12 Agosto 1949, at kaugnay ng Proteksyon ng mga Biktima ng Di-Internasyunal na Armadong Tunggalian.

Nakatuntong ito sa mga makataong prinsipyo na sinasalamin sa Geneva Conventions na bumubuo ng pundasyon para sa paggalang para sa tao sa mga kaso ng armadong tunggalian na hindi internasyunal ang katangian. Aplikable ito sa mga kaso ng armadong tunggalian sa pagitan ng armadong pwersa ng isang nakalagda sa Kumbensyon at ng lumalabang mga armado at iba pang organisadong armadong pwersa na, sa ilalim ng responsableng kumand, ay nakapag-eehersisyo ng kontrol sa teritoryo sa puntong nakapaglulunsad sila ng tuluy-tuloy na mga operasyon at opensiba.

Binabaybay ng Protokol ang makataong pagtrato na dapat igawad sa mga maysakit, sugatan, kababaihan, kabataan at mga may-edad at sa iba pang di kalahok at nawalan na ng kakayahang lumahok sa digmaan, gayundin sa mga nyutral na entidad.

Binigyang-diin ng Protokol ang proteksyong dapat igawad sa populasyong sibilyan at sa mga bagay na kailangan ng populasyong sibliyan upang mabuhay, gaya ng pagkain, mga sakahan, alagaan ng hayup at mga instalasyon ng tubig. Gayundin, sa mga bagay na kultural at lugar ng pagsamba.

Ipinagbawal din sa Protokol ang sapilitang pagpapakilos sa mga sibilyan kaugnay ng tunggalian, maliban kung sangkot ang seguridad ng mga sibilyan o hinihingi ng mga kagyatang sitwasyong militar.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.