Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. NAPAKAINAM NG KALAGAYAN
PARA SA REBOLUSYON

Napakainam ng obhetibong kalagayan sa pagpapatupad ng ating pangkalahatan at partikular na programa. Ang imperyalismong Amerikano,makabagong rebisyonismo at lahat ng pwersang reaksyonaryo ay tumatanggap ng mga mapangwasak na dagok mula sa aping mamamayan ng daigdig at malalansag na. Tunay na ito na ang panahong ang imperyalismo ay tumutuloy sa ganap na pagbagsak at ang sosyalismo ay sumusulong sa pandaigdigang tagumpay.

Ang mga sandatahang pakikibaka sa kanayunan ng daigdig, ang Asya, Aprika at Amerika Latina, ay patuloy na sumisidhi at lumalawak upang wasakin at durugin ang banat na pwersa ng imperyalismong Amerikano at lahat ng reaksyonaryong alyado nito. Sa kanugnog ng Pilipinas, patuloy na nag-aalimpuyo ang digmang bayan sa ilalim ng makapangyarihang inspirasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang magigiting na mamamayan ng Bietnam, Laos, Taylandia, Indonesya, Burma, Malaya at iba pa ay lumalaban sa imperyalismong Amerikano at peudalismo. Mapalad ang sambayanang Pilipino at Partido Komunista ng Pilipinas na mapaloob sa sentro ng sigwa ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

Dahil sa mga pagkatalo nito sa digmaan sa Bietnam, dahil sa magugol ngunit walang-saysay na tulong nito sa mga pamahalaang papet at dahil sa kabiguan nitong palawaking lalo ang kalakalang panlabas, ang imperyalismong Amerikano ay nayayanig ng malubhang krisis sa pinakalupain nito na ngayo'y nagpapaalab sa mga manggagawa at kabataang Amerikano, maging Apro-Amerikano o puti man, na ayaw matangay sa mga imperyalistang digmang pagpapalawak at ayaw maabuso sa ekonomia at pulitika sa sariling bayan. Ang lumulubhang panloob at panlabas na krisis ng imperyalismong Amerikano ay malinaw na nagkakait sa mga reaksyonaryong Pilipino ng malaki-laking kantidad ng proteksyon at suportang imperyalista.

Dahil sa krisis sa labis na produksyon ay lubhang nahihirapan ngayon ang buong pandaigdigang sistemang kapitalista at marubdob na nag-aalab ang sarili nitong uring manggagawa at kabataang buong lupit nitong pinagsasamantalahan. Lahat ng bayang kapitalista ngayon ay naggigilitan ng leeg sa pagkukumpetisyon sapagkat bawat isa ay tangkang makaligtas sa krisis sa ekonomia at pulitika sa kapariwaraan naman ng iba. Bagamat lahat ng bayang kapitalista ay nagkakaisa sa pagmanipula sa mga taksil na estado at partidong rebisyonista at sa pagpapasa ng bigat ng krisis sa pinansya sa kanilang kolonya at malakolonya, lalo lamang nilang pinalalala ang desperadong kalagayan ng kanilang mga papet at pinasisidhi ang adhikain ng mga mamamayang api na lumaya sa pagkakasingkaw nila sa imperyalismo.

Ang makabagong rebisyonismong pinangungunahan ng rebisyonistang pangkating Sobyet ay hindi nagiging mabisang kasapakat ng imperyalismong Amerikano sa kanilang kriminal na kutsabahang neokolonyalista. Ang bloke ng mga taksil na rebisyonistang Sobyet ay mabilis na gumuguho. Ang pananalakay ng Sobyet sa sambayanang Tsekoslobako ay nagpamalas ng taksil na katangian ng makabagong rebisyonismo. Samantalang nagsasabwatan ang imperyalismong Amerikano at sosyal-imperyalismong Sobyet sa kani-kanilang saklaw ng impluwensya, nagtutunggalian din sila upang hatiin ang mga ito.

Habang nalulubog sa krisis ang imperyalismong Amerikano at makabagong rebisyonismo, ang Republikang Bayan ng Tsina ay nagpapatatag bilang bakal na muog ng sosyalismo at ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo sa paglulunsad ng makasaysayang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura at sa pagtataas ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung upang tanglawan ang landas ng sandatahang rebolusyon sa buong daigdig. Gayundin, sa pinakalupain ng makabagong rebisyonismo sa Silangang Europa, ang Republikang Bayan ng Albanya ay matatag na nakatayo bilang sulong na himpilan ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo at nagbibigay-sigla sa mga mamamayang api at mga proletaryong rebolusyonaryo roon upang magsibangon laban sa mga naghaharing taksil na pangkating rebisyonista.

Ang pinakamahalagang pag-unlad sa buong kasaysayan ng sambayanang Pilipino sa ngayon ay ang muling pagkakatatag at ang muling pagkakatayo ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang partido ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ito ay nagaganap sa panahong angmga kalagayang pandaigdig at pambansa ay lubhang napakainam para sa paglulunsad ng rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado.

Ang reaksyonaryong estado ng Pilipinas ay hindi na ngayon makaaasa sa "walang hanggang" suporta ng imperyalismong Amerikano at ng pandaigdigang sistemang kapitalistang batbat ng krisis. Ang bigong tinatangkang gawin ngayon ng Estados Unidos at ng iba pang kapangyarihang kapitalista ay ipasa sa mga kolonya at malakolonyang tulad ng Pilipinas ang bigat ng kanilang krisis sa ekonomia at pinansya. Ito ay lalo lamang magpapalubha sa dayuhan at peudal na pang-aapi sa sambayanang Pilipino at magtutulak lamang sa kanilang lumaban.

Ang reaksyonaryong estado ng Pilipinas ay lalong hindi na makapaghari sa dating pamamaraan. Ang sandatahang paglaban dito ng sambayanang Pilipino sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay tiyak na magbibigay-wakas sa pang-aaping dayuhan at peudal. Tungkuling makabayan at internasyonalista ang pagbaka sa imperyalismong Amerikano at lahat ng reaksyonaryong alyado nito. Ang pagkatalo ng imperyalismong Amerikano at makabagong rebisyonismo at lahat ng katutubong reaksyonaryo sa Pilipinas ay tiyak na magkakaroon ng malawak na pandaigdigang kahalagahan sapagkat ang ating bayan ay malaon nang nagsisilbing muog ng lahat ng kasamaang ito sa bahaging ito ng daigdig. ###

I II III IV
Back to top



Program for a People's Democratic Revolution (1968)

CONTENTS:

I. THE BASIC CONDITION OF THE PHILIPPINES TODAY

II. PROGRAM FOR A PEOPLE'S DEMOCRATIC REVOLUTION

III. OUR SPECIFIC PROGRAM

IV. CONDITIONS FOR REVOLUTION ARE EXCELLENT

Download Pilipino | English


Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.