Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
PANAYAM KAY KA ROGER
Mga usapin sa pagrerebolusyon
 Basahin sa Ingles 
  1. Ano ang inyong masasabi sa programa ng rehimen para umano sa repormang-agraryo? Ano ang ginagawa ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng suliranin sa lupa ng mga magsasaka?


  2. Papaano hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan ang daing ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod, mababang presyo ng mga bilihin, disenteng pamumuhay?


  3. Papaano maaabot ang sinasabi ninyong "tunay at pangmatagalang kapayapaan"?



1. Ano ang inyong masasabi sa programa ng rehimen para umano sa repormang-agraryo? Ano ang ginagawa ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng suliranin sa lupa ng mga magsasaka?

Walang sariling programa sa reporma sa lupa ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ipinagpapatuloy lamang nito yung CARP na sinimulan ng dating presidenteng si Mrs. Aquino. Alam naman ng mga magsasaka na hindi ito tunay na reporma sa lupa.

Isang dahilan nito'y pinababayaran sa mga magsasaka yung lupa ng mga panginoong may-lupa sa presyong talaga namang di makakayanan ng mga magsasaka.

Sa kabila ng ipinangangalandakan ng rehimeng GMA na marami na silang naipapapamahagi, kapag tayo naman ang kausap ng mga magsasaka ang mga daing nila ay kabaligtaran ng mga pinagsasabi ng rehimen. Ang tawag nga diyan ng mga magsasaka ay "bigay-bawi"-yung mga certificate of land transfer na ibinigay noong una ay binabawi na sapagkat pinagpapalit-gamit na ang mga lupang sakahan para maging golf course, tourist resort, subdivision, industrial park.

Kaugnay naman ng pangalawang katanungan: Tulad ng alam ng mga kasama at naaabot na masa, ang pangunahing nilalaman ng pambansa-demokratikong rebolusyon ay ang programa para sa tunay na reporma sa lupa. Katugunan ito ng rebolusyonaryong kilusan sa suliranin ng mga magsasakang walang-lupa. Ang tunay na reporma sa lupa o rebolusyong agraryo ay naglalayong sa minimum ay mapababa ang upa o mapataas ang parte sa ani ng mga kasamá. Iyan ay malaganap nang naipapatupad sa buong bansa. Sa loob ng mga larangang gerilya, nasimulan na ito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos
ng mga magsasaka sa tulong ng hukbong bayan. Napagtatagumpayan na ring mapataas ang sahod ng mga manggagawang bukid at mabawasan ang napakataas na interes sa usura. Gayundin, nahihikayat ang maliliit na negosyante na bahagyang maitaas upang maging makatarungan ang presyo ng pagbili nila sa mga produktong magsasaka.

Ang maksimum na layunin ng rebolusyong agraryo ay kumpiskahin ang lupain ng mga panginoong may-lupa, isabansa ito, ipamahagi para mabungkal nang libre ng mga magsasakang walang lupa. Bago ang tagumpay, ang pailan-ilang kumpiskasyon ay maaaring ipinatutupad sa mga lupain ng mga piling despotikong panginoong maylupang may mabibigat na krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Pero sa ngayon-at hanggang sa tagumpay-ang pangkalahatan at mas malawakan pang ipinatutupad ay ang minimum na programa.

2. Papaano hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan ang daing ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod, mababang presyo ng mga bilihin, disenteng pamumuhay?

Sa kalunsuran, prayoridad ng rebolusyonaryong kilusan ang pag-oorganisa sa mga manggagawa bilang namumunong uri at isa sa dalawang pinakamalaking sektor---ang isa pa ay ang malamanggagawa---sa kalunsuran. Buong-sikhay ang pagsusulong ng kilusang manggagawa at kilusang welga, ang pagtatayo ng tunay na mga unyon at pagsusulong ng pakikibaka para sa makatarungang sahod at iba pang karapatan ng mga manggagawa.

Sa kabila ng matinding panunupil ng reaksyonaryong estado, pinagsisikapan ng rebolusyonaryong kilusan na maabot ang pinakamaraming manggagawa sa iba't ibang empresa sa buong bansa para maisulong ang kanilang interes. Malaki ang naiaambag rito ng rebolusyonaryong kilusan. Gayunman, napakalaki pa ang dapat isagawa para maabot at maorganisa ang pinakamalawak na masa ng manggagawa, at mapakilos sila para ibayong maisulong ang interes ng uri at ng buong mamamayan.TOP

3. Papaano maaabot ang sinasabi ninyong "tunay at pangmatagalang kapayapaan"?

Para matigil ang armadong tunggalian, ang gera sibil na nagaganap sa Pilipinas, kailangang maharap at malutas ang pinag-uugatan nito. Ito ang napakasamang sistemang umiiral, kung saan ang iilang nagmamay-ari ng kalakhan ng mga lupain at yaman sa Pilipinas ang siyang naghahari, kung saan ang malawak na mamamayang binubuo ng mga magsasaka, maggagawa at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang sektor ay naroon sa baba at tinatapakan ng mga naghahari, kung saan ang buong bansa ay dinadambong at inaapi ng imperyalismong US. Kailangang mabago ang bulok na sistemang iyan. Ang bagong-demokratikong rebolusyonaryong kilusan ay inilunsad para makamit ang mga kinakailangang radikal na pagbabago.

Pero dahil may reaksyunaryong hukbong sumusuhay at nagtatanggol sa bulok na sistema, kailangan din ng mamamayan ng rebolusyonaryong hukbo tulad
ng Bagong Hukbong Bayan. Kailangan ng mamamayan ang armadong paglaban para ibagsak ang bulok na estado at sistema at itayo ang bago.

Yung kapayapaang gusto ng rehimen, ng reaksyunaryong gubyerno ay yung kapayapaang walang tumututol, walang nagsasalita -- kapayapaan ng libingan. Subalit hindi iyon ang tunay na kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay magaganap kapag nalutas na ang pinag-uugatan nitong armadong tungalian. Hangga't hindi napapawi ang ugat na ito, ang anumang pagtigil ngayon ng armadong labanan ay pansamantala lamang, at iyon ay muling iigiting.

Habang di binibitiwan at hindi kailanman isinusuko ang sandata, handa ring tayong iharap sa hapag ng usapang pangkapayapaan ang mga problemang pinag-uugatan upang mahanapan ng kalutasan doon hanggat totoong bukas at makatotohanan ang kaaway sa ganitong proseso. Handa rin tayong bumaklas anumang oras mapatunayan nating iba ang pakay at ginagawa ng kaaway. Anu't anupaman, nakasandig sa mahigpit na pagkapit sa armadong pakikibaka ang kabuluhan at anumang makakamit na tagumpay sa paglahok natin sa usapang pangkapayapaan.TOP

<<< SINUNDAN|KASUNOD >>>


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.