Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Walang ceasefire sa harap ng walang tigil na pang-aatake ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 06, 2002

Bagamat kagawian at pagnanais ng PKP/NPA na magdeklara ng tigil-putukan tuwing Pasko upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng mamamayan at bigyang-tulak ang mga usapang pangkapayapaan, ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo na mismo ang nag-alis ng puwang upang magkaroon ng anumang saysay ang pagdedeklara ng ceasefire ngayong Kapaskuhan.

Pinagpasyahan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na hindi ito maaaring magdeklara ng ceasefire ngayong Kapaskuhan. Ito'y dahil sa sobrang pagkapapet, anti-mamamayan at pasistang galaw ng rehimeng Macapagal-Arroyo, laluna nitong nagdaang taon.

Nitong Nobyembre 21, patraydor na inaprubahan ng rehimen ang Mutual Logistics Support Agreement na lubusang lumalapastangan sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa. Sa pamamagitan nito at ng Visiting Forces Agreement, ginawa na ng rehimen na baseng militar ng US ang buong Pilipinas para ibayong mapanghimasukan ang paglaban sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at magawang lunsaran ang bansa sa mga gerang agresyon at panghihimasok ng US sa ibang bansa.

Alinsunod rin sa utos ng US, pinaiigting ng rehimen ang pasismo, sinasagasaan ang prosesong pangkapayapaan at walang-awat na tinotodo ang kontra-rebolusyonaryong gera. Pinatitindi nito ang paglapastangan sa kapakanan ng mamamayan, pandarambong at pagpapahirap sa bayan.

Pasko man o hindi, walang lubay ang rehimen sa paninibasib nito sa mamamayan at ang pagpapatindi ng all-out war nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Bago nito'y matagal na nitong isinaisantabi ang usapang pangkapayapaan. Parang sirang-plaka nitong binabansagang "terorista" ang rebolusyonaryong kilusan at lumilikha ng isterya ng "terorismo" upang linlangin ang malawak na masa at bigyang-matwid ang pagpapatindi ng pasistang paninikil sa mga karapatang demokratiko at sibil.

Mas malala pa, balak ng rehimen na gamitin ang darating na Kapaskuhan upang lalong pag-ibayuhin ang paninira, intriga at armadong atake laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang walang tigil na pang-aatake ng rehimen ay epektibong pumatay sa usapin ng ceasefire.

Walang pasko-pasko kay Macapagal-Arroyo. Siya na mismo ang nagsabing wala itong kainte-interes na magkaroon ng seryosong ceasefire ngayong Kapaskuhan katulad ng nauna nang sinabi ng kanyang mga heneral sa AFP at PNP.

Kaakibat nito, inaabisuhan ang lahat ng mga yunit ng BHB at mamamayan, laluna sa mga sona at larangang geriyla, na pag-ibayuhin ang pagmamatyag at kahandaan. Kailangang aktibong magtanggol sa sarili at puspusang labanan ang anumang pananalakay at panunupil ng reaksyunaryong rehimen, magdeklara man o hindi ang AFP at PNP ng kanilang huwad na suspension of military operations (SOMO). ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.