National ID System, bagong sistema ng sedula
Gregorio "Ka Roger" Rosal Spokesperson Communist Party of the Philippines
Oktubre 24, 2002 Kinukundena namin ang desisyon ng National Security Council na ipatupad ang National ID System. Isa itong mapaniil na instrumentong katulad ng kinamuhiang cedula noong panahon ng mga Kastila. Tiyak na gagamitin ito laban sa mamamayan.
Malaking panloloko ang sinabi ni Roilo Golez na gagawing boluntaryo ang National ID System. Dahil gagawin itong rekisito sa mga transaksyon sa gubyerno at mga bangko, kung tutuusi'y maoobliga ang lahat na kumuha nitong National ID.
Isinasangkalan lamang ng Malakanyang at AFP ang pinakulo nilang "teroristang pambobomba" upang makakuha ng suporta para sa National ID System at iba pang mapaniil na patakaran ng di deklaradong state of emergency na pinaiiral ngayon ni Macapagal-Arroyo.
Subalit sa katapus-tapusa'y gagamitin lamang ang National ID System laban sa mamamayan, laluna sa pagsupil ng lehitimong mga hinaing at pakikibaka. Sa kamay ng isang burukratiko-militar na gubyerno tulad ng kay Macapagal-Arroyo, gagamitin ang National ID System katulad ng paggamit ng mga Guardia Sibil sa cedula noong panahon ng kolonyalismong Espanya-bilang instrumento upang kontrolin ng estado ang bawat kilos ng lahat ng mamamayan.
Kung gayon, kinakailangang magkaisa ang lahat at labanan ang sistema ng National ID. Tulad ng pagpunit nila Andres Bonifacio sa mapanupil na sedula, sama-sama nating punitin ang mapanupil at mapaniil na National ID System.
Back to top
|