Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

III. ANG ATING PARTIKULAR
NA PROGRAMA

Hindi pundamental na magbabago ang ating pangkalahatang programa sa buong yugto ng demokratikong rebolusyong bayan. Subalit sa bawat bahagi ng pangkalahatang yugtong ito ay magbabago ang ating mga partikular at kagyat na kahilingan.

Binabanggit sa ibaba ang ating mga partikular at kagyat na kahilingan:

Sa Larangan ng Pulitika

1. Salakayin, ihiwalay at durugin ang reaksyonaryong estadong burges, ang mga imperyalistang Amerikano, ang mga panginoong maylupa at lahat ng katutubong maniniil sa ating bayan hanggang sa kanilang katapusan;

2. Itatag ang sandatahang nagsasariling rehimen at paunlarin ang kakayahan ng samabayanan sa pagpapatakbo ng pamahalaan habang isinasagawa ang sandatahang pakikibaka;

3. Alisin sa ating hanay ang mga makabagong rebisyonista at lahat ng ibang oportunistang sumasabotahe sa ating rebolusyonaryong pagpupunyagi at ibunyag ang kabulukan ng legalismo at parlamentarismong burges;

4. Ikampanya ang demokratikong saligang batas ng bayan at hilingin ang pagpapawalang-bisa sa burges na saligang batas at lahat ng kontra-rebolusyonaryong batas, kasunduang ehekutibo at tratado;

5. Ibunyag ang pagsikil sa mga karapatang pampulitika ng mga manggagawa, magsasaka, intelektwal at makabayang mamamayan na nakikibaka sa pang-aaping dayuhan at pyudal, at pahintulutang malayang kumilos o kaya'y suportahan ang bawat partidong demokratiko o organisasyong pangmasa;

6. Bakahin ang pagbangon ng pasismo at ang pamamaslang at iba't ibang anyo ng pamimilit laban sa mga mamamayan at sa kanilang mga lider at organisasyong rebolusyonaryo at demokratiko;

7. Parusahan ang mga buktot na maylupa at tiwaling opisyal ng pamahalaan at iharap sila sa paglilitis ng hukumang bayan kailanma't maaari;

8. Palitan o reorganisahin ang mga konseho ng baryo at itaguyod ang pamumuno ng mga magsasakang maralita at mga manggagawang bukid sa pamamagitan ng mga komiteng rebolusyonaryo ng baryo;

9. Tulungan ang lahat ng organisasyon at grupong tumutulong sa pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente at ihiwalay ang mga pusakal na kaaway ng demokratikong rebolusyon ng bayan; at

10. Tiyakin sa mabababang opisyal at empleado ng pamahalaang burges na maaari silang ipuwestong muli sa demokratikong pamahalaang bayan bastat hindi sila tuwirang lumalahok sa mga krimeng publiko at bastat lihim silang nakikipagtulungan sa kilusang rebolusyonaryo.

Sa Larangan ng Ekonomia

1. Pawalang-bisa ang Susog Parity, ang Kasunduang Laurel-Langley, ang Kasunduan sa Kooperasyon sa Ekonomiya at Teknika, ang Kasunduan ukol sa Karapatan sa Pagpasok ng mga Mangangalakal at Mamumuhunang Insentiba sa Pamumuhunan at lahat ng instrumentong legal na ikinatatali ng pambansang ekonomia sa imperyalismong Amerikano at lahat ng alipuris nito, at tanggihan ang lahat ng luma at bagong kasunduan sa pautang na ginawa ng reaksyonaryong pamahalaang burges, kabilang ang mga kasunduan sa "tulong";

2. Hikayatin ang mga mamamayan at ang pambansang burgesia sa pagtatayo ng ekonomiang umaasa-sa-sarili at kasabay nito'y samsamin ang lahat ng kalakal na dayuhan na gumigipit o pumapawi sa lokal na produksyon ng mga makabayang Pilipino samantalang hinihimok ang malawak na masa ng sambayanan na iboykot ang mga imperyalistang negosyo at kalakal na pangkonsumo;

3. Ipagbawal at kumpiskahin ang burukratang kapital at lahat ng ari-ariang kuha sa tiwali at kriminal na paraan;

4. Suportahan ang pagpapabuti sa kabuhayan ng mga manggagawa, magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda at tagayaring-kamay sa pamamagitan ng kontrol sa presyo sa mga baseng bukid at pagbibigay ng trabaho sa walang trabaho o walang sapat na trabaho; at organisahin ang mga magsasaka, mangingisda at tagayaring-kamay sa mga panimulang yunit ng kooperatiba (pangkat ng pagtutulungan at sistema ng palitang paggawa) at itaguyod ang bawat kilusan sa pagpapalayang pang-ekonomia ng sambayanan;

5. Ipatupad ang pagbabawas ng upa sa lupa at tantos ng interes sa mga sonang gerilya at alisin ang upa sa lupa sa mga pinalayang purok, alisin ang labis na pagpapabuwis at ang iba't ibang pataw at pairalin ang pinag-isang progresibong buwis na nangingilak ng makatarungang buwis sa agrikultura at makatarungang buwis sa negosyo mula sa peti-burgesia at pambansang burgesia;

6. Tulungang maglunsad ng matatagumpay na welga ang mga manggagawa sa pabrika, minahan, plantasyon, linya ng transportasyon at mga opisina;

7. Ilantad ang mapanlinlang at reaksyonaryong katangian ng Magna Karta ng Paggawa, Batas ng Reporma sa Lupang Agrikultura at iba pang burges na hakbanging kunwa'y tumutulong sa pakikibakang pang-ekonomia at panlipunan ng masang pinagsasamantalahan;

8. Pangalagaan at pasiglahin ang komersyo at industriang aring Pilipino sa pamamagitan ng garantia sa pamilihan, proteksyon, pautang at kaluwagan sa buwis;

9. Suportahan ang mga pambansang minorya sa kanilang pakikibaka laban sa mga panginoong maylupa, mangangamkam ng lupa, kompanya sa pagmimina, konsesyonero sa pagtotroso at plantasyon; at

10. Pangalagaan ang kalusugan ng masa at palawakin ang serbisyo mediko.

Sa Larangang Militar

1. Mag-organisa at magsanay ng mga yunit ng hukbong bayan, sandatahang yunit-propaganda, yunit ng gerilya, regular na tropang makilos, milisya at sandatahang partisanong lunsod;

2. Magkampanya laban sa mga base militar na Amerikano at mga "tulong" na militar ng Estados Unidos at lahat ng tratado (Tratadong E.U.-R.P. sa Base Militar, Kasunduan sa Tulong na Militar, Tratado sa Pagtatanggulan, SEATO, atbp.) na ikinatatali ng reaksyonaryong pamahalaan at hukbong sandatahan sa mga imperyalistang Amerikano, at laban din sa anti-demokratikong pakay ng "aksyong sibiko", ng "Peace Corps" at iba pang proyektong kontra-insureksyon ng mga imperyalistang Amerikano;

3. Durugin ang mga yunit-militar ng reaksyonaryong pamahalaan at ng imperyalistang Amerikano at agawin ang mapapakinabangang kagamitang militar;

4. Parusahan ang mga espia at lahat ng subersibong ahente (laluna ang mga kasapi ng C.I.A. at D.I.A.) ng imperyalismong Amerikano at mga reaksyonaryong kasapakat nila;

5. Magkampanya laban sa sapilitang pangangalap ng reaksyonaryong pamahalaan sa kabataan, manggagawa at magsasaka para sa pagsasanay at serbisyo sa kampong militar at laban din sa P.M.T., R.O.T.C. at Philippine Military Academy dahil sa kanilang reaksyonaryong oryentasyon;

6. Sugpuin ang pagnanakaw ng kalabaw, baka at iba pang hayop, pamimirata, panunulisan at iba pang gawaing bumibiktima sa mahihirap;

7. Durugin ang mga pangkat na tagapaghasik ng lagim tulad ng Kwerpo sa Panloob na Pagtatanggol (Home Defense Corps) at "Monkees", at disarmahan at lansagin ang mga badigard ng mga burukratang kapitalista, mga gwardyang sibilyan ng mga asendero at mga tagapagwasak ng welga;

8. Organisahin ang mga aping pambansang minorya upang lumaban sa pang-aaping imperyalista at pyudal;

9. Maglunsad ng digmang paglipol ngunit magpaluwag sa mga bihag upang masiraan ng loob ang kaaway; at

10. Makipagtulungan sa lahat ng sandatahang kilusan o grupong lumalaban sa pang-aaping imperyalista at peudal.

Sa Larangan ng Kultura

1. Paunlarin ang kulturang pambansa, siyentipiko at pangmasa na tumutugon sa mga pangangailangan at adhikain ng sambayanang Pilipino;

2. Magkampanya laban sa kontrol o impluwensyang imperyalista,peudal o Simbahan sa sistema ng edukasyon at sa pamahayagan;

3. Palaganapin ang pambansang wika bilang pangunahing wika sa pagtuturo at komunikasyon;

4. Paunlarin ang demokratikong kultura ng bayan at bigyan ng rebolusyonaryong nilalaman ang sining at panitikan habang binabaka ang bulok na sining at panitikan ng "unibersal na umanismo", pesimismo, eskapismo, pagkakasundo sa uri at lahat ng iba pang mapanirang tunguhing burges;

5. Bakahin ang sobinismong Kristyano laban sa mga pambansang minorya;

6. Suportahan ang mga progresibong kilusan at aksyon ng mga estudyante, guro at lahat ng intelektwal;

7. Tiyakin ang mas mahusay na kabuhayan ng mga guro at iba pang kagawad ng institusyon sa edukasyon at tiyakin ang kalayaang akademiko;

8. Igalang ang kalayaan sa pag-iisip at paniniwala sa relihiyon at gamitin ang matiyagang paghimok sa pangangalap ng suporta para sa demokratikong rebolusyon ng bayan;

9. Tuligsain ang mga "biyayang" imperyalista tungkol sa pag-aaral at paglalakbay; at

10. Ipaglaban ang libreng edukasyon sa lahat ng antas at pawiin ang kamangmangan at pamahiin ng masa at imulat sila sa diwang rebolusyonaryo at siyentipiko.

Sa Larangan ng Patakarang Panlabas

1. Ibatay ang patakarang panlabas ng Pilipinas sa soberania at pag-asa sa sarili ng sambayanang Pilipino at tulungan ang lahat ng mapagkaibigang rebolusyonaryong pamahalaang bayan at kilusang bayan batay sa paggagalangan at pakinabang ng isa't isa;

2. Labanan ang lahat ng di-makatarungang tratado at kasunduang ipinapataw ng imperyalismong Amerikano;

3. Paunlarin ang pinakamahigpit na ugnayan sa Republikang Bayan ng Tsina, Republikang Bayan ng Albanya at lahat ng rebolusyonaryong pamahalaan at mamamayan;

4. Suportahan ang mga rebolusyonaryong pakikibaka ng lahat ng aping mamamayan sa Asya, Aprika at Amerika Latina, at ang lahat ng mamamayang api ng mga kalapit-bayan ng Bietnam, Laos, Indonesya, Taylandia, Kalimantan Utara, Malaya, Burma, Korea at iba pa;

5. Ibunyag ang Mga Bansang Nagkakaisa bilang kasangkapan ng imperyalismong Amerikano at mga rebisyonistang taksil na kasabwat nito sa krimeng neokolonyalismo;

6. Labanan ang bawat pataksil na pakana ng lahat ng estado at partidong rebisyonista sa kanilang pakikipagsabwatan sa imperyalismong Amerikano;

7. Labanan ang mga pagtatangka ng imperyalismong Amerikano na kasangkapanin ang Hapon at mga taksil na rebisyonistang pangkating pinamumunuan ng Unyon Sobyet sa pagsasamantala sa Pilipinas;

8. Labanan ang mga kasunduang "rehiyonal" tulad ng Bangko sa Kaunlaran ng Asya, Asosasyon ng mga Bansang Timog-silangang Asyano (ASEAN), Sangguniang Pasipiko ng Asya (ASPAC) at ang mga katulad nito na nagpapalakas sa SEATO at iba pang pangmatagalang kasangkapan ng imperyalismong Amerikano sa rehiyong ito;

9. Magkampanya laban sa mga imperyalistang tagapayo at misyong pagsisiyasat sa reaksyonaryong burges na pamahalaan; at

10. Itaguyod ang diwa ng proletaryong internasyonalismo at ang patakaran ng pandaigdigang nagkakaisang prente.

I II III IV
Back to top



Program for a People's Democratic Revolution (1968)

CONTENTS:

I. THE BASIC CONDITION OF THE PHILIPPINES TODAY

II. PROGRAM FOR A PEOPLE'S DEMOCRATIC REVOLUTION

III. OUR SPECIFIC PROGRAM

IV. CONDITIONS FOR REVOLUTION ARE EXCELLENT

Download Pilipino | English


Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.