|
Panayam kay Ka Roger
Basahin sa Ingles
Bumisita noong Enero ang istap ng Philippine Revolution Web Central sa upisina ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, upang siya ay kumustahin at kapanayamin tungkol sa samu't saring isyu at bagay. Inaasahang makatutulong ang panayam na ito sa paglilinaw ng iba't ibang usaping kinakaharap ng rebolusyonaryong kilusan laluna sa kasalukuyan. Napaunlakan din ang kaunting pagpapalalim ng pagkilala sa tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas.
- Sino ang tunay na terorista?
"Mahigpit na ipinagbabawal (sa NPA) ang makapinsala ng kahit kaunti sa mamamayang siyang pinaglilingkuran nito. Kaya, hindi pwedeng maging terorista ang BHB...
"Kaya baliw ang layunin ng kaaway na i-freeze ang umanong mga deposito sa bangko ni Ka Joema at ng rebolusyonaryong kilusan (dahil) bigo ang pag-asa nilang sa gayo'y mapipilay ang rebolusyonaryong kilusan at mapamamanikluhod sa ibinibitin nilang usapang pangkapayapaan...
"...Baka diyan sa Gordian Knot sila magkabuhul-buhol...Alam (ng mamamayan na) ang BHB ay isang rebolusyonaryong hukbong talagang naririyan para lubos na maglingkod sa mamamayan, nakikibaka para sa kapakanan ng mamamayan. Sila ay lumalahok diyan at ibinibigay nila rito ang kanilang pinakamahuhusay na mga anak..."
- Mga usapin sa pagrerebolusyon
"...(Ang minimum na layunin ng rebolusyong agraryo na ) mapababa ang upa o mapataas ang parte sa ani ng mga kasamá...ay malaganap nang naipapatupad sa buong bansa...
"Sa kabila ng matinding panunupil ng reaksyonaryong estado, pinagsisikapan ng rebolusyonaryong kilusan na maabot ang pinakamaraming manggagawa sa iba't ibang empresa sa buong bansa para maisulong ang kanilang interes...
"Yung kapayapaang gusto ng rehimen, ng reaksyunaryong gubyerno ay yung kapayapaang walang tumututol, walang nagsasalita-kapayapan ng libingan..."
- Paglawak at pagsulong
"Mahigit kalahati ng mga congressional district sa bansa ay saklaw na ng mahigit 120 larangang gerilya ng BHB at darami pa ang mga ito sa kagyat na mga susunod na taon...
"(Ang Partido) ang pinakamalaki at pinakakonsolidadong partidong pampulitika sa buong bansa ngayon, lalo kung ikukumpara sa buhaghag, patay-sindi at pang-eleksyon lamang na mga burges na partido pulitikal-Lakas-NUCD, LDP at mga katulad nito...
"Samantala, bibigyan ng rebolusyonaryong kilusan ng diin ang ibayong pagsusulong ng mga pakikibaka ng mamamayan...
"...Handa (ang mga rebolusyonaryo na) maglingkod ... kahit gaano pa ang itatagal nito, kahit buong buhay ang ialay, kahit ang mga susunod na henerasyon na ang lubusang makapagtatamasa ng mga pagbabago...
"Kung sa kasalukuyang panahon ngang nasa yugto pa lamang ng istratehikong depensiba ang digmang bayan ay kinaya na ng mamamayan na magpalit ng dalawang presidente sa pamamagitan ng people power, e di lalo na kapag umabot na ang rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa ibayong maunlad na antas..."
- Internasyunal
"Iisa naman ang suliranin at magkaugnay ang laban ng mamamayan dito at sa ibayong dagat...
"..Ang Partido ay masigasig na nakikipagpalitan ng pananaw at karanasan sa ibang partido tungkol sa iba't ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at humihimok sa ibang mga partido na paunlarin ang mga anyo ng rebolusyonaryong pakikibakang angkop sa kanilang kongkretong kalagayan..."
- Mga paglilinaw
"Kung dumating ang isang panahon na sa iba't ibang kadahilanan at sa kabila ng pagsisikap na mahikayat ang isang kasapi upang manatili ay talagang ayaw na niya dahil hindi na makayanan o magampanan ang kanyang tungkulin, anumang oras ay libre at panatag siyang makatitiwalag o makaaalis dito...
"Hindi na lamang ang internasyunal na batas ang kinonsidera (sa paggawang 18 taong-gulang ng edad para sa rekrutment ng BHB), kundi maging ang pangangailangang matiyak na hindi na isip-bata bagkus ay may hustong gulang at kaisipan na ang mga nirerekrut, bukod pa sa ibang pamantayan---tulad ng pagiging aktibo sa rebolusyonaryong kilusan, dumaan sa mga pag-aaral, gumagampan sa mga rebolusyonaryong tungkulin, mahusay ang pag-iisip at pangangatawan, walang masamang rekord sa mamamayan, may rekomendasyon ng Sangay ng Partido at iba pang masa sa lokalidad, at iba pa...
"Kailangan din ang rebolusyonaryong pagbubuwis para sa iba't ibang serbisyo sosyal sa saklaw ng gubyernong bayan tulad ng mga programa para sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan, pagpapalaganap ng edukasyong pangmasa at pagpapaunlad sa kultura ng mamamayan, pagpapaunlad sa produksyon, mga proyektong pang-ekonomya at iba pa...
"Ang bulto ng rebolusyonaryong buwis--hanggang mga 90%--ay kinokolekta mula sa mga mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uri. Minimal at boluntaryo ito sa bahagi ng mga demokratikong uri, laluna sa bahagi ng masang anakpawis...
"(Sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong pagbubuwis,) ang mga usapin ay dinadala sa hapag ng negosasyon. Walang personal na pananakot o pagbabantang ginagawa ang TIU. Wala ring pagpapadala ng bala, itim na ribbon o itim na damit. Lahat ng aspeto ng negosasyon sa pagbubuwis ay pormal at malumanay na isinasagawa...
"Kung ang isang tao ay nakahandang lumahok sa pakikibaka, at pagdating lamang doon sa kasarian ay mayroon siyang pinipili, bakit mo ipagkakait sa kanya ang karapatang lumahok sa rebolusyon at maging kasapi ng Partido?..."
- Sa araw-araw
"Ang araw-araw na buhay ng BHB ay pakikisalamuha sa masa, walang sawang pagpopropaganda, pag-eeduka, pakikipagtalakayan, tuiwirang pagtulong sa produksyon ng masa at sa kung ano ang madatnang trabaho ng masa sa bahay ng masa. Sinisikap ng mga kasamang lumahok sa lahat ng ito---pagluluto, paghuhugas ng mga kinainan, pag-iigib, pagsisibak ng panggatong, paglilinis, hanggang sa paglutas ng mga suliraning pampamilya. Ang layuni'y makatulong mula sa pinakamaliit na bagay na makabuluhan din para sa masa hanggang sa paglutas ng pinakamalalaking suliranin. Pinakamalaki na nga ang suliranin sa lupa...
"Kapag ang rebolusyonaryo ay tuluy-tuloy na nakikibaka at humarap sa sariling pagpapamilya, ang susunod na obligasyon niya ay huwag hayaang mangibabaw ang burgis at pyudal na mga kalakaran at impluwensya sa pagpapamilya at pagpapalaki ng mga bata, kundi itransporma ang pamilya sa pagiging rebolusyonaryong pamilya...
"...Sa araw-araw na buhay ng hukbong bayan, makikita mo ang maraming kasayahan at kasiyahan, maraming nakakatawa at nakatutuwang bagay, maraming nakapagpapataba ng pisngi at puso..."
|
|