Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

I. Ang Marxista-Leninistang Paninindigan ng Partido Laban sa Modernong Rebisyunismo

Paglihis sa Antirebisyunistang Linya

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Binalewala ng nasabing kontra mungkahi ang katotohanan na inunahan na ang grupong rebisyunistang Lava ang ating Partido sa pagtatayo ng relasyong "praternal" sa mga naghaharing rebisyunistang partido. Higit pa dito, hindi seryosong pinahalagahan ng kontra mungkahi ang Marxista-Leninistang paninindigan ng Partido laban sa modernong rebisyunismo.

Sa kabila nang kakapusan at di-makaprinsipyong batayan para mag-ayos ng relasyong "praternal" sa mga naghaharing rebisyunistang partido at sa kawalan ng anumang kongreso na bumabawi sa wastong antirebisyunistang linya, ang organong istap na nangangasiwa sa ugnayang pandaigdig ay nagbalangkas at nagpalaganap noong 1984 ng isang dokumentong, "Ang Kasalukuyang Sitwasyon ng Daigdig at ang mga Pangkalahatang Linya at Patakarang Internasyonal ng PKP" na isinalarawan ang CPSU bilang isang Marxista-Leninistang partido, ang Unyong Sobyet bilang pinakamaunlad na sosyalistang bansa at isang proletaryong internasyunalista at hindi sosyal imperyalista, na sumusuporta sa mga kilusan sa pagpapalaya ng ikatlong daigdig at narating na ang pagkakapatas pangmilitar sa Estados Unidos. ang dokumentong ito ay iniharap sa plenum ng Komite Sentral noong 1985 at doon ay pinagpasyahang patuloy pa itong pag-aralan.

Noong 1986, ang Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ay nag-atas ng isang pag-aaral sa Unyong Sobyet at mga bayan sa Silangang Europa. Mababaw ang nagawang pag-aaral. Ginawa ito para suportahan ang di pa matiyak na kongklusyon nito na ang mga nasabing bayan ay mga sosyalista dahil ang kanilang mga ekonomya ay nananatiling dominado ng mga empresang pag-aaring-estado, at ang mga empresang ito ay patuloy na lumalaki at dahil ang estado ay patuloy na nagkakaloob ng mga garantyang panlipunan sa mga mamamayan. Hindi nasuri ng pag-aaral ang katotohanan na ang naghaharing partido na namamahala sa ekonomya ay hindi na tunay na proletaryo at ang mga empresang pag-aaring-estado mula pa sa panahon ni Khruschov ay naging palabigasan na ng mga tiwaling burukrata at mga pribadong negosyante na nagsabwatan sa pamamagitan ng iba't ibang maniobra para ilusot ang mga produkto patungong malayang pamilihan.

Sa panahong ito, ang pagtatangkang lumihis sa anti-rebisyunistang linya ng Partido ay malinaw na nakaugnay sa maling ideya na ang ganap na tagumpay ng rebolusyong Pilipino ay mapapabilis nang "pagreregularisa" ng ilang libong mga mandirigma ng BHB sa pamamagitan ng pag-angkat ng mga mabibigat na sandata at iba pang mga pangangailangang lohistikal mula sa labas ng bansa, sa pamamagitan ng paglampas sa mga yugto ng pag-unlad ng digmang bayan at ng pagtatayo ng hukbong bayan at sa pamamagitan ng pagpukaw ng mga pwersa para sa armadong insureksyon sa lungsod kapag nagkaroon ng biglaang "pagpihit ng kalagayan" para ilunsad ang isang pangkalahatang pag-aalsa.

Nagkaroon ng pagtingin na ang ibayong pag-unlad ng hukbong bayan at ng digmang bayan ay nakabatay sa pag-angkat ng mga mabibigat na sandata at sa pagkuha ng suportang lohistikal mula sa labas at ang kabiguang maangkat ang mga ito ay nangangahulugan ng pagbahura o pag-urong ng mga rebolusyonaryong pwersa dahil walang ibang paraan na magagawa ang BHB para mabigo ang digmaang "blockhouse" ng kaaway at ang kontrol nito sa mga haywey kung hindi sa pamamagitan ng paggamit ng mga modernong mabibigat na sandata (antitanke at mga missile na laser-guided) na kinakailangang angkatin mula sa labas.

Noong ikalawang hati ng 1986, sa kapasyahan ng sentral na pamunuan ng Partido, sinimulan ang pagkilos para iayos ang pagtatayo ng relasyong "praternal" sa CPSU at iba pang mga naghaharing rebisyunistang partido, gayundin sa mga di pa naghaharing partido na malapit sa CPSU. Naglaan ng konsiderableng halaga ng mga rekurso sa nasabing proyekto.

Noong huling bahagi ng 1986, ang mga Brezhnevista sa loob ng CPSU at iba pang mga grupo ay nagpanukala na ang Partido Komunista ng Pilipinas ay makipagsanib sa rebisyunistang grupong Lava upang magkamit ng relasyong praternal sa CPSU. Ngunit ang panukalang ito ay wastong kinontra ng panukalang ang CPSU at iba pang mga naghaharing rebisyunistang partido ay maaaring panatilihin ang kanilang relasyong praternal sa grupong Lava habang ang PKP ay may mapagkaibigang relasyon sa kanila. Nanindigan tayo sa Leninistang linya ng pagtatayo ng isang proletaryong partido.

Hanggang noong 1987 ang kabiguang makapagtayo ng ugnayan sa mga naghaharing rebisyunistang partido ay ipinagkamali ng ilang elemento bilang resulta ng pagtanggi ng Partido na itakwil ang kanyang antirebisyunistang linya. Ang mga elementong ito ay dapat paalalahanan na kung binawi ang antirebisyunistang linya ng Partido at ang mga naghaharing rebisyunistang partido ay patuloy na tatanggihan ang ating alok na "praternal" o mapagkaibigang relasyon sa kanila, ang panukalang oportunismo ay lubhang makakasira sa Partido.

Noong 1987, ang Partido ay naging mulat na ang rehimeng Gorbachov ay inilalatag na ang kalagayan para kapunin ang naghaharing rebisyunistang partido sa Unyong Sobyet at Silangang Europa. Ito ay nang payagan niya ang kanyang mga tagapayo, mga upisyal ng Akademya ng Syensyang Panlipunan at ang upisyal at independyenteng masmidyang Sobyet na magtaguyod ng mga pro-imperyalista, antikomunista at antisosyalistang ideya sa ilalim ng balatkayo ng demokrasyang sosyal at komunismong "liberal". Sa okasyon ng ika-70 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre, si Gorbachov mismo ay nagtalumpati na nagtatakwil sa anti-imperyalistang pakikibaka at isinalarawang binitiwan na ng imperyalismo ang katangiang marahas sa isang integral na daigdig na kung saan ang Unyong Sobyet at ang Estados Unidos at iba pang mga bayan ay maaaring magkasundo sa komon na interes ng pagpapalawig sa buhay ng sangkatauhan.

Ganoondin noong 1987, ang tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido ay nagsagawa ng masaklaw na panayam tungkol sa usapin ng pagtatayo ng relasyon sa mga naghaharing partido ng Unyong Sobyet, Silangang Europa at iba pang lugar. Ito ay ginawa bilang kasagutan sa ilang grupo sa loob ng Partido na may kahilingang itakwil ng Partido ang linya laban sa rebisyunismo at humingi ng tawad sa CPSU sa pagkapuna sa Unyong Sobyet sa usapin ng Cambodia at Afghanistan. Nilinaw ng panayam na ang Partido ay maaaring magtayo ng mapagkaibigang relasyon sa mga nasabing naghaharing partido kahit na pinananatili ang kanilang relasyong "praternal" sa grupong Lava.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.