Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
PANGKALAHATANG PAGBABALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA
(1980 HANGGANG 1991)


V. 1988 - 1991



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Ipininal ng:
KTKS

Nobyembre 1992


PAGPASOK NG 1988 NAGLAHO NA ang madyik ng popularidad ni Aquino. Ang panandaliang pagsigla ng komersyo ay napalitan ng mabilis na pagtindi ng krisis. Lumutang ang diskontento ng malawak na masa sa mga patakarang Aquino sa ekonomiya, militar at usaping panlabas na walang ipinagkaiba o di kaya'y mas masahol pa sa rehimeng Marcos. Ang hindi nariresolbang mga paksyunal na tunggalian ng mga reaksyunaryo ay mas lumalim at mas tumindi.

Sa kabilang banda, noong 1988 ay natapos ang reoryentasyon, redisposisyon at iba pang preparasyon ng pwersa ng AFP at inilunsad ang pangkalahatang opensiba laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa pamamagitan ng mas pinalaking badyet militar at mas pinalaking ayudang militar ng US, binuo ang ilang bagong dibisyon ng Philippine Army at ang ilampung libong kataong CAFGU; at pinag-ibayo ang mga laking-brigada at laking-dibisyong operasyon at ang mga operasyong paniniktik sa kalunsuran.

Ang target ng US at mga lokal na reaksyunaryo ay mabilis na tapusin ang digmaan. Sa kanayunan, nilatagan ng malalaking pwersang regular at paramilitar ang mga larangang gerilyang itinakdang pangunahing target; sabay-sabay at tuluy-tuloy na pinaigting sa iba't ibang bahagi ng bansa ang mga kampanya ng "gradual constriction" o mga kampanya ng "clear, hold and consolidate", habang patuloy sa iba pang larangang gerilya ang maliit at katamtamang-laking mga operasyon. Pinaigting at pinasinsin ang pagsuyod, pagmamanman at pagkontrol sa pinakamaraming makakayang lokalidad upang tukuyin, kunin sa takot at pwersa, pabaligtarin o di kaya'y iligpit ang mga lider at aktibista ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga samahang masa at sa gayon, wasakin ang baseng masa ng armadong rebolusyon, hayaang ang labis na superyoridad ng AFP sa lakas militar ang lubos na makapagdikta sa klase at takbo ng mga labanan, at sukulin at durugin ang mga yunit ng hukbong bayan.

Sa kalunsuran, pinatindi ang mga operasyong kontra-partisano, paggipit at pananakot sa mga ligal na progresibong pwersa at higit sa lahat, ang malawakan at matagalang paniniktik laban sa mga namumunong organo at kadre ng Partido. Ginamit ang matagalang paniniktik upang tukuyin, markahan at ikahon ang buu-buong mga namumunong komite ng Partido at mga linya ng ugnay at komunikasyon sa lunsod. Pagpugot sa ulo ng Partido ang layunin nito.

Kaalinsabay ang mga kampanyang sikolohikal, mga kampanya sa mass media at sari-saring anyo ng kontrarebolusyonaryong propaganda upang linlangin ang mamamayan, lituhin at paghati-hatiin ang mga rebolusyonaryong pwersa, sirain ang morale at determinasyon ng Partido, at engganyuhin ang tunguhing palasuko, pasipista, repormista at parlamentarista.

Sa kabuuan, hindi nakamit ng kaaway ang kanyang orihinal na target na wasakin ang armadong rebolusyon sa loob ng tatlong taon at maging ang ilang ulit na binagong target na "estratehikong pagkontrol" na ang pinakahuling bersyon ay nag-aambisyong tapyasin ang kalahati ng lakas ng kilusan noong 1988. Gayunman, malaki ang pinsalang nagawa niya at may damang-damang pagbaba hindi lamang sa saklaw at kantidad, kundi maging sa lalim, tatag at kalidad laluna ng baseng masa at pwersang kadre ng Partido.

Mula 1987 hanggang 1990 lumiit nang 15% ang kasapian ng Partido, 16% ang kabuuang bilang ng baryong saklaw, 28% ang kabuuang bilang ng tauhan ng hukbong bayan, at 60% ang kabuuang tala ng organisadong masa sa kanayunan. Patuloy na dumami ang riple ng hukbo, pero bumagsak ang bilang ng nadagdag bawat taon -- sa tantos na pareho noong 1976 - 1978. Malaking bilang ng kadre sa antas probinsya, larangan at distrito ang nawala dahil sa pagkahuli, pagkamatay o panlalamig.

Malaking porsyento ng dating bilang ng mga konsolidadong baryo ang nawala. May pangkalahatang pagnipis ang latag ng mga organisasyong masa at aktibistang masa, ibig sabihin, ang lakas at higpit ng pamumuno sa masa, kahit sa mga baryong namantini. Marami sa kabuuang bilang ng baryong saklaw ay binabawi o di kaya'y saklaw ng maigting na agawan sa pagitan natin at ng nakapirming mga pwersa ng kaaway.

Nabitawan o lubhang kumitid ang baseng masa sa mga patag, tabing haywey, tabing-dagat at paligid ng mga poblasyon: mga bahaging mas makapal ang populasyon, pinagmumulan ng mga kadre at aktibistang mas mataas ang antas ng edukasyon, mahalaga sa mga linya ng suplay at komunikasyon, at lunsaran sa pag-abot at pag-impluwensya sa mga sentrong bayan.

Sa loob ng maraming larangang gerilya nakapagtayo ang kaaway ng network ng mga ditatsment ng regular na tropa at CAFGU upang itaboy o di kaya'y palaging ipresyur ang mga yunit sa gawaing masa at limitahan ang maniobrahan ng mga malalaking pormasyon ng hukbong bayan.

NAGTAGUMPAY HANGGANG SA ISANG ANTAS ang OPLAN Lambat-Bitag ng kaaway. Pero bago pa siya umatake nang malakihan, nauna na ang ating mga pagkukulang sa sustinidong pagpapatatag at pagpapalalim ng baseng masa, ang sariling matagal na kapabayaan sa gawaing pang-ideolohiya at pagpapaunlad ng mga kadre at komite ng Partido sa mga lokalidad, ang pagpapahina ng kakayahan sa pulitika at militar sa mga lokalidad, ang lumalaking kapabayaan sa pagpapalawak, at ang pagsusubo ng baseng masa sa tindi at antas ng digma na lampas sa kaya.

Sa pambansang saklaw naulit ang saligang padron ng mga karanasan ng Mindanaw sa maramihang pagbubuo ng mga kumpanya at pagtataas sa antas ng digma nang wala sa panahon. Sa simula nagitla ang kaaway, ibayong tumindi ang mga taktikal na opensiba at lumaki ang mga tagumpay sa militar. Sa kalakhan, nagpatuloy ang paglawak ng saklaw at ng mga organisasyong masa kahit papatindi ang pagkabanat ng pwersa, papalaki ang tagibang sa latag ng pwersa at mga gawain, at papahina ang kakayahan sa militar at gawaing masa sa mga lokalidad.

Pero pagkaraan ng dalawa o tatlong taon, nakaangkop ang kaaway sa pamamagitan, sa umpisa, ng ibayong pagpapatibay ng mga depensa at, sa kalaunan, ng pagkokonsentra ng mas malaking pwersa at paglulunsad ng mga malakihan at masinsing ganting-salakay. Hindi nagtagal todong nalantad ang kabuhaghagan ng pundasyon at ang malalaking bulnerabilidad hanggang sa tuluyang bumigay ang baseng masa at mga lokal na pwersa sa malalaking tipak ng mga larangang gerilya.

At nang pumalo ang problema sa malaking pagkawala ng baseng masa, lumaki rin ang mga problema sa pagmamaniobra, ugnayan at koordinasyon ng mga yunit, gayundin sa pag-alam at pagsubaybay sa galaw ng kaaway. Mas naging bulnerable sa mga atake ng kaaway ang mga buong-panahong yunit laluna ang mga mas maliit at mas mahinang pangkat sa gawaing masa sa mga lokalidad. Tumaas ang kaswalidad sa mga depensibong labanan, gayundin ang bilang ng ripleng nababawi ng kaaway habang bumagsak ang bilang ng mga taktikal na opensiba, laluna mga taktikal na opensibang matagumpay. Mas matindi ring naramdaman ang iba pang problema sa lohistika at pinansya, sa bilis ng pagkawala ng pwersa, sa pag-impis ng bilang ng narerekrut, sa pangangalap ng mga suplay, sa morale ng tropa, at iba pa.

Ang pagmamadaling makapagpaigting ng mga opensiba at makapagpalaki sa pamamagitan ng wala sa panahong "regularisasyon" at bertikalisasyon ay nauwi sa bandang huli sa papalubhang pagkawala ng inisyatiba, paghina ng mga taktikal na opensiba, at pagliit.

Ang malakihang pag-atake ng kaaway ay hindi seryosong naharap agad ng sentral na pamunuang nakabase sa syudad at abala sa mga usapin sa kilusang lunsod. Ang mga rehiyon at larangang gerilya na kinonsentrahan ng mga pag-atake ng kaaway ay nabigla sa laki, tindi at tagal ng mga kampanya ng kaaway. Sa maraming larangang gerilya, malalaking tipak ng saklaw at baseng masa ang nawala nang walang masigasig na paglaban at pakikipaggitgitan dahil una, lubhang mahina ang mga pwersa sa mga lokalidad, ikalawa, kulang ang paggabay at pag-alalay ng mas nakatataas na mga komite ng Partido, at ikatlo, hindi namobilisa ang suportang pampulitika mula sa mga sentrong bayan at syudad. Gayunman, mayroong mga lugar na nakipagpukpukan ang organisasyon ng Partido at hukbo pero naobliga pa ring iwanan dahil sa labis na laki ng konsentrasyon ng pwersa at pag-atake ng kaaway.

Sa kaigtingan ng pangkalahatang opensiba ng kaaway noong 1988 at 1989, nagpatuloy ang pagtatayo ng dagdag na mga kumpanya at isa pang batalyon ng hukbong bayan, lalong ikinonsentra sa mas kaunting malaking pormasyon ang mas malaking bilang ng kadre, tauhan at riple, at inalisan ng armas at pwersa ang dagdag pang mga lokalidad. Lumitaw ang pananaw na kailangang ituloy ang pagpapalaki ng mga pormasyon hindi lamang upang isustini ang pagpapaigting ng mga opensiba kundi upang labanan ang pumapasok na mas malalaking pormasyon ng kaaway. Lumitaw din ang kaisipang ituloy ang "pag-abante" ng hukbo at "ihabol" na lamang ang pag-aayos at pagpapalakas ng baseng masa at Partido.

MULA NOONG PAPATAPOS NG 1988 mas malinaw at mas masaklaw na nakita ng sentral na pamunuan ang mga malaki at malalim na problema ng kilusan sa kanayunan at armadong pakikibaka. Natukoy ang mga problema sa pagkitid at paghina ng baseng masa at mga gawain sa mga lokalidad at ang mga maling pagbalanse sa kabuuang latag ng pwersa at mga gawain bunga ng wala sa panahong bertikalisasyon ng hukbo at pagtataas sa antas ng digma.

Itinakda ng pulong ng KPKS ng 1989 na sa paglutas ng mga problema, kinakailangan ang pagbabago sa mismong kabuuang mga prayoridad, kabuuang timbangan at latag ng mga pwersa at gawain, at sistema ng pagbabalak at pamumuno ng mga nangungunang komite ng Partido. Itinigil ang bertikalisasyon ng hukbo at binigyang-diin ang pag-asikaso at pagpapalakas sa mga pwersang pahalang. Habang iminamantini ang karampatang bilang ng kumpanya sa antas ng rehiyon at malalaking larangan, binigyan ng higit na prayoridad ang pagpapalakas ng mga pwersang nasa gawaing masa at mga lokalidad at ang disposisyon ng pwersa para sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Nilinaw na lahat ng yunit gerilya, pati mga kumpanya, ay kailangang aktibong lumahok sa gawaing masa, sa pagpapalawak, pagbawi at pagpapatatag, bukod sa mga gawain sa paglaban at produksyon.

Sa pahayag sa ika-20 anibersaryo ng Partido noong 1988, muling nilinaw ang mga saligang prinsipyo ng rebolusyon at binigyang-diin ang mga sumusunod:

  • a. Lahatang-panig na paglalatag ng mga rekisitong pulitikal, militar, ekonomiko at kultural ng pagsulong tungo sa mas maunlad na antas ng digma at ganap na tagumpay.
  • b. Pakikidigmang gerilya na patuloy na nagpapalawak at nagpapalakas ng organisadong partisipasyon at suporta ng mamamayan;
  • k. Renda sa pagbubuo ng mas malalaking pormasyon. Mahigpit na ibatay ito sa lawak at sinsin ng latag ng mga pwersang gerilya, lakas ng baseng masa, kakayahan sa kadre at pamumuno ng Partido, at kakayahan sa reserba at lohistika.

Ang pahayag ay nagbigay-diin sa mga rekisito ng pagsulong ng digmang bayan pero, kaalinsabay, tumudla sa posibilidad ng tagumpay sa loob ng 10 taon. Ang pagtudlang iyon na nakabatay sa mga datos ng 1987 at maagang 1988 ay hindi nakapagsaalang-alang sa laki ng mga kahinaan at mga tagibang sa latag ng mga gawain, na mas nalantad sa susunod pang mga buwan.

Sa mga pahayag ng Partido noong 1989 at 1990, mas malinaw na tinukoy at pinuna ang pagkakamali sa wala sa panahong "regularisasyon" at bertikalisasyon, at mas malinaw pang binigyang-diin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya at pagbubuo ng baseng masa sa kanayunan. Pero mas umigting din ang mgaa tunggaliang panloob tungkol dito. Ang Pangkalahatang Kumand ng hukbo at ilang namumunong kadre nito ay nagtaguyod ng pagsalungat sa mga puna at dinala ang gayong pananaw nila hanggang sa pakikipag-ugnayan nila sa mga rehiyon.

Noong 1990 pormal na pinagpasyahan ng KPKS ang pagtitigil sa pagpapatupad ng programa sa SCO at nilinaw na sa maunlad o hinog na antas ng estratehikong depensiba, ang kabuuang diin ay nasa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya at sa kilusang masa, habang minamantini at pinauunlad ang ilang elemento ng regular na pakikidigmang makilos.

Pero kaalinsabay inaprubahan ng KPKS nang walang talakayan sa mga partikular na nilalaman ang mga resulta ng Command Conference noong 1989, na salungat sa mga desisyon ng KPKS ay nagtulak naman sa patuloy at higit pang bertikalisasyon at "regularisasyon". Ang gayong magkasalungat na senyales mula sa sentral na pamunuan ay indikasyon ng kawalan pa ng mahigpit na pagkakaisa, gayundin ng lubos na pagsapol sa usapin. Nakasagabal iyon sa mas masigasig at mas malawak na bwelo ng pagwawasto sa mga rehiyon.

Mula 1989, lumaganap sa mga rehiyon ang mga pag-aangkop at ang higit na diin sa gawaing masa, baseng masa at mga lokalidad. Idinaos ang mga kumperensya sa gawaing masa sa antas ng mga rehiyon at inter-rehiyon at itinalaga sa gawaing masa, pagpapalawak at pagbawi ang mas malaking bahagi ng pwersa, kabilang ang mga kumpanya.

Noong 1990 at 1991 napigil ang mabilis na pagkitid at nagsimulang makabawi sa maraming larangang gerilya dahil binigyang-diin ng mga namumunong komite ang gawaing lokal, pinalakas ang mga pwersang nakatalaga dito, at minobilisa ang mga kumpanya sa gawaing masa. Ang mainam na tunguhing ito ay higit pang itinulak ng pambansang kumperensya sa gawaing pampulitika ng hukbo.

Sa mga lugar na patuloy na kinokonsentrahan ng kaaway, ginamit ang kumbinasyon ng malaganap na maliliit na aksyong atrisyon at anihilasyon, paisa-isang konsentrado't malaking bira, mga protesta at aksyong masa, at iba't ibang anyo ng organisasyong ligal at iligal para makipaggitgitan sa kaaway at pagbayarin siya ng mahal.

Gayunman, laganap at mahigpit ang kahilingan ng mga namumunong komite at kadre sa mga rehiyon para sa komprehensibong paglalagom ng mga karanasan at paglilinaw sa direksyon at mga prinsipyo ng pagsulong ng digma, alinsunod sa rebolusyonaryong teorya at mga prinsipyo, mga aral sa kasaysayan, at higit sa lahat, mga aral sa mayamang sariling karanasan natin. Bagamat may malawak na pagkakaisa sa mga pagbabagong ginawa ng KPKS ng 1990, nanatiling may mga tunggalian sa pagsusuri at paghusga sa nakaraang praktika, laluna sa programa sa "regularisasyon", may magkakaiba pang pag-unawa sa mga aral na dapat hanguin mula doon, at ibig sabihin, malaki pang trabaho sa pagbubuklod hindi lamang sa antas ng praktikal na mga gawain, kundi sa antas ng teorya at ng mga prinsipyo sa estratehiya at taktika.

RELATIBONG KUMALMA ANG HIHIP ng hanging insureksyunista noong 1988 at 1989, nang humupa ang mga usap-usapan at tangka sa kudeta, tuwirang naapektuhan ng isteryang anti-impiltrasyon ang mga organo ng Partido na nakabase sa Maynila-Rizal, at hindi nakalarga ang mga hayag na kampanyang masa.

Pero noong 1990, pagkatapos ng tangkang kudeta ng Disyembre 1989, muling umalagwa ang mga insureksyunistang panaginip at pagtatangka ng ilang organo at namumunong kadre nang ang ligalig sa hanay ng mga reaksyunaryo ay lalo pang pinatindi ng krisis sa balanse sa bayaran, pananalanta ng lindol at mas malaki pang kaguluhang ibinadya ng napipintong digmaan sa Gulpo. Muling umapaw ang mga insureksyunistang ispekulasyon, bagay na higit pang pinalala ng mga pagmamaniobra sa organisasyon sa pangunguna ng isang kagawad ng KPKS upang ilusot ang isang insureksyunistang plano.

Sa "pambansang kumperensya sa kampanyang masa" na idinaos nang walang pagsangguni sa KTKS o KPKS noong Abril 1990, napagkaisahan ang pananaw na ang sitwasyon ay "patungo sa panibagong malaking salpukan". Tinukoy ang 3 crisis points: ang isyu sa mga baseng militar ("napopolarisa ang lipunan sa usaping pambansa"), isyu sa lupa at rebolusyong agraryo ("polarisado na ang labanan" dito) at matinding krisis pangkabuhayan ("isang pagsambulat din ang lilikhain ng matinding krisis pangkabuhayan"). Diumano ang bawat isa dito ay "mayor na labanang taktikal na dapat ipagwagi ng mga rebolusyonaryong pwersa" at ang pagsasagutan o pagpapanagpo ng mga ito ang lilikha ng malaking pagsiklab.

Binuo at ipinatupad ang mga planong nangarap ng pag-aalsang lampas sa tipong-Edsa, "isang pag-aalsang bayan na higit na masaklaw at may mas malalim na kabuluhang estratehiko para sa rebolusyon". Diumano sa nakikini-kinitang pag-aalsa, ang bayan ay pwedeng makinabang ayon sa "taglay na lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa", pero maaaring humigit pa doon kung mahusay na "makipagkombina sa ibang progresibong pwersa at kahit ilang paksyong konserbatibo o reaksyunaryo na papayag sa ilang mayor na interes ng sambayanan".

Kaya dapat daw "paghandaan at pamunuan ang posibleng pagsiklab ng insureksyon sa kalunsuran at malawak na kapatagan". Ipinanawagan ang paggamit ng "buong lakas at maksimum na kumbinasyon ng kilusang masa, nagkakaisang prente, aksyong militar at gawaing solidaridad sa labas ng bansa". Upang pasambulatin ang sitwasyon itinakda ang mga sumusunod:

a. Pagpapalawak at pagpapaigting ng pakikibakang antibase at kapag inihapag na sa Senado ang tratado, paiigtingin ang mga pakikibaka hanggang sa mga welgang pampulitika at mga welgang bayan. Sa panahon ng negosasyon, itinulak ang mga "komprontasyonal at aksyong paggiit tulad ng barikada". Itinulak din ang "mga aksyong panggulo sa loob ng parlamento hanggang umabot sa isang krisis pamparlamento".

b. "Malawakan, tuluy-tuloy at agresibong paglulunsad ng tuwirang rebolusyonaryong aksyon ng masang magbubukid" na ang "pangunahing linya at direksyon ... ay tuwirang rebolusyonaryong paggigiit ng magsasaka sa karapatan niyang mag-may-ari at kumontrol sa lupa at iba pang kagamitan sa produksyon".

k. Pagbubuo ng "pinakamalawak na prenteng anti-imperyalista at demokratiko (AIDF) at mahusay na ipusisyon ang NDF at ang rebolusyonaryong alternatiba sa gitna nito".

d. "Malawakang kampanya para kunin ang puso at isipan ng mga kawal at mababang upisyales ng reaksyunaryong hukbo".

e. "Mas aktibo pang pabilisin ang disintegrasyon ng kampo ng reaksyon".

[Binuo at ipinatupad ang isang salungat na linya nang lingid sa kaalaman ng KTKS at mayorya ng mga kagawad ng KPKS. Ang mismong dokumentong resulta ng "kumperensya sa kampanyang masa" na sumaklaw hanggang sa ibang pangunahing linya ng gawain at nagtangkang magdistrungka sa kabuuang takbo ng pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran ay lumaganap sa iba't ibang organo at saklaw, pero napasakamay lamang ng KTKS noong Pebrero 1991 pagkaraan ng ilang buwang paghingi ng ulat ng nagpasimuno ng "kumperensya" at kahit ang kopyang nakuha ng KTKS ay hindi galing sa kanya.]

Sinalungat ng "kumperensya" ang pagsusuri ng KPKS noong 1990 na ang pagputok ng pag-aalsa ay isang posibilidad lamang at kung sakaling puputok man, ang pinakamataas na tipo ng pag-aalsang maaaring maganap, batay sa umiiral na estratehikong balanse ng mga pwersa, ay tipong-EDSA. Ibig sabihin, iyon ay pag-aalsang bunga ng pagpapanagpo ng marahas na labanan ng mga reaksyunaryo at malawak na paglaban ng mamamayan at magtatayo ng gobyernong kontrolado pa rin ng mga reaksyunaryo pero maaaring pumasok bilang menor na kalahok ang mga elemento sa ligal na rebolusyonaryong kilusan.

Pumaloob sa kabuuang balangkas ng mga plano ng 1990 ang "pakikibakang pulitiko-militar" na itinaguyod ng Komite sa Rehiyong Maynila-Rizal. Sa esensya, ito ay nangahulugan ng mga operasyong partisano na tuwirang inilalangkap sa mga pakikibakang masa laluna mga pangkalahatang paralisasyon. Ang pakikidigmang partisano ay inisip na nagpapabilis sa "rebolusyonaryong pag-oorganisa" sa masang tagalunsod, "pumupuno" sa kulang sa mga pampulitikang salik para makapagsagawa ng mga welgang bayan, at "tuwirang naghahanda" ng malawak na masa para sa insureksyon.

Sa kilusang magsasaka itinaguyod ng Kalihiman sa Kilusang Magsasaka ang paglilipat ng kabuuang diin sa paghahanda sa insureksyon at, alinsunod dito, ang diin sa hayag at ligal na kilusan sa mga kapatagan, pagpapaigting ng mga hayag na pakikibakang magsasaka na tatampukan ng mga "direktang rebolusyonaryong aksyon" (gaya ng mga pag-okupa ng mga lupain at pagkumpiska ng butil, abono, atbp), "paglalangkap ng sangkap na militar sa mga hayag na pakikibakang masa", at "pagsisilbi ng armadong pakikibaka sa kilusang masa at paghahanda sa insureksyon". Ang target ay mga pag-aalsang magsasaka na magiging mitsa o di kaya'y sasabay sa pagputok ng pangkalahatang pag-aalsang bayan.

Sa Gitnang Luson, ipinailalim ng panrehiyong pamunuan ang mga gawain sa pag-aasam ng insureksyon. Sa Bulakan, sa halip na mga grupo at komiteng pang-organisa at mga samahang magsasaka, itinayo ang mga insurrectionary forces na itinuring na mga pwersang nakaantabay para sa pagdating ng "opportune moment". Sa plenum ng Komiteng Rehiyon noong pagpasok ng 1991, pinagtibay ang programang "play to win, victory in one year" sa pamamagitan ng insureksyon.

Alisunod sa planong insureksyunista, ikinasa ang pagbubuo ng prenteng anti-imperyalista at demokratiko (AIDF) na inisip na pauunlarin bilang malapad na koalisyong tatayo bilang sentrong pampulitika at nagkakaisang kumand ng inaantabayanang pag-aalsa. Lubhang mahalaga ito hindi lamang sa pagsentro sa pakikibakang pampulitika, kundi pati sa pagpapalaki diumano ng pakinabang na pwedeng makuha ng mamamayan mula sa pag-aalsa. Kaya gayon na lamang ang pagdidiin sa mga taktikang koalisyon, ang malakas na hatak ng pagyukod sa antas ng paninindigan at kamalayan ng mga panggitnang pwersa, ang hilig sa paghimas sa ispontanyong pasipismo ng petiburgesyang lunsod, at ang tendensyang magpatangay sa mga pakulo ng burgis na mass media.

Ang AIDF ay hindi lamang alyansa ng malawak na hanay ng mga ligal na pwersang demokratiko at oposisyunista na nagkakaisa sa isang minimum na programang kumon. Tuwirang uugnay, lalahok at papaloob sa balangkas ng programa at mga aktibidad nito ang NDF. Kaya noong Oktubre 1990 ginamit ng ilang namumunong kadre ang pusisyon nila sa NDF para bumalangkas at magpinal ng "Panukala Tungo sa Adyenda ng Bayan" na inihain sa isang ligal na pagtitipon ng malawak na hanay ng mga ligal na pwersang progresibo, demokratiko at oposisyunista. Ang naturang panukala na diumano'y programang medium-term ng NDF ay nagbaba ng paninindigan at katayuan ng NDF sa isang ligal na oposisyunista, nagtangkang ipasok ang NDF sa mga proseso at tuntunin ng reaksyunaryong gobyerno, at pinakamasama pa, gumawa ng pangako sa publiko na nagtatali ng Partido, hukbo at buong kilusan sa pagtataguyod ng kahit na mas malabnaw pang programang kumon na pagtitibayin ng mga ligal na pwersang progresibo, demokratiko at oposisyunista. Walang masama para sa mga ligal na progresibong pwersa na pumasok sa mga malawak na alyansang nakabatay sa isang minimum na programang kumon o programang medium-term. Pero pagbaluktot sa katayuan at paninindigan ng NDF at paglilihis sa mga rebolusyonaryong pwersa ang isipin, tangkain o habuling ipaloob o ipailalim doon ang NDF.

Sa pagmamadaling buuin ang AIDF at ipusisyon ang NDF sa sentro niyon, minadali rin ang pagdaraos ng unang kongreso ng NDF at sinagasaan pati ang sentral na pamunuan at ang proseso ng pagsasapinal ng mga papeles at kaayusan sa kongreso.

Pagkatapos, isinabak ang NDF sa pagtutulak ng multilateral na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF, GRP, MNLF-BMA, RAM-YOU, sari-saring ligal na oposisyon, mga negosyante, at iba pa. Kinasangkapan ang mga bagong-buong upisina ng NDF upang tangkaing igiit ang linya sa prosesong pangkapayapaan na nakakahon at nakatuon sa mga taktikal na plano sa pagbubuo ng AIDF, lihis sa linya ng makatarungan, matagalan at mapagpalayang kapayapaan, at salungat sa patakaran ng bilateral na pag-uusap sa pagitan ng NDF at GRP sa labas ng bansa.

NASUBUKAN ANG "pakikibakang pulitiko-militar" sa sumadsad na welgang bayan ng Oktubre 1990. Dahil sa obsesyon sa pangkalahatang paralisasyon, "kinalburo" iyon sa pamamagitan ng mga operasyong partisano. Tuloy, ang isang pakikibakang nakabatay sa napakapopular na isyu at nagtatamasa sa simula ng napakalawak na suporta ng mamamayan ay naging target ng pagkondena at naglagay ng mga ligal na progresibong pwersa sa peligro ng marahas na panunupil ng kaaway. Dahil sa paghahangad ng sobra, nawaldas ang isang napakainam na pagkakataong mapasikad ang mga pakikibakang masa patungo sa makapangyarihang pagdaluyong at makapagkamit ng makabuluhan at solidong pagsulong.

Mapanganib sa kilusan sa kalunsuran ang obsesyon sa mga welgang bayan at mga pangkalahatang paralisasyon na bumabanat sa kilusang masa. Mas malaki pa ang peligro kapag nilalakipan ng mga aksyong partisano dahil lalong lumalaki ang tentasyong kalburuhin ang pakikibaka, sumugod nang labis-labis sa kaya ng pwersang masa, at walang patumanggang sagasaan ang antas ng kamalayan at praktika ng masa at mga alyado. Higit pa, wala sa panahong minimilitarisa nito ang labanan sa kalunsuran at ipinapain ang mga ligal na organisasyon sa marahas na ganting-aksyon ng pulisya at militar.

Pero kahit hindi lakipan ng mga aksyong partisano, ang mga pangkalahatang welga at welgang bayan, kung hindi maingat na hahawakan, ay may angking peligrong gumasgas sa pwersa at humila tungo sa mga wala sa panahong pagsugod. Ang mga ito ay mataas na anyo ng pakikibaka na may matingkad na pampulitikang katangian. Bawat pangkalahatang welga ay kailangang matamang kalkulahin ayon sa umiiral na kabuuang kalagayang pampulitika, relasyon ng mga pwersa at kabuuang katayuan at mga layunin ng kilusan. Kung hindi, mahihila ang kilusan sa wala sa panahong malalaking salpukan, magagasgas ang pwersa at kilusang masa, at mahihiwalay sa malawak na masa.

Kung nagsasarili at hindi kakalburuhin ng mga aksyong partisano, ang rebolusyonaryong kilusan ay wala pang kakayahang magsagawa ng pangkalahatang paralisasyon sa Maynila-Rizal, batay sa organisadong lakas nito sa hanay ng mga manggagawa at sa iba pang seksyon ng populasyon. Sa ilang matagumpay na welgang bayan at pangkalahatang welga ng mga manggagawa na naisagawa sa Maynila-Rizal, ang progresibong lakas ay ibayong pinalawak ng pakikipagkaisa at paglahok ng malapad na hanay ng iba't ibang organisadong pwersa sa mga isyung may kakaibang init at nag-uudyok sa malawak na ispontanyong paglahok o pagsimpatiya ng mamamayan. At kahit pa sa gayon, ang nakaya lamang ay hanggang 2 araw o 3 sa pinakamatagal.

Gayunman, dahil sa mga insureksyunistang panaginip at sa tendensyang labis na sumugal sa ispontanyong paglahok ng masa, malakas ang tendensyang pabigla-biglang iwasiwas ang mga panawagan sa mga pangkalahatang paralisasyon at padalus-dalos na maglunsad ng mga iyon. Iyon ay sa kabila ng halos hindi pag-usad ng pagpapalawak sa hanay ng manggagawa mula 1988, hindi pag-ahon ng kilusang kabataang-estudyante mula sa pagdausdos noong 1984, at makitid na gawain sa mga komunidad ng mga maralitang tagalunsod na matindi pang nahagip ng mga anti-partisanong pagsuyod ng pulisya noong 1987 at 1988.

Noong Hulyo 1991 nabuo muli ang napakalawak na hanay laban sa pagtataas ng presyo ng mga produktong langis. Bukod dito, pumustura ng paglaban ang Iglesia ni Kristo at kumapal ang mga tsismis tungkol sa panibagong kudeta. Pero muli din, umapaw ang pagmamadaling lumikha ng malakihang salpukan at iginiit ang welgang bayan. Ang resulta, nahati ang malawak na hanay na lumahok sa isyu, makitid lamang ang suportang nakuha ng welgang bayan at ang pangunahing nakinabang ay ang rehimeng US-Aquino na mas maluwag na nakapagmaniobra upang ipwersa ang kanilang kagustuhan.

Paralisasyon ang hinabol at binigyan ng pinakamataas na prayoridad sa halip na ang tunay na mas mahalagang tungkulin na higit pang patibayin ang ugnay sa iba't ibang pwersang napukaw ng isyu, patatagin ang komitment nila sa laban, hakbang-hakbang na itaas ang antas ng kanilang kamulatan at pagkilos, at samantalahin ang pagkakataon para lalong palawakin at pabilisin ang solido at lahatang-panig na pag-oorganisa sa hanay ng masa. Sa paghahangad ng sobra sa kaya, nawaldas na naman ang napakagandang pagkakataon para magkamit ng makabuluhan at solidong mga tagumpay sa pulitika at organisasyon.

SA KABILA NG PAGKABIGO at mga problemang nilikha ng mga plano noong 1990, ang kagawad ng KPKS na pangunahing responsable doon ay nagpatuloy sa paglalako ng kanyang insureksyunistang linya at mga panaginip. Pagkatapos tumanggi ang Senado sa tratado sa mga baseng militar noong 1991, nagtulak naman siya ng pananaw na mayroon nang tunguhing "mas awtonomo" sa hanay ng mga lokal na reaksyunaryo at bunga daw niyon "lalo pang nawawalang-bisa ang estratehiya ng pagkubkob sa syudad." Diumano mas angkop na "ang estratehiya ng digma at pag-aalsa na naghahangad ng pinakamainam na kumbinasyon ng mga pakikibakang pulitiko at militar" at may opsyong lumipat sa estratehiyang insureksyunal.

Noong magtatapos ang 1990 at 1991, ang organisasyon ng Partido sa rehiyong Maynila-Rizal ay gumawa ng ibayong pagsisikap sa pagpapalaki ng bilang ng mga aktibistang masa at pagpapalawak ng kasapian ng Partido. Mayroon ding mga pagsisikap na mapalawak ang gawaing masa sa batayang antas.

Pero dala ng kanilang sobrang pagbibigay ng timbang sa "pagtutulak sa hangganan ng ligalidad" at ng laging hindi masyadong nahuhuling pagbabaka-sakali sa pagsiklab na tutungo sa isang insureksyunaryong sitwasyon, ang KTMR ay nagtulak ng panukala para sa bugso sa unang hati ng 1992. Isinalaksak nila ang kanilang plano kahit salungat sa malilinaw na desisyon at atas ng KTKS at sa kabila ng pagtutol ng iba pang organo ng Partido na may kinalaman sa mga kampanya at pakikibakang masa sa pambansang antas.

Labis na pinalaki ang pwedeng magawa ng masinsin at tuluy-tuloy na mga aksyon sa lansangan ng limitado pa namang organisadong pwersa. Higit pa, iginiit nila ang isang bugsong tinatampukan ng mga "hayag na rebolusyonaryong aksyon". Upang magawa iyon, inangkin nila ang awtoridad at sinagasaan ang ibang kinauukulang organo ng Partido at pati mga ligal na istruktura, sa pagbabago ng oryentasyon ng isang alyansang ligal sa kanilang saklaw at pagkakasa niyon sa mga "hayag na rebolusyonaryong aksyon".

Ang paggigiit ng KTMR sa kanilang tipo ng bugso ay hindi lamang nagpaimpis sa mga mobilisasyon at umani ng malawak na pagtuligsa ng iba't ibang sektor. Lumikha ito ng malaking pagkalito at kaguluhan sa loob ng organisasyon laluna't ipinilit sukdang magkawarat-warat ang umiiral na mga relasyon at proseso ng Partido, gayundin ng ligal na kilusan.

Noong 1991 ang KTKS ay naglabas ng pagsusuring umiiral ang rebolusyonaryong agos sa sitwasyong pampulitika at nanawagan ng mga opensiba sa anyo ng mga malakihang demonstrasyon sa kalunsuran at pagpapatindi ng mga taktikal na opensiba sa kanayunan. Naging kontrobersyal ang paggamit ng terminong rebolusyonaryong agos dahil sa iba't ibang pag-unawa sa kahulugan at sa tamang paglalapat niyon sa digmang bayan sa Pilipinas. Higit pa, mayroong mga bumaluktot doon alinsunod sa sarili nilang insureksyunistang pagtingin at pakikitungo sa mga usapin. Ang idiniin ng KTKS ay ang napakainam na sitwasyon para malawakang pukawin, pakilusin at organisahin ang mamamayan at higit pang isulong ang digmang bayan.

Sa anu't anuman, inaprubahan ng pulong ng KPKS ng 1991 ang panawagan sa paglulunsad ng mga opensiba sa anyo ng malalaking demonstrasyon sa kalunsuran at mga taktikal na opensibang makakaya sa kanayunan. Pinagtibay na may sitwasyon para sikaping lumikha ng panibagong bugso ng mga pakikibakang masa. Pinagtibay din ang taktikal na islogan sa pagbabagsak ng rehimeng US-Aquino.

PINASADAHAN AT PINAGTIBAY NG KPKS noong 1989 ang papel sa sitwasyon sa daigdig at linyang internasyunal na inilabas ng KTKS noong 1988. Pinaninindigan sa papel ang Leninistang linya ng proletaryong internasyunalismo at anti-imperyalismo. Kaalinsabay, tinanggap ang perestroika at glastnost ayon sa sabi ng pamunuang Gorbachov na mga reporma iyon para sa pagpapanibagong-sigla ng sosyalismo.

Noong 1990, pagkatapos bumagsak ang mga partido at gobyerno sa Silangang Europa, pinagtalunan sa pulong ng KPKS kung ang nangyari ay "pagpapanibagong-sigla" o kabiguan para sa sosyalismo. Tinalakay ang pagsusuri ng burador na pahayag sa ika-21 anibersaryo ng Partido pero pinagpasyahang mas palalimin pa ang pag-aaral sa mga usapin sa teorya at ang pag-alam sa kasaysayan at kalagayan ng mga bayan sa Silangang Europa. Gayunpaman, idiniin ng pulong na ang Leninistang linya ang linyang gabay sa pagsusuri sa mga pangyayari at pagbuo ng paninindigan ng Partido.

Pero bunga ng matagal na kapabayaan sa teoretikong pag-aaral at ng naunang mga pagluluwag sa hawak sa linya laban sa modernong rebisyunismo, may mga elemento sa loob ng Partido na naging lubhang bulnerable sa dagsa ng propagandang anti-komunista at anti-Leninista at paghahambog ng burgesya. Lumitaw ang pagsamba kay Gorbachov, di-istoriko at walang patumanggang pagtuligsa kay Stalin, at malakas na impluwensya ng populismo, liberalismo, repormismo at sosyal-demokrasya.

Pinuri sa ANG BAYAN ang ika-28 Kongreso ng partidong Sobyet noong 1990 sa kabila ng mga pasya at paninindigan niyon na lantaran nang nagtataguyod sa pagbaklas sa sosyalismo, transpormasyon ng partidong Sobyet sa isang partidong sosyal-demokratiko, at pagtalikod sa proletaryong internasyunalismo at anti-imperyalismo. Inulit sa mga pahina ng ANG BAYAN ang linyang Gorbachov na ang pagkabuwal ng mga rebisyunistang partido sa Silangang Europa ay pagpapanibagong-sigla ng sosyalismo.

Sa lalim ng inabot nang disoryentasyon sa linya laban sa modernong rebisyunismo at sa lubha ng pagdadalawang-isip sa Marxismo-Leninismo, ipinagpatuloy ng ANG BAYAN ang pagpuri kay Gorbachov, sa glastnost at perestroika kahit pagkatapos ng tangkang kudeta ng Agosto 1991, namayani na ang kontra-kudeta ni Yeltsin, nilalansag na ang Unyong Sobyet, at hindi na pagdududahan ang pag-iral ng diktadurang burgis sa Silangang Europa at sa mga bansang dating saklaw ng Unyong Sobyet. Nagpatuloy ang ekstasi ng editor ng AB sa mga naganap na aniya'y "malakas na martsa ng demokrasya at lipunang sibil sa daigdig".

MULA 1988 PAULIT-ULIT ang malaking pinsala sa mga namumunong organo at kadre ng Partido at hukbo na nakabase sa kalunsuran laluna sa Maynila-Rizal. Mahigit 100 kadre sa pambansa at panrehiyong antas, kabilang ang malaking bulto ng mga kagawad ng Komite Sentral, ang nadakip ng kaaway, halos lahat sa syudad. Ang Viscom, Pangkalahatang Kumand ng hukbo, Komite sa Gitnang Luson, Pambansang Komisyon sa Nagkakaisang Prente, Komisyon sa Organisasyon, Komisyon sa Mindanaw at ang KTKS mismo at mga yunit na kadikit nila ay ilang ulit na nahagip at matinding tinamaan sa Metro Manila at iba pang syudad ng mga reyd at pagdakip ng mga yunit sa paniniktik ng kaaway. Sa mga reyd na ito paulit-ulit na nakasamsam ang kaaway ng mga disket at dokumentong naglalaman ng mga sensitibong impormasyon tungkol sa Partido at mga gawain.

Malinaw ang malubhang problema sa seguridad ng mga sentral at iba pang organong nakabase sa kalunsuran. Pero lubhang partikularista ang naging pagsusuri sa mga sirkunstansya at dahilan ng bawat hulihan. Naiwan ang mga leksyon sa antas ng mga indibidwal na pagkakamali, habang nagpatuloy ang malalaking saligang paglabag sa mga tuntunin ng kilusang lihim at seguridad, gaya ng pagbabase sa syudad ng mga sentral na organo at mga namumunong kadreng tukoy at hinahanap ng kaaway; at ang pagkikipagtagpo sa syudad ng mga kadreng hinahanap ng kaaway sa mga kamag-anak, mga alyado at mga pwersang hayag.

Sa pulong ng KPKS ng 1990 masaklaw na sinuri ang malawakan at matagalang operasyon sa paniniktik ng kaaway at ang mga problema sa seguridad mula sa punto de bista ng komprehensibong pagsasaayos at pagpapatatag ng kilusang lihim, at matagalang pagtiyak sa ligtas na pagbabase at operasyon ng mga sentral at iba pang namumunong organo. Pinagtibay, kasama ng iba pa, ang patakaran sa pagbabase sa kanayunan ng sentral na pamunuan, mga pambansang organo at ng mga komisyon sa teritoryo na nakabase sa Maynila-Rizal. Pinagpasyahang ilipat ng gawain ang mga kadre na tukoy at hinahanap na ng kaaway. Binago rin ang sistema ng pagsubaybay at koordinasyon sa mga kampanyang masa.

Pero sa kabila ng mga patakarang binuo at ipinatupad ng KPKS, nagpatuloy ang paulit-ulit na pagkahuli sa kalunsuran ng mga namumunong kadre ng Partido. Maraming namumunong yunit at kadreng hindi na dapat manatili sa syudad ang nagpatuloy sa pagbabase sa kalunsuran hanggang sa masukol ng kaaway. Nagpatuloy ang pagpipirmi at paggalugad sa syudad ng maraming maiinit na kadre dahil sa paghahabol ng mga ispesyal na proyekto, pag-aabang sa mga "pambihirang oportunidad", makaisang-panig na pagdidiin sa bilis at dali ng mga ugnayan sa syudad, pag-aatubiling magbago ng matagal na nakagawian, pag-iwas sa mahirap na pamumuhay sa kanayunan, at iba pa. Mismong mga kagawad ng KPKS at KS ang lumabag sa mga patakaran sa seguridad. Ang pagbabago ng sistema ng pagsubaybay at koordinasyon sa mga kampanyang masa ay sinagasaan ng paghahabol noong 1990 sa pagsambulat.

Lumaki ang pinsala sa mga kadre hindi lamang bunga ng pagkakadakip ng kaaway. May ilampung kadre sa pambansa at panrehiyong antas ang nanlamig o di kaya'y nasawi. May ilandaang kadre sa antas ng distrito at seksyon ang nadakip, nasawi o nanlamig. Ang mga disoryentasyon sa linya, mga paulit-ulit na pagkakamali, mga paulit-ulit na pagkahuli ng mga namumunong kadre, at ang matagal na kapabayaan sa gawaing pang-ideolohiya ay ilan sa mga pangunahing dahilan ng panghihina ng loob at panlalamig ng mga kadre sa ibaba.

Noong 1988 ang matinding atake ng kaaway ay napatungan pa ng pamiminsala ng isteryang anti-impiltrador -- laluna sa mga kadre sa antas distrito at seksyon -- sa Timog Katagalugan, Maynila-Rizal, ilang pambansang organo at ilan pang rehiyon. Ang pagtanggap ng pulong ng KPKS noong 1988 sa noo'y nakatayong kongklusyon ng MDC na tunay na may malawak na impiltrasyong nabuwag ng KAHOS ay nagpaypay ng panibagong pagdududa tungkol sa impiltrasyon sa iba pang lugar at organo.

Sa Timog Katagalugan, ang kampanyang anti-impiltrasyon ay itinulak ng hangad na tuklasin ang dahilan ng maramihang hulihan at pag-salvage sa mga kagawad ng KRTK noong 1977; nagsimula na ang mga pag-aresto bago pa man matanggap ang alerto mula KPKS.

Sa Maynila-Rizal ang mga pag-aresto ay nagsimula sa pagsisiyasat sa pagdukot at pagsalvage ng isang kadre ng ABB. Ang NOC ay nagpasyang ipatupad ang desisyon nila noong 1987 na arestuhin ang isang nadawit mula sa mga imbestigasyong ginawa ng KAHOS at siyasatin ang ilan pang hinihinalang sangkot. Ang UFC at GC ay natangay ng ligwak ng mga resulta ng pag-aresto at interogasyon ng Maynila-Rizal.

Pagkaraan ng ilang buwan at unang bugso ng mga pag-aresto tuwirang sumangkot ang KTKS sa pagtaya sa "kabuuang disenyo ng impiltrasyon ng kaaway" batay sa pagtatagni-tagni ng mga impormasyon mula sa interogasyon na hindi pa masusing nasusuri at nakikilatis. Upang mapigilan ang pag-alagwa, nagtakda ng mga tuntunin sa pagdedesisyon at pagpapatupad ng mga pag-aresto, pag-interoga at paglilitis. Inayos din ang sistema ng ugnayan at koordinasyon ng mga kinauukulang organo ng Partido. Subalit ang mga ito ay nasa balangkas ng paniniwala sa malawakang impiltrasyon at unti-unting nananaig na panic. Inalertuhan ang ilang piling kadre sa mga teritoryo tungkol sa "natuklasang" impiltrasyon.

Natauhan ang KTKS nang pumasok sa Timog Katagalugan noong Nobyembre at tuwirang nakita ang malalaking pagkakamali sa mga paghuhusga, pag-interoga at paghawak ng mga arestado. Agad ipinatigil ang buong kampanya at pinamunuan ang pagrepaso ng mga kaso, paglalagom ng naganap at pagbabalangkas ng malinaw na mga tuntunin batay sa mapait na karanasan..

Kasabay ang pagpuna sa sarili, ipinatigil din agad ang kampanya sa Maynila-Rizal, tuwirang nirepaso ang mga susing kaso at itinakda ang mga hakbang sa patuloy na pagrerepaso at pagwawasto. Gayunman, bago napigil ang mga nasabing kampanya, nakalikha na ng malaking pinsala at gulo sa organisasyon at nakasira sa relasyon sa masa at alyado sa ilang lugar at sektor.

Sa pulong ng KPKS ng 1989 nirepaso ang dalawang kampanyang anti-impiltrasyon. Ang malubhang pagkakamali ay inugat sa panic, siege mentality, malalang suhetibismo at walang pakundangang paghihinala, paglapastangan sa karapatan ng mga indibidwal na napagsuspetsahan, mga maling pananaw at pamamaraan sa pagsisiyasat at pag-uusig, at kabulagsakan sa pagsisiyasat at pagtitimbang ng mga datos at bagay-bagay. Pinagtibay ang mas malinaw at mas mahigpit na mga tuntunin sa pagsisiyasat at pag-uusig ng mga pinaghihinalaang impiltrador.

Sa pagwawasto itinakda ang tungkuling repasuhin ang lahat ng kampanyang anti-impiltrador at ang pagwawasto sa mga nakaraang maling paghuhusga at iba pang mga pagkakamali at kalabisan. Itinakda rin ang pangangailangang repasuhin ang kabuuang kondukta ng imbestigasyon, pag-uusig at pagpaparusa sa mga impormer at kriminal at ang patuloy na pagsisinop sa mga gabay at tuntunin ng rebolusyonaryong sistema ng katarungan. Idiniin ang halaga ng malawakang edukasyon sa hanay ng mga kadre at kasapi tungkol sa mga prinsipyo ng makataong pagtrato sa mga bihag, paggalang sa mga karapatan ng mga indibidwal at rebolusyonaryong sistema ng katarungan.

MULA 1989 MAS MALINAW na nalantad ang lubhang inabot ng disoryentasyon at paglihis sa mga saligang prinsipyo, linya at estratehiya; ang paghina ng sentral na pamunuan at pagkakaisa ng Partido; at ang malaking pagbagsak sa antas ng ideyolohiya, pulitika at organisasyon ng talibang partido.

Matagal na panahong nakaligtaan ang maraming saligang tungkulin at tuntunin sa pagbubuo ng Partido, nagkapatung-patong at lumala ang mga problema, at nauk-ok ang rebolusyonaryong determinasyon at pagmamatyag ng mga kadre at kasapi ng Partido.

Napabayaang lumaganap at lumala ang kabulagsakan sa teorya at mga saligang prinsipyo. Sa hanay mismo ng mga namumunong kadre, mayroong hindi malinaw na nakauunawa sa mga saligang prinsipyo ng Partido. At nitong 1991 ang editor ng AB ay naghapag sa pulong ng KPKS ng pananaw na tahasang tumatalikod sa Marxismo-Leninismo. Bago pa nito ang sentral na pahayagan ng Partido ay naglabas na sa mga pahina nito ng gayon ding linya nang mayroon lang bahagyang takip.

Naging palasak ang paglalako ng sari-saring pagtuligsa sa linya at estratehiya ng Partido at ng mga panukalang nagdidistrungka dito, na walang tinutuntungang seryosong pag-aaral sa teorya, kasaysayan, rebolusyonaryong praktika at mga kongkretong kalagayan. Napabayaang maging target ng sari-saring klase ng iresponsableng ispekulasyon ang linya at estratehiya ng Partido.

Higit sa lahat, naging malakas na impluwensya sa mga patakaran at programa mismo ang mga pananaw na lumilihis sa linya ng matagalang digmang bayan, bagay na nagdulot ng papalubhang problema sa pagkawala ng inisyatiba, paulit-ulit na miskalkulasyon, paghahangad ng sobra, paggasgas sa pwersa at sa pampulitikang suporta ng rebolusyon, at malalaking pinsala.

Ang mga kahinaan at pagkukulang sa pagbubuo ng Partido ay malinaw na nasalamin hanggang sa organisasyon. Humina ang sentral na pamunuan bunga ng paulit-ulit na pagkakadakip ng mga namumunong kadre sa syudad. Nang tinamaan ng matinding problema sa seguridad ang mga sentral na organo, lumipat sa kanayunan at dumaan sa mahirap na proseso ng pagbabago sa buong sistema ng pagbabase at ng pag-ugnay sa iba't ibang bahagi ng organisasyon, sinamantala ito ng ilang elemento upang gumawa ng sari-saring ultrademokratikong aksyon; igiit sa praktika ang kanilang mga pananaw at linyang salungat sa upisyal na linya, mga patakaran at desisyon ng Partido; at magmaniobra at magpakalat ng mga intriga upang tutulan at sagkaan ang mga pagpuna at pagwawastong sinimulan ng sentral na pamunuan.

Noong 1990, ang KPKS ay nagpasyang tuluy-tuloy na magtipon at sa gayon, tuwirang humawak na rin sa pagdedesisyon sa mahahalagang usapin. Kaalinsabay, hindi naging usapin ang patuloy na pag-iral ng KTKS; may mga plano at istrukturang binuo na tahasang itinoka sa KTKS.

Subalit ang naturang desisyon ng KPKS ay pinalitaw ng isang kagawad ng KPKS na desisyong bumuwag sa KTKS at kaalinsabay, kanyang inangkin ang awtoridad na gumawa ng mga indibidwal na pasya tungkol sa malalaking proyekto at usaping estratehiko at taktikal, kabilang ang mga insureksyunistang plano ng 1990 at pagbabago ng oryentasyon ng AB. Habang matinding umaatake sa diumanong sobrang sentralismo ng KTKS, malalaking pagbabago sa mga patakaran at malalaking proyektong pampulitika ang kanyang pinangunahan at ipinatupad sa pamamagitan ng paglilingid sa sentral na pamunuan, tahasang pagsisinungaling at pagmamaniobra.

Ang mga ultrademokratikong aksyong lumala noong 1986 at 1987 ay nagpatuloy, higit pang lumaganap at mula 1990, naging mas agresibo pa. Nang mas diretsuhin ang pagpuna sa malalaking pagkakamali at paglihis, mas tumindi ang reaksyon ng mga ayaw tumanggap ng puna, naging mas malisyoso pa ang mga tsismis at intriga, at naging mas walang pakundangang ang mga pagmamaniobra upang igiit ang mga paglihis at labanan ang pagwawasto.

Ang matagal at malubhang mga kapabayaan at pagkukulang sa pagbubuo ng Partido ay umabot sa puntong sumisira maging sa integridad ng organisasyon, pamunuan at mga proseso ng Partido.

GAYUNMAN, KAHIT SA GITNA ng mga matinding pinsala at mga suliraning panloob, matatag na itinaguyod ng Partido ang pakikibakang pambansang demokratiko. Hindi nito tinatantanan ang paglalantad, pagtuligsa, paghihiwalay at pagpapahina sa imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo.

Namumukod-tangi pa rin ang rebolusyonaryong kilusan bilang pinakamalakas at pinakamatatag na nakikipaglaban para sa interes ng masang anakpawis at pambansang pagpapalaya. Sa malalaking usapin at labanang pampulitika, tulad ng labanan sa baseng militar, ang mga pwersang pinamumunuan ng Partido ang pangunahing pwersang nagtataguyod sa progresibong pusisyon at interes ng sambayanan.

Nagsimula noon pang 1989 ang pagtukoy at pagpuna ng mga malaking pagkakamali at paglihis natin. Sa karamihan ng mga rehiyon, mabilis na kinilala at tinanggap ang mga paglilinaw at pagbabago sa mga patakaran at programa. Aktwal nang nag-umpisa ang mga pagwawasto.

Pero kailangan pang mas puspusang tukuyin, punahin at iwaksi ang mga pagkakamali at paglihis. Dapat tukuyin ang mga ugat ng mga iyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang maging matatag at mahigpit ang pagbalik sa tamang linya ng pagsulong. Ang mga nakaraang usapin at problema ay kailangang lutasin sa antas ng teorya at mga prinsipyo upang maging matibay ang konsolidasyon ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Hangga't nagpupunyagi sa pagtataguyod sa mga saligang prinsipyo ng Partido at sa paglalapat ng mga ito sa kongkretong praktika, tiyak na mapangingibabawan ang mga kahinaan at problema at maibabalik ang Partido at rebolusyon sa landas ng wasto, matatag at tuluy-tuloy na pagsulong. ###


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.