Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
PANAYAM KAY KA ROGER
Internasyunal
 Basahin sa Ingles 
  1. Gaanong kahalaga ang pakikipag-ugnayan ng Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa iba pang mga kilusan sa ibang bansa?


  2. Paano nag-aambag ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon?


1. Gaanong kahalaga ang pakikipag-ugnayan ng Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa iba pang mga kilusan sa ibang bansa?

Alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay puspusang nakikipag-ugnayan, nakikipagkapatiran at nakikipag-isa sa iba pang partido komunista at iba pang rebolusyonaryong kilusan sa ibang bansa dahil itinuturing ng mga komunista bilang kapatid sa uri ang lahat ng proletaryado saanmang dako ng daigdig at itinataguyod ng mga komunista ang lahat ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa lahat ng bahagi ng daigdig.
Iisa naman ang suliranin at magkaugnay ang laban ng mamamayan dito at sa ibayong dagat. May iisang komun tayong kaaway, ang pinakapangunahing kaaway ng lahat ng proletaryado at mamamayan sa daigdig ngayon---ang imperyalismo, sa pangunguna ng superpower na imperyalismong US. Maging sa US at iba pang imperyalistang bayan, kaisa natin ang proletaryado at mamamayan laban sa superpower na US at sa kani-kanila ring imperyalistang gubyerno. Nilalayon ng mga komunista at rebolusyonaryo ang nagkakaisang prente ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

May malaking partikular na kahalagahan din ang malakas na ugnayang pandaigdig para sa rebolusyong Pilipino dulot ng pagkaestratehiko ng Pilipinas para sa imperyalismong US laluna kaugay ng patuloy na paghahari ng US sa Asia-Pacific. Nakita natin ito sa mahabang kasaysayan ng kolonyal at neokolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas.

Pinag-iibayo ngayon ng US ang interbensyon nito sa bansa, di na lamang sa mga aspetong pang-ekonomya at pampulitika kundi maging sa aspetong militar. Sa ngalan ng "anti-terorismo", ginagawang sangkalan ng US ang paglaban kuno nito sa Abu Sayyaf para mabigyang daan ang tuwirang agresyon nito laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas-sa partikular, laban sa BHB at MILF.

Balak patindihin ng agresyong US ang kontrarebolusyonaryong digma sa Pilipinas at subukan ang pinakamauunlad na high tech na sandata nito laban sa mga pwersang gerilyang naglulusad ng digmang bayan. Syempre, magiging pambansang gera na ito laban sa isang dayuhang agresor kasabwat ang mga papet na tropa at patutunayan ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Pilipinas na sa katuus-tuusan tao at hindi sandata ang siyang mapagpasya.

Pero, bunga ng imperyalistang agresyon tataas ang antas ng internasyunalisasyon ng gera sa Pilipinas. Sa gayon, mas malaki ang kakailanganing pandaigdigang tulong sa rebolusyong Pilipino---sa anyo ng mga tulong pampulitika, tulong diplomatiko, tulong materyal at pampinansya, maging tulong sa moral. Iaasa natin ito sa malakas na gawaing internasyunal--sa pakikipag-ugnayan sa mga Marxista-Leninista at iba pang rebolusyonaryo at progresibong partido at organisasyon; sa mamamayan ng iba't ibang bansa at pati mga gubyernong maaaring sumuporta sa rebolusyon, magtaguyod ng kapayapaan o tumutol man lang sa imperyalistang agresyon; sa mga pandaigdigang institusyon at sa iba pang makatutulong sa rebolusyong Pilipino.

2. Paano nag-aambag ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon?

Maraming mahahalagang naiaambag ang Partido at rebolusyong Pilipino sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

Pangunahin na rito ang pagpupursige at pagsusulong ng bagong-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas at ang matatag na pagtataguyod ng sosyalismo sa panahong ipinangangalandakan ng imperyalismo ang pagkalansag ng mga rebisyunistang rehimen at ngayo'y namamayagpag ito bilang nagsosolong superpower sa daigdig. Sa gayon, ang PKP at rebolusyonaryong kilusan ay nakapagbibigay ng magandang halimbawa at inspirasyon sa iba pang rebolusyonaryong pwersa sa ibang bansa para sa kanila ring pagsusulong ng pakikibaka laban sa imperyalismo at reaksyon at para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo.

Sa loob ng mahigit 30 taon na, naipakikita ng bagong-demokratikong rebolusyong Pilipino sa buong mundo na posible at kailangan ngang maglunsad ng matagalang digmang bayan sa isang malakolonyal at malapyudal na bansang nagsisilbing napakahalagang angklahan ng imperyalismong US sa Asia-Pacific. Nagbubunga ito ng napakataas na prestihiyo ng Partido at rebolusyong Pilipino.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay kabilang ngayon sa mga pinakahanda at may pinakamataas na kumpyansang samantalahin ang mabilis na lumalalang krisis sa bansa at daigdig para ibayong maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at kamtin ang tagumpay sa loob ng mga susunod na dekada.

Nagtutuon ito ng espesyal na pagsisikap sa paghikayat at aktwal na pagtulong sa paghahanda at pagpapaunlad ng digmang bayan, laluna sa mga bansang malapyudal at malakolonyal. Kasabay nito, ang Partido ay masigasig na nakikipagpalitan ng pananaw at karanasan sa ibang partido tungkol sa iba't ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at humihimok sa ibang mga partido na paunlarin ang mga anyo ng rebolusyonaryong pakikibakang angkop sa kanilang kongkretong kalagayan.

Ibinabahagi ng Partido ang mga matatagumpay na karanasan nito---ang pakikibaka laban sa sunud-sunod na mga papet na gubyerno, ang pangingibabaw
sa mga suliraning panloob tulad ng malalang disoryentasyon noong dekada 1980 hanggang 1992. Gayundin, kung papaano ito nakaiwas na mabulabog o matinag noong magbagsakan ang mga rehimen sa Unyon Sobyet at Eastern Europe, bumaligtad rin ang China at tumalunton sa kapitalismo mula noong mamatay si tagapangulong Mao Zedong. Nagkaroon ng nagkakaisang pagtingin kung papaano pakikitunguhan itong sinasabing pangyayaring tinatagurian ng mga kaaway na pagbagsak daw ng sosyalismo. Inilinaw ng Partido na hindi ang sosyalismo ang bumagsak kundi ang mga rebisyunistang rehimen sa Unyon Sobyet at Silangang Europa.

Makabuluhan din ang mga iniaambag ng Partido sa mga pandaigdigang pagtitipon para sa paglilinaw ng Marxista-Leninistang paninindigan laban sa imperyalismo, rebisyunismo at pasismo at para sa pagpapataas ng antas ng pag-uunawaan at kooperasyon ng mga partido komunista. Signipikante ang mga ambag ng Partido sa paninindigan para sa sosyalismo laban sa imperyalismo at modernong rebisyunismo sa pamamagitan ng mahigpit na pagdadala nito ngayon ng antirebisyunistang linya sa teorya at praktika, sa mga publikasyon nito at sa mga dinadaluhang kumperensya ng mga partido komunista.

Malaki rin ang iniaambag ng Partido sa paglilinaw ng anti-imperyalistang paninindigan laban sa globalisasyon ng "malayang pamilihan" at mga digmang agresyon. Inilalantad ng Partido ang katotohanang dekadente at naghihingalo ang imperyalismo, na niyayanig ito ng malalim na krisis at sa kasakiman at desperasyon nito'y hibang na nagsasagawa ng pinakamasasahol na terorismo at agresyon. Itinataguyod ng Partido ang malalapad na anti-imperyalistang kilusan sa pambansa at pandaigdigang saklaw.

Habang wastong nagkokonsentra ang Partido at mga rebolusyonaryong Pilipino sa pagarerebolusyon sa sariling bansa, laging pinagsisikapang gawin ang abot ng makakaya upang ipatupad ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, gayundin ang prinsipyo ng malawak na pagkakaisang antiimperyalista sa internasyunal na nagkakaisang prente.

Iyan ang mga dahilan kung bakit ang mga kapatid na partido at mamamayang nakikibaka sa ibang bansa ay gustong-gustong makipag-alam, makipagbahaginan ng rebolusyonaryong karanasan dito sa Pilipinas. Katunayan ay maraming dayuhan ang pumapasok sa mga larangang gerilya upang tingnan kung papaano sumusulong ang pakikibakang rebolusyonaryo rito.TOP

<<< SINUNDAN|KASUNOD >>>


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.