Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
PANAYAM KAY KA ROGER
Sino ang tunay na terorista?
 Basahin sa Ingles 
  1. Ka Roger, bakit maling ituring na "terorista" ang PKP at NPA?


  2. Ano ang epekto ng sinasabing pag-ipit sa mga ari-arian nina Ka Joema sa rebolusyonaryong kilusan? Totoo bang nauubusan na ito ng pondo dahil sa pagkakategoryang "terorista" kay Ka Joema at sa NPA?


  3. Kung ikaw ang tatanungin, Ka Roger, ano na ang naabot ng Oplan Gordian Knot ng AFP? Sa iyong tingin, may bago nga bang mga hakbanging ipinatutupad ang gubyerno kaugnay ng deklarasyon nito
    ng todo-todong digma laban sa terorismo?



1. Ka Roger, bakit maling ituring na "terorista" ang PKP at NPA?

Unang una, ang pakahulugan ng "terorismo" ay pamiminsala sa mamamayan sa layuning manira, mamilit at maghasik ng takot.

Ang Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay may Bagong Hukbong Bayan na isang rebolusyonaryong hukbo ng mamamayan. Itinayo ito para tapatan at wasakin ang reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na mga instrumento ng naghaharing uri para supilin ang rebolusyonaryong kilusan at mga taumbayang hindi mapasunod sa mga ipinagpipilitan ng mga reaksyunaryo.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay tatlong dekada nang nasubok ng mamamayan bilang isang rebolusyonaryong organisaysyon, bilang sarili nilang hukbo at kasa-kasama nila sa kanilang araw-araw na pakikibaka hindi lang sa aspetong militar, kundi pati sa pakikibakang pangkabuhayan, sa pagpapataas ng kakayahan sa edukasyon, literasiya at kultura, sa pagpapaunlad sa iba pang larangan, at sa sariling paggugubyerno. Mahigpit na ipinagbabawal dito ang makapinsala ng kahit kaunti sa mamamayang siyang pinaglilingkuran nito. Kaya, hindi pwedeng maging terorista ang BHB, laluna ang PKP na mahigpit na namumuno at gumagabay dito.

Ang NDFP ang alyansa ng mga pambansa-demokratikong organisasyong kinapapalooban ng PKP at BHB ay kusang-loob na nagpahayag doon sa Switzerland, nagrehistro ng kanyang paghamon na tatalima ang rebolusyonaryong kilusan sa Geneva Conventions at lahat ng internasyunal na makataong batas ng United Nations. Hinahamon ng PKP-NDFP-BHB ang GRP na gumalang sa mga internasyunal na makataong batas na ito.

Napakaliwanag na ang talagang terorista sa Pilipinas ay ang GRP, ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang pinaiiral nito ay terorismo ng estado sapagkat sila ang walang habas na namiminsala sa mamamayan, pumapatay sa mga sibilyan, na ang tanging pagkakasala ay ang pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan o pagprotesta para sa kanilang mga lehitimong kahilingan. Kung titingnan lang ang mga ginagawa nila ngayon sa Mindoro, halimbawa, walang dudang ang AFP ang siyang naghahasik ng walang pakundangang terorismo sa mamamayan.

At sa pandaigdigang saklaw naman, ang tunay at pinakamalaking terorista ay ang US. Milyon-milyon na ang pinatay ng US sa kanyang mga baliw na digmaan---sa pagbagsak ng atomic bomb sa Nagasaki at Hiroshima, sa ilang taong pag-embargo ng mga pagkain gamot at iba pang saligang pangangailangan sa Iraq, sa pinakahuling pananalakay sa Afghanistan. Ano pa't sa Pilipinas, mahigit 400,000 mamamayan ang tuwirang pinatay ng hukbo ng US noong Filipino-American War. Umaabot sa mahigit isang milyon kung isasama pa ang mga pinatay sa gutom at sakit dahil sa kanilang mga pagsosona at blokeyo sa pagkain.TOP

2. Ano ang epekto ng sinasabing pag-ipit sa mga ari-arian nina Ka Joema sa rebolusyonaryong kilusan? Totoo bang nauubusan na ito ng pondo dahil sa pagkakategoryang "terorista" kay Ka Joema at sa NPA?

Nagsisimula ang kaaway---ang reaksyunaryong gobyerno at militar nito---sa maling-maling paniniwala na ang pangunahing inaasahan o ikinabubuhay ng rebolusyonaryong kilusan ay ang tulong mula sa labas ng bansa. Iyan naman ay matagal na nating pinabulaanan. Sa totoo lang, isa sa magandang katangian ng rebolusyong Pilipino sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang kapasyahan at kakayahang umasa sa sarili. Hindi ito pangunahing nakasandig sa anumang tulong mula sa labas ng bansa. Ang katangiang ito ay hinahangaan ng mga kapwa rebolusyonaryo sa ibayong dagat.

Pangunahing umaasa ang reboluysonaryong kilusan sa mga rekursong pangkabuhayan at pampinansya sa loob ng bansa---mga kontribusyon ng masang manggagawa at magsasaka, tulong ng mga alyado, rebolusyonaryong buwis at sariling produksyon. Hindi sinasabing hindi natin kailangan ang tulong mula sa labas. Ang anumang tulong mula sa labas-maging materyal, pulitikal o moral-ay ganap na ipinagpapasalamat, ikinatutuwa at tinatanggap. Ngunit bilang karagdagan at hindi sandigan.

Ilusyon lang ng gubyerno na naapektuhan nang malaki ang kilusan sa pag-freeze ng umanong mga deposito nito sa bangko. Wala namang deposito ang Partido, NDF o BHB sa ibayong dagat. Wala ring pera sa bangko si Ka Joma sa Netherlands kundi ang regular na inihuhulog doon ng gubyernong Dutch para sa pagkain, gamot at upa sa tirahan niya roon bilang political refugee.

Kaya baliw ang layunin ng kaaway na i-freeze ang umanong mga deposito sa bangko ni Ka Joema at ng rebolusyonaryong kilusan. Bigo ang pag-asa nilang sa gayo'y mapipilay ang rebolusyonaryong kilusan at mapamamanikluhod sa ibinibitin nilang usapang pangkapayapaan.TOP

3. Kung ikaw ang tatanungin, Ka Roger, ano na ang naabot ng Oplan Gordian Knot ng AFP? Sa iyong tingin, may bago nga bang mga hakbanging ipinatutupad ang gubyerno kaugnay ng deklarasyon nito ng todo-todong digma laban sa terorismo?

Iyang Oplan Gordian Knot ay bagong katawagan lang ni [dating AFP Chief] Gen. Benjamin Defensor sa kampanyang kontrarebolusyonaryo ng gubyerno---yung Campaign Plan Bantay Bayan Laya. Umano'y mababaklas na nila sa wakas yung buhol ng rebolusyon na hindi nila magawa-gawa sa loob ng mahabang panahon. Sa paghahambog ni Gen. Defensor, daan-daan na raw mula sa BHB ang sumusurender. Ito namang punong papet ng US na si GMA ay napaniwala ng mga militar na totoo ito, pati sa mga hungkag na ulat nila tungkol sa daan-daang engkwentro na pawang nasa inisyatiba raw ng AFP at pagkumpiska ng marami daw kalawanging baril ng BHB. Ang biro ko nga, e baka diyan sa Gordian Knot sila magkabuhul-buhol. Wala namang pagkakaiba ito sa esensya sa Oplan Makabayan noong panahon ni Erap at ginawang Campaign Plan Balangai noong unang taon ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Ang kaunting pagkakaiba lamang ay ang mas masahol at walang-habas na paggamit ng psywar sa mas malaking bahagi ng kanilang kontrarebolusyonaryong kampanya---mga balitang hindi totoo, mga gawa-gawang paninirang-puri sa rebolusyonaryong kilusan, katulad na lang ng pagbabansag na "terorista" sa BHB at kay Ka Joma Sison. Anu't anupaman, lahat ng kanilang mga kasinungalingan at paninira ay hindi nagiging epektibo sapagkat ang mamamayan, laluna sa kanayunan, na matagal nang nakasama ng BHB, ay hindi na maniniwala diyan. Alam nilang ang BHB ay isang rebolusyonaryong hukbong talagang naririyan para lubos na maglingkod sa mamamayan, nakibaka para sa kapakanan ng mamamayan. Sila ay lumalahok diyan at ibinibigay nila ang kanilang pinakamahuhusay na mga anak para maging mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Meron pa palang isang bago, dati na rin tulad ng nasa pangalan ngunit sinimulang muling sariwain noon pang Campaign Balangai---yung
oryentasyon nilang back-to-basics. Itong ipinagmamalaki ni Gen. Dionisio Santiago ay yung ginagawa nilang walang habas na pamamaslang sa mga sibilyan---ang pinakabrutal na paraan ng panunupil ng militar sa mamamayan gaya ng nasaksihan noong panahon ng batas-militar sa ilalim ni Marcos. Pinakamatindi ang ginawa nila sa Mindoro.

Impluwensyado ito ng back-to-basics doctrine ng US Army na pinagkaabalahan nila simula nang matalo ang US sa Vietnam, pero ngayon ay mas sinisinop nila. Gawa ito ng desperasyon ng AFP dahil hindi nila mapigil-pigil ang paglago ng BHB at paglawak ng rebolusyonaryong kilusan.

Binabalingan nila ang baseng masa ng BHB sa layuning mawalan ng lalanguyang tubig ang isda. Meron silang baliw na paniniwala na kapag pinapatay at tinatakot ang mga sibilyan ay iiwas na ang mga itong sumuporta sa rebolusyon. Sa mga engkwentro ay pinilipilit nilang idamay ang mga may-ari ng bahay. O di kaya'y dinudukot nila ang mga sibilyan at pinalilitaw na ang mga ito ay napatay, naipit sa labanan ng dalawang panig. Pinakamasahol pa ang ginagawa sa mga aktibista, mga maslider ng mga organisasyong aktibo sa pakikibaka sa kanilang interes-halimbawa sa karapatang tao, kilusang paggawa, paglalantad ng katiwalian ng gubyerno-mga beterano ng pagpapatalsik kay Erap at pagluluklok kay GMA---'yun at hindi pa ang BHB ang kanilang pangunahing mga tinatarget.

Sa Mindoro lamang ay di bababa sa 30 mga aktibista at maslider ang kanilang pinatay sa loob ng dalawang taon nilang pananalakay. At palaging biktima diyan yung KARAPATAN, yung Bayan Muna, sa Mindoro yung Kalipunan ng mga Mamamayang Mindoreņo. Pinapatay ang mga maslider ng mga katutubong Mangyan. Yung iba nga'y pinagpuputol pa ang katawan.

Sa kabila ng palpak na palpak na pagdedeklara ni Col. Palparan ng Mindoro na 90% cleared na ito ng BHB, patuloy na tinatarget pa rin nila ang mamamayan, laluna mga maslider. Katwiran nilang ang mga ito raw ang bumubuo ng lambat-suporta ng BHB.
Ang mga ito raw ay base o mga myembro rin ng BHB. Kinakailangan daw tuyuin ang dagat na nilalanguyan ng mga isda. Kaya 'yun ang kanilang pinagtutuunan ng pansin. 'Yan ang higit na pinatindi sa panahon ni GMA.

Kaya mapapansin nating higit na naging biktima ng all-out war ang mga sibilyan. Ang all-out-war ay gera talaga ng gubyerno laban sa mga sibilyan, kahit kanino pa ito idineklara. Pero nagkakamali ang reaksyunaryong gubyerno at AFP. Sa halip na mawalan ay lalo pang mabilis na umaani ng suporta ng mamamayan ang BHB, dahil dumarami sa mamamayang nakikibaka nang hayag at ligal ay napipilitan o naoobliga na ring mamundok, sumama sa NPA at humawak ng sandata.TOP

<<< SINUNDAN|KASUNOD >>>


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.