Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
PANGKALAHATANG PAGBABALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA
(1980 TO 1991)


I. Kabuuang Pasada sa Nakaraan



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Ipininal ng:
KTKS

Nobyembre 1992


NOONG NAKARAANG DEKADA ibayong lumalim ang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Umabot sa panibagong tindi at lubha ang sosyo-ekonomikong krisis at ang mga paksyunal na alitan ng mga reaksyunaryo. Ang masa sa kanayunan at kalunsuran ay naging bukas na bukas sa rebolusyonaryong propaganda at pag-oorganisa, maramihang lumahok sa mga pakikibakang pang-ekonomiya at pampulitika, at masigasig na sumuporta sa armadong rebolusyon.

Sa unang tatlong taon ng dekada mabilis na lumawak at lumakas ang rebolusyonaryong kilusan. Ang arangkada ng pagsulong ng 1980-1983 ay nakamit sa pangkalahatang balangkas ng pagpapalawak ng mga larangang gerilya sa buong kapuluan; pagpapatindi ng digma sa pamamagitan ng mas malaganap at mas madalas na mga taktikal na opensiba; mahigpit na pagtitimbangan ng armadong pakikibaka, pagbubuo ng baseng masa, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng Partido; pagsalig pangunahin sa mga iskwad at platun na umaasikaso kapwa sa gawaing militar at gawaing masa at karaniwang nakakalat pero nakapagtitipon kung kinakailangan; ubos-kayang pagsuporta ng kilusan sa kalunsuran sa pagpapalawak sa kanayunan; at komprehensibong pagpapaunlad ng kilusan sa iba't ibang larangan ng pakikibaka.

Noong 1983, nalampasan natin ang maagang subyugto ng pambansang pagpapalawak ng pakikidigmang gerilya mula sa halos wala. Nailatag ang mga larangan at pwersang gerilya at ang hayag at lihim na kilusan sa kalunsuran, na masiglang sumusulong sa iba't ibang dako ng kapuluan, sa halos lahat ng rehiyon. Pumasok tayo sa mas maunlad na subyugto ng estratehikong depensiba. Dagdag pa, pagkatapos ng asasinasyon kay Aquino, ang pasistang diktadurang US-Marcos ay nalubog sa sukdulang pagkakahiwalay at ang masa ay napukaw sa di-karaniwang antas ng partisipasyon sa mga pakikibakang pampulitika.

Pero sa gayong sitwasyon labis na napatangay tayo sa mga panimulang tagumpay at sa mga oportunidad na ihinahain ng napakainam na obhetibong kalagayan. Kalalampas pa lamang ng digmang bayan sa maagang subyugto ng estratehikong depensiba pero agad nang nahilig tayo sa mga usapin sa pag-igpaw sa mas mataas na estratehikong yugto at sa estratehikong tagumpay. Lumakas ang mga pag-aasam ng sobra na kumaligta sa katotohanang nasa estratehikong opensiba pa ang reaksyon sa kabila ng kanyang malalang krisis.

Kung tutuusin, ang tunay na usapin ay ang pagpupunyagi sa pag-iipon ng ibayo pang lakas sa pamamagitan ng mas malaganap at mas masinsin pang pakikidigmang gerilya; ang higit pang pagpapalawak ng mga larangang gerilya kasabay ng pagpapalitaw sa loob ng mga iyon ng mas malalapad na moog ng rebolusyon mula sa nakatayong mumunting baseng gerilya at konsolidadong bahagi; ang masikhay na transpormasyon ng malawak na impluwensya at ugnay sa masa tungo sa solido, masinsin at lahatang-panig na organisadong lakas; at ang tuluy-tuloy na pagpapalakas ng pamumuno sa malawak na masa -- habang walang humpay na pinahihina ang reaksyon at puspusang sinasamantala ang mga alitan ng mga reaksyunaryo.

Subalit nabuo sa halip ang mga konsepto ng pagsulong na masyadong nagmamadali, lumilihis sa linya at estratehiya ng demokratikong rebolusyong bayan at naghahangad ng lampas-lampas sa aktwal na kakayahan at antas ng pag-unlad. Lumuwag ang hawak natin sa konsepto ng lahatang-panig na pagsulong at masikhay na gawaing masa. Ang pag-unawa at pagsukat ng pagsulong ay lubhang kumitid at labis na nahila sa pagpapaigting ng mga pakikibaka, pag-impluwensya sa buong populasyon, at ispekulasyon sa mga paksyunal na alitan ng mga reaksyunaryo.

Nabuo ang konsepto at programa sa SCO ng sentral na pamunuan ng Partido na malakas ang hibo ng pagmamadaling makaigpaw sa mas mataas na estratehikong antas at nagtulak ng mabilis at wala sa panahong "regularisasyon" at sa mga ideya ng paglalaro sa insureksyon, bagamat patuloy na humawak sa mga estratehikong yugto ng pagsulong at sa esensyal na pagtitimbangan ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa.

Sa Mindanaw nabuo ang insureksyunistang linyang RA-WA na nag-asam ng insureksyon para makamit ang malaking igpaw o tagumpay at nagtaguyod ng todo-largang pagpapaigting sa pamamagitan ng kumbinasyon ng "regularisasyon" ng hukbo sa kanayunan at "pakikibakang pulitiko-militar" sa kalunsuran, upang mabilis na mapasambulat ang sitwasyong insureksyunaryo.

Pagkatapos ng ika-9 Plenum ng Komite Sentral ang programa sa SCO ang umiral na anyo ng pagsasanib ng wasto at maling linya. Lumaganap sa ngalan nito ang mabilisang "regularisasyon", todo-largang pakikidigmang partisano, obsesyon sa mga pangkalahatang paralisasyon, maluwag na konsepto ng pag-aalsang magsasaka at pabagu-bago at insureksyunistang konsepto ng "pagsunggab sa mga oportunidad".

Sa kabuuan, patuloy na lumawak ang kilusan at umigting ang mga pakikibaka hanggang 1987. Sa katunayan -- habang nangingibabaw pa ang elemento ng sorpresa at abala pa sa pag-angkop ang kaaway -- mas matindi at mas matunog ang mga dagok na napatama sa kaaway.

Pero kasimbilis ng pag-igting ng mga pakikibaka, tumindi rin ang mga tagibang sa latag ng mga pwersa at mga gawain, ang pagkagasgas ng pwersa at suportang masa, at ang paglaki ng mga bulnerabilidad ng mga rebolusyonaryong pwersa laluna ng baseng masa. Pinatunayan ng mapait na karanasan na ang gayong landas ng pagsulong ay hindi uubrang isustini, nagbubunga ng mga tagumpay na panandalian lamang at sa bandang huli'y humahantong sa pagkawala ng inisyatiba at nauuwi sa malalaking pinsala.

Mula 1988 bigla at malaki ang naging pagdausdos ng rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa. Sa harap ng malawakan, malakihan at tuluy-tuloy na opensiba ng kaaway sa kanayunan at kalunsuran, nalantad ang mga kabuhaghagan at mga kahinaan ng ating pwersa at baseng masa, na ilang taong natakpan ng matutunog na aksyong militar, mga pangkalahatang paralisasyon, masaklaw na propaganda at mga banggaan ng mga reaksyunaryo.

Gayunman, tayo ay malayo pa sa panganib na tuluyang maigupo ng reaksyunaryong kaaway. Bagamat matindi ang pinsalang nalikha, ang mga pagkakamali at paglihis ay hindi tuluy-tuloy na nakapanalasa; hindi naganap ang wala sa panahong estratehikong mapagpasyang sagupaan. Sa kabila ng mga disoryentasyon, paghahangad ng sobra at mga padalus-dalos na pagsugod, patuloy na nangibabaw sa malaking mayorya ng mga kadre at kasapi ng Partido ang pagkapit sa mga saligang prinsipyo.

Kahit sa Mindanaw, hindi lubos na nakonsolida ang insureksyunistang linya. Ang todong insureksyunistang linya ay dinala lamang ng paisa-isang namumunong kadre. Ang pinakamasahol sa iba pa ay ang insureksyunistang disoryentasyon bunga ng paghahangad ng madaliang tagumpay at maling konsepto ng "pagsunggab sa mga oportunidad". Higit pa, mayorya ng mga kadre, laluna sa mga rehiyon, ang patuloy na mahigpit na nagtaguyod sa mga prinsipyo ng matagalang digmang bayan at sa mga leksyong nahango noong mga panahon ng pagpupundar ng mga larangang gerilya at pwersang gerilya. Ganap na naging inutil ang insureksyunistang linya nang pumalo ang mga pinsalang dulot ng isteryang KAHOS at nagbago ang sitwasyong pampulitika.

Sa buong bansa, kahit sa panahon ng kalakasan ng tendensyang magmadali at lumampas sa kaya, noong 1987 at 1988 laluna, ang mga namumunong komite at kadre ng Partido sa mga rehiyon, na matamang nakasubaybay sa mga pwersa at mga gawain sa hanay ng masa, ang umaktong pinakamalakas na hadlang sa lubos na paglarga ng wala sa panahong "regularisasyon" at sa mga insureksyunistang panaginip. Sila ang una at pinakamalakas na nagreklamo sa mga sobrang target at nanguna sa mga pag-aangkop upang maagapan ang pwersa at baseng masa. Nang ipinihit ng KPKS ang kabuuang mga balak at prayoridad noong 1989 at simulan ang mga pagwawasto, mabilis na tumugon ang mga komite ng Partido sa karamihan ng mga rehiyon.

Ang humigit-kumulang isang dekadang pag-iral at paglaganap ng mga malaking pagkakamali at paglihis ay mauugat at sumasalamin sa malalaking kahinaan at pagkukulang sa pagbubuo ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Mahigit isang dekadang may pagluluwag, paglabo at mga pagkalito sa pag-unawa at pag-iiba ng Partido sa mali at tama sa maraming mahalagang usapin sa teorya, prinsipyo, kasaysayan at praktikal na kilusan.

Ang paghahalu-halo ng mali at tama ay hindi lamang nagbunga ng mga pinsala sa praktikal na kilusan, nakasira din iyon sa integridad ng Partido sa ideolohiya at pulitika at nitong huli, maging sa integridad ng organisasyon. Ang mga kaluwagan, kalabuan at pagkalito sa mga saligang prinsipyo ay dapat puspusang mapangibabawan para mapalakas ang Partido at matatag at wastong magampanan nito ang pamumuno sa rebolusyon.

Dahil sa tagal at lubha na inabot ng mga pagkalito at paglihis, hindi magiging madali ang pagwawasto at pagwawaksi sa mga iyon. Kumapal ang kalawang na kumapit sa pag-iisip at katawan ng Partido at kailangan ang maigting na internal na tunggaliang pang-ideolohiya at ang isang puspusang kilusang pagwawasto upang mabakbak ang mga ito at maibalik nang lubos ang kalusugan ng Partido.

Sa kasalukuyan ang kabuuang lakas ng Partido, hukbong bayan at kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran ay humigit-kumulang nasa antas noong 1983 o 1984. Malaki ang pwersang armado at pwersang masa na hawak natin; malawak at may isang antas ng tatag ang latag ng kilusan sa buong kapuluan.

Ang wastong paglalagom ng mga karanasan laluna sa dekadang 1980 at ang pagwawaksi ng mga pagkakamali at paglihis ay malaking igpaw sa kaalaman ng Partido, sa pag-unawa nito sa Marxismo-Leninismo at wastong paglalapat ng teorya sa kongkretong praktika. Kapag muling naituwid ang tinatahak na landas, ang lakas na naipundar at hawak natin hanggang ngayon ay sapat para ipagpatuloy ang antas ng pagsulong na naudlot at nalihis noong 1983, at sa pagkakataong ito sa paraang lahatang-panig, solido at sustinido.

Sa mga sumusunod na seksyon binabaybay ang mga pinakamahalagang pangyayari at pasya mula 1980. Hinati sa apat na panahon ang pagtalakay: 1980-1983; AA, 1983 - EDSA, 1986; 1986-1987, at 1988-1991.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.