Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
PANAYAM KAY KA ROGER
Paglawak at pagsulong
 Basahin sa Ingles 
  1. Gaano na kalaki ang BHB kumpara sa pinag-umpisahang bilang nito? Papaano umabot sa kasalukuyang dami ang mga larangang gerilya ng kilusan?


  2. Bukod sa dami ng mga larangang gerilya sa buong kapuluan, anu-ano pa ang mga narating na ng Partido makalipas ang 34 taon?


  3. Paano kaya mapagpupunyagiang kamtin ang ibayo pang mas malalaking tagumpay, sang-ayon sa panawagan ni Armando Liwanag?


  4. Bakit may kumpyansa ang rebolusyonaryong kilusan na magtatagumpay ito?


  5. Kailan masasabing may sapat nang lakas ang rebolusyonaryong kilusan para magtagumpay? Ano ang magiging sukatan? Ano ang napipinto ninyong senaryo kapag nakamit na ang ganitong lakas?


TOP

1. Gaano na kalaki ang BHB kumpara sa pinag-umpisahang bilang nito? Papaano umabot sa kasalukuyang dami ang mga larangang gerilya ng kilusan?

Ang BHB ay nagsimula noong 1969 sa 60 mandirigma at 34 mahahaba at maiikling armas. At ito ay naroroon lamang sa isang maliit na distrito ng Tarlac.

Pagkatapos ng ilang taon, ang rebolusyonaryong kilusan ay nakapagpalawak na sa buong bansa. Sa kabila ng mga kahirapan at mga pagkakamali, nakapangibabaw ang kilusan at nakakikilos na ito sa mahigit na 70 prubinsya
at nakapagtayo na ng mahigit 120 larangang gerilya sa buong bansa. Lahat ng malalaking isla sa Pilipinas ay nakikilusan ng hukbong bayan.

Sa mga larangang gerilyang ito, ang pinakamaliit ay may lakas na isang platung hukbo. Ang kalakhan naman ay may lakas na isang kumpanya. Iyan yung mga pultaym na armadong gerilya. Hindi pa kasama dyan yung milisyang bayan---mga reserba ng BHB---yung mga tinatawag na "mandirigma sa gabi at sa araw ay magsasaka".

Naging medyo mahirap ang proseso ng pagtatayo ng mga larangang gerilya dahil lahat ng rehimeng umiral sa Pilipinas ay naglunsad ng malulupit na kontrarebolusyonaryong kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang tawag ni Marcos sa kanyang mga kampanya ay Oplan Pedro Taga, Oplan Mamamayan at may Oplan Kadena de Amor pa sa Southern Luzon. Kay Cory, Oplan Lambat Bitag 1, 2, 3 at 4. Inakala naman ni Ramos na talo na ang BHB, kaya ibinaling niya sa modernisasyon ang prayoridad ng pagpapaunlad ng militar. Mayroon siyang Campaign Plan Kaisaganaan. Sa panahon ni Erap---nakita na naman nila, hindi matalo-talo ang BHB-inilunsad nila ang Oplan Makabayan. At ngayon, sa ilalim ng rehimeng GMA ang pinakabago---Campaign Plan Bantay Bayan Laya na tinatawag ngayon ni Defensor na Oplan Gordian Knot. Bagamat sa mga unang ratsada ay pinahirapan din ng mga ito ang BHB, ang lahat ng mga oplan nila ay napangibabawan, nabigo at napagtagumpayan ng rebolusyonaryong kilusan.

Iyan ang mga pinagdaanang pakikibaka bago napalakas ang hukbong bayan umabot na ngayon sa humigit-kumulang 27 batalyon. Malawak na rin ang latag ng BHB sa buong bansa. Mahigit kalahati ng mga congressional district sa bansa ay saklaw na ng mahigit 120 larangang gerilya ng BHB at darami pa ang mga ito sa kagyat na mga susunod na taon.

Tinitiyak ng mga kasama na lubusan ding mabibigo ang anumang bagong kontra-rebolusyonaryong campaign plan na ilulunsad ng gubyerno, dahil wala namang esensyal na pagkakaiba ang mga ito sa nakaraan.TOP

2. Bukod sa dami ng mga larangang gerilya sa buong kapuluan, anu-ano pa ang mga narating na ng Partido makalipas ang 34 taon?

Noong 1992, nang naglagom ang ika-10 plenum ng Komite Sentral ng Partido nakita nito ang mga suliranin at papaatras na takbo ng gawain kaya't nagdesisyong maglunsad ng isang kilusang pagwawasto. Kinailangang matukoy kung ano ang mga pagkakamali at kinailangang maiwasto ang mga ito. Yung mga lider at kasapi ng Partido na hindi nakatanggap sa pagwawasto at ayaw kumilala sa kanilang mga pagkakamali ay tumiwalag sa rebolusyonaryong kilusan. Ang ilang may pinakamalalaking kasalanan sa Partido at rebolusyonaryong kilusan at pinakamasugid sa pagdadala ng mga mali at oportunistang linya ay tuluyang nagtaksil at nagsikap makapanghati at makapangwasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Ngunit bigo sila at sila pa ang nagkawatak-watak, tuluyang nawalan ng kabuluhan at humantong na lang sa pagiging mga ispesyal at bayarang ahente at pwersang paramilitar ng kaaway.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan naman ay lalong kuminang sa pandayan ng puspusang rektipikasyon at matinding pakikitunggali sa mga oportunistang taksil. Bunga ng pagtitibay ng mga saligang prinsipyo, higit ito ngayong matatag sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Tumaas ang kalidad ng BHB. Natigil ang mga adbenturismong militar nitong puminsala lang sa sarili, nagdulot ng kawang sa relasyon sa masa at umakit
ng sobra-sobrang ganting salakay ng kaaway. Napuksa ang mga militaristang gawi at kagaspangan nito, at higit itong napalapit sa masa. Ipinakat ito alinsunod sa estratehikong linya ng malawakan at masinsing pakikidigmang gerilyang nakabatay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Sa urban, naiwasto ang insureksyunismo at repormismo at muling naiayos ang suportahan ng pagkilos sa kanayunan at kalunsuran at ng armado at parlamentaryong pakikibaka-sa balangkas ng matagalang digmang bayan at estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan.

Napakalawak na rin ng inabot ng Partido. Taas-noo nitong masasabi na ito ang pinakamalaki at pinakakonsolidadong partidong pampulitika sa buong bansa ngayon, lalo kung ikukumpara sa buhaghag, patay-sindi at pang-eleksyon lamang na mga burges na partido pulitikal-Lakas-NUCD, LDP at mga katulad nito. At siyempre ang Partido Komunista ng Pilipinas ay mayroong mahigpit na pinamumunuang hukbong bayan.

Ang palatandaan ng presensya ng Partido ay makikita mo sa lahat ng lugar. Sa kanayunan, andoon ito sa hukbong bayan, sa mga sangay ng Partido sa lokalidad. Sa urban ganoon din. Kapag tinatanong nga ako ng mga kaibigan sa midya, sabi ko makakakita kayo't makararamdam ng presensya ng mga komunista sa pagawaan, sa iskuwelahan, sa palengke, sa mga tanggapan ng gubyerno at maging sa simbahan. At baka maging sa mga kampo militar makakatagpo kayo ng komunista kaya lang syempre hindi sasabihin sa inyo na sila ay komunista. Kinikilusan ng Partido ang lahat ng lugar na mayroong maaaring imulat, organisahin at pakilusin, laluna sa hanay ng masang anakpawis at mga intelektwal.TOP

3. Paano kaya mapagpupunyagiang kamtin ang ibayo pang mas malalaking tagumpay, sang-ayon sa panawagan ni Armando Liwanag?

Sa pahayag sa anibersaryo ng Partido noong nakaraang Disyembre 26, tinukoy na napakapaborable ang sitwasyon sa Pilipinas, at ganoon din sa daigdig, para sa higit pang pagsusulong ng rebolusyon. Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan naman ay nasa isang napakagandang sitwasyon din para masamantala ito dahil higit na itong konsolidado sa ideolohiya, pulitika at organisasyon matapos malubos noong 1998 ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at makabawi sa mga pinsalang inabot nito bunga ng malalalang disoryentasyon noong dekada 1980. Nitong huling tatlong taon, tuluy-tuloy na ang malalaking hakbang pasulong sa halos lahat ng pangunahing larangan ng rebolusyonaryong gawain.

Lubos nang nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo, dahil na rin sa sobra-sobrang pagpapakapapet sa imperyalistang US, pagkamapaniil at korapsyon. Pangungunahan ng Partido ang kampanya ng pagpapatalsik kay Gloria Macapagal-Arroyo. May mga pwersang kasama noon sa pagpapatalsik kay Erap Estrada na handang muling makipag-isa sa rebolusyonaryong kilusan para mapatalsik na rin itong kasalukuyang pinunong papet na si GMA.

Hindi man mapatalsik si GMA sa pamamagitan ng pag-aalsang-bayan katulad ng nagpabagsak kina Marcos at Estrada, gagawain ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng hakbang para matiyak ang pagkatalo niya sa eleksyon sa 2004, sakaling matuloy ito at lalaban pa rin siya rito.

Samantala, bibigyan ng rebolusyonaryong kilusan ng diin ang ibayong pagsusulong ng mga pakikibaka ng mamamayan:

  • pangunahin na ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa reporma sa lupa at laban sa mga anti-magsasakang patakaran ng gubyerno, gaya ng neoliberalisasyon na nagdudulot ng ibayong paghihirap sa kanila at nagwawasak sa agrikultura ng bansa;
  • pakikibaka ng mga manggagawa para sa makatarungan at nakabubuhay na sahod at mga demokratikong karapatan;
  • pakikibaka ng mga maralita ng lunsod, mababaang kawani sa gubyerno, kabataan at estudyante, maliliit na propesyunal;
  • pakikibaka ng maliliit at panggitnang negosyante, mula sa mga hograiser hanggang sa mga nagmamanupaktura ng semento, na pawang naiipit din ng neoliberalisasyon at pagbaha sa bansa ng mga sobrang produkto ng mga imperyalista;
  • pakikibaka ng mamamayan laban sa mga kabulukan, panunupil at paglabag ng rehimeng Arroyo sa mga karapatang tao;
  • pakikibaka ng mga patriyotikong pwersa laban sa lumalalang interbensyong militar ng US sa Pilipinas.

Bibigyan ngayon ng ibayong pansin ang pagsusulong ng armadong pakikibaka. Sa taong ito at mga kagyat na susunod na mga taon, isa sa mga pangunahing haharapin ng Partido ay ang pagpapalakas sa hukbong bayan upang makaagapay at makatugon sa mahigpit nang kahilingan ng mga mamamayan na patindihin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga kinamumuhiang mga yunit ng AFP at PNP na nananalasa ngayon sa kanayunan at upang maparusahan din ang kinasusuklamang mga mandarambong, mga pangunahing lumalabag sa karapatang pantao, at iba pang kinakailangang mapatawan ng rebolusyonaryong kaparusahan.

Kaakibat nito, magsasagawa ng malawakang recruitment sa BHB, maglulunsad ng maraming mga pagsasanay ng mga Pulang kumander at mandirigma, magpaparami ng mga armas pangunahin na sa pamamagitan ng pag-aagaw nito sa larangan ng labanan, at palalakasin at palalawakin ang mga sona, base at larangang gerilya. Sisikaping maging platun ang istandard na pormasyon ng BHB at lakas-kumpanya ang nakararaming larangang gerilya. Maaasahan rin natin sa taong ito at mga susunod ang pagdami, paglawak at paglakas ng mga taktikal na opensiba.TOP

4. Bakit may kumpyansa ang rebolusyonaryong kilusan na magtatagumpay ito?

Sa gabay ng rebolusyonaryong teorya at bunga ng pagkabisa sa kasaysayan at kalagayan ng lipunan, matibay ang kumpyansa sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa malaon kundiman sa madali. Sadyang matagal ang proseso ng ganap na pagbabago ng isang sistema. Hindi iyan katulad ng pagpapalit lamang ng presidente na maaaring gawin tuwing apat na taon. At palibhasa'y mulat ang mga rebolusyonaryo rito, handa silang maglingkod rito kahit gaano pa ang itatagal nito, kahit buong buhay ang ialay, kahit ang mga susunod na henerasyon na ang lubusang makapagtatamasa ng mga pagbabago.

Pero, sa totoo lang, hindi na rin naman ganoong katagal ang inaasahang pagkakamit ng tagumpay. May maliwanag na tiwala ang Partido noon pang taong 2000 na---dahil sa papalalang pagkahiwalay, pagkabulok at pagkalugmok ng sistema sa isang banda at tuluy-tuloy na paglakas naman ng rebolusyonaryong kilusan sa kabilang banda---ang tagumpay ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas ay makakamit sa mga unang dekada ng milenyong ito.

Lalo na ngayon, napakapaborable ang sitwasyon. Kung sa Pilipinas ay mabilis na hinuhukay ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang libingan, sa internasyunal ay ganoon din, pinabibilis ni Bush ang pagre-recruit sa kilusang antiimperyalista bunga ng kanyang panggagalaiting gerahin ang Iraq at iba pang pinagbibintangan niyang mga "terorista".

Malaking bentahe ng Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan na konsolidadong konsolidado ang mga ito ngayon. Mabilis na lumalawak ang hanay ng mamamayang yumayakap sa mga adhikaing ipinakikipaglaban ng rebolusyonaryong kilusan. Palatandaan niyan, pangunahin na, ang ibayong mabilis na pagdami ng mga organisadong masa at kasapian ng Partido. Sumisigla rin ang recruitment sa Bagong Hukbong Bayan hindi lamang sa kanayunan kundi maging sa lunsod---mula sa hanay ng mga kabataan at estudyante, manggagawa at malamanggagawa. Sa kabila ng pananakot sa mamamayan, ng paglalarawan ng gubyerno ni Arroyo at ng mersenaryong AFP na mga "terorista" ang BHB, maraming nagpapasyang magpunta sa kanayunan, makipamuhay sa masa at sa BHB, at lumahok sa pakikibaka nila. Ang iba sa kanila'y nagpapasyang maglaan na ng kanilang buong panahon sa armadong pakikibaka.

Mula pa lamang sa mga palatandaang ito, masasabi ngang hindi na masyadong magtatagal bago makamit ang ganap na tagumpay.TOP

5. Kailan masasabing may sapat nang lakas ang rebolusyonaryong kilusan para magtagumpay? Ano ang magiging sukatan? Ano ang napipinto ninyong senaryo kapag nakamit na ang ganitong lakas?

Pinakasimpleng sukatan ang target na makilusan ng hukbong bayan at masaklaw na ng mga larangang gerilya ang dalawang katlo ng kabuuang bilang ng mga munisipalidad sa buong Pilipinas, at may platun ng BHB sa bawat isa nito. Sa gayon, makakamit na ang kritikal na kantidad sa pakikidigmang gerilya para maituluy-tuloy na ito sa estratehikong pagpapatas tungo sa pangkalahatang opensiba. Masasabing hudyat na ito para harapin na ang pagpaplano sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Kasunod nito, mas madali nang masasaklaw ang iba pang munisipalidad, pati na kung saan matigas ang pagkakapwesto ng kaaway. Mangangailangan na siyempre ng mas malalaking pormasyon para magapi ang malalaking konsentrasyon ng kaaway, kasabay ng paglulunsad ng pakikidigmang partisano at mga people power at insureksyon para yugyugin na ang mga sentro ng kapangyarihan sa mga syudad.

Siyempre, hindi lamang ang hukbong bayan ang malakas sa panahong iyan, pati ang rebolusyonaryong kilusang masa. Kung sa kasalukuyang panahon ngang nasa yugto pa lamang ng istratehikong depensiba ang digmang bayan
ay kinaya na ng mamamayan na magpalit ng dalawang presidente sa pamamagitan ng people power, e di lalo na kapag umabot na ang rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa ibayong maunlad na antas. Akalain ba natin, noong 1986 kung kailan ang rebolusyonaryong kilusan ay batbat pa nga ng mga disoryentasyon, nakayanan pa rin at bigla na lang makapagpatalsik ang mamamayan ng isang diktador sa pamamagitan ng pag-aalsang bayan? Kung hindi tayo gaanong nakapaghanda noong 1986, nito namang 2000, maaga pa'y nakita na natin, napagplanuhan at napaghandaan ang pagbabagsak ng bulok na rehimeng Estrada sa pamamagitan ng panibagong people power. Naging mapagpasya ang papel dito ng militanteng demokratikong kilusang masa sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Sasadyain na rin natin ang marami pang ganito hanggang sa rumurok ito sa pangkalahatang pag-aalsa kasabay ng mga pangkalahatang opensibang militar at mga operasyong partisano ng BHB at armadong mamamayan.TOP

<<< SINUNDAN|KASUNOD >>>


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.