Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English Hiligaynon
Read media release   

PAGSUKO NG 150 NPA SA RIZAL, ISANG ENGRANDENG PEKENG PHOTO-OPS NI GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 17, 2002

Isang malaking kaululan at panlilinlang ang photo-ops na isinagawa ng punong papet na si Macapagal-Arroyo sa Rizal noong makalawa. Palibhasa'y ang punong papet na si Gloria Macapagal-Arroyo ay sukdulan ang pagkahayok sa publisidad, nagpakulo sila ng AFP at PNP tungkol sa pagsurender umano ng 150 regular na NPA sa Rizal. Kuntodo tri-media coverage pa ang ginawa at dinagdagan pa ng mapagkunwaring talumpati ng punong papet.

Ang totoo, iilan lamang sa 150 katao na pinalalabas na mga sumukong mandirigma ng NPA ang mga dating NPA--na matagal nang umalis sa kilusan. Ayon sa Narciso Antaso Aramil Command (NAAC) ng Rizal, ang pinakamarami pa sa 150 na ito ay mga ordinaryong mamamayan na binayaran o pinwersa para sa nasabing "engrandeng pakulo" ng mga hunghang. Sila rin ang mga palaging pinupwersa at binabayaran para sumali sa mga pinapakanang "rali" na isinasagawa ng mga militar at pulis laban sa CPP-NPA-NDFP. Ang iba sa mga ito ay ni hindi na nasabihan na ganito ang gagawing palabas. Ang mga pangunahing pinagmobilisa ng AFP at PNP para tipunin ang 150 katao ay pinangakuan ng militar na palilitawing mga rebel returnees upang mabahagihan ng bahagi ng salaping inaasahang makukuha sa pagpanggap at pag-"surrender" bilang mga NPA.

Iyon namang isang "Ka Lorena" ay hindi isang mataas upisyal ng NPA sa Rizal, na tulad ng pinalalabas ng AFP at PNP. Siya ay si Rosalinda Cocoy, 23, may asawa at isang anak at naninirahan sa Barangay Puray, Montalban, Rizal. Siya ay sumama sa NPA sa loob ng dalawang buwan noong 1999 at pinababa para magpagamot ng sakit sa puso. Pero hindi na siya bumalik, nag-asawa na at nanirahan sa kanilang baryo.

Nitong nakaraang Agosto 22, hinuli si Lorena ng militar nang magkaroon ng labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa kanilang baryo at sa hanggang ngayo'y bihag pa rin ng militar. Sapilitan siyang pinagpagturo ng mga suspetsadong NPA at baseng masa ng hukbong bayan. At ang pinakamatindi, doon na siya itinira sa isang kampo sa San Isidro, Antipolo City at pinagpasa-pasahan ng iba't ibang mga opisyal ng militar. Ang kawawang babaeng biktima ng katakut-takot na human rights violations ng militar ay biglang naging pekeng NPA surrenderee.

Ganito ang tunay na mga pangyayari sa likod ng maraming hungkag na photo ops ni Macapagal-Arroyo. Dili iba kundi ang mamamayan ang binibiktima ng katampalasanan ng rehimen.

Hinihingi namin sa lahat ng nagmamalasakit sa karapatang-tao, nakikibaka para sa kapakanan ng kababaihan at nagtagtaguyod ng obhetibo, tunay at mapangahas na pag-uulat sa midya, na siyasatin ang kasong ito ng gross human rights violations, gumawa ng kinakailangang mga hakbang upang ito ay makaabot sa kaalaman ng publiko at maihanap ng kalutasan at katarungan ang partikular na kaso ni Lorena. Isa lamang ito sa malawakan, sistematiko at nakapangingilabot na paglabag ng rehimen sa karapatang-tao at International Humanitarian Law. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.