Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Parangal kay Chairman Salamat Hashim

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Agosto 05, 2003

Ikinalulungkot naming marinig ang pagkamatay ni MILF Chairman Salamat Hashim. Nakikiramay kami sa kanyang pamilya, sa mga lider at kasapi ng Moro Islamic Liberation Front, sa mga mandirigma ng Bangsamoro Islamic Armed Forces at sa mamamayang Moro na buong-buhay at walang pag-iimbot na pinaglingkuran ni Chairman Salamat.

Nagpupugay kami sa militansya at rebolusyonaryong pamumuno ni Chairman Salamat. Isa siyang mahusay na mandirigma at lider ng mamamayang Moro.

Sa pagbubuo at pagsulong ng MILF sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Salamat, muling napasigla at naging determinado ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayang Moro matapos itong ipagkanulo sa pagpasok ng Moro National Liberation Front sa Tripoli Agreement noong panahon ng diktadurang US-Marcos at tuluyan nang pagsuko ng MNLF sa panahon ng rehimeng US-Ramos. Ang muling pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng MILF para sa kalayaan at pagpapasya-sa-sarili ay lubos na makatwiran sa harap ng patuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Moro ng reaksyunaryong neokolonyal na gubyerno sa Manila.

Bukas na bukas si Chairman Salamat sa pagbubuo ng pambansang rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Malaki ang tiwala niya sa Partido Komunista ng Pilipinas, sa Bagong Hukbong Bayan at sa National Democratic Front of the Philippines. Sa ilalim ng pamumuno niya, nabuo ang mahusay at mabungang rebolusyonaryong alyansa sa pagitan ng CPP-NDF-NPA at MILF-BIAF. Nagsimula ito noon pang umpisa ng 1980 bagamat noon na lamang 1999 napormalisa.

Sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Salamat, matagumpay na binigo ng MILF ang all-out war ng Armed Forces of the Philippines na inilunsad ng rehimeng Estrada noong 1998 at ipinagpatuloy at pinatindi pa ng rehimeng Arroyo. Sinagasaan ng mga rehimeng ito ang mga kasunduang nabuo sa mga pakikipag-usap sa MILF at ipinagmamalaki pa nila ang pagdurog sa malalaking komunidad ng mga Moro na binabasehan ng MILF. Kapalit nito'y iniinda ng reaksyunaryong gubyerno ang lumawak at tuminding pakikidigmang gerilya ng mga mandirigma ng BIAF.

Nabigo rin ang reaksyunaryong papet na gubyerno ng Manila na gamitin ang usapang pangkapayapaan upang liluhin at pasukuin ang MILF. Dahil sa mahigpit na pagtangan nila sa kanilang mga sandata, naiwasan ng MILF, sa pamumuno ni Chairman Salamat, ang landas ng pagsuko at naipagtanggol ang kanilang integridad laban sa pagtatangka kapwa ng gubyernong Estrada at Arroyo na ipailalim ang MILF sa kanilang awtoridad.

Nalulugod kami sa pag-anunsyo ng MILF na hinirang na nito bilang tagapangulo ng MILF Central Committee si Brother Al Haj Murad. Itinuturing din siyang isang kaibigan at alyado ng CPP-NDF-NPA. Tiwala kami na ipagpapatuloy ni Chairman Murad ang maningning na gawain ni Chairman Salamat.

Sa ilalim ng humaliling pamumuan, nakikita naming magpapatuloy ang mahusay na relasyon at pagtutulungan ng CPP-NDF-NPA at MILF-BIAF habang patuloy na isinusulong ng mamamayang Moro at Pilipino ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa imperyalismong US at sa papet na rehimen.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.