Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Ibagsak ang mga gubyernong nang-uupat ng gerang pananalakay sa Iraq

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Pebrero 17, 2003

Sa ngalan ng Partido Komunista ng Pilipinas, nais kong batiin at bigyang-pugay ang milyun-milyong mamamayan sa buong daigdig na naglulunsad ng iba't ibang paraan at anyo ng pagkilos laban sa kutsabaang Bush-Blair para igiit ang pananalakay at pagsakop sa Iraq.

Bunga ng lumalawak na pagkilos ng mga mamamayan, pagtanggi ng United Nations at pagtutol ng karamihan ng mga estado, mga simbahan at iba't ibang organisasyon at institusyon sa karamihan ng mga bansa at sa buong daigdig, lalong nahihiwalay ang tambalang Bush-Blair at nasasalungat ang kanilang balak na salakayin at sakupin ang Iraq at angkinin ang langis nito.

Napabubulaan lamang ng aktwal na pagsisiyasat at mga datos ang pinalalabas nina Bush at Colin Powell na mga "ebidensya" ng pagtatago umano ng Iraq ng weapons of mass destruction. Lalong nagiging mahirap para kina Bush at Blair na bigyang-katwiran at ipagtanggol ang di makatarungan at mapang-aping balak nilang saklutin ang Iraq.

Inihahayag ng PKP ang pakikiisa sa malawak na pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa pang-aapi at panggegera ng US at UK sa Iraq. Walang karapatan ang mga imperyalistang US at UK na yurakan ang kasarinlan ng Iraq o alinmang bansa. Ang pagtutol sa pananalakay ng US at UK sa Iraq ay alinsunod sa paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa na ipaglaban ang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas laban sa imperyalistang panghihimasok at pang-aapi.

Ang malawakang mga demonstrasyon sa buong daigdig na umabot sa mahigit 11 milyon nito lamang nakaraang dalawang araw ay larawan ng makapangyarihang anti-imperyalista at kontra-gerang unos na bumibigwas ngayon sa imperyalismong US, UK at iba pang sunud-sunuran sa kanila. Higit pa rito ang tiyak na hahambalos sa kanila oras na ituloy nila ang paggegera sa Iraq.

Muling nagdadaluyong ngayon ang anti-imperyalista at kontra-gerang pagkilos ng mamamayan at mga bansa sa antas na inabot at humihigit pa ngayon sa rurok ng mga pagkilos laban sa gera ng US sa Vietnam noong mga dekada 1960-70. Nakakapagbigay-inspirasyon ang bagay na ang pinakamalalaking bilang ng mga nagpoprotesta sa kalsada ay nanggagaling sa mga bayan kung saan pinakamasugid mag-upat ng gera ang kanilang gubyerno. Kaalinsabay, umiigting ang inter-imperyalistang kontradiksyon sa pagitan ng kutsabaang US-UK at ng iba pang imperyalistang bansa.

Tungkulin ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa daigdig na gamitin ang ganitong kalagayan para isulong ang rebolusyonaryong pagkilos, ibayo pang palakasin ang anti-imperyalistang nagkakaisang prente, at pabagsakin ang mga gubyerno sa kani-kanilang bansa na nangunguna o sumusuporta sa balak na pagsalakay at pagsaklot sa Iraq.

Lubhang nahihiwalay na sa mamamayang Briton ang gubyernong Blair. Pinakamalaki sa kasaysayan ng UK ang 2 milyong nagrali sa London kahapon para tutulan ang gera at ang paggigiit ni Blair dito. Nagkakaisang idineklara ng mga pahayagan sa UK na wasak na sa pulitika at napipinto na ang pagbagsak ng gubyernong Blair.

Marapat na ibagsak din ng mamamayang Amerikano ang mapaniil, mapandigma at mapanakop na rehimeng Bush. Ito ang minimum na kabayaran ng rehimeng Bush sa paghahasik ng kaguluhan at digmaan sa buong daigdig, pagyurak sa karapatan ng mga bansa at paglabag sa mga karapatang sibil ng mamamayang Amerikano. Magagawa ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng malawakang mga welga at demonstrasyon pati na ang iba't ibang anyo ng iligal, mala-ligal, armado at di armadong anyo ng paglaban.

Mula sa naunang pagkabig sa mamamayang Amerikano bunsod ng paggamit ng patriyotismong Amerikano matapos ang mga atake noong Setyembre 11, 2001, mabilis na nahihiwalay ang gubyernong Bush sa mamamayang Amerikano dahil sa pamimilit na gerahin ang Iraq.

Mga 700,000 Amerikano ang nagmartsa nitong Pebrero 15 laban sa balak ni Bush na gerahin at sakupin ang Iraq at kontrolin ang suplay nito ng langis. Marami rin ang nangangamba na ang gera ay magdudulot ng panganib sa kanilang buhay at malaking pinsala sa kanilang kabuhayan. Malawak ang pagdududa sa mga pangakong muling pagbangon ng ekonomya na nakabatay sa paggegera. Maging sa korte, tinututulan nila ang paggegera ni Bush.

Ang mga gubyernong kaalyado at asal-tutang nagsusunud-sunuran sa US ay kailangand ding papagbayarin, kabilang ang rehimeng Berlusconi ng Italy, rehimeng Howard ng Australia at rehimeng Macapagal-Arroyo dito sa Pilipinas.

Muling ipinakikita ng kasaysayan, na walang ibang kapangyarihang hihigit pa sa kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayan. Laban sa bulok at mapang-aping superpower na US, aalsa ang super people power ng mamamayan ng sandaigdigan.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.