Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Palalimin ang kilusang pagwawasto, isulong ang digmang bayan!

Executive Committee
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 1994

Sa araw na ito ipinagdiriwang ng Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan ang ika-25 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan. Puno tayo ng tiwala sa pagpapanibagong-lakas, pagpapanibagong-sigla at ibayong pagsulong dahil sa pamamagitan ng makasaysayang kilusang pagwawasto, naitakwil natin ang rebisyunismo at oportunismo at naibalik ang rebolusyon sa matatag at wastong landas ng bagong-tipong demokratikong rebolusyon at matagalang digmang bayan.

Ang kawastuhan ng linya sa pulitika ang unang salik na nagpapasya sa pagsulong o pag-atras ng rebolusyonaryong digma. Tuwirang naranasan natin sa nakalipas na isa at kalahating dekada kung paano, batay sa wastong linya, tayo ay sumulong at nagkamit ng wala pang katulad na mga tagumpay -- pero sa kalauna'y nadulas, naimpluwensyahan ng maling linya ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod, at tuloy, humantong sa wala pa ring kapantay na mga pinsala at pag-atras. Ang mapait na leksyong ito na pinagbayaran ng buhay at sakripisyo ay taimtim na isinasaloob ng mga kadre at kasapi ng Partido at mga kumander at mandirigma ng hukbong bayan.

Sa buong kasaysayan ng rebolusyong Pilipino, muli at muling lumilitaw ang hindi nagpapanibagong-hubog na mga elementong petiburges na naglalako ng diumano'y mas maikling landas sa pamamagitan ng adbenturismong militar, putsismo o repormismo at ayon sa lubha ng disoryentasyong naipunla nila ay nag-iiwan ng mga pinsala at problema at lalong nagpapagtagal at nagpapahirap sa rebolusyonaryong proseso. Ang pinakamasahol na naranasan na ng muling tatag na Partido ay ang kasalukuyang pulutong ng mga dating promotor ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod na bumaling na ngayon sa kapitulasyunismo, parlamentarismo, pasipismo, repormismo, anti-komunismo at pag-atake sa digmang bayan. Ang mga elementong tulad nila ay sadyang iniluluwal ng kapaligirang malapyudal na may malaking saray ng petiburgesya sa kanayunan at lunsod at kinakailangan ng palagiang pagmamatyag ng mga proletaryong rebolusyonaryo.

Pagwawasto at Pagpapanibagong-Lakas

Sa gabay ng wastong rebolusyonaryong linya, nagsisikhay tayo ngayon sa pagpapalakas sa mga pangunahing sandata ng demokratikong rebolusyon na bagong-tipo: ang Marxista-Leninistang talibang Partido, hukbong bayan na nasa absolutong pamumuno ng Partido at nagkakaisang prenteng nakasalig sa alyansa ng uring manggagawa at magsasaka at nagsusulong sa armadong pakikibaka. Sa gayon, matatag na tinatahak natin ang landas na itinuturo ng Marxismo-Leninismo- Kaisipang Mao Zedong para sa mga bayang malakolonyal at malapyudal at paulit-ulit na kinukumpirmang tumpak ng mga karanasang positibo at negatibo ng mahabang pakikibaka ng proletaryado at sambayanang Pilipino. Sa kabuuan, naiwaksi na ng Partido at hukbong bayan ang maling linya ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod at ang kabilang oportunistang kamalian ng kapitulasyunismo, parlamentarismo at repormismo. Sa iilang kalat-kalat na bahagi lamang may ilang yunit ng hukbo na nalinlang at natangay ng mga oportunistang taksil at kahit sa mga bahaging ito, mabilis nang natatauhan ang mga nalinlang at paparami ang umuugnay at bumabalik sa Partido at hukbo. Sa kanayunan ng buong kapuluan masigasig na sumusulong ang kilusang pagwawasto, ang pagbabago ng oryentasyon at disposisyon, at ang pagbawi at pagpapalawak ng mga sonang gerilya. Mulat na itinataguyod ang linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na patuloy na nagpapalawak at nagpapalalim ng suportang masa. Ito ang wastong linya sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba ng ating digma.

Radikal nang nabago ang dispusisyon ng pwersa, mga prayoridad at tungkulin upang iayon sa wastong linya at baklasin ang bertikalisado at balintuwad na istruktura ng pwersa na pamana ng wala sa panahong "regularisasyon." Ang prayoridad ay nasa mga pwersang nakakalat at tumitiyak sa tuluy-tuloy na mga gawain sa organisasyon, edukasyon, propaganda, militar, ekonomya at kultura sa hanay ng masa sa pinakamalawak na saklaw. Kaalinsabay, sa bawat karampatang saklaw at antas ay may malinaw na sentro de grabidad: takdang saklaw na relatibong matatag at pwersang laking platun humigit-kumulang na tumatayong bag-as para sa gawaing militar at gawaing masa, naglulunsad ng mga taktikal na opensiba nang nagsasarili o kasanib ang mga yunit sa paligid, at naghihiwa- hiwalay din para sa gawaing masa sa kanyang saklaw kapag wala sa taktikal na opensiba o pagsasanay.

Ang pinakakagyat na prayoridad bukod sa internal na konsolidasyon ay ang pagpapalawak at pagpapalakas ng baseng masa. Agad naramdaman sa malawak na bahagi, gayundin sa mga yunit ng hukbo, ang paborableng bunga ng pagbabago ng dispusisyon ng pwersa. Ang kilusang pagwawasto ay sariwang hanging ikinagalak ng mga kumander at mandirigma at pati ng masang magbubukid. Maraming negatibong tunguhing nagpatung-patong at lumaganap sa panahon ng pamamayani ng adbenturismong militar, pananaw na lantay militar at gangsterismo na matagal nang nakakademoralisa sa hukbo at nagpapalayo sa masa. Ngayon malinaw na sa hukbong bayan at sa masa ang tunay na dahilan at solusyon ng mga problemang ito na isinisisi ng mga oportunistang ayaw kumilala ng sariling pagkakamali sa "pagkapagod sa tagal ng digma."

Makabuluhan agad ang resulta kahit ng simpleng pagkabuhay pa lamang ng ugnay sa masa sa mga lugar na naiwanan dahil sa operasyon ng kaaway o pagkalimas ng pwersang nangangalaga sa gawaing masa. Higit pang pakinabang ang nakakamit sa pagsulong ng pagsisiyasat sa kongkretong kalagayan, pagtatasa sa mga kadre at aktibistang masa, pakikipagpunahan at pakikipaglinawan sa masa kaugnay ng mga nakaraang paglihis at pagkakamali, pagrereorganisa o pagbubuo ng bagong mga organisasyong masa at batayang yunit ng Partido, at hakbang-hakbang na pagpapasigla ng mga kampanya at pakikibakang masa. Malinaw na palatandaang gumagana na nang husto ang pagpapanibagong-lakas ng baseng masa kapag lumalawak ang masang napakikilos at pumapasok muli sa hukbo ang paparami at mahuhusay na bagong rekrut.

Natural na mas kumplikado at mas mahirap ang pagbawi kaysa sa pagpapalawak sa nakaraan. Kailangan ang pagmamatyag sa mga impormer na malamang na itinanim ng kaaway laluna sa mga bahaging matagal na tinigilan o patuloy na hinahawakan ng kanyang tropang militar. Kailangang alisin ang mga mata at taynga ng kaaway sa mga baryo para makasulong nang husto ang gawaing masa at kilusang masa. Kung kinakailangan, iniikutan muna ang mga lugar na "pinatigas" ng kaaway at inuuna ang mga "mas malambot."

Naririyan din ang sari-saring bagaheng labi ng mga nakaraang pagkakamali at pagkukulang at ang panggugulo ng mga elementong taksil at nabulok. Mahalaga ang paglalagom sa mga karanasan, pagpupunahan at pag-aaral na kalahok ang masa upang hanguin ang wastong leksyon sa mga karanasan, ilagay sa tamang perspektiba ang mga negatibong karanasan, pangibabawin ang diwang aktibo at palaban, at pukawin ang masa sa muling pagsusulong ng pakikibaka.

Ang kailangan sa ganitong sitwasyon at tungkulin ay hindi ang kapusukan, kagaspangan at padaskul-daskol na pagkilos na inengganyo ng pananaw na lantay militar, "recovery" at "expansion by fire" at mga gasgasang kampanyang "pulitiko-militar" ng mga nakaraang taon. Ang pagpapalawak at pagbawi ay maaaring magawa lamang sa gabay ng linya at mga prinsipyo ng kilusang pagwawasto. Kailangan ang reoryentasyon at bagong pagsasanay, mahigpit na sapol sa linyang masa at mataas na pagpapahalaga sa solidong pag-oorganisa. Dapat ihabol din ang edukasyon at pagsasanay ng malaki-laking bilang ng mga narekrut at naangat sa pusisyon noong kasagsagan ng adbenturismong militar, na salat sa kaalaman at karanasan sa mga prinsipyo at pamamaraan ng panlipunang pagsisiyasat, pag-oorganisa sa masa, hakbang-hakbang na pagsusulong ng kilusang antipyudal, at pagbubuo ng mga batayang yunit ng Partido.

Pagbubuo ng Tunay na Hukbong Bayan

Puspusang iwinawaksi natin ang mga impluwensya ng pananaw na lantay militar at mulat na hinuhubog ang BHB alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong prinsipyo at konsepto ng hukbong bayan. Ito ay pwersang nagtataguyod sa rebolusyonaryong linya sa ilalim ng absolutong pamumuno ng proletaryong rebolusyonaryong partido, umaasa pangunahin sa suporta ng masa, nagbibigay ng pinakamataas na halaga sa pakikipagkaisa sa masa, at umaasikaso at nagpapakahusay sa mga gawain sa militar, pulitika at produksyon. Ayon sa desisyon ng ika-10 plenum ng Komite Sentral, itinakwil ang militaristang konseptong naghihiwalay ng hukbong bayan sa Partido at sa gawaing masa. Binibigyang-diin ang prinsipyo ng absolutong pamumuno ng Partido sa hukbong bayan, pinalalakas ang mga yunit ng Partido sa loob ng mga yunit ng hukbo sa lahat ng antas, at itinatalaga ang hukbong bayan bilang pangunahing pwersa sa gawaing masa sa kanayunan. Pinasisigla ang kolektibo at indibidwal na pag- aaral sa teorya at linya ng digmang bayan. Binawi para repasuhin at rebisahin ang mga kurso ng pagsasanay ng hukbong bayan na binalangkas sa ilalim ng malakas na impluwensya ng adbenturismong militar at pananaw na lantay militar.

Sa kabila ng mga kumplikasyon ng pagbawi at pagpapalawak partikular sa mga naiwanang sonang gerilya, ang mga bahaging relatibong maluwag ay napakalapad at lampas-lampas sa kakayahang saklawin ng mga yunit ng hukbong bayan. Upang masagpang ang gayong mainam na kalagayan, kailangang pagpursigihan ang pagsasanay ng dati at bagong pwersa para sa gawaing masa at ang pagrerekrut para sa kanayunan ng mga kadre at aktibistang masa mula sa mga manggagawa, kabataang estudyante at intelihensiya sa kalunsuran. Samantala, dapat matyagan ang peligro ng sobrang nipis na paglalatag ng pwersa bunga ng paghahangad na mabilis na saklawin ang lampas sa aktwal na makakaya sa isang panahon. Kapag labis na napaghiwa-hiwalay ang pwersa, nagiging lubhang bulnerable sila sa mga taktikang anti-SYP ng AFP, bukod sa lalong bumabagal ang pagpapalawak at pagpapatatag. Dapat panghawakan ang prinsipyo ng tamang pagtitimbang ng pagpapalawak at pagpapatatag.

Paglaban sa Oplan Lambat-Bitag ng Kaaway

Bunga ng redispusisyon ng pwersa ng hukbong bayan at pagbabago ng diin at estilo ng pagkilos, ang kaaway ay napipilitang manimbang sa dalawang naghihilahang hangarin. Isa ang hangaring patuloy na konsentrahan ng mga dibisyon at brigada ang ilang itinuturing na "stronghold" ng BHB, upang maghabol sa hambog pero paulit-ulit na ipinagpapalibang taning sa paggapi sa armadong rebolusyon. Sa malalawak na bahaging bulubundukin ng hilagang Luson, Bikol, Samar, Negros, kanlurang Mindanaw at hilagang Mindanaw, patuloy ang malakihang konsentrasyon ng tropa ng Philippine Army at ang mga matagalang operasyong tipong-Thunderbolt na gumagamit ng nagtatagpong mga kolum na laking-kumpanya o higit pa, kanyon at bomba, at taktikang heartland na sunod sa Negros. Ikalawa ang paghahabol sa relatibong hiwa-hiwalay na mga yunit ng BHB na mabisang sumasaklaw at nagpapanibagong-lakas sa malalawak na bahagi ng mga mas mababang lugar, kapatagan at maging kabundukan sa labas ng konsentrasyon ng mga dibisyon at brigada ng AFP. Patuloy ang ambisyong habulin ang madulas na target sa una pero dahil sa hila ng ikalawa kahit si Hen. Abadia ay nagrereklamo tungkol sa pagbabalik diumano ng "ugaling bumbero" ng mga yunit nila.

Sa pagkokonsentra ng labis-labis na lakas sa tauhan at sandata sa iilang lugar, nakalilikha ang AFP ng matinding pinsala sa masa at malaking kahirapan sa mga rebolusyonaryong pwersa sa mga naturang saklaw. Pero sa pamamagitan ng wastong taktikang gerilyang angkop sa isang pwersang nasa estratehikong depensiba, nagagawa ng BHB sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagsulong sa mas maraming lugar na pagbayarin nang mahal ang AFP sa labis na pagkokonsentra sa iilang bahagi. Sa gayon, ang mga pinsala at pag-atras kahit sa mga target ng konsentrasyon ng kaaway ay mas malamang na magagawang pansamantala lamang, sa halip na humantong sa mga mapagpasyang sagupaang lantay militar at sa tiyak na pagkadurog ng hukbong bayan kung susundin ang linya ng adbenturismong militar.

Mas malaki pang sakit ng ulo ang naghihintay sa AFP kapag higit pang sumulong ang pagpapalawak at pagpapatatag sa mga larangang gerilya. Kahit ngayon, pagkaraan ng binagong paglalatag ng pwersa at panimulang bwelo ng pagbalik sa mga naiwanang lugar at muling pagpapalawak, unti-unti nang sumisigla muli ang mga taktikal na opensiba sa iba't ibang bahagi ng kapuluan. Wasto at kinakailangang ilunsad ang mga taktikal na opensiba na kayang ipanalo. Ito ang pangunahing nilalaman ng ating estratehikong depensiba. Kinakailangan ito upang makapag-ipon ng ibayong lakas, likhain ang pinakamainam na kalagayan para sa kilusang masa, itayo at paunlarin ang demokratikong kapangyarihang bayan sa kanayunan, labanan ang pananalakay ng kaaway at unti-unti siyang pahinain.

Sa pana-panahon, pwedeng magsagawa ng mga relatibong malaking opensibang taktikal na masusing pinipili, pinaplano at pinaghahandaan para palakihin sa abot ng makakaya ang tsansa ng tagumpay. Gayunman ang kabuuang diin natin ay nasa maliliit pero malaganap na mga operasyong gerilya. Ang linya natin ay mag-ipon ng maraming menor na tagumpay sa mahabang panahon upang makalikha ng mayor na epekto sa kabuuang labanan. Dapat iwasan ang mga labanang gasgasan at ang hangal na pagbangga sa matigas na pader na inengganyo ng adbenturismong militar at mga kampanyang "pulitiko-militar." Hindi mawawala ang maliit at nahihiwalay na mga pwersa ng kaaway na maaaring mabilis na disarmahan o durugin. Mas angkop sa ating limitadong bala at mga pangkalahatang prayoridad sa kasalukuyang antas ang mga labanang anihilatibo na mabilis na tinatapos. Kapag mahusay na naikukumbina ang maliliit pero marami't malaganap na mga taktikal na opensiba at ang paminsan-minsang relatibong malaking pagsalakay na piling-pili at masinop na binalak, ang kaaway ay maaaring panatilihing nangangamba at nanghuhula palagi kung saan, kailan at sa anong anyo maaaring dumating ang mga bigwas ng BHB.

Sa paghahabol ng estratehikong tagumpay laban sa armadong rebolusyon, todo-todong ginagamit ng rehimeng US-Ramos ang mga operasyong sikolohikal. Ang kanilang prinsipal na kasangkapan ngayon ay ang mga oportunistang taksil na walang patumanggang umaatake sa Partido at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Sa ilang bahagi ng Negros at Panay na ginugulo ng mga taksil, ang ilang yunit ng Partido at hukbong bayan na kanilang nalinlang at natangay ay binubulok at sinisira sa intriga, pagkamuhi sa Partido at paglibak sa digmang bayan. Ang malinaw na disenyo ay manggulo hangga't maaari at manghila patungo sa lokal na ceasefire at pagsuko. Pero bago pa man, naniniguro na ang AFP sa pagpitas ng maksimum na pakinabang mula sa pananabotahe ng mga oportunistang taksil. Agad sinusunggaban ang mga namumunong kadreng militar sa kanayunan na nahahatak sa kalunsuran at isinusubo ng mga oportunista sa lambat ng pagmamanman ng AFP. Pinatitindi ang mga operasyong militar sa Negros at Panay upang gumawa ng maksimum na pinsala, demoralisasyon at disorganisasyon batay sa pambihirang oportunidad na nilikha para sa kanila ng mga oportunistang taksil.

Di hamak na mas malaki ang pinsalang ginagawa ng mga oportunistang taksil kaysa sa nagagawa ng kaaway sa pag-atake mula sa labas lamang. Kailangang puspusang ilantad at ihiwalay sila sa masa, kabilang na ang mga armadong yunit na kanilang nahatak at ginagamit sa pananabotahe at panggugulo sa mga larangang gerilya ng BHB. Sila ay mga pwersang kontrarebolusyonaryo na labas na sa BHB at kailangang ihiwalay at lansagin sa pamamagitan pangunahin ng pamamaraang pulitikal at mobilisasyon ng masa. Habang patuloy na hinihikayat o di kaya'y ininunyutralisa ang pinakamarami sa mga nalinlang, dapat ihiwalay ang mga pasimuno at mga sagadsaring anti- Partido at anti-BHB.

Sa Negros at Panay kung saan pinakamalaki ang gulong nagawa ng mga taksil, matatag silang nilalabanan ng mga matapat na kadre at kasapi ng Partido at mga kumander at mandirigma ng hukbong bayan. Mabilis na nalalantad at nahihiwalay ang mga taksil dahil sa kanilang oportunismo at kabulukan. Ang inisyatiba sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ay malinaw na nasa kamay ng mga tunay na rebolusyonaryong pwersa. Anuman ang dagdag pang gulo at kahirapang malikha nila, tiyak na ang kanilang ganap na pagkakahiwalay at pagkalansag.

Pakikibakang Antipyudal

Base sa higit pang pagsulong ng pagbawi at pagpapalawak, pinasisigla muli at isinusulong nang hakbang-hakbang ang pakikibakang antipyudal ng mga magbubukid. Sa pagbagsak ng mga organisasyong masa at mga yunit ng Partido, nabitawan sa maraming lugar ang mga tagumpay ng pakikibakang antipyudal. Bumalik ang dati o mas masahol pang mga kaayusang pyudal at malapyudal, gayundin ang kriminalidad na dati nang nakontrol ng rebolusyonaryong kilusan. Sa di iilang lokalidad, ang pagpasok ng mga NGO na nakabase sa syudad at naglalako ng mga proyektong sosyo-ekonomiko, sa halip na makatulong, ay nagtulak ng ekonomismo at lalong nakadagdag sa disorganisasyon ng masa. Bukod sa mga lugar na binabawi at pinagpapalawakan, may pangangailangan muling pasiglahin din ang kilusang antipyudal sa mga lugar na hindi naiwanan. Bunga ng malubhang kapabayaan sa nakaraan, may problema din sa mga lugar na ito sa katamlayan ng mga organisasyong masa, yunit ng Partido at mobilisasyon ng masa.

Ang patakaran natin ay ang minimum na programa ng rebolusyong agraryo -- pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod sa manggagawang bukid, paglaban sa usura at pagsasamantalang komersyante-usurero, at pagpapaunlad ng produksyon at mga simpleng anyo ng kooperasyon. Itinatakwil natin ang "kaliwang" konsepto ng pagmamadaling ipatupad ang maksimum na programa ng pagkumpiska at pamamahagi ng lupain at sa gayo'y sabay-sabay na hamunin ang mga panginoong maylupa nang walang pagtatangi. Tulad ng wala sa panahong "regularisasyon," ito ay pagsugod sa labanang lampas sa kakayahan at walang pupuntahan kundi tiyak na kapahamakan. Bunga ito ng kawalan ng loob na magsikhay sa solidong pag-oorganisa sa masa at sa hakbang-hakbang na pagbubuo ng lakas sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Itinatakwil din natin ang anti-magsasakang linyang natutuhan kay Alinsky ng ilang burukratang NGO na nagmamanipula at nagsusubo ng masa sa mga malakihang kumprontasyon tulad ng pangungumpiska ng lupain, panununog ng mga bodega at ari-arian at iba pa -- upang "kalburuhin" diumano ang pagkahinog ng sitwasyon para sa insureksyong lunsod. At lalong hindi natin mapahihintulutan sa ating hanay ang bagong repormistang linya na binalingan ng mga nasabing burukratang NGO na naglalako naman ngayon ng mga buladas tungkol sa "macro and micro intervention" at "claim-making, claim- taking." Ito ay walang iba kundi paglalangis at pamamalimos sa mga reaksyunaryong pulitiko at burukrata at pagpapalaganap ng mga ekonomistang proyektong sosyo-ekonomiko habang ang mga burukratang NGO ay nagpapasarap sa pondong ayuda mula labas ng bansa at nagpupundar ng karera sa negosyo, pulitika o burukrasya ng gobyerno o ng mga internasyunal na NGO. Ang katuparan ng bagong linya ng mga repormadong insureksyunista ay nakita na natin sa mga naunang beterano dito: ang mga Manglapus, Manahan, gayundin ang mga SocDem na umabot sa mataas na antas ng "macro intervention" sa panahon ni Corazon Aquino. Ang mga repormistang buladas, pagpapanggap at panlilinlang ng mga oportunistang ito ay dapat puspusang ilantad sa masang magbubukid at buong sambayanan. Hindi sila dapat hayaang patuloy na sumakay sa prestihiyo ng rebolusyonaryong kilusan habang nananabotahe at nangwawasak sa mga larangang gerilya at rebolusyonaryong kilusang magsasaka.

Lalong kinakailangan ngayon ang masigasig na pagsusulong ng pakikibakang antipyudal. Napakatindi ng krisis sa kanayunan. Bunga nito, lumalaganap ang mas masasahol pang mga anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Ang malubhang krisis sa sosyo-ekonomya ay hindi lamang sinasangkalan sa opensiba ng dayuhang monopolyong kapital laban sa pambansang soberaniya at kapakanan. Kinakasangkapan din ito sa opensiba ng uring panginoong maylupa laban sa tunay na reporma sa lupa.

Pagpapalakas sa Organisasyon ng Partido

Maraming sangay at grupo ng Partido sa mga baryo ang nabuwag dahil sa pagsalakay ng kaaway at malubhang kapabayaan sa nakaraan. Mayroon ding mga matagal nang natutulog at may ilang nabulok. Gayunman, malaki pa rin ang bilang ng mga kasapi ng Partido sa mga baryo na nanatiling matapat kahit sa pinakamahirap na kalagayan at hanggang ngayon ay handang kumilos. Sa pagsasaayos ng baseng masa, isa sa unang binibigyan ng pansin ang pagbubuo muli ng mga batayang yunit ng Partido. Pinakamainam kung pagkaraan ng masusing pagtatasa at pagsusuri ng rekord ng indibidwal na kasapi ay may sapat na bilang ng mga kasaping nasa pamantayan para mabuo agad ang sangay at mga grupo ng Partido.

Kailangan ng partikular na pansin ang pagsasaayos at pagpapatatag ng mga batayang yunit ng Partido sa kanayunan. Sa mas malawak na bahagi, nag-uumpisa pa lamang ang pagbubuo ng mga batayang yunit ng Partido nang pumalo ang linya ng wala sa panahong "regularisasyon." Naunsyami tuloy ang pag-unlad ng mga batayang yunit ng Partido na tumatayong gulugod ng baseng masa at tumitiyak sa malalim na ugat ng Partido sa malawak na masa. Ngayon, sinisiyasat at nilalagom ang mga naging karanasan sa mga batayang yunit. Tinitiyak na nabibigyan sila ng pag-aaral sa mga dokumento ng pagwawasto at matamang nagagabayan sa mga gawain sa pagpapanibagong-sigla ng mga organisasyong masa.

Ang pagpapatupad ng pasya ng ika-10 plenum na Komite Sentral na maramihang ilipat sa kanayunan ang mga kadre at aktibista sa kalunsuran ay sinabotahe at hinarang ng todong kampanyang anti- Partido ng ilang pangkating nakabase sa NCR. Ang tinatangkang hadlangan ng mga anti-Partido ay ang pagpapanibagong-lakas sa kanayunan. Gayunman, sa kabila ng kanilang panggugulo, ang kilusang pagwawasto ay matagumpay na nakapupukaw ng interes ng paparaming kadre at aktibistang masa sa tuwirang paglahok sa pakikibaka sa kanayunan. Di hamak na mas marami ngayon ang nakahanda at nagboboluntaryo sa kanayunan kung ihahambing sa mga taong nagdaan.

Kailangang-kailangan ng kilusan sa kanyunan ang malaking bilang ng mga kadre at aktibista mula sa mga manggagawa, kabataang estudyante at intelektwal sa kalunsuran. Malaki ang kulang sa mga kadreng makapamumuno sa mga gawain sa antas ng probinsya, larangan, distrito at seksyon. Ibayo pang mapapabibilis ang pagpapanibagong-sigla at pagpapanibagong-lakas sa kanayunan kung madadagdagan ng mga kadre at aktibistang masa na may kakayahang mag-aral at magbigay ng pag-aaral sa teorya, mamuno sa mga yunit ng Partido at hukbo at tumugon sa iba't ibang gawaing nangangailangan ng mataas-taas na edukasyong pormal o kaalamang teknikal.

Gawain sa Nagkakaisang Prente

Kasabay ng pagwawasto sa wala sa panahong "regularisasyon", iwinawaksi din natin ang mga konsepto ng wala sa panahong bertikalisasyon ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng makinarya ng NDF. Bukod sa labis na humahatak sa mga kadre, ang mga istrukturang ito ay umakit sa paulit-ulit na malakihang pagsalakay ng kaaway. Kapag hindi matamang pinamumunuan ng Partido at hindi sapat ang pagkakaorganisa at pagpapakilos sa masa, ang mga istrukturang ito ay isa pang pinagmumulan ng komandismo at madali ding nakokontrol ng mga burges na pulitikong kumakasangkapan dito para sa sariling pakinabang.

Binibigyang-diin natin, kasabay ng pagsusulong ng kilusang masa at pagbubuo ng Partido sa mga baryo, ang pagtatayo at pagpapaunlad ng mga organo ng kapangyarihang bayan sa batayang antas. Kailangang magpakahusay muna tayo sa antas na ito at ilatag sa pinakamalawak na saklaw ang solidong pundasyon ng mas matataas na antas ng istruktura ng organo ng kapangyarihang bayan. Kapag malawak, solido at masigla ang mga saligang organisasyong masa, malakas ang organisasyon ng Partido at ang kadreng gulugod nito, at mahusay nang gumagana sa malawak na bahagi ang mga organo ng kapangyarihang bayan, magiging natural na hakbang ang pagbubuo ng istruktura sa mas matataas na antas. Sa antas na lampas sa baryo sa ngayon, makasasapat ang pangangasiwa at koordinasyong ginagawa ng organisasyon ng Partido, ang panapanahong mga kumperensya at konsultasyon ng mga kinatawan ng iba't ibang demokratikong organisasyon at sektor, at ang pinakamalawak na relasyong bilateral sa aktwal at potensyal na mga alyadong estratehiko at taktikal.

Habang ibinubuhos ang kakayahan at panahon sa pagpapanibagong-sigla at pagpapanibagong-lakas ng mga saligang organisasyong masa at mga batayang yunit ng Partido, patuloy nating pinag-uukulan ng karampatang pansin ang pagbubuo ng pinakamalawak na ugnay at pakikipagtulungan sa mga panggitnang pwersa at iba't ibang positibong elemento sa mga baryo, kabayanan at kalunsuran. Esensyal ang legal na demokratikong kilusan sa kalunsuran sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente. Gayunman, ang pagbubuo at pagpapalakas ng gulugod nito ay sa kanayunan, kaugnay ng armadong pakikibaka, pagbubuo ng baseng masa at pagtatayo ng kapangyarihang bayan. Krusyal ang halaga ng armadong pakikibaka at gawaing alyansa mula sa mga larangang gerilya sa pagpapaunlad ng relasyon sa iba't ibang demokratikong pwersa at elemento, gayundin sa pakikitungo sa mga alyadong taktikal.

Mulat na itinataguyod natin ang linyang antipyudal sa pagsusulong ng kilusang masa at pakikitungo sa iba't ibang uri sa kanayunan. Ang linyang ito ay mahigpit na nakaugnay sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente. Alinsunod dito, itinatakwil natin ang konsepto ng nagkakaisang prenteng inireregalo sa petiburgesya at burgesya, bumubuwag sa pamumuno ng Partido, nagpapahina sa saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka, at nagtataguyod sa insureksyunismo, populismo at repormismo sa halip na sa bagong-demokratikong rebolusyon at sa digmang bayan.

Armadong Pakikibaka at Ligal na Pakikibaka

Para sa paglikha ng pinakamainam na posibleng sitwasyon para sa pagsulong ng armadong pakikibaka at aktibong labanan ang mga pakana at kontrarebolusyonaryong dalawahang taktika ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, ikinokoordina natin ang armadong kilusan at pakikibaka sa kanayunan sa pangunahi'y ligal na demokratikong kilusan at pakikibaka sa kalunsuran. Hinihikayat at sinusuportahan natin ang aktibong paglahok ng mga alyado at ligal na demokratikong pwersa sa iba't ibang larangan ng pakikibakang hayag. Kabilang dito ang paglahok sa mga reaksyunaryong eleksyon upang ipalaganap sa mas malawak pang bahagi ng mamamayan ang adyendang progresibo, ilapit sila sa antas ng rebolusyonaryong kamalayan at praktika ng sulong na seksyon ng masa at maksimisahin ang iba't ibang posibleng pamamaraan ng pagpapalakas sa mga pwersang progresibo.

Ang reaksyunaryong rehimeng US-Ramos ay walang tigil na nagpopostura sa kapayapaan habang walang tigil din sa pagwawaldas ng malaking tipak ng badyet at rekurso ng gobyerno sa todong Oplan Lambat-Bitag sa hangad na durugin ang armadong rebolusyon. Tuwing bibiyahe si Ramos sa ibayong-dagat at kailangang makabitbit ng maipakikitang "tagumpay" sa istabilisasyon ng bansa, o di kaya, may matinding isyung yumayanig sa reaksyunaryong rehimen at kailangan nito ang mga balitang pampalamig sa ulo ng taong-bayan, nagkukumahog ang mga sugo ni Ramos na magpakita ng pagsulong o galaw sa prosesong pangkapayaan. Pero, sa kabila ng mga ito, sige ang mga malakihang kampanyang militar, ang paggigiit ng pagsurender ng armadong rebolusyon, at ang panghahati sa hukbong bayan at pagtutulak, sa tulong ng mga oportunistang taksil, ng mga lokal na usapan sa pagsurender.

Sa obhetibong sitwasyon, sa patakaran ng imperyalismong US at sa aktwal na kilos ng reaksyunaryong papet na estado, hindi umiiral ang kundisyon para sa seryosong negosasyong pangkapayapaan. Sinasalubong natin ang mga pag-aasta ni Ramos upang ilantad ang kanyang pagpapanggap at ipaliwanag sa sambayanan at sa buong daigdig ang tunay na mga usapin at tunay na kalagayan kaugnay ng krisis, rebolusyon at matagalang kapayapaan sa bansa. Nililinaw natin na ang patuloy at mas mabilis pang pagkabulok ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ay mas mahigpit pang humihingi ng pagpupunyagi at pagsusulong sa digmang bayan.

Bilang suma, ang ating rebolusyonaryong armadong pakikibaka, salamat sa kilusang pagwawasto, ay naibalik na sa tamang landas at ngayon ay puspusang nagpapanibagong-sigla at nagpapanibagong- lakas. Mahirap ang laban at kumplikado ang sitwasyon pero buo ang tiwala ng Partido at hukbong bayan na matatag na mapangingibabawan natin ang mga kasalukuyang kahirapan at matatag na maisusulong ang rebolusyon. Hangga't determinado tayo sa pagsulong sa wastong rebolusyonaryong linya at mahigpit na nakaugnay at umaasa tayo sa masa, walang reaksyunaryong pwersa o pakanang makapipigil sa atin.

Isulong ang Pagwawasto at Digmang Bayan

Ang tungkulin natin ay pursigidong palalimin pa ang kilusang pagwawasto at isulong ang konsolidasyon ng Partido at hukbong bayan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon -- habang ubos- kayang tinutugunan ang mga tungkulin sa pagpapanibagong-sigla ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya at pagpapanibagong- lakas ng baseng masa at kilusang masa. Walang ibang matatag na landas ng pagsulong kundi ang pagsisikhay sa pagpapaunlad ng mga rekisito ng digmang bayan sa ideolohiya, pulitika, organisasyon, militar, ekonomya at kultura. Ang pangunahing sinasaligan natin ay ang pagpukaw at pagpapakilos sa masa at ang sariling pagsisikap at pakikibaka, upang matugunan ang mga tungkulin sa kasalukuyang yugto at ilatag ang solidong batayan ng pagsulong sa susunod na mas mataas na yugto.

Ang saligang kalagayan para sa patuloy na pagsulong ng digmang bayan ay inilalatag ng di-malutas na malalang krisis at mabilis na pagkabulok ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa nakaraang isang dekada at kalahati ang reaksyunaryong sistema ay mas mabilis pang nabulok at sinalanta resulta ng napakalalim na krisis na walang natatanaw na solusyon hanggang ngayon. Ang bansa ay nakagapos sa ekonomyang atrasado, agraryo, di-industriyalisado at eksport-import. Ang kaunlaran ay nasa mga islogan lamang ng reaksyunaryong rehimeng US-Ramos at nasa kontra-rebolusyonaryong imahinasyon at anti-Marxistang satsat ng mga oportunistang taksil at iba pang repormistang petiburges na naglalangis sa malaking burgesyang lokal at internasyunal.

Higit pa sa bulkan at bagyo ang pananalasa ng mga bangko at korporasyong transnasyunal at mga lokal na ahente nilang malaking kumprador, malaking panginoong maylupa at malaking burukrata. Upang patuloy na mapiga ang interes, ganansya, upa at kurakot mula sa ekonomyang lugmok, walang patawad nilang sinisira ang mga pwersa produksyon ng bansa at ang kabuhayan ng mamamayan. Lalo pang dumausdos paatras ang dati nang atrasadong industriya habang sinasaid ang likas na maibibigay ng kalupaan. Nagigiba ang mga imprastruktura at mga kagamitan sa produksyon bunga ng matagal na pagtigil ng makabuluhang pamumuhunan at konstruksyong kapital. Ang resulta ay pangkalahatang pagbagsak ng produktibidad, paglala ng disempleyo, paghihikahos ng mamamayan, lalong pagsama ng mga serbisyong panlipunan, kasalatan ng mga pangunahing pangangailangan, bukod pa sa malubhang krisis sa kapaligiran.

Gabundok ang utang sa labas at loob na patuloy na lumalaki sa kabila ng mahigit isang dekadang paghihigpit ng sinturon at pagbabayad ng halos kalahati ng pambansang badyet taun-taon. Ang mga tagumpay ng maraming dekada ng makabayang pakikibaka ay buo- buong binibitiwan habang ibinibigay ang lahat ng laya at pag- enggayo sa ganap na pagkontrol ng dayuhang kapital. Pero ang inaasahang kaligtasan mula sa mga dayuhan ay hindi dumating- dating laluna't ang buong kapitalistang daigdig ay niyayanig ng napakalalim ding krisis.

Napakatindi ng sosyo-ekonomikong krisis; papalaki nang papalaking bilang ng mamamayan ang nalalaglag sa kategorya ng naghihikahos. Ang kahirapang dinadanas ng mga manggagawa, magsasaka at petiburgesyang lunsod ay lalo pang pinasasahol ng paglapastangan sa mga karapatang demokratiko. Hindi kailanman nawala ang pasistang panunupil at pang-aabuso; pinag-ibayo lang ang pagtatakip at pagtatago sa mga ito, gayundin ang pag-iingat na makapagdamay ng mga kayang mag-ingay sa pamamagitan ng mass mediang burges. Pinakamalala ang mga pag-abuso sa mga karapatang- tao sa saklaw ng mga malakihan at matagalang kampanyang militar ng AFP.

Ang malawak na masa ng sambayanan ay hindi na makatiis sa walang tigil na hagupit ng krisis at pagkabulok ng reaksyunaryong sistema. Ang mga kongkretong karanasan sa kanayunan at kalunsuran ay buong linaw na nagpapatunay sa malaganap na masidhing pagnanasa ng masa sa rebolusyonaryong pagbabago. Ang pag- oorganisa at pagpapakilos natin para sa pakikibaka ay masigasig na tinutugon ng mamamayan sa iba't ibang dako ng kapuluan.

Hangga't nagpupunyagi tayo sa wastong rebolusyonaryong landas, sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa, at sa matiyagang pagpapaunlad ng mga pangunahing sandata ng rebolusyon, tiyak tayong susulong, lalawak at lalakas. Pansamantala lamang ang mga pinsala at kahirapan bunga ng mga malubhang paglihis sa nakaraan at ng ubos-kayang opensiba ng reaksyunaryong kaaway. Naririyan ang mga paborableng salik, sa obhetibong sitwasyon at salamat sa kilusang pagwawasto, gayundin sa internal na sitwasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa, na maaaring panghawakan at pagyamanin upang pangibabawan ang mga pinsala, kahirapan at hadlang.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang masang Pilipino!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Isulong ang kilusang pagwawasto!

Isulong ang digmang bayan!###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.