Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
PANGKALAHATANG PAGBABALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA
(1980 HANGGANG 1991)


IV. 1986-1987:



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Ipininal ng:
KTKS

Nobyembre 1992


NANG BUMAGSAK SI MARCOS, nabuwag ang malawak na prenteng anti-pasista at nabago ang hanayan ng mga pwersang pampulitika. Lumakas ang pag-uurung-sulong ng mga panggitnang pwersang naakit sa mga repormistang pangako at potensyal ng rehimeng Aquino. At gaya ng dapat asahan, relatibong bumaba ang init ng mga pampulitikang pakikibaka at relatibong humupa ang paglahok ng masa sa mga aksyong protesta.

Gayunman ang pagdiriwang sa pagbagsak ng pasistang diktadurang Marcos ay mabilis na napalitan ng pagkabalisa sa kawalan ng lunas sa mga saligang suliraning pambansa at panlipunan at patuloy na paglala ng sosyo-ekonomikong krisis. Panandaling sumigla ang kalakalan at negosyo bunga ng pagpasok ng bagong dayuhang pautang, malaking halaga ng dolyar na kinita ng mga manggagawa sa ibayong-dagat, at pagluluwag ng IMF-WB sa pag-iimport at paggasta ng gobyerno. Pero maliit na bilang lamang ng malaking burgesyang kumprador, malaking panginoong maylupa at malaking burukrata na bagong sampa sa poder ang nakinabang doon; maliit na bahagi lamang ng maliit at panggitnang burgesya ang naambunan ng sandaling ginhawa mula sa matinding hagupit ng krisis.

Habang nagkokonsolida pa ng hawak sa poder, ang bagong-upong rehimeng Aquino ay nagpatupad ng ilang makabuluhang demokratikong reporma at hakbang, puspusang gumamit sa mga bentaheng dulot ng personal na popularidad ni Aquino, nag-engganyo sa mga repormistang ilusyon at nagtulak ng ceasefire. Kaalinsabay, minantina ang pasistang makinaryang militar at burukratiko at hinarang ang mga panukala na esensyal na bumabago sa mga patakaran sa ekonomiya, militar, pulitika at relasyong panlabas na umiral sa panahon ng bumagsak na pasistang diktadura. Sa likod ng mga burgis na prosesong konstitusyunal, pinaigting ang militarisasyon at nanatiling malaganap ang mga pasistang panunupil sa saligang masa at mga progresibong pwersa.

Ang reaksyunaryong naghaharing sistema ay nakaalpas sa kawalan ng inisyatiba at iba pang problemang dala ng malubhang pagkakahiwalay ng dating naghaharing rehimeng diktador. Sa kabilang banda, ibayong lumalim at tumindi ang pagkakahati-hati at mga alitan ng mga paksyong reaksyunaryo sa pulitika at militar.

Bagamat abala sa pag-aayos sa sarili, ang General Command ng AFP ay tuluy-tuloy na naghanda sa panibagong malakihang pagsalakay sa rebolusyonaryong kilusan. Binuo ang mas maraming batalyong pangkombat na itinalaga sa mga larangang gerilya ng BHB, bukod pa sa mga inilipat mula sa mga saklaw ng MNLF at IMLF at mula Metro Manila. Nireorganisa ang mga komand sa mga teritoryo at inayos ang disposisyon ng mga dibisyon at brigada. Dinagdagan ang suportang militar ng US. Binuo ang dagdag pang mga yunit ng CHDF at pangkat ng mga anti-komunistang vigilantes at relihiyosong panatiko.

Sa Hilagang Silangan at Kanlurang Mindanaw, nagpatuloy ang mga operasyong laking-brigada na nag-umpisa nang 1984 pa. Nag-umpisa rin ang mga operasyong laking-brigada sa Negros at Cagayan-Apayao at sa mas marami pang rehiyon noong 1987. Sa kalunsuran, lalong pinaigting ang militarisasyon sa Davao at Cebu. Nagsimula noong ikalawang hati ng 1986 at mas lalawak at mas titindi pa noong 1987 ang asasinasyon ng mga progresibong lider at ang pagsa-salvage, pagdukot at pananakot sa mga pwersang progesibo.

SA BAGONG SITWASYON muling pinanindigan ng Partido ang linyang pambansang demokratiko. Binigyang-diin ang pagsusulong ng mga pakikibaka para sa mga saligang kapakanang pambansa at panlipunan, ang pagpupursigi sa armadong rebolusyon, ang patuloy na pagpapalakas ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa habang sinisikap na mantinahin ang pinakamalawak na ugnay at pakikipagtulungan sa ibang mga pwersang progresibo at demokratiko.

Ang ligal na progresibong kilusan sa kalunsuran ay nagpatuloy na isang makapangyarihang pwersang nagtataguyod sa pambansang demokratikong pakikibaka. Ang progresibong kilusang manggagawa ay higit pang lumawak; lalong lumakas ang pamumuno at inisyatiba nito sa kilusang unyon. Ang hayag na kilusang magbubukid ay naging pangunahing katuwang ng kilusang manggagawa sa ligal na pakikipaglaban para sa mga isyu ng saligang masa at pundamental na pagbabagong pambansa at panlipunan. Masiglang sumulong ang progresibong kilusan ng mga pambansang minorya, mga kababaihan, guro at mula sa halos wala, ng mga kawani sa gobyerno

Mula ikalawang hati ng 1985, biglang bumulusok ang kilusan sa Mindanaw nang ang mga pinsalang dulot ng mga atake ng kaaway ay napatungan ng ilang ulit na mas malaki pang pananalasa ng isteryang KAHOS. Noong 1986 2 lamang sa 15 kumpanya noong 1985 ang nakapagpanatili ng lakas kumpanya; magiging 5 ito noong 1987. Ang iba pa ay lumiit bunga ng atrisyon o di kaya'y dahil sa pasya ng mga kinauukulang komiteng panrehiyon na bigyan ng prayoridad ang pagsalo sa mga gawain sa mga lokalidad. Mangilan-ngilan lamang ang taktikal na opensiba at ang nasamsam na armas mula sa kaaway; dumami ang mga insidente ng mga yunit na nahahagip ng mga operasyon ng kaaway; at lumiit ang kabuuang bilang ng malalakas na riple. Higit pa, malaking tipak ng saklaw at baseng masa ang nawala.

Gayunman, nagpatuloy ang tindi ng mga taktikal na opensiba sa Luson at Kabisayaan; panahon ito na may sikad pa ang mga pormasyon at operasyong kumpanya sa mga nasabing lugar. Lumaganap din ang paggamit ng radyo sa komunikasyon, paggamit ng pasabog at mga mas maunlad na pagsasanay. Pagkaraan ng ceasefire noong 1987, isinagawa ang koordinadong pagpapaigting ng mga aksyong malaki at maliit, at anihilasyon at atrisyon sa buong kapuluan. Bagama't bahagyang bumaba, nagpatuloy ang makabuluhang bilang ng malalakas na ripleng nasasamsam mula sa kaaway.

Nagpatuloy ang paglawak ng mga larangang gerilya sa mga rehiyon ng Luson. Sa Kabisayaan, namantina humigit-kumulang ang kabuuang bilang ng mga baryong saklaw; may nawala sa ilang bahagi at bahagyang paglawak o pagbawi sa iba. Mas mahalaga, may ilampung libo ang nadagdag sa kasapian ng mga organisasyong masa sa Kabisayaan.

SA PULONG NG KPKS NG 1986, pinuna ang boykot sa snap election bilang isang malaking pagkakamali sa taktika. Pero papira-piraso ang ginawang pagrepaso sa nakaraang praktika. Hindi nasuri ang iba at mas malaking mga paglihis sa linya ng matagalang digmang bayan mula 1983. Nakalista sa adyenda pero hindi naiulat at hindi napag-usapan ang KAHOS. Hindi natukoy, pinuna at nabaka ang kapansin-pansing paglakas sa loob ng Partido ng hihip ng hanging populista at mapagkompromiso at sa labas ng Partido, ang agresibong tunguhing parlamentarista at repormista sa hanay ng mga ligal na grupong progresibo.

Ang malaking pagbabago sa sitwasyong pampulitika ay humihingi ng wasto, matatag at mabilis na pag-aangkop sa mga tungkulin at prayoridad ng kilusan. Pero sa loob ng talibang partido, nagpatuloy at mas lumala pa ang dating mga kahinaan at pagkukulang, ang disoryentasyon at paglihis sa wastong linya, at ang malakas na hatak ng paghahangad ng sobra sa kaya.

Ang kabuuang resulta -- kahit may patuloy na matutunog na aksyong militar, paglawak ng kabuuang saklaw sa kanayunan, paglaki ng kabuuang kasapian ng mga samahang masang hayag at lihim, at aktibong pagpusisyon sa lumilitaw na mga isyung pambansa -- ay ang lumalaking pagkawala ng momentum at inisyatiba, ang mas madalas na miskalkulasyon sa mga taktikal na labanan, at ang lumalalang mga palya sa pagbabalanse at mga bulnerabilidad sa latag ng mga pwersa at gawain. Sa kalagayang relatibong bumagal ang kumpas ng pagsulong ng rebolusyon, ang mga pananaw na haling sa pagpapatindi ng mga aksyong militar at pagpapasambulat ng sitwasyon ay lalong nagkumplika, nagpahirap at nagpatagal sa pagbawi at pagpapalakas ng inisyatiba at pagsulong nang lahatang-panig at solido.

Marami-raming kadre at yunit ng Partido sa kalunsuran at hanggang sa ilang bahagi ng kanayunan ang nalito at natangay ng mga ilusyon tungkol sa bagong rehimen. May mga nagdala ng pananaw na ang rehimeng Aquino ay isang sentrista kung hindi man progresibong gobyerno bunga ng pag-aakalang malakas na bloke at maaaring nakapangingibabaw pa sa loob niyon ang itinuturing na mga liberal demokrata at "kaliwang repormistang burgis". Sa simula, kahit ang KPKS ay nagdalawang-isip dito kaya't ang ihinanay na pangunahing target ay ang US at ang dulong-kanan, ibig sabihin, "paksyong Enrile-Ramos" at mga labi ng pasistang pangkating Marcos.

Tinukoy ng KPKS ang pagiging reaksyunaryo, sa esensya, ng rehimeng Aquino. Nilinaw na wala iyong kagustuhan at kakayahang lutasin ang mga saligang suliraning pambansa at panlipunan. Pero tinanggap din sa pagsusuri ang ilang impluwensya ng pananaw at pagsusuring conjuncturalist. Kabilang dito ang palagay na bunga ng pag-aalsang EDSA, nakakuha ang mamamayan ng hati sa estado poder, kaya ang reaksyunaryong estado mismo ay larangan na rin sa pag-aagawan ng reaksyon at sambayanan para sa kapangyarihan.

Kabilang sa mga tungkuling itinakda ng KPKS ang "Palawakin ang saklaw ng kapangyarihan ng mamamayan sa loob at labas ng gubyerno. Kumbinahin ang pakikibakang pampulitika at armado para paunlarin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika (mula armado hanggang di armadong prototype)."

Ang pagkalito sa pagkilala sa tunay na kaibigan at kalaban sa bagong sitwasyon ay sinamantala ng ilang elementong paksyunalista at palasuko sa Negros upang maglako sa loob ng Partido ng makauring kolaborasyon, parlamentarismo at panghahati. Sa Cordillera, ginamit iyong dagdag na amunisyon ng paksyong Conrado Balweg upang itulak ang kanilang kampanya ng panghahati nang tanggihan ng Partido ang kanilang makitid na linyang lokalista at puspusang iginiit ang linyang pambansang demokratiko at ang wastong paglalapat ng patakaran sa pambansang pagpapasya sa sarili.

Sa pulong ng KPKS noong 1987 mas mahigpit na nilutas ang pagtatalo sa loob ng Partido tungkol sa reaksyunaryo, papet at anti-mamamayang katangian ng rehimeng Aquino. Pinuna ang conjuncturalist na pagharap sa usapin ng estado, ang makaisang-panig at labis na pagdidiin sa mga partikularidad ng personalidad ni Aquino ayon sa pagkakalarawan sa kanya ng burgis na mass media, at ang pag-aakalang "nagkawatak-watak" ang papet na estado dahil sa pag-aalsang EDSA.

SALUNGAT SA AKTWAL NA KALAGAYAN, patuloy na namayani sa loob ng Partido ang retorika ng mga malakihang pakikibakang pampulitika, mabilis na pagsaklaw sa kalakhan ng mamamayan, at pag-antabay at paghahanda sa panibagong malaking pagsambulat. Patuloy na naengganyo, sa gayon, ang mga dating sobrang pagtaya at mga insureksyunistang ispekulasyon at pangangarap. Ang insureksyunismong taglay ng programa para sa SCO, na ipinagpatuloy ng sentral na pamunuan, ay sumanib sa mga pagkalito sa katangian ng bagong rehimen, sa insureksyunistang misinterpretasyon sa pag-aalsang EDSA at sa pabagu-bagong konsepto ng "pagsunggab sa mga oportunidad".

Sa mga tungkuling inaprubahan ng KPKS, muli'y tinanggihan ang tahasang pagbaling sa linyang insureksyunal, pero hinayaan ang ibang insureksyunistang pananaw. Itinakdang dapat "kilalanin ang posibilidad na humantong sa insureksyon ang pakikibakang pampulitika sa kalunsuran", na malinaw na ang tinutukoy ay hindi lamang pag-aalsang tipong EDSA. Kaya habang isinusulong ang digmang bayan sa kanayunan, idiniin ang pagiging "mulat sa posibilidad ng insureksyon sa urban". Bilang tungkulin, ihinanay na dapat "ilagay sa praktikal na posibilidad ang insureksyon at mulat na paunlarin ang mga sangkap nito".

Ang Komisyon sa Timog Luson ay pormal na nagpanukala sa sentral na pamunuan (na agad tinanggihan at pinuna) ng isang planong "fast track/slow track" para sa pagkakamit ng tagumpay sa ilang taon sa pamamagitan ng insureksyon. Sa Timog Katagalugan binaklas ang dating organisasyon ng Partido sa kalunsuran at nireorganisa ayon sa tatlong makinarya (ligal, partisano at teritoryo) tulad sa Mindanaw. Binuo ang mga armadong pangkat pang-organisa para magtayo ng mga base at larangang partisano at mag-organisa ayon sa "pamamaraang pulitiko-militar" sa mga kapatagan at tabing-haywey sa mga probinsyang kanugnog ng Metro Manila. Tuloy, napabayaan at humina ang kilusang masa at ibayong kumitid ang ugnay ng Partido sa masa. Ang mga armadong pangkat pang-organisa ay naging lubhang bulnerable sa pagkakalantad at pagkadurog at gumugol ng kalakhan ng kanilang panahon sa pangangalaga sa seguridad at pag-aayos ng pagbabase at pagmamaniobra.

Sa Metro Manila at iba pang kalunsuran kumalat ang pag-aasam ng "second round" ng pag-aalsa. Sa gayon, sobrang pinalaki hindi lamang ang posibilidad ng panibago at mas mataas na tipo ng pag-aalsa, kundi gayundin ang pagtaya sa kabuluhang sosyo-pulitiko at istoriko ng pag-aalsang EDSA. Umiral ang ilusyon na maaaring mabilis na malikha ang panibagong polarisasyon at sitwasyon para sa pag-aalsa.

Noong 1986 ang mas matingkad na resulta nito ay ang mga ideyang labis na nagpapalaki sa potensyal ng demokratikong ispasyo at ng pagkilos sa loob ng gobyerno at mga proseso nito upang muling paigtingin ang mga protestang masa para sa mga saligang isyung pambansa at panlipunan, mabilis at buu-buong kabigin sa rebolusyon ang mga panggitnang pwersa, at biyakin ang bagong rehimen sa pagitan ng mga progresibo (na posibleng makuha pati si Aquino) at mga reaksyunaryo.

Sa sumunod na mga taon mas nangingibabaw naman ang pagmamadali sa pagpapainit ng sitwasyon, pagpapaputok ng mga pangkalahatang paralisasyon at pagpapatindi ng pakikidigmang partisano. Noong 1987 itinakda ng KPKS ang tungkuling paunlarin ang kakayahan sa mga pangkalahatang paralisasyon at pagpapalaganap ng pakikidigmang partisano sa kalunsuran.

NABUO ANG PASYANG PUMASOK sa ceasefire noong magtatapos ang 1986 sa kabila ng kawalan ng pagkakasundo ni makabuluhang pagsulong o pag-asa sa pag-uusap sa mga pangunahing isyu, pagdakip sa isang kagawad ng KTKS, pagpaslang kay Olalia, mga malakihang operasyong militar sa iba't ibang rehiyon, at bandang huli, hanggang sa tahasang bitawan ang paggigiit sa belligerency status ng NDF, rebolusyonaryong kapangyarihan sa mga base at sonang gerilya, at karapatan ng BHB na magdala ng armas.

Nangibabaw ang paghahabol sa isang engrandeng demonstrasyon ng kagandahang-loob bilang pagbibigay sa nararamdamang malakas na sentimyento ng mamamayan, partikular ng mga panggitnang pwersa, para sa kapayapaan, kahit pa may pagpapahina sa pampulitikang balangkas ng armadong pakikibaka at may malalaking bentahe at puwang na inihahain sa reaksyon. Diumano, obligadong gawin ito upang makaalpas ang armadong rebolusyon sa depensibong pusisyong dulot ng boykot at hawanin ang landas para sa maramihang pagkabig ng mga panggitnang pwersa at mamamayan sa rebolusyon at muling pagpapaigting ng armadong pakikibaka.

Nang makuha na ng rehimeng Aquino ang ceasefire nawala na ang interes nito sa pagpapatuloy ng pag-uusap sa mga pangunahing isyu. Pagpapahayag sa publiko ang naging kalakhang aktibidad ng panel at mga tagapagsalita ng NDF, bagay na tinapatan ng mga propagandista ng gobyerno sa pamamagitan ng pagkuha ng di hamak na mas malaking ispasyo at oras sa burgis na mass media.

Ang ceasefire ay sinamantala ng AFP para ikasa ang kanilang pangkalahatang opensiba laban sa rebolusyon. Ginamit ito upang palakihing lalo ang natipong datos sa paniniktik sa rebolusyonaryong kilusan, magbuo ng mga anti-komunistang pangkat ng vigilantes at sektang panatiko at patindihin ang mga operasyong nakatuon sa mga kapatagan at paligid ng mga pangunahing linya ng transportasyon at mga sentro ng populasyon. May ilang yunit ng hukbong bayan na nadisarmahan ng AFP. Kung hindi maikli ang panahon ng ceasefire, malamang na mas malaki pa ang pinsalang at panlilinlang na nagawa ng rehimeng Aquino at AFP sa pamamagitan ng pagsamantala sa mga saligang depekto ng kasunduan sa ceasefire at sistema ng pagmonitor na sila ang may kontrol. Pagkatapos ng ceasefire, sa gradwasyon ng PMA noong Pebrero 1987, iwinasiwas ni Aquino ang "espada ng digma" at idineklara ang kanyang Total War para tapusin ang armadong rebolusyon sa loob ng kanyang panunungkulan.

ALINSUNOD SA MGA ARAL na nahango sa pagkakamali sa boykot, sinang-ayunan ng Partido ang pagbubuo ng partidong elektoral ng mga ligal na progresibong pwersa at paglahok nila sa eleksyong 1987. Habang patuloy na nililinaw sa masa ang linya ng armadong rebolusyon sa paglutas ng mga saligang problema ng bansa, ipinakikita rin sa kanila ang kawastuhan ng paglahok ng mga ligal na progresibong pwersa sa eleksyon para higit pang makaugnay sa mas malaking bahagi ng mamamayan at gamitin ang larangang elektoral sa pagpapalakas at pagpapaluwag ng maniobra laban sa mga pagsalakay ng mga reaksyunaryo.

Gayunman, dahil sa laganap na terorismo at pandaraya ng mga reaksyunaryo, pagkukulang sa mga taktikang koalisyon, pagkukulang sa kumbinasyon ng maksimum na pleksibilidad sa mga lokalidad at pambansang pagpapatampok ng progresibong plataporma, pagkukulang ng kaalaman at karanasan sa mobilisasyon ng masa sa botohan, at pagkukulang sa paghahanda, limitado ang pakinabang na nakamit sa paglahok sa eleksyon. Ang orihinal na target ay lampas sa kaya at malayo sa naging aktwal na resulta.

Sa mas naunang plebisito sa konstitusyong Aquino noong 1987, nagkaroon pa rin ng maigting na tunggalian sa ilang bahagi ng organisasyon at ilang ligal na alyansa pangunahin dahil sa buntot ng tunggalian sa boykot noong 1986 at malakas na ilusyon sa rehimeng Aquino. Hindi naging usapin ang boykot o partisipasyon kundi ang pagsuporta o hindi sa konstitusyong 1987 at sa gayon, sa rehimeng Aquino.

Para maiwasan ang mga pagkakahati at mapagtuunan ng pansin ang mas mahahalagang pakikibaka noon, gaya ng ceasefire, pormal na pag-uusap pangkapayapaan at mga kampanyang masa sa mga saligang isyu, wastong nagkasa ng mga proyektong pampulitika sa labas ng plebisito na pwedeng pagtulung-tulungan ng mga progresibong pwersa kahit iba-iba ang pusisyon sa plebisito. Sa plebisito mismo, ang pinakaimportante ay ang kampanya sa propaganda at edukasyon para mailinaw ang tunay na katangian ng konstitusyon at rehimeng Aquino.

NOONG 1987 PINAIGTING SA Maynila-Rizal ang pakikidigmang partisano. Dumalas at tumampok ang mga regular at ispesyal na operasyong partisano sa Maynila-Rizal. Dahil hindi pili ang target at tumampok pa sa panahong malakas ang mga repormistang ilusyon tungkol sa rehimeng Aquino, ang mga operasyong partisano ay tinuligsa ng mga panggitnang pwersa, nakadagdag ng hirap sa pagpusisyon at pagmamaniobra sa pulitika ng mga hayag na progresibong pwersa, at umakit ng matinding ganting-salakay ng pulisya sa mga komunidad. Bandang 1988 lubos na ipapatigil ang tinatawag na mga regular na operasyon at ang paghihigpit ng kontrol maging sa mga ispesyal na operasyon.

Naganap sa unang pagkakataon ang pangkalahatang welga sa transportasyon sa Maynila-Rizal noong Agosto 1987 at pagkatapos ang pangkalahatang welga ng mga manggagawa noong Oktubre. Nasorpresa ang rehimeng Aquino sa dalawang malawak na koordinadong welga, inabutan silang hindi nakahanda sa pagharang at pagsabotahe sa mga iyon, at napilitin silang tumugon sa hinihingi ng mga manggagawa. Malawak din ang suportang tinamo ng mga manggagawa mula sa ibang sektor ng lipunan.

Gayunman, bunga ng mga naturang karanasan, higit pang lumakas ang obsesyon sa mga pangkalahatang paralisasyon. Lumitaw ang tendensyang gawing banta o ipanawagan iyon kapag may malaking isyu at kahit walang sapat na kahandaan ang masa. Sa susunod na mga welgang bayan at pangkalahatang welga, hindi na masosorpresa ang rehimeng Aquino at mas mabisang magagamit nito ang kumbinasyon ng panunuyo at pambabraso at ang mga taktikang pang-antala at panghati. Dahil malaki pa ang mga limitasyon sa organisadong lakas ng mga manggagawa at mamamayan, relatibong madaling makapangibabaw ang gayong mga reaksyunaryong taktika.

Malaki rin ang pagkukulang sa pagtitipon at mobilisasyon ng mga managagawa sa mga demonstrasyon sa lansangan. Importante sana ito upang pakilusin ang masang manggagawa sa mga aktibidad na lampas sa pagtigil ng trabaho sa pabrika at mas mabisang iukit sa kamalayang publiko ang lawak at lakas ng sama-samang paglaban ng mga manggagawa. Pero labis na napokus sa paralisasyon ang labanan at bandang huli, gagamitin ng rehimeng Aquino ang dinuktor na mga istatiska, ang operasyon sa mass media at ang pagpapakita ng normal na sitwasyon sa mga tampok na lugar upang palitawing bigo ang mga paralisasyon.

IPINAGPATULOY ANG PROGRAMA sa "regularisasyon" at pagpapatindi ng digma patungong SCO na binalangkas ng ika-9 na Plenum. Sa pulong ng KPKS noong 1987 binigyang-diin ang pagbubuo ng mas marami pang kumpanya at pagpapaunlad ng kakayahang pandurog ng hukbong bayan. Kaalinsabay ang pagtukoy sa mga pag-aalsang magsasaka bilang isang hantungan ng pagsulong ng kilusang magsasaka sa loob ng dalawang taong programa.

Pagkatapos ng ceasefire noong 1987, pinaigting ang mga taktikal na opensiba sa buong kapuluan. Sinundan iyon ng koordinadong kampanyang anti-LIC noong Hulyo - Setyembre 1987 na bahagi ng isang ispesyal na proyekto. Noong Hulyo at Agosto, mahigit 6OO malaki at maliit na operasyong gerilya ang isinagawa ng BHB sa buong bansa.

Pero sa pag-igting ng pakikidigmang gerilya sa pamamagitan ng koordinadong kampanya, nabanat ang pwersa at limitadong lohistika sa mga rehiyon, sa kalagayang nagkakasa na ng pangkalahatang opensiba ang kaaway. Naobliga ang pambansang istap militar na maglabas ng malaking halagang subsidyo sa mga operasyong militar sa mga rehiyon. Lumitaw ang mga gusot sa relasyon ng mga kumand ng hukbo at mga teritoryal na komite ng Partido dahil sa direktang pagpapadaloy ng kumand ng hukbo mula itaas pababa.

Napatunayang ang ating hukbong gerilya at ang sistema ng komunikasyon at kumand nito ay lubhang limitado pa ang kakayahan sa pagsubaybay, pagkoordina at pagkontrol sa isang pambansang kampanyang militar. Wala pa tayong kakayahang mabilis na alamin, tipunin, iproseso at pagdesisyunan sa pambansang antas ang mga datos tungkol sa nagbabagu-bagong mga kalagayan sa ibaba; at mabilis ding ipaabot ang mga taktikal na desisyon at atas sa mga kinauukulang teritoryo, antas at yunit.

Nang pinagpasyahang hindi ituloy ang proyekto pero pumutok ang tangkang kudeta noong Agosto 1987, iniatas ng isang kagawad ng KTKS at pambansang istap militar, nang lampas sa kanyang awtoridad, ang patuloy na pagpapatupad ng kampanyang militar upang diumano'y sumunggab sa "oportunidad". Ang sumunod na ilang aksyong militar na pagtugon sa atas ay hindi kinakailangan, hindi angkop sa umiiral na sitwasyon laluna sa lugar na pinangyarihan, lubhang atrasado na nang magawa at lumikha ng malaking problema sa pulitika. Dahil sa primitibong kalagayan ng sistema ng komunikasyon, kahit malakas na ang palahaw ng publiko sa naunang aksyon, hindi napigil ang kasunod pa. Wala ring pormal na atas sa pagpapatigil ng nasabing kampanya.

Gayunman, sa mga paglalagom sa kampanyang anti-LIC na ginawa ng Komisyong Militar noong papatapos ang 1987 at ng KPKS noong 1988, makaisang-panig na nabigyang-diin ang naging pag-igting ng mga taktikal na opensiba at ang "pag-unlad" na nakamit sa mas mataas na antas ng koordinasyon. Tinukoy na mahalagang bahagi ng pagpapataas sa antas at pagsustini sa pagsulong ng digma ang mga koordinadong kampanyang militar sa antas pambansa, teritoryo at rehiyon. Ang higit na koordinasyon at mga kampanya sa mas mataas na antas ang isang dahilan sa transpormasyon ng pambansang istap militar sa Pangkalahatang Kumand ng hukbo.

Sa Timog Luson halos lubos na ikinonsentra ang mga yunit gerilya sa ilalim ng kumand ng komisyon sa teritoryo noong panahon ng kampanyang anti-LIC. Maraming buwang nawalan ng armadong pwersa ang mga larangang gerilya sa Timog Katagalugan. Iyon pa naman ang panahong ibayong pinalaki ang pwersa ng kaaway sa rehiyon, mabilisang itinayo ang mga ditatsment at mga yunit ng CAFGU at sinuyod ng kaaway ang mga larangang gerilya sa rehiyon. Malalaki at buu-buong tipak ng mga larangang gerilya ang nawala nang halos walang laban.

Sa Bikol nagpatuloy nang ilan pang taon ang labis na konsentrasyon ng mga yunit gerilya sa panrehiyong kumand, Nagbunga iyon ng pagkawala ng kakayahang militar sa malalawak na saklaw, pagkakabaon ng panrehiyong kumand sa mga problema sa pangangasiwa at lohistika, halos lubos na pagtigil ng mga taktikal na opensiba sa matatagal na panahon, paglala ng mga problema sa disiplina, at malaking bagsak sa pampulitikang kalidad at integridad ng mga yunit ng hukbo.

Sa Hilagang Luson nabuo noong kalagitnaan ng 1987 ang programa para sa mas mabilis na paghahanda ng mga rekisito para sa SCO kaugnay ng pagsusuri na ibayo pang titindi ang tunggalian ng mga reaksyunaryo at malaki ang posibilidad ng emergency rule o paghaharing sibilyan-militar. Iprinograma ang mas mabilis pang pagpaparami ng mga kumpanya at batalyon, paghahanda ng mga lugar para sa pag-aalsa at pagpapalaganap ng pakikidigmang partisano. Noong katapusan pa ng 1986 nabuo na ang batalyon sa teritoryo.

Sa balangkas ng plano ng Komisyon sa Hilagang Luson at may dagdag pa doon, ikinasa ng komite sa Nueva Vizcaya ang isang plano para sa pagkakamit ng estratehikong pagkakapatas sa lokalidad, batay sa pag-iisip na hindi na kaya ng kaaway na gumawa ng malaking redisposisyon ng pwersa. Mabilisang itinayo at pinalawak ang mga samahang magsasaka sa pamamagitan ng mga pulong masa, idineklara ang pagpapatupad ng maksimum na programa ng rebolusyong agraryo sa probinsya, isinanib ang laking-platung armadong yunit ng larangan sa mga "insureksyunaryong aksyon" ng mga magsasaka, sinimulan ang pagreyd at pagkumpiska sa mga ari-arian ng mga panginoong maylupa at pinairal ang iba pang "kaliwang" patakaran sa pakikitungo sa tukoy at pinaghihinalaang mga kontra-rebolusyonaryo at masamang elemento.

Pagkaraan ng ilang matunog na aksyon, nagpadala ang AFP ng isang batalyon ng AFP, tinarget ang mga lantad na samahang masa sa mga baryo, at tuluy-tuloy na tinugis ang maliit pang armadong yunit ng hukbong bayan. Mabilis na nawasak ang mga organisasyong masang padalus-dalos ang pagkakatayo at sa kalauna'y natukoy at nasukol ang isang pulong ng mga namumunong kadre sa larangan. Pagkaraan ng sunud-sunod na pinsala, bumaling naman ang pamunuan ng larangan sa kanang patakaran ng pagtalilis, limitadong ugnay sa masa at paisa-isang pagrerekrut.

Sa Kabisayaan, tampok ang pagpapataas ng antas ng bertikalisasyon ng hukbong bayan. Ang mga yunit gerilya ay nakakonsentra sa 15 kumpanya na sinimulan nang gawing laking-regular at pinamamatnugutan sa antas ng rehiyon at malaking larangan. Sa Samar binuo ang pormasyong batalyon pagkatapos iendorso ng Komisyong Militar at KPKS ang pagbubuo ng batalyon sa Hilagang Luson. Samantala mahinang-mahina ang mga lokal na armadong pwersa; bandang 1988 na muling binuo ang mga yunit gerilya sa mga distrito at ang mga sandatahang yunit pampropaganda. Nanguna rin ang Kabisayaan sa pagtatayo ng mga istruktura ng kumand at mga suportang istap sa antas ng rehiyon at sa pagdidiin sa halaga ng pagpapaunlad ng kakayahan sa rehiyunal at interrehiyunal na koordinasyon at sa mga operasyong batalyon at multi-kumpanya. Kaalinsabay, mas matindi pa kaysa ibang lugar ang naging problema ng hukbo doon sa lohistika at pinansya.

Sa Gitnang Luson ilang ulit na lumawak ang mga larangang gerilya at sa gayong kalagayan, binuo ang mga laking-platung yunit gerilya at sinimulang buuin ang kumpanya.

Sa kabuuan umunlad ang kakayahan at teknik sa labanan ng hukbong bayan. Malaki ang naging kontribusyon ng pagbabalak, pangangasiwa at pangunguna dito ng pambansang istap militar na binuo noong Setyembre 1984. Nasistematisa, napaunlad at napalaganap ang pagsasanay ng mga upisyal at tauhan; gayundin ang paggamit ng pasabog at radyo. Nasimulan ang pagsasaayos sa mga saligang tungkulin sa paniniktik sa iba't ibang antas at ang gawaing medikal.

Sa kabilang banda, ang paglarga ng pagbubuo ng mas malalaking pormasyong panagupa na nakakonsentra sa gawaing militar at nahiwalay sa gawaing masa ay nagpababa sa kalidad, integridad at kakayahan sa pulitika ng hukbong bayan at nag-enggayo ng mga maling pananaw at gawi sa loob ng hukbo. Sa hanay ng mga upisyal at mandirigma, humina nang humina ang mga dating kasanayan at kaalaman sa gawaing masa, gayundin ang mabubuting aktitud na napauunlad at kinakailangan sa pakikisalamuha sa masa. Lumaganap at lumala ang mga problema sa kagaspangan, kakulangan sa disiplina at mga gawing lumpen. Lumakas ang arogansya sa lakas militar at ang pagsagasa sa mga kunsiderasyong pulitikal sa pagkakasa at pagdadala ng mga aksyong militar.

Lumitaw din sa ilang lugar at pagkakataon ang tendensyang labis na umasa sa laki ng pormasyon at maging padaskul-daskol sa pagsisiyasat at pagbabalak, ang pagkakahatak sa pagbira sa matitigas na pusisyon ng kaaway, at ang matatagal na labanan na gumagasgas sa pwersa at sa lubhang limitadong lohistika.

Bandang 1987 kapuna-puna na ang mga problema sa disiplina sa loob ng hukbo at sinimulang bigyan ng partikular na pansin muli ang pagpapaunlad sa gawaing pampulitika sa loob ng hukbo at ang paglahok sa gawaing masa at produksyon. Sa ilang rehiyon sinimulan ang mga kampanya sa pagbaka sa kagaspangan at kaluwagan sa disiplina.

PATULOY NA LUMAWAK ang mga larangang gerilya at lumaki ang bilang ng masang nakapaloob sa mga organisasyong masa sa kanayunan. Pero sa likod niyon, ang paghina at pagbaba ng kalidad ng mga pwersang nakatalaga sa mga lokalidad; ang matagal nang problema sa pagpapasinsin ng pagkakaorganisa ng masa, pagsusustini ng mga pakikibakang antipyudal at iba pang kampanyang masa at pagpapanatiling masigla ng edukasyong pampulitika at gawaing progapaganda; at ang lumalaking problema sa pagpupursigi ng mga yunit sa mga lokalidad na mababang-mababa ang kakayahan sa militar sa kalagayan ng papalawak at papaigting na mga pagsuyod ng kaaway.

Noong kasagsagan ng pakikibakang antipasista libu-libong kadre at aktibistang magsasaka ang narekrut sa kanayunan. Sila ang pangunahing pwersa sa pag-asikaso ng mga organisasyon at mga gawain sa mga lokalidad at gulugod ng baseng masa. Pero sa mas maraming lugar, ang maramihang pagrerekrut ng mga kasapi ng Partido at mga buong-panahong pwersa ay hindi nasundan ng kinakailangang edukasyon, pagpapanibagong-hubog sa ideolohiya, pagsasanay sa pampulitikang pamumuno, at matamang pangangalaga at pagsubaybay. Malubha ang pagkukulang sa konsolidasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng mga ng mga lokal na komite ng Partido at mga sangay ng Partido sa mga baryo. Malaki din ang kapabayaan sa pagsubaybay, paggabay at pag-alalay ng mas nakatataas pang mga komite ng Partido laluna niyong mga nakabase sa syudad.

Mabilis na numipis ang latag sa kanayunan ng mga kadreng may mataas-taas na pinag-aralan, may kaalaman sa teorya at may kakayahang mag-aral ng teorya. Ang ilang ulit na paglawak ng mga saklaw, ang pagbubuo ng mga komite sa mas maraming teritoryo at antas, at ang pagkuha ng mga kadre para sa mga organong istap sa mas matataas na antas, ay bumanat nang todo sa limitado at halos di lumalaking bilang ng ganitong tipo ng mga kadre sa kanayunan. Maraming namumunong komite sa antas ng larangan at mayroon pang ilan sa antas ng rehiyon, huwag nang pag-usapan pa ang sa distrito at seksyon, ang wala o mayroong paisa-isa lamang ng ganitong tipo ng kadre. Sa ganitong kalagayan ng sukdulang pagnipis ng kadreng may kakayahang mag-aral ng teorya, mabigat na usapin at damang-dama ang epekto ng pagkuha ng kahit isang kadreng de-kalibre mula sa gawain sa lokalidad.

Ang kanayunan ay hindi nakinabang sa kadre mula sa makapangyarihang daluyong ng kilusang pampulitika sa kalunsuran mula 1983. Ang ibayong paglawak at paglakas ng progresibong kilusang manggagawa ay nagbunga ng kalat-kalat at paisa-isa lamang na pagtatalaga ng mga kadre at aktibistang manggagawa sa kanayunan. Paisa-isa din lamang ang mga kadre at aktibistang mula sa intelihensiya na pumunta sa kanayunan. At sa halip mas ang kabaligtaran pa ang nangyari: mga kadreng kinukuha sa kanayunan para ilagay sa mga organong istap na nakabase sa syudad o di kaya'y humihingi ng paglipat sa syudad sa iba't ibang dahilan, bukod pa ang bawas sa pagsubaybay at paggabay ng mga namumunong komiteng labis na nahatak sa mga usapin at mga gawain sa kalunsuran.

Ang resulta bukod sa mababang antas at kabuhaghagan ng organisasyon at pabugsu-bugsong pagsigla at pag-unlad ng baseng masa, lumitaw at lumaganap ang mga problema sa burukratismo, komandismo, kapabayaan, kawalang-disiplina, pag-abuso, at sa ilan, pati korupsyon, na nagbunga ng pagkatibag ng tiwala ng masa, panlalamig at paglayo nila. Hindi lamang sa mga panagupang yunit ng hukbo lumala ang mga problema sa disiplina noong 1986 at 1987 at kahit pagkatapos, kundi maging sa mga lokal na organisasyon ng Partido at mga yunit sa gawaing masa. Upang lumikha ng malawak, malakas at tuluy-tuloy na timitibay na baseng masa sa kanayunan, laluna iyong may kakayahang humarap at mangibabaw sa masinsin at walang patawad na pagsalakay ng kaaway, kailangan ang walang pagod at walang humpay na masikhay na gawaing masa, tuluy-tuloy na pagpapalakas ng pwersang kadre sa mga lokalidad at hindi naglulubay na paggabay at pag-aaruga ng sentral na pamunuan at iba pang nakatataas na mga komite at kadre ng Partido.

Sa mga taong ito naramdaman na rin ang lumalaking mga problema sa pagmamantina ng pusisyon at mga gawain sa mga kapatagan, tabing-haywey, tabing-dagat at maliliit na isla na kinokonsentrahan na ng panay-panay na mga operasyon ng kaaway. Sinimulang atakihin ng kaaway ang mga bahaging ito sa pamamagitan ng buhos ng propagandang anti-komunista, mga operasyong SOT, pagbubuo ng mga vigilante at CAFGU, at pagsamantala sa mga pagkakamaling pulitikal at militar ng mga rebolusyonaryong pwersa.

NOONG MAGTATAPOS ANG 1987 INILABAS ng KTKS ang konsepto tungkol sa terminal na krisis ng sistemang malakolonyal at malayudal. Ang termino ay ginamit sa malawak na istorikong pakahulugan pero nakalito sa ilang yunit at lugar na nagpakahulugan at gumamit doon sa mas taktikal na antas.

Sa pulong naman ng Komisyong Militar, narating ang pagsusuring nakatalaga na ang mga estratehikong reserba at banat na banat na ang AFP. Udyok ng gayong pagsusuri, ng sobrang pag-asam sa marahas na labanan ng mga reaksyunaryo pagkatapos ng tangkang kudeta ng 1987, at ng makaisang-panig na pagtutuon ng pansin sa itinuring na abanteng karanasan sa mataas na antas ng koordinasyon sa kampanyang anti-LIC, nabuo ang kongklusyong umiiral ang sitwasyon para sa mga lokal na SCO na pwedeng gawin sa saklaw ng distrito, larangan, probinsya o rehiyon.

Inayunan ng sentral na pamunuan ang mga maling pagsusuri at pananaw na ito. Sa pulong ng KPKS noong maagang bahagi ng 1988 napansin ang bawas sa baseng masa, pero itinuring na hindi pa iyon lampas sa normal; tiningnan ding sapat ang latag ng mga larangang gerilya at baseng masa para sa patuloy na pagpapaigting ng digma. Nilinaw na nasa antas ng pakikidigmang gerilya ang digma pero idiniing mapagpasya ang higit na pag-unlad sa kalidad para masustini ang kabuuang pagsulong. Idineklarang nakatanaw na sa estratehikong pagkakapatas ang digmang bayan.

Itinuloy ang implementasyon ng programang SCO at lalong itinulak ang higit pang bertikalisasyon ng hukbo, ang mga koordinadong kampanyang militar, ang pagsisimula ng maksimum na programa ng reporma sa lupa sa mga pinakasulong na baseng gerilya, at ang mga pag-aalsang magsasaka. Ang pangkalahatang diin ay inilagay sa pagpapaunlad ng kakayahang pandurog ng hukbong bayan, habang inisip na ihahabol ang pagpapalakas ng mga lokal na yunit gerilya.

Pinagtibay ang pagbubuo ng Pangkalahatang Kumand ng hukbo, mga kumand sa iba't ibang antas, at ang mga istap ng mga ito. Ang Pangakalahatang Kumand, bukod sa pagtayong kumand ng mga yunit ng pambansang istap militar, ay itinakdang aakto bilang kumand sa mga kampanyang atas ng sentral na pamunuan ng Partido, sa mga sitwasyong gipit (gaya ng kudeta), at kapag itinatalaga sa isang lugar para tuwirang humawak ng mga yunit at gawaing militar.

Iniulat sa KPKS ang naging takbo ng KAHOS. Mahigpit na pinuna ang mga kalabisan at inulit ang patakaran sa absolutong pagbabawal sa tortyur. Pero tinanggap nang walang pag-uusisa sa mga datos at batayan ang noo'y umiiral na pagtaya ng Komisyon sa Mindanaw na may natukoy at nalipol na malaking bilang ng DPA hanggang sa antas ng mga pamunuan ng rehiyon. Inalertuhan ang ibang lugar laban sa mga DPA.

ALINSUNOD SA PROGRAMA ng ika-9 na Plenum ng Komite Sentral, ipinatupad ang diplomatikong opensiba para kumuha ng malaking suportang pinansyal, militar at pulitikal sa ibayong-dagat. Ang opensibang ito ay batay sa pananaw na krusyal ang suporta mula sa labas para sagkaan ang banta ng agresyon ng US at kumuha ng mga kagamitang militar na kailangan sa higit pang pagtataas sa antas ng digma.

Sinubukang magbuo ng mapagkapatid na relasyon sa CPSU at mga partido sa Silangang Europa. Itinabi ang dating paninindigan at pagtuligsa sa rebisyonistang katangian ng gobyerno at partidong Sobyet, at pinag-isipan ang tuluyang pagtalikod doon gaya ng mga panukalang ituring na sosyalista ang Unyong Sobyet at Marxista-Leninista ang CPSU. Pero noong mga taong iyon, todo na ang pagpapatupad ng pamunuang Gorbachov sa kanilang linya ng "bagong kaisipan" at kampanya ng pagdistrungka sa mga naghaharing gobyerno at partido sa Silangang Europa at Unyong Sobyet.

SA LOOB NG PARTIDO, lumala ang mga palatandaan ng ultrademokrasya at liberalismo. Pagkatapos ng pagkakamali sa boykot, lumakas ang tendensyang kwestyunin, kantyawan o di kaya'y tahasang bale-walain ang sentral na pamunuan at mga desisyon nito.

Sa hanay ng mga kadre at mga komisyong pambansa at teritoryal, lumakas ang tendensyang magkanya-kanya sa pagpusisyon sa mga isyung pambansa at mga usaping estratehiko at taktikal. Naging ugali ng ilang kadre at yunit ang magpalaganap ng sariling mga pananaw at papel nang hindi dumadaan sa mga proseso at sistemang komite ng Partido.

Lumitaw ang panukalang gawing porum sa mga dibate ang AB at ang mga kaisipang hawig sa "kalayaang pumuna" (kalayaang hindi sumunod at lantad na tumutol sa mga pagsusuri, paninindigan at desisyon ng Partido).

May mga klasipikadong dokumento at impormasyong kumalat at nakaabot sa mga hindi nararapat, maging sa mga dyaryo at sa kamay ng kaaway. Kumalat ang mga tsismis tungkol sa pamunuan na walang ibang maaaring pagmulan kundi mga kagawad mismo ng pamunuan.

Ang mga ito ay hindi maagap na napuna at nabago hanggang sa wari'y naging bahagi ng normal na kalakaran.

Nagpatuloy at mas lumala pa ang pagbabase sa kalunsuran ng mga namumunong komite, mga organong istap at mga kadreng tinutugis ng kaaway. Kumapal lalo ang mga ligal na upisina at institusyong minamantina para sa iba't ibang gawain at pangangailangan. Mas dumami pa ang mga kadreng nahila mula kanayunan patungong lunsod. Ang sentral na pamunuan ay niligalig ng mga problema sa seguridad at internal na sigalot.

Noong 1986, bunga ng malaking pagbabago sa sitwasyon, mahalaga sana ang komprehensibong paglalagom sa mga gawain ng Partido at ang malalim na pagrepaso sa mga nilalaman at batayan ng umiiral na programa ng pagkilos. Kinakailangan noon ang isang panibagong plenum ng KS, sa pinakamenos.

Binalangkas at ipinalaganap ang ispesyal na kurso sa pampulitikang pamumuno na umiinog sa mga sulatin ni Lenin at mga usapin sa boykot at sa insureksyon upang iwasto ang mga maling interpretasyon at paglalapat ng mga iyon sa pagsusuri sa pag-aalsang EDSA at sa sitwasyon pagkatapos. Ang orihinal na plano sa kurso ay sasaklaw pati sa ilang sulatin at mga karanasan ng rebolusyon sa Tsina at Byetnam, pero hindi na natapos ang mga bahaging ito.

Ang ispesyal na kurso ay nakatulong sa pagbubuklod ng mga kadre sa wastong interpretasyon at paglalapat ng mga ideya ni Lenin sa mga usaping teoretikal at pulitikal na tumampok pagkatapos ng EDSA. Pero ang pag-aaral doon ay lubhang nabanat at lumampas sa orihinal na intensyon: mas pamilyarisasyon sa mga sulatin ang naging aktwal na kabuluhan sa mas maraming nag-aral; at patuloy iyong ibinigay kahit lumipas na ang init ng mga partikular na usaping pinagtutuunan ng kurso. Sa ilang rehiyon sinikap ikumbina ang kurso sa mga aralin sa digmang bayan mula Tsina at Byetnam, bagamat sa balangkas ng mga konsepto at programa sa SCO.

Sa mga pag-aaral na idinaos, lalong napatunayan ang malaking kasalatan sa edukasyong teoretiko para sa mga kadre, gayundin ang laganap na mga tanong at pagkakaiba-iba ng pag-intindi sa maraming usapin sa linya, estratehiya, at mga nakaraang karanasan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.