Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Releases Archives Primers Interviews
    PilipinoEnglish

PRESS RELEASE
Information Bureau
Communist Party of the Philippines

PKP: pag-aalsang bayan at mga armadong opensiba upang hadlangan ang kudeta ni Arroyo

09 Oktubre 2005

Nanawagan ngayong araw ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat na mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan na buong siglang labanan ang mga minamadaling balak ng rehimeng Arroyo na durugin ang lahat ng oposisyon sa pamamagitan ng pagpapataw ng todo-larga at hayagang pasistang paghahari sa bansa.

Tinukoy ng tagapagsalita ng PKP na si Gregorio "Ka Roger" Rosal ang mga ulat na ang "dirty tricks department" ng Malakanyang ay magsasagawa ng serye ng mga pambobomba sa Metro Manila sa darating na mga araw at ang mga ito ay gagamiting sangkalan upang arestuhin/tipunin ang mga lider pulitiko, mga aktibista at mga kritiko at sakupin ang lahat ng mga mahahalagang empresa. Naiulat na nalagdaan na ni Gloria Arroyo ang Executive Order #467 na nagdedeklra ng state of national emergency. Ang atas ay sinasabing ilalabas sa oras na magreses ng 9 na araw ang konggreso sa Oktubre 15 upang mahadlangan ang mga mambabatas na kwestyunin ang mga batayan ng pagdedeklara ng "national emergency".

Sinabi ni Rosal na ang pinakahuling mga hakbangin ni Arroyo kagaya ng "calibrated preemptive response" na nagbibigay-katwiran sa marahas na pagbubuwag ng mga aksyong protesta, EO 464 na pumipigil sa mga miyembro ng gabinete, mga upisyal militar at iba pa mula sa sangay ng ehekutibo na humarap sa mga pagsisiyasat/pagdinig ng konggreso ng walang pahintulot ng Malakanyang, gayundin ang mga hakbangin upang takutin at usigin ang mga prominenteng taong laban kay Arroyo at ang pinalakas na tulak na pagtibayin ang panukalang batas laban sa terorismo, ay pawang panimula ng kasunod na pagpapataw ng nagngangalit na pasistang paghahari.

Bukod doon, dagdag ni ni Rosal, sa kalagayang ang militar at pulisya ay ligalig at demoralisado dahil sa malawakang dayaan sa eleksyon, malakihang pandarambong at korapsyong isinagawa ng naghaharing pangkatin at ang napakaraming mga maniobra at nakakubling mga taktika upang supilin ang katotohanan at burahin ang duguang landas, kakailanganin ni Arroyo na sumandig sa mga pribadong hukbo ng kanyang mga loyalista upang maglunsad ng kudeta kasama ang isang bahagi ng mersenaryong militar at pulisya na nananatiling matapat sa kanya.

Sa usaping ito, inutusan ni Arroyo ang kanyang National Security Adviser na si Norberto Gonzalez at ang pinuno ng DILG na si Heneral Angelo Reyes na ihanda ang mga lokal na vigilantes bilang "pwersang pang-bak-ap laban sa terorismo." Katugma nito ay ang mga ulat na mayroong dalawang mayor na pagpupuslit ng armas ang dumating na sa bansa upang magamit ng "isang sibilyang pwersa" na tapat kay Arroyo.

Tinawag ni Rosal ang huling mga maniobrang ito ng Malakanyang na mga "desperadong hakbang ng isang rehimeng naghihingalo sa harap ng napakalubhang krisis pampulitika at sosyo-ekonomiko." Ang rehimen ay sukdulang nahihiwalay sa mamamayan at maging sa mahahalagang seksyon ng mga naghaharing uri, aniya pa. At sa kalagayang parami pa nang parami ang mamamayang sumisigaw ng pagpapatalsik sa kanya, sinabi ni Rosal na humahantong na si Arroyo ngayon sa paggamit ng lantad na paniniil kasabay ng pagpipilit niyang makahulagpos mula sa patuloy na lumalalim na pampulitika at pangkabuhayang bangin ng kamatayang kanyang kinasadlakan.

Idinugtong ng tagapagsalita ng PKP, magkagayunman na, hindi na magtatagal pa si Arroyo. "Natuto na ang mamamayan mula sa mapapait na mga karanasan ilalim ng batas militar at ang mga pagdurusang dinanas sa panahon ng batas militar ni Marcos." Ani Rosal. "Ngunit kahit na, ang lubusang nahiwalay at batbat ng-krisis-na-diktadura ay maibabagsak sa ilang araw na pagsasagawa ng people power." Sinabi rin ni Rosal na kapag ipininagpilitan at ipinuwersa ni Arroyo ang batas militar sa kahit anupamang anyo, hindi na ito pahihintulutan ng mamamayan.

"Ang kanyang pasistang rehimen ay mabilis na lalagpak sa harap na malawakang demonstrasyon ng nagkakaisang mamamayan kasabay ng mabilis na pagsulong ng armadong rebolusyong bayan." Sinabi ni Rosal na, ni hindi makaasa si Arroyo sa suporta ng buong sandatahang pwersa ng gubyerno, sa dahilang ang karamihan sa kanila ay malamang na babaligtad laban sa kanyang diktadurang rehimen at susuporta sa pakikibakang bayan para ibagsak ito sa pinakamaagang posibleng panahon.

Nanawagan si Rosal para sa pagpapaigting ng mga protestang anti-Arroyo upang biguin ang nakatatakot na mga pakanang sugpuin ang mga karapatang sibil at lipulin ang lahat ng oposisyon sa kanyang pasista, papet at tiwaling paghahari. Ang di maitatangging ambisyon ni Arroyo na gayahin ang ginawa ni Marcos ang nagpapakita ng pinakamalinaw na katwiran sa sambayanan para ito ay pabagsakin, aniya pa.

Muli ring inuulit ng PKP ang direktiba nito sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)na lalupang patindihin ang mga taktikal na opensiba sa buong bansa upang parusahan ang palalo at pasistang rehimeng Arroyo at maipahayag ang pakikiisa nito sa kilusang bayan na wakasan na ang kinamumuhiang naghaharing pangkatin."



Reference:
Anne Buenaventura
Media Officer
Cellphone Number: +63910-240-3553



Back to top

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.