Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Pahayag sa Anibersaryo

Jose Buenaobra
Spokesperson
Romulo Jallores Command
New People's Army
Marso 29, 2003

Ngayon ay ika-34 taong anibersaryo sa pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan, sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang panrehiyong kumand ng BHB sa rehiyong Bikol, ang Romulo Jallores Command, ay nagpapaabot ng maalab na pagbati at pagpupugay sa lahat na pulang mandirigma at mga kadreng militar na nakapaloob at kumikilos sa iba't ibang pormasyon ng BHB. Sila yaong umaangkop sa gawaing masa at panlaban, mga yunit sa linya ng mga gawain at mga milisyang bayan.

Binabati at pinagpupugayan natin ang mamamayang Bikolano na walang kapagurang tumutulong at nagkakalinga sa BHB at mahigpit na katuwang sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Gayundin binibigyan natin ng pinakamataas na pagpapahalaga ang mga naging martir na mga pulang mandirigma, mga kadreng militar at mga mamamayan. Nag-alay sila ng kanilang panahon at buhay sa pakikibaka upang ipagtanggol ang makauring interes ng mamamayan, wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng naghaharing uring panginoong maylupa, burgesya kumprador at monopolyo kapitalistang dayuhan.

Mahigit tatlong dekada na mula ng maitayo ang unang yunit ng BHB sa rehiyong Bikol noong Marso 1971. Nagsimula tayo sa pagbubukas at paglalatag ng mga sonang gerilya. Naharap sa mga kahirapan at paghupa dahil sa ilang kahinaan at pagkakamali na nasamantala ng kaaway. Nagsikap na makapagpanatili, bumangon at makapagpalakas sa kabila ng tuloy-tuloy na mga atake ng kaaway. May panahong mabilis ang naging pagsulong natin sa lahatang panig na mga gawain, ngunit dumausdos paibaba dahil sa pangingibabaw ng maling linya sa Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas.

Nang isagawa ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tuloy-tuloy ang banayad na pagsulong at pag-unlad ng sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa sa kanayunan. Kasabay ng pagsulong ng mga gawain sa kanayunan, namantine at napaunlad din natin ang mga gawain sa mga lunsod at sentrong bayan.

Sa kasalukuyan, nakalatag ang mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya sa lahat ng probinsya sa rehiyon. Nakatayo ang mga yunit ng milisyang bayan sa mga konsolidadong erya. Nasa absolutong pamumuno ng mga komite ng Partido ang mga yunit ng hukbong bayan.

Napakapaborable ng sitwasyon para sa pagrerebolusyon. Desidido ang mamamayan sa rebolusyonaryong pagbabago. Kaya inaasahan nating higit na lalawak, uunlad at maitataas ang antas ng pakikibaka sa mga susunod na taon.

Maalaalang tulad ng pagkakatayo ng BHB sa ikalawang distrito ng Tarlac, noong Marso 29, 1969, nagsimula rin sa wala ang hukbong bayan sa rehiyon. Ang mga kabataang aktibista na namulat at napaunlad sa masiglang kilusang masa sa kalunsuran sa huling bahagi ng 1960's at ng Sigwa ng Unang Kwarto, ang bumuo ng mga mass worker at mass work team sa piling lugar sa kanayunan ng rehiyon at nagbukas ng sonang gerilya noong 1970 at 1972. Nagsagawa ng mga panimulang panlipunang pagsisiyasat, naglatag ng mga panimulang kontak at nangalap ng armas. Taglay ang determinasyong ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Mapangahas nilang itinayo ng armadong pakikibaka, bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, upang maipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan.

Noong 1970-1980, ipinundar ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol alinsunod sa pangkalahatang linyang pampulitika at pang-ideolohiya ng Partido. Mula noon, sumulong ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa gitna ng paborableng kalagayan sa pagrerebolusyon sa bansa. Sa kabila ito ng mga ikot at liko sa landas ng pagsulong.

Naipundar ang sonang gerilya sa Camarines Sur noong 1971-1973. Binuo ang unang yunit ng BHB sa Partido erya na tinawag na Camarines Sur II sa pangunguna ng magkapatid na Romulo at Ruben Jallores noong Marso 1971. Armadong KM ang tawag nila noon sa yunit. Naaarmasan ito ng thomson, carbine, shotgun at maiiksing baril. Agad itong naugnayan ng Komite Sentral, binuo dito ang teritoryal na yunit ng Partido. At tinawag na itong sandatahang yunit pampropaganda. Nabuo pa ang tatlong SYP na itinalaga sa Hilagang kostal ng Lagonoy at Garchitorena, Presentacion-Lagonoy ng Camarines Sur at Buhi-Malinao-Polangui ng Camarines Sur at Albay.

Sa Sorsogon, naipundar at umunlad ang sonang gerilya noong 1972 hanggang unang hati ng 1976. Umunlad ito mula nang mabuo ang unang SYP noong Mayo 1972. Umabot sa siyam na SYP at isang platun ang lakas nito noong huling kwarto ng 1974.

Noong 1974 panandalian ding nabuksan ang sonang gerilya sa bahagi ng Pasacao-Libmanan at Ragay-Lupi ng Camarines Sur at ng ikatlong distrito ng Sorsogon. Nagpadala rin ng tim sa panlipunang pagsisiyasat (SI) sa bahaging Minalabac ng Camarines Sur (1973) at sa Capalonga, Camarines Norte (1972).

Sa Albay, naitayo ang mass workers (MW) at mass work team (MWT) pero hindi agad nakabuo ng iskwad na armado ng mga riple. Nagkaroon ng SYP dito nang lumipat ang umatras na SYP mula sa Camarines Sur noong Disyembre 1973.

Humigit kumulang sa 230 baryo sa 20 bayan ang nakilusang lugar sa buong Bikol noong 1974. Naitayo ang 2,000 organisadong masa sa mahigit 100 komiteng pang-organisa ng baryo.

Sa panahong 1973-1977, dumanas ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng matinding kahirapan at paghupa. Nawasak at naiwan ang mga naipundar na sonang gerilya.

Sa Camarines Sur, nagsimulang lumiit ang hukbo noong Hulyo-Agosto 1972. Nang maglunsad ang kaaway ng malalaki at matagalang kampanyang militar, kumitid ang hindi pa konsolidadong baseng masa. Signipikanteng bilang ng mga namumunong kadre at pulang mandirigma ang nalagas sa mga depensibang labanan. Ang mga nabuwag na SYP ay hindi na naitayong muli. Nagtuloy-tuloy ang pananalakay ng kaaway at ang pagliit at pagkitid ng baseng masa. Pagdating ng Disyembre 1973, inilipat ang natitirang pwersa nito sa Albay. Umatras ang yunit na kumikilos sa Pasacao-Libmanan ng Camarines Sur noong Septyembre 1974. Matindi ang operasyon ng kaaway kaya hindi na ito pinabalik sa lugar. Ang tim naman sa Ragay-Lupi ay iniatras at itinalaga sa Bato-Balatan erya pagsapit ng 1975.

Narating ang rurok ng kalakasan sa probinsya ng Sorsogon noong ikalawang kwarto ng 1974. Gayunpaman, nagsimula nang bumaling dito ang malawig na kampanya ng kaaway mula sa Camarines Sur. At matapos ang rurok noong ikalawang kwarto ng 1974, nagsimula na ring lumiit ang pwersa sa probinsya.

Sa harap ng atake ng kaaway, nagpatupad ang komite ng Partido sa probinsya ng mga patakarang nakapagpahamak sa rebolusyonaryong pwersa. Nagbunga ito ng madalas na mga depensibang labanan na ikinapinsala ng mga yunit sa gawaing masa. Kumitid ang eryang saklaw ng gawaing masa at humina rin ang suportang masa.

Ang baryo namang tuloy-tuloy na kinubkob ng kaaway ay nagdanas ng pagkagipit sa pagkain. Matindi ang tama ng demoralisasyong dulot ng kakulangan sa pagkain. Araw-araw ang istraping at inihuhulog ng kaaway na mga polyetong pagpasuko mula sa himpapawid. Lumakas ang tunguhing palasuko sa hanay ng mga pwersa dito. Naganap ang sunod-sunod na pagsuko at pakikipagtulungan sa kaaway. Nagtraydor sa rebolusyonaryong kilusan ang mga nasa organong istap ng Komiteng Rehiyon ng Timog Luzon na sina Gerry Espinas, Sanchez, Romeo "Boots" Bautista at ang ilang nasa Komiteng Probinsya ng Sorsogon na sina Ben Gapud at Roberto Labitag. Nakipagtulungan sila sa kaaway sa pagpapasuko at pagpahuli ng ilang istap sa OD-ED. Nanawagan din sila ng pagsalong ng sandata. Pagpasok ng 1976, isinaayos ang paglipat ng natirang pwersa dito patungo sa Albay.

Sa pamumuno at gabay ng Partido, bumangon at nagpanibagong sigla mula sa mga pinsala ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Kahit nawasak ang ibang sonang gerilya, nagmantini ang larangang gerilya sa Albay na siyang sumalo sa natirang pwersa mula sa mga iniwang larangan. Muling ginamit ang pagkakataon upang mag-ipon ng lakas hanggang kinaya nang palawakan ang mga bagong lugar at mabalikan ang mga naiwan.

Mabilis na lumaki ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa mga taong 1981-1986. Sa panahong yaon, mabilis na nahiwalay sa sambayanan ang diktadurang rehimeng US-Marcos. Lalong tumindi ang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema. Lumakas ang anti-diktadurang paglaban ng mamamayan. Lalong sumambulat ang galit ng taumbayan makaraan ang asasinasyon kay Aquino noong 1983. Higit na lumawak ang antipasistang kilusan at bumwelo ang sunod-sunod na mga pakikibakang masa sa lunsod. Nagrurok ang pakikibakang ito sa isang antipasistang pag-aalsa sa EDSA noong 1986. Napatalsik sa kapangyarihan ang pangkating Marcos at pumalit ang pangkating US-Aquino.

Sunod-sunod na nabalikan ang mga dating naiwang lugar sa Partido erya at sa bahaging ikaapat na distrito ng Camarine Sur (1981) at Timog Sorsogon (1984). Nabuksan ang mga bagong lugar sa Caramoan Peninsula (1982) at Masbate (1982). Noong 1983 ay nalipat na sa Bikol ang bahaging Camarines Norte-Camarines Sur na dating bahagi ng rehiyong Quezon-Bicol Zone (QBZ).

Ang kalakhan ng mga pormasyon sa panahong ito ay mga SYP, PPT at MLP na gumagampan ng gawaing masa sa itinakdang saklaw. Nasa ilalim ito ng pamumuno ng Sangay sa Military Sector (SMS). Nakapakat ito sa apat na malalaking larangang gerilya na may dalawa hanggang apat na komiteng distrito.

Taong 1980, nabuo na ang yunit gerilya na lakas iskwad sa ilalim ng komiteng larangan. Noong 1983, naitayo ang pormasyong PYG na lakas-platun sa tatlong larangang gerilya at naitayo ang DYG sa ilalim ng komiteng distrito.

Taong 1985, naitayo ang dalawang pormasyong kumpanya (Hilaga at Timog Bikol) sa pamamagitan ng pagsasanib ng PYG at DYG. Binuo ang ROC noong 1986, ipinailalim dito ang dalawang kumpanya, mga istap militar at yunit partisano sa rehiyon.

Sa rurok ng kalakasan noong unang hati ng 1987, inabot ang mahigit 100,000 organisasyong masa. Libu-libo ang namomobilisa sa mga antipasistang pagkilos. Naisagawa ang mga pandistrito at panlarangang kampanyang masa sa rebolusyong agraryo.

Malaki ang napalitaw na mga armas dahil sa matatagumpay na taktikal na opensiba. Dumami ang mga narerekluta sa hukbo. Nakapagpaunlad ng mga kadreng militar at pulang mandirigmang nasanay sa gawaing pulitika at militar. Napalawak ang sektoral at multisektoral na alyansa para sa antipyudal at antipasistang pakikibaka.

Gayunman, mula ikalawang hati ng 1987 hanggang 1992, naranasan ang paghupa sa rehiyon. Ang panahong ito ay kinatangian ng panibagong pagtindi ng panunupil. Sinisikap ng Partido na pangibabawan ang mga salik na nagtutulak sa paghupa. Sa panahong ito, makikita rin ang paglakas ng agos ng "Kaliwa" at Kanang mga paglihis sa rehiyon.

Dahil sa mga maling linyang nakapangibabaw sa Partido at hukbong bayan, naging bulnerable ito sa tuloy-tuloy na maiigting na atake at kampanyang kontrarebolusyon ng AFP at PNP. Taong 1980, tinalagahan na ang rehiyon ng Philippine Constabulary at Army Batallion. Sa panahon ng Oplan Cadena de Amor, umabot sa 11 batalyon ang nakapakat sa QBZ.

Sa panahon ng rehimeng US-Aquino inilunsad ang "Low Intensity Conflict-Gradual Constriction" at Lambat Bitag I hanggang IV, na ipinagpatuloy naman ng pumalit na rehimeng US-Ramos. Tinukoy sa paglalagom noong 1993 na ang naging paghupa ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay bumaba sa antas noong taong 1983.

Ang mamamayan ang sandigan ng BHB at sa tulong nila nagawa nating pangibabawan ang mga atake ng kaaway. At muling nakapagpalakas ang rebolusyunaryong kilusan sa rehiyon.

Sa pangunguna ng Komite Sentral ng PKP noong huling bahagi ng 1992, sinimulan sa rehiyon ang pag-aaral ng mga dokumento ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Inilarga ng komiteng rehiyon at mga panteritoryong organo ang gawaing konsolidasyon sa Partido, hukbong bayan hanggang sa batayang antas. Isinaayos ang ang mga teritoryal na yunit ng Partido at disposiyon ng mga yunit ng hukbo.

Sa gabay ng IDKP, napigilan na ang papababang tunguhin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. At kinakitaan ng pagsulong sa ilang linya ng gawain mula 1995-1996.

Sa mga taong 1997-2002, papasulong na ang naging tunguhin ng buong rebolusyonaryong kilusan. Sa proseso, may mga kahinaan at mga suliraning niresolba at sinikap na mapangibabawan.

Sa kasalukuyan, nakalatag ang mga yunit ng BHB sa lahat na probinsya sa rehiyon at kumikilos sa mga larangang gerilya. Pinamumunuan ito ng mga teritoryal na organo ng Partido na nakapaloob sa pormasyon ng hukbong bayan. Nabalikan na ang mga lugar na pansamantalang naiwan at nakapagbukas at nakapagpaunlad ng mga bagong larangang gerilya.

Ang mga yunit ng BHB ay pangunahing gumagampan ng gawaing masa. Bunga ng mga pagsisikap na ito, halos dalawang doble ang paglaki ng baseng masa. Bunga ng panloob na konsolidasyon, napaunlad ang kaalaman at kakayahan ng mga yunit sa pulitika at militar.

Alinsunod sa direksyong itinakda ng Partido, pinaigting at pinalawak ng BHB ang pakikidigmang gerilya na umaani ng papalawak at papalalim na baseng masa. Ginamit ang taktikang tamaan ang kaaway sa iba't ibang bahagi ng katawan, paminsan-minsang bigwas sa ulo hanggang sa unti-unting mapahina ito. Nakapagsagawa ng maliliit pero malaganap na mga taktikal na opensiba. Pana-panahong iniipon ang laking platun hanggang maliit na kumpanya upang bigyang dagok ang PNP-AFP sa rehiyon.

Sa iba't ibang tipo ng nailunsad na aksyong militar, nagkaroon ng dagdag na aral at karanasan ang mga mandirigma at mga kadreng militar. Ang mga nakumpiskang sandata at kagamitang militar ay dagdag na lakas sa arsenal ng BHB.

Lumawak at lumaki ang baseng masa at mga saligang organisasyong masa, Nadagdagan ang naitayong mga grupo at komiteng pang-organisa. At nitong nagdaang taon, dumami ang mga ganap na samahan ng masang magsasaka, kababaihan at kabataan. Taun-taon ang paglaki ng baseng masa na nagpalaki sa mga narereklutang pulang mandirigma. Ang mga yunit ng BHB ay nagbibigay ng edukasyon sa mamamayan at nagpapalaganap sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan.

Dumami at lumawak ang nalunsaran ng minimum na layunin ng rebolusyunaryong agraryo: ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod, pagbawas ng usura at mga simpleng kooperatiba. Nadagdagan ang lawak ng pinangangasiwang lupa ng rebolusyonaryong kilusan. Binigyan ng karapatang magbungkal at magpaunlad ng produktibidad ng lupa ang mga magsasakang wala o kulang sa lupa. Lumawak din ang mga aktibidad ng mamamayan para sa dagdag na hanapbuhay at para sa kagalingang pangkabuhayan.

Taun-taon, paparami ang mga mobilisasyon ng mamamayan upang ihayag at ipaglaban ang mga batayang pangangailangan at karapatang pantao, ilantad at kundenahin ang militarisasyon, mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga hakbang ng reaksyunaryong rehimen. Nagsasagawa rin ng mga pagkilos sa iba't ibang isyung nakakaapekto sa interes ng mamamayan at sa soberanya ng ating bayan.

Nakipagkaisa ang CPP-NPA-NDF sa mga pwersang rebolusyonaryo at progresibo sa rehiyon sa mga pakikibakang anti-pasista, antipyudal at anti-imperyalista. Partikular sa paglaban sa "Balikatan exercises", sa napipintong tuwirang agresyon ng US sa Pilipinas, at sa "total war" na ipinapatupad ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Kinukundena ang pagsuporta nito sa teroristang agresyong militar ng US sa Iraq at sa iba pang bayan sa daigdig.

Umunlad at sumulong ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa kabila ng walang humpay at tuluy-tuloy na kontra-insurhensyang kampanyang inilunsad ng AFP-PNP ng pasistang rehimeng Macapagal-Arroyo.

Nakapwesto ngayon sa rehiyon ang bagong buong 9th Brigade Separate ng Philippine Army, na namumuno sa dalawang brigada (901st IB at 902nd IB ) at sa ilalim ng brigada ay may tig-dalawang batalyon. Aabot sa apat na batalyon ang mga nirekrut-nireaktibang CAFGU. Nasa ilalim ng operational control ng 9th Brigade Separate ang Special Forces Company at Scout Ranger Company na pana-panahong dinadala sa rehiyon. Nasa rehiyon rin ang 4th Naval Station , ang 565th Engineering Construction Brigade at ang 16 Mobile Force Company at isang batalyon ng Regional Mobile Group ng PNP.

Ang mga ito ang ginagamit sa kampanyang kontrarebolusyon sa rehiyon at naghahasik ng karahasan at mga pang-aabuso sa mamamayang Bikolano. Ang 9th Brigade Separate ng Philippine Army ay gagawing dibisyon at siyang nangunguna at namumuno sa kampanyang kontrarebolusyon sa rehiyon, na kinukoordina ng Southern Luzon Command (SOLCOM).

May batayan para mapanghawakan ang mga tagumpay na nakamit sa mga nakaraang taon at patuloy na sumulong sa lahatang panig na gawain. Nasa wasto tayong landas at direksyon ng pagkilos. Kailangan lamang na maiakma ang ating mga pagsisikap sa mga obhetibong kalagayan. Kailangang maging higit na mapanlikha sa pagsasakatuparan ng mga gawain at samantalahin ang mahuhusay na pagkakataon.

Pag-aralan ang mga pagkilos ng tumitinding kontra-insurhensya ng AFP-PNP ng rehimeng GMA at gumawa ng mga angkop na paraan sa paglaban at pagbigo sa mga ito, laluna ang "Campaign Plan Bantay Laya" o ang "Gordian Knot" na ipinangangalandakan ng kaaway. Agad nating lalabanan ang anumang hakbang na direktang interbensyon ng imperyalismong US sa ating bayan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.