Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Tulad ng dati, walang tunay na maaasahan ang sambayanan sa mga kandidatong pampresidente sa darating na eleksyon

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 03, 2003

Nagdeklara na ang mga nais tumakbo para presidente sa reaksyunaryong eleksyon sa darating na taon. Nagsimula na ang mga talumpati at gimik upang akitin ang boto ng mamamayan. Lalong tumitindi ang mga maniobrahan, girian, aregluhan, tusong kasunduan at iba pang maruruming taktika. Sa lahat nang ito, pawang ang mamamayan ang bumabalikat ng papabigat na pasanin.

Sa harap ng palala nang palalang krisis ng naghaharing sistema, patuloy na pagkalugmok ng ekonomya at sumisidhing kahirapan, kaapihan, pagkasupil at sinisismo ng mamamayan, nagkakandarapa ang mga reaksyunaryong kandidato at partido na ilarawan ang darating na pambansang eleksyon bilang isa na namang pagkakataon para makapamili ang mamamayan ng presidente at iba pang lider na maghahatid ng pag-asa, pag-unlad at mga pagbabagong taimtin na hinahangad ng mamamayan.

Upang maging popular at maakit ang boto ng mamamayan, gagawin at gagawin ng mga reaksyunaryong kandidato ang paglalarawan ng sarili bilang siyang kumakatawan sa interes at pag-asa ng sambayanang Pilipino. Nagpapaligsahan ang iba�t ibang paksyon sa hanay ng mga naghaharing uri sa panlilinlang sa mamamayan na sila ang panibagong pag-asang magdadala ng pagbabago sa dustang kalagayan ng bayan.

Ngunit ipinakikita ng ihinarap na nilang mga plataporma, at maging ng kanilang aktwal na rekord at ginagawa, na walang makabuluhang pagkakaiba sa isa�t isa ang mga reaksyunaryong kandidato at ang kanilang mga partido pulitikal, kapwa ang naghaharing partido ni Arroyo at ang mga partido ng reaksyunaryong oposisyon.

Ang lahat ng reaksyunaryong partidong ito ay pinamumunuan at kumakatawan sa interes ng naghaharing uri--ang malalaking burukrata-komprador-panginoong maylupa at malalaking kapitalistang dayuhan. Sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng lipunang Pilipino, ang mga ito, pangunahin na ang imperyalistang US at mga susing galamay nito, ang pinakamapagpasya kung sinu-sino ang magpapatakbo ng reaksyunaryong gubyerno. Sila ang nasa likod nina Gloria Arroyo, Raul Roco, Panfilo Lacson, Fernando Poe, Jr. at iba pa.

Walang pinag-iba sa esensya ang darating na pambansang eleksyon sa nakaraan at darating pang mga eleksyon, habang nakapaloob ang mga ito at nagsisilbi lamang sa pagpapatatag ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Sa mga eleksyong ito, pinapipili lamang ang sambayanang Pilipino kung sino ang pangunahing mangangasiwa sa pang-aapi at magsasamantala sa kanila ng mga reaksyunaryong naghaharing uri.

Lumilikha ang eleksyon sa Pilipinas ng ilusyon ng demokrasya upang kumbinsehin ang mamamayan na makakamit ang kanilang mga ninanais na makabuluhang pagbabago sa paraang parlamentaryo lamang, at gayo�y ilihis sila sa wastong rebolusyonaryong landas.

Isang malaking sabong ang eleksyon sa Pilipinas. Maigting, marumi at umaabot sa karahasan ang mga tunggalian ng iba�t ibang mga paksyon. Subalit ang nasa kaibuturan ng mga labanang ito ay hindi kung ano ang makabubuti at makasasama sa interes ng mamamayan; kundi, kung sino sa kanila ang tatangan ng poder para sa sariling pagpaparaya. Ang pinaglalawayan nila�t pinag-aagawan ay mga multi-bilyong kontrata at iba pang dambong, pribilehiyo at pakinabang mula sa pagkontrol sa kapangyarihang pampulitika. Kaya�t alinmang reaksyunaryong partido ang manalo, ang mamamayan ang talo.

Kahit pa maigting silang nagtutunggalian, pinagkakaisahan nilang lahat ang pangangalaga sa komun na interes nilang mga naghaharing uri--ang pagpapatuloy ng kasalukuyang sistemang mapagsamantala at mapang-api sa mamamayan at pagtitiyak sa mga saligang patakaran at batas para pangalagaan ang umiiral na sistema at ang kanilang mga elitistang interes.

Lahat sila'y nagkakaisang ipagpatuloy ang pagbubukas ng ekonomya alinsunod sa imperyalistang patakarang "globalisasyon," neoliberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon; ang pagsurender ng pambansang patrimonya at pagbibigay ng mga pribilehiyo sa mga dayuhang kapitalista; ang pagpigil sa pagtaas sa sahod ng mga manggagawa; ang patuloy na monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong maylupa at komprador; ang pagpapatindi ng "gerang kontra-terorismo" na nagdudulot ng walang habas na karahasan at paglabag sa mga karapatang-tao; at ang walang katapusang litanya ng mga patakaran at batas na nagpapahirap sa mamamayan.

Anupaman ang paglalarawan nila sa sarili bilang "maka-masa" o "pag-asa ng mamamayan,� pawang pantabing lamang ang mga ito sa esensyal na reaksyunaryo, anti-mamamayan at maka-dayuhang katangian nila at ng kanilang mga partido.

Sa inabot nang tindi ng sinisismo ng mamamayan sa eleksyon, may mga nagsasabing isa na lamang akto ng pagtakwil sa mga pinakamasasama ang darating na eleksyon. Sa likod nito ang saligang katotohanang walang idudulot na pundamental na pagbabago ang darating na pambansang eleksyon, katulad ng nakalipas at darating pang reaksyunaryong eleksyon. Sinuman ang manalo sa darating na eleksyon ay mangangasiwa lamang sa lalong paglugmok ng naghaharing sistema.

Wala ring pinag-iba sa mga nakaraan ang paraan at kahahantungan ng darating na eleksyon. Kahit pa mag-alok ng animo�y makabuluhang programa ang mga reaksyunaryong kandidato at kanilang mga partidong pulitikal, alam na alam ng lahat�kapwa ng mamamayan at maging ng mga reaksyunaryo�na ang makapangyarihan sa mga reaksyunaryong eleksyon ay ang �3 Gs� o �Guns, Goons and Gold.� At ang pinakamatimbang na salik sa lahat ng mga ito ay ang basbas at maniobra ng imperyalistang US at mga pangunahing galamay nito.

Mayroong ilang progresibong partido pulitikal na lahatang-panig na naiiba sa mga reaksyunaryong partido ng naghaharing uri at tunay na nagtataguyod ng patriyotiko at demokratikong interes ng mamamayan. Hindi sumasabay ang mga ito sa marumi at anti-mamamayang paraan at laro ng mga reakyunaryong partido pulitikal. Kabilang sa mga ito ang Bayan Muna at Anakpawis. Ang mga ito ay inianak ng demokratikong kilusan ng mamamayan at pinamumunuan ng mga lider na may mahigpit na ugnay sa malawak na masa, may mahabang kasaysayan ng pakikibaka para sa bayan, at may mahusay na rekord ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa interes ng masa ng sambayanan.

Dahil sa kanilang progresibo, patriyotiko at makamamamayang paninindigan at gawa, tinatamasa nila ang malawak at malalim na suporta ng mamamayan. Subalit dahil din sa kanilang paninindigan at gawa, ginagawa ng mga reaksyunaryo ang lahat, kabilang ang paggamit sa AFP, mga pwersang paramilitar at mga lingid na pwersa, upang dahasin, supilin at siraan ang mga partidong ito at takutin ang mga nagnanais sumuporta dito. Bagamat maaari pang higit na mamaksimisa ang mga puwang upang lumahok at magpahayag sa reaksyunaryong parlamento, sila ay lubhang nalilimitahan ng karahasan, panlilinlang, pandaraya at maruruming maniobra at gawi ng reaksyunaryong estado, mga reaksyunaryong pulitiko at mga naghaharing uri.

Habang papalala nang papalala ang krisis ng naghaharing sistema, mabilis na lumalaganap ang kawalan ng tiwala at pag-asa sa reaksyunaryong eleksyon at parami nang parami ang nakakasapol sa kawastuan at pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang kabulukan ng reaksyunaryong sistemang pampulitika at ang pinangangalagaan nitong tadtad sa krisis na sistemang panlipunan at pang-ekonomya ay nagtutulak sa mamamayan na tahakin ang landas ng rebolusyon.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.