Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

II. PROGRAMA SA DEMOKRATIKONG REBOLUSYON NG BAYAN

Determinadong ipatupad ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pangkalahatang programa nito sa demokratikong rebolusyong bayan. Lahat ng komunistang Pilipino ay handang mag-alay ng buhay alang-alang sa dakilang simulaing matamo ang bagong tipo ng demokrasya at itayo ang bagong Pilipinas na tunay at lubos na nagsasarili, demokratiko, nagkakaisa, makatarungan at masagana. Malinaw na nababatid nating lahat na ang kasalukuyang estadong burges at ang mga reaksyonaryong uring pinaglilingkuran nito ay hindi kailanman magsusuko ng kanilang kapangyarihan sa pulitika at ekonomia nang walang labanan.

Batid na batid ng Partido na sa muling pagtatayo nito bilang pangunahing kasangkapan ng uring manggagawa at sa pagbubuo ng nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang makabayan at progresibo, dapat itayo ang malakas na hukbong bayang makapagbubuklod sa manggagawa at magsasaka at makadudurog sa lokal na estadong reaksyonaryo at sa pwersang interbensyonista ng imperyalismong Amerikano.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang ubod ng rebolusyonaryong kilusang masa laban sa pang-aaping dayuhan at pyudal at para sa pagtatatag ng demokratikong estadong bayan. Sa pagpapairal ng pamumuno nito, inilalahad ng Partido ang sampung linyang pamatnubay sa pangkalahatang programa nito.

1. Durugin ang Pwersa ng pang-aaping Imperyalistang Amerikano at Pyudal sa Pilipinas

Hindi kailanman makakamit ang pambansang soberania at demokrasya kung hindi dudurugin ang puwersa ng imperyalismong Amerikano at pyudalismo na ang saligang interes ay nakasalalay sa patuloy na pang-aalipin at pagsasamantalang pambansa at makauri sa bayang Pilipino. Ang nangingibabaw na interes ng bayang Pilipino ngayon ay ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasyang bayan.
Dapat nilang tahakin ang landas ng sandatahang rebolusyon upang gapiin ang sandatahang kontra-rebolusyonaryo; at pukawin at pakilusin ang lahat ng makabayan at progresibong uri, partido, pangkat at indibidwal upang maihiwalay at pagkatapos ay madurog ang kapangyarihan at impluwensya ng mga imperyalistang Amerikano, burgesiang komprador, buktot na uring maylupa, burukratang kapitalista at lahat ng kanilang pampulitika at sandatahang ahente.
Maaaring ihiwalay, durugin at palitan ang kapangyarihan at impluwensyang pampulitika ng mga mapagsamantalang ito sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka at sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente.
Bilang rebolusyonaryong partidong proletaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi dapat magpatali sa pakikibakang legalista at parlamentaryo. Dapat pagtuunan ng pansin ng Partido ang pagbubuo ng demokratikong kapangyarihan ng bayan sa kanayunan bago agawin ang mga lunsod at, kasabay nito, ang pagsira sa monopolisasyon ng kapangyarihang pampulitika ng mga burges na partidong pampulitikang tulad ng Partido Nacionalista, Partido Liberal at iba pa, na sa katunaya'y nagpapanatili sa iisang partido ng makauring interes.

2. Itatag ang Demokratikong Estadong Bayan

Ang pinakahuling layunin ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay ang pagtatatag ng demokratikong estadong bayan at ng pamahalaang koalisyon o nagkakaisang prente. Ang demokratikong estadong bayan ay pinamumunuan ng uring manggagawa at nilalahukan ng lahat ng uring demokratiko, ibig sabihi'y manggagawa, magsasaka, petiburgesia at pambansang burgesia. Ang pamahalaan nito ay pamahalaang koalisyon o nagkakaisang prente ng lahat ng uring demokratiko. Sa takbo ng matagalang digmang bayan, maaaring likhain ang pambansang prente sa pagpapalaya na magbubuklod sa lahat ng pwersa at elementong mabubuklod upang ihiwalay at durugin ang kaaway at maghanda para sa demokratikong pamahalaang koalisyon. Samantalang hindi pa maitatatag ang pambansang pamahalaang koalisyon, ang masang manggagawa at magsasaka sa rebolusyonaryong pamumunong proletaryo ay makapagtatatag ng sandatahang nagsasariling rehimen sa kanayunan na pagsasanayan nila sa pamamahala sa sarili, pagtatanggol at pagsusulong ng kanilang kasarinlan at demokratikong tagumpay at pamamahala nang mahusay sa kanilang relasyon sa lahat ng kaibigan at simpatisador. Ang sandatahang nagsasariling rehimen ang nukleo ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

3. Ipaglaban ang Kaisahang Pambansa at ang mga Karapatang Demokratiko

Likhain ang pinakamatibay na kaisahang pambansa na pangunahing nakabatay sa makauring interes ng manggagawa at magsasaka. Sa batayang pangmasang ito, lahat ng uri, pangkat at indibidwal na makabayan at progresibo ay magtatamasa ng mga karapatang pampulitika at pang-ekonomia na ipinagkait sa kanila ng imperyalismong Amerikano at pyudalismo. Igagalang, pasisiglahin at tutulungan ang indibidwal na pagkukusa at pagsisikap ng mga mangingisda, tagayaring-kamay, intelektwal, petiburgesiang lunsod at pambansang burgesia. Lubos na pagsisikapan ng mga sektor ng estado, kooperatiba at pribado na pagkalooban ng sapat na kabuhayan ang bawat mamamayan. Lahat ng demokratikong uri't pangkat at mga kasapi nito ay magtatamasa ng lahat ng karapatang demokratikong tulad ng kalayaan sa tirahan, sa sarili, kaisipan, paniniwala, pananampalataya, pananalita at pagtitipon sa demokratikong talaan ng karapatan. Pangangangalagaan ang interes at karapatan ng mga Pilipinong nasa ibayong dagat; pahihintulutan silang magkaroon ng pinakamalayang pakikipag-ugnay sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas o kaya'y bumalik mula sa Estados Unidos o saan pa man.

4. Sundin ang Prinsipyo ng Demokratikong Sentralismo

Ang pambansang pamahalaan ay may sentral na awtoridad sa iba't ibang antas ng lokal na pamahalaan. Gayunman, ibabatay ng pamahalaan ang mga desisyon nito sa mga pangangailangan at adhikain ng malawak na masa ng sambayanan at ng mga nakabababang antas ng pamahalaan. Ito ang sentralisadong pamumuno batay sa demokrasya na pinapatnubayan ng sentralisadong pamumuno. Sa bawat antas ng pamahalaan (baryo, munisipalidad, lunsod o distrito, lalawigan, rehiyon) ay magkakaroon ng mga halal na organong pangkinatawan na nagpapasiya sa paraang demokratiko para sa bawat kinauukulang saklaw. Ang nakabababang organong pangkinatawan ay napapailalim sa nakatataas na organong pangkinatawan. Ang anumang bahagi ng pamahalaan ay napapailalim sa rebolusyonaryong kongresong bayan na kumakatawan sa soberanong sambayanang Pilipino sa pambansang saklaw. Sa lahat ng halalan o botohan hinggil sa anumang usapin, susundin ang kapasiyahan ng nakararami.

5. Ang Hukbong Bayan sa Pagpapalaya

Hindi magkakaroon ng demokratikong estadong bayan kung walang hukbong bayan na ang prinsipal at esensyal na tungkulin ay pangalagaan at ipagtanggol ito. Ang hukbong bayan, na pangunahing bubuuin ng mandirigmang nagmumula sa uring magsasaka, ay dapat pamunuan ng uring manggagawa at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang pinakamahigpit na tungkulin ng hukbong bayan ngayon ay gapiin at wasakin ang reaksyonaryong Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na likha at tangkilik ng imperyalismong Amerikano at ang lahat ng iba pang sandatahang pwersa sa kamay ng mga uring mapagsamantala at ng estadong reaksyonaryo sa lahat ng antas. Ang demokratikong pamahalaang bayan ay maitatatag lamang ng matagumpay na pagsulong ng hukbong bayan. Ang hukbong bayan ay pwersang panlaban, pwersang pampropaganda at pwersang pamproduksyon na mahigpit na nakaugnay sa masa ng sambayanan. Patuloy itong nagpapalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon sa pamamagitan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang sandatahang lakas ng hukbong bayan ay kinabibilangan ng mga regular na tropang makilos, mga yunit-gerilya, mga milisya at kwerpong pananggol sa sarili at sandatahang partisanong lunsod. Dapat laging tiyakin ng Partido na sapat ang pantustos ng mga mandirigma at mahusay na naaasikaso ang pamilya nila.

6. Ang Problema sa Lupa

Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa. Dapat tugunan ng demokratikong rebolusyong bayan ang saligang kahilingan para sa lupa ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid. Rebolusyong agraryo ang kinakailangan sa masiglang paglulunsad ng sandatahang pakikibaka at sa paglikha at pagpapatatag ng rebolusyonaryong baseng bukid. Ang lupa ay ipamamahagi nang libre sa walang lupa. Papawiin ang usura at lahat ng iba pang kasamaang pyudal. Ang mga plantasyon at asyenda na mahusay nang pinatatakbo sa pamamagitan ng mekanisasyon ay gagawing mga sakahang estado kung saan itatatag ng mga manggagawang bukid ang kapangyarihang proletaryo at pagkakalooban nila ang sarili ng mas mahusay na kalagayan sa paggawa at pamumuhay. Sa buong kanayunan, lilikhain ang mga pangkat ng pagtutulungan at sistema ng palitang paggawa bilang panimulang hakbang tungo sa mas mataas na anyo ng kooperasyong agrikultural. Sa pamamagitan ng kooperasyong agrikultural, patataasin at mahusay na paplanuhin ang produksyon, titiyakin ang pagbibili ng mga produkto sa pinakamahusay na presyo at titiyakin din ang mga serbisyong pangkagalingan. Ang mas mataas na kakayahang mamili ng uring magsasaka ay walang humpay na magpapalawak ng produksyong industrial. Agrikultura ang magiging batayan ng pambansang ekonomia sapagkat natutugunan nito ang mga pangangailangan sa pagkain at hilaw na materyal ng lumalawak na industriyalisasyon at sapagkat ang uring magsasaka ang pangunahing kumukunsumo ng mga produkto ng industrialisasyon.

7. Ang Problema sa Industria

Ang dayuhang monopolyong kapitalismo at ang pyudalismo na pumipigil sa pag-unlad ng pambansang industria ay matatag na sinasalungat ng demokratikong rebolusyong bayan. Lubos na pagsisikapan ng demokratikong pamahalaang bayan ang pagpapaunlad ng pambansang industria bilang nangungunang salik ng ekonomia. Tatlo ang magiging sektor ng pambansang ekonomia: ang sektor ng estado, ang sektor ng kooperatiba at ang sektor na pribado. Pamamahalaan ng sektor ng estado ang lahat ng pangunahing kukunan ng hilaw na materyal at enerhia, lahat ng mabigat at saligang industria at lahat ng empresang isinabansa. Ang pribadong sektor na pinamamahalaan ng mga makabayang empresario at negosyante ay pagkakalooban ng tulong at suporta ng demokratikong pamahalaang bayan. Lahat ng magsasaka, mangingisda at tagayaring-kamay ay hihikayating magtatag ng kanilang mga kooperatiba upang mapataas ang produktibidad at makatiyak ng handang pamilihan. Habang itinatayo ang mga sektor ng estado at kooperatiba ng ekonomia bilang mga salik ng lideratong proletaryo at ng sosyalismo, pasisiglahin at tutulungan ng demokratikong pamahalaang bayan ang lahat ng pribadong inisyatiba sa industria basta't hindi minomonopolisa o pinipinsala ng mga iyon ang kabuhayan ng bayan. Isasagawa ng demokratikong pamahalaang bayan ang regulasyon ng kapital upang ipagsanggalang ang kabuhayan ng bayan at tiyakin ang demokrasyang bayan.

8. Ang Problema sa Kultura, Edukasyon
at mga Intelektuwal

Kailangan ang demokratikong rebolusyong pangkultura upang iligtas ang bansa sa mapanikil na pananaig ng kultura at edukasyong imperyalista at pyudal. Dapat isulong nito ang kulturang pambansa, siyentipiko at pangmasa na tunay na naglilingkod sa interes ng sambayanan. Maniniyak ito na ang sistema ng edukasyon at ang pamahayagan ay matatag na hawak ng mga demokratikong pwersa ng bayan. Libre ang edukasyon sa lahat ng antas nang walang pagtatangi sa uri, relihiyon, paniniwala, kasarian o kulay. Ito ay magtataguyod sa wikang pambansa bilang prinsipal na wika ng komunikasyon sa lipunang Pilipino. Ito ay lubusang magbibigay-sigla at magtataguyod sa eksperimentong siyentipiko at kaunlarang teknolohiko. Maniniyak ito na ang wikang pambansa, sining at panitikan ay mabibigyan ng rebolusyonaryong nilalaman at magsasalaysay tungkol sa rebolusyonaryong pakikibaka ng manggagawa, magsasaka, kawal at iba pang kalahok sa rebolusyon. Ang mga lumang anyo gayundin ang mga dayuhang anyo ng sining at panitikan ay maaaring gamitin basta't adhikain ng sambayanan. Ginagampanan ng uring manggagawa ang pamumuno sa larangan ng kultura at edukasyon alinsunod sa rebolusyonaryong tungkulin nitong mamuno. Subalit tinatanggap nito ang tauspusong suporta ng mga intelektwal sa rebolusyon. Lahat ng demokratikong intelektwal ay binibigyan ng lahat ng pagkakataong maglingkod sa sambayanan at magbago ng kanilang pag-iisip. Samantalang igagalang ang kalayaan sa pag-iisip at relihiyon, gagawin ang karampatang pag-iingat upang ang kalayaang ito ay hindi sistematikong magamit upang labanan ang demokratikong rebolusyong bayan o pinsalain ang interes ng sambayanan. Sa takbo ng matagalang digmang bayan, ang mga nayong paurong ay babaguhin ng Partido upang maging mga muog na pangkultura ng rebolusyong Pilipino. Papawiin ang kamangmangan at pamahiin sa hanay ng masa at pangingibabawin ang diwang siyentipiko ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.

9. Ang Problema ng mga Pambansang Minorya

Ang mga pambansang minorya sa Pilipinas ay malaon nang inaabuso at lubhang pinababayaan. Ang mga pambansang minorya ay malaon nang itinuturing ng imperyalismong Amerikano, lokal na pamahalaang reaksyonaryo at mga simbahang Kristyano na tampulan lamang nga "kawanggawang" burges at indoktrinasyong Kristyano. Ang apat na milyong mamamayang nabibilang sa mga pambansang minorya, laluna ang sa Mindanaw at mga lalawigang bulubundukin, ay maaaring maging makapangyarihang kalahok sa rebolusyonaryong pagbabagsak sa imperyalismong Amerikano at pyudalismo. Ipinangangalandakan ng pamahalaang reaksyonaryo, mga eskolar na reaksyonaryo at mga sobinistang Kristyano ang pambansang intergrasyon gayong ang totoo ay panig sila sa mga uring mapagsamantala na siyang pangunahing pinagmumulan ng pang-aabuso at pang-aapi. Ang pangunahing suliranin ng mga pambansang minorya ay lupa; pang-aabuso ng panginoong maylupa, magtotroso at mangangamkam ng lupa; at pagsasamantala sa minahan at plantasyon. Palitawin ng bagong tipo ng liderato, ang rebolusyonaryong liderato, sa hanay ng pambansang minorya upang mahalinhan ang tradisyonal na lideratong hindi nangangalaga manapa'y tumutulong at kalahok sa pagsasamantala sa kanila. Tungkol sa mga Pilipinong naturalisado at dayuhang nasyonal, dapat mahigpit na magkaroon ng makauring paninindigan upang maiwasan ang rasismo at sobinismong "Malayo". Ang mga maninirahan o mamamayang lahing-Tsino ay kadalasang puntirya ng atakeng rasista at sobinista na inilulunsad ng mga imperyalistang Amerikano, makabagong rebisyonista, at iba pang lokal na reaksyonaryo ayon sa kanilang patakarang laban sa Tsina, komunismo at mamamayan. Dapat puspusang ibunyag at tuligsain ang malaking burgesiang komprador na Kuomintang dahil sa makauring posisyon nito at sa katotohanan na kasabwat ito ng imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at lahat ng reaksyon.

10. Ang Problema sa Patakarang Panlabas

Ang patakarang panlabas ng pamahalaang burges ng Pilipinas ay idinidikta ng imperyalismong Amerikano at mga lokal na uring reaksyonaryo. Ang relasyong diplomatiko at kalakalang panlabas ng Pilipinas ay idinidikta ng Estados Unidos, kasama ang mga reaksyonaryong alyado nitong tulad ng muling nagbabangong militaristang Hapon. Sinisimulan na ang relasyon sa mga estadong rebisyonista dahil lamang sa pagpayag ng Estados Unidos na kumikilalang pangunahing kasabwat nito ang makabagong rebisyonismo sa pagpapanatili sa neokolonyalismo sa buong daigdig, kabilang ang Pilipinas. Ang mga imperyalista at mga makabagong rebisyonista ay nagtutulungan sa lahat ng larangan upang panatilihin ang mga estadong papet na tulad ng reaksyonaryong estadong papet sa Pilipinas. Ang tanging tunay na batayan ng nagsasarili at aktibong patakarang panlabas ay ang pagbabagsak sa kapangyarihan ng imperyalismong Amerikano at katutubong alipuris nito sa Pilipinas at ang pagpapawalang-bisa sa lahat ng tratado, kasunduang ehekutibo at batas na tumutukoy sa "relasyong espesyal" sa pamahalaang Amerikano at mga alyadong imperyalista nito. Tunay na palalawakin ng demokratikong pamahalaang bayan ang patakarang panlabas nito sa pagkakaroon ng relasyong diplomatiko at pangkalakalan sa makapangyarihang kalapit-bayan at kaibigan nito, ang Republikang Bayan ng Tsina, at lahat ng iba pang bayang nais makipag-ugnayan alinsunod sa diwa ng paggagalangan sa pambansang soberania at batay sa pagkakapantay at kapakinabangan ng isa't isa. Bibigyan ng demokratikong pamahalaang bayan ng suportang moral at materyal ang mga kilusang rebolusyonaryo ng ibang mga mamamayang api at pananatilihin nito ang pinakamahigpit na pakikipag-alyansa sa mga rebolusyonaryong mamamayan at sa mga tunay na sosyalistang estado tulad ng Republikang Bayan ng Tsina at Republikang Bayan ng Albanya. Ito ay bibigyan-diin ng prinsipyo ng proletaryo internasyonalismo at papatnubayan ng patakaran ng pandaigdigang nagkakaisang prente. Ang Republikang Bayan ng Tsina ay itinuturing nitong muog na bakal ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo at mapagkakatiwalaang kaibigan ng lahat ng mamamayang api, kabilang ang bayang Pilipino.

I II III IV
Back to top



Program for a People's Democratic Revolution (1968)

CONTENTS:

I. THE BASIC CONDITION OF THE PHILIPPINES TODAY

II. PROGRAM FOR A PEOPLE'S DEMOCRATIC REVOLUTION

III. OUR SPECIFIC PROGRAM

IV. CONDITIONS FOR REVOLUTION ARE EXCELLENT

Download Pilipino | English


Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.