Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Pagbisita ng hepeng imperyalistang at numero-unong terorista, nagpapatingkad lamang sa neokoloyal na katangian ng paghahari at sistema sa Pilipinas

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Oktubre 16, 2003

Ang pagbisita sa Oktubre 18 ni US Pres. George Bush ay nagpapatingkad lamang sa neokolonyal na katangian ng paghahari at sistema sa Pilipinas. Wala itong ni anumang idudulot na kabutihan sa mamamayang Pilipino. Hindi ito magbibigay ng lupa sa mga magsasakang walang sariling lupang binubungkal. Hindi ito magbibigay ng hanapbuhay sa mga walang trabaho. Hindi ito maghahatid ng pagkain sa hapag ng mga nagugutom. Hindi ito magtatayo ng tahanan para sa mga maralitang nagsisiksikan sa mga tinagpi-tagping dampa.

Tanging ang mga papet, malalaking kumprador, burukratang kapitalista, pasista, mga nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayan ang may dahilan para engrandeng ipagdiwang ang pagbisita sa kanila ng kanilang tinitingalang amo at sinasambang diyos�ang imperyalistang hepe at numero unong terorista sa mundo.

Magpapakabusog sila sa puu-puong milyun-pisong piging na iaalay nila kay Bush. Sa pangunguna ng punong papet na si Gloria Arroyo, ipagdiriwang nila ang isang siglo ng kolonyal at malakolonyal na paghahari ng makapangyarihang Amerika at ang pinakahuling mga sabwatan at pakana nila sa garapalan nang pagpapasahol ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan. Habang nagmamantika ang kanilang mga bibig, aawit sila ng mga hosana sa imperyalistang �globalisasyon� at magbibigay-puri sa �gera laban sa terorismo.� Habang iwinawagayway ang bandila ng US, papalakpakan nila ang teroristang pananalakay at pananakop ng US sa Afghanistan at Iraq at ang armadong panghihimasok sa Pilipinas at iba't ibang panig ng mundo.

Sama-sama silang mapagsumamong luluhod sa kanilang amo na bigyang-limos ang kanyang mga nasasakupan�pampataba sa kanilang mga pitaka at sariling pagpapakasasa, baryang pampuno sa butas na bulsa ng gubyerno at ilang pinaglumaang kagamitang militar upang ipamuksa sa mga nag-aalsang mamamayan. Kapalit nito'y nakahanda silang ialay ang lahat�kahit ang kakaunting natitira pang kalayaan ng Pilipinas. Nakahanda silang papasukin ang mga dayuhang tropang pangkombat at pikit-matang tanggapin ang pangyuyurak sa pambansang soberanya. Nakahanda silang pumasok sa mga tagibang na kasunduang magbibigay ng dagdag pang mga pribilehiyo at pakinabang para sa mga dayuhang monopolyong kapitalista. Nakahanda silang baguhin ang mismong konstitusyon ng gubyerno upang pag-ibayuhin pa ang nakapangyayaring karapatang neokolonyal ng US sa Pilipinas.

Walang marapat na pagsalubong kay George W. Bush kundi ang ubos-kayang pagpapahayag ng galit at protesta laban sa lahat ng krimen ng imperyalismong US at pagyurak nito sa ating pambansang kalayaan. Bilang kasalukuyang hepeng imperyalista, kailangan siyang papanagutin, sampu ng kanyang mga sunud-sunurang tuta, sa daan-libong buhay ng mga kababayan nating kinitil ng mga tropang Amerikano noong 1898-1913, sa pagdambong sa ating mga likas-yaman at pagsasamantala sa napakamurang lakas-paggawa ng masang anakpawis, sa pag-agaw ng puu-puong libong ektaryang mga lupain, sa pagpapataw ng mga patakaran at kasunduang naglulubog sa ekonomya ng Pilipinas sa palalim nang palalim na krisis at lubhang gumigipit sa mamamayan.

Marapat na masaksihan ng buong mundo na ang sambayanang Pilipino ay hindi mga maamong tupang yuyuko sa harap ng pinakamakapangyarihang imperyalista at terorista. Marapat na masaksihan ng buong mundo ang maramihang pagsisilab sa mga bandila ng US�simbulo ng pambansang pang-aapi sa Pilipinas, simbulo ng pang-aapi sa masang anakpawis sa buong mundo.

Marapat na paalingawngawin ng sambayanang Pilipino ang kanilang nagngangalit na protesta sa pinatitinding pagsasamantala at pang-aaping malakolonyal ng imperyalismong US sa Pilipinas laluna nitong nagdaang mga taon, kaalinsabay ng kasuklam-suklam na pagpapakapapet ng rehimeng Arroyo. Upang makaalpas sa matinding resesyong lumilingkis sa kanilang ekonomya, pinatitindi ng imperyalismong US ang pang-aapi at pagsasamantala sa Pilipinas at sa iba pang bansang malakolonyal sa hangaring mas mahigpit na kontrolin ang suplay ng mga hilaw na materyales at likas-yaman at makapiga ng mas malaking tubo mula sa pawis at pagod ng proletaryado at iba pang mga uring pinagsasamantalahan. Gamit ang doktrina ng �anti-terorismo,� upang ipataw ang Pax Americana sa buong daidig ay niyuyurakan nito ang lahat ng umiiral na patakaran sa sibilisadong pakikipag-ugnayang pandaigdig, tulad ng pagrespeto sa soberanya at kasarinlan ng mga bansa, pantay na pag-uugnayan, di panghihimasok sa mga panloob na usapin ng ibang bansa at di pananalakay sa ibang bansa.

Marapat na ipamalas ng sambayanang Pilipino ang kanilang nagkakaisang paninindigang patriyotiko at hangaring lumaya mula sa pagkakasaklot ng imperyalismong US. Ang mga di-pantay na kasunduan ay kailangang ibasura. Karapat-dapat na isigaw: Ibasura ang Mutual Defense Treaty! Ibasura ang Visiting Forces Agreement! Ibasura ang Mutual Logistics Support Agreement! Labanan ang mga hakbanging magbabalik sa bansa ng mga base militar ng US�masaklaw man o maliit, permanente man o hindi.

Labanan ang mga batas at kasunduang nagbibigay-daan sa pagsasamantala ng mga dayuhan sa ating ekonomya: Philippine Mining Act, Bank Liberalization Law, at iba pang maka-imperyalistang batas sa ekonomya, gayundin ang balak na bigyan ng �pantay� na konstitusyunal na karapatang ala-Parity Rights ang malalaking dayuhang kapitalista sa pag-aari at karapatan sa ating lupa, likas-yaman at mga estratehikong industriya at serbisyo, kasabay ng ibayong pagkontrol sa kabuuan ng ekonomya ng Pilipinas.

Itakwil ang doktrina ng �anti-terorismo� ng US na bulag na sinusuportahan ng rehimeng Arroyo. Sa altar ng �anti-terorismo,� kinitil at isinakripisyo ni Arroyo ang usapang pangkapayapaan at pinagpupupunit ang sampung kasunduan sa pagitan ng gubyerno at ng National Democratic Front. Idineklara niya ang sariling teroristang gera at iniutos ang malawakang militarisasyon sa kanayunan. Sa kabiguang gapiin ang rebolusyonaryong armadong kilusan, itinututok ng militar ang kanilang mga baril at kanyon sa milyun-milyong mamamayang tumitindig at lumalaban. Walang pakundangan ang mga pagmasaker, pagsalbeyds, pwersahang maramihang pagpapalikas, food blockades, iligal na pag-aresto, pagtortyur at iba pang paglabag sa karapatang-tao. Walang kinikilalang batas ang teroristang digma ni Arroyo. Walang kahihiyang iginigiit ni Arroyo ang armadong panghihimasok ng US sa rebolusyonaryong gera sibil sa Pilipinas at sa digmang anti-Moro sa hibang na pag-aakalang matatakot nito ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Kasuklam-suklam ang sobra-sobrang pagkagarbo ng paghahandang ginagawa ng rehimeng Arroyo upang salubungin si George W. Bush. Ipinamamalas ni Gloria Arroyo ang lubos na mapanglangis na pagyukod nito sa kanyang amo at diyos. Lubos na nakapagngangalit ang paglalatag ng pulang alpombra para kay Bush habang binabaklas ang mga barung-barong ng mga maralita at hinahataw ng batuta ang mga nagpoprotesta.

Kasuklam-suklam ang rehimeng Arroyo sa pagbibigay ng lubos na pagpuri kay Bush samantalang siya'y binabatikos ng mamamayan sa buong mundo at kahit ng mamamayang Amerikano dahil sa kanyang pasistang panunulsol ng gera, imperyalistang pambabraso at panlilinlang at pagsisinungaling.

Subalit pagbabayaran nang mahal ni Arroyo ang pagbubulag-bulagan niya sa lahat ng ito. Kasabay ng pagkasuklam ng mamamayan ng mundo at paghusga ng kasaysayan sa diyos-diyosan niyang si Bush, gayon ding huhusgahan si Arroyo sa Pilipinas sa kanyang hangal na pagsusunud-sunuran sa imperyalistang amo at sukdulang pagpapahirap sa mamamayang Pilipino.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.