Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

IV. Ilang mga Aral mula sa Pagguho ng Makabagong Rebisyunismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa

Ang Rebolusyong Pangkultura

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Sa pagpapatuloy ng rebolusyon, pagbaka sa rebisyunismo at iba pang mga kontrarebolusyonaryong pwersa at sa pagpigil sa pagpapanumbalik ng kapitalismo sa sosyalistang lipunan, ang rebolusyong pangkultura ay dapat maisulong nang kasing laganap at nang may interaksyon sa rebolusyong pampulitika at sosyo-ekonomiko.

Kung nais nating iwasan ang mga kamalian na nagdulot ng kabiguan ng dakilang proletaryong rebolusyong pangkultura sa Tsina, dapat nating gagapin na ang rebolusyong pangkultura ay isang mapanghikayat na demokratikong proseso na pinapatnubayan ng Marxista-Leninistang teorya na isinusulong kaalinsabay ng pangkalahatang linya ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Ang prosesong ito ay pangmatagalan at mas maraming ulit na pangmatagalan kaysa sa matagalang digma o sosyalistang konstruksyong pang-ekonomya at hindi dapat biglain upang hindi maging mapanupil. At upang mapigilan bago pa man ang anarkiya, ang mga institusyong tulad ng Partido, ng estado, ng mga organisasyong bayan, ng sistemang pang-edukasyon, ng masmidya at iba pa ay dapat amako ng pananagutan sa pamumuno sa pangkulturang kilusang masa, na mahigpit na ipinatutupad ang makatarungang proseso at iginagalang ang mga karapatan ng mga indibidwal at grupo.

Ang rebolusyong pangkultura ay isang mahalagang proseso upang mapanatiling mataas ang proletaryong rebolusyonaryong kamulatan at ang diwa ng pagiging di-makasarili at paglilingkod sa mamamayan. Sa kalagayang ang mga sumusunod na henerasyon ay malalayo na sa proseso ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika mula sa mga reaksyunaryo at sa kabayanihan ng pagsisikap na maitayo ang isang sosyalistang lipunan, yaong mga nasa burukrasya ng naghaharing partido, ng estado at kahit sa mga organisasyong masa ay maaaring umurong at maging bagong burgesya at magtaguyod ng makabagong rebisyunismo at iba pang mga paurong na ideya at patakaran. Ang mga kabataan at intelihensya ay maaaring lumaking nagdududa sa mga nasa kapangyarihan at magtaguyod ng mga antikomunistang pananaw at sumamba sa mga ideya at mga pauso ng lokal at pandaigdigang burgesya.

Kahit habang tayo'y naglulunsad pa lamang ng bagong-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas, tayo'y naglulunsad ng rebolusyong pangkultura sa hanay ng mamamayan. Itinataguyod natin ang isang rebolusyong pangkultura na may pambansa, demokratiko at syentipikong katangian. Ang nasa bag-as ng rebolusyonaryong pangmasang penomenong ito ay ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre na pinapatnubayan ng teorya ng Marxismo-Leninismo.

Ang ating rebolusyong pangkultura na isang bagong-demokratikong tipo ay naiiba ngunit tumutuloy sa sosyalistang rebolusyong pangkultura. Tulad ngayon, ating patuloy na pagsasanibin ang pamumuno ng Partido, ang kilusang masa at ang malakas na diwa ng mga karapatan ng indibidwal sa loob ng anti-imperyalista at sosyalistang balangkas. Gagamitin natin ang lahat ng kinakailangang panahon, kahit gaano man ito kahaba, upang iangat ang rebolusyonaryonaryong kamulatan ng mamamayan mula sa isang antas tungo sa isa pang antas sa pamamagitan ng pormal at impormal na mga gawaing pang-edukasyon at pangkultura at upang ihiwalay at gapiin ang mga ideyang kumakalaban sa sosyalismo.

Sa lipunang sosyalista, ilulunsad natin ang rebolusyong pangkultura upang itaguyod ang proletaryong rebolusyonaryong paninindigan at ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan. Ang rebolusyong pangkultura ay walang humpay na maglalagay sa rebolusyonaryong pulitika (makabayan at proletaryo) at sa insentibang moral sa unahan ng produksyon at iba pang mga gawaing panlipunan. Ang rebolusyonisasyon ng superistruktura ay dapat maging komplemento at may interaksyon sa rebolusyonisasyon ng moda ng produksyon.

Kapag naalisan ng kapangyarihang pang-ekonomya't pampulitika ang burgesya, naghahangad itong muling makabalik, sa simula ay sa pang-ideolohiya at pangkulturang larangan muna. Kapag nagtagumpay sa pang-ideolohiyang rebisyon at pangkulturang polusyon, isusunod na nito ang mga pagbabago sa mga patakaran sa pulitika at ekonomya na umaayon sa kapitalistang panunumbalik. Pinakaepektibo ang burgesya sa mga hindi nagbago at dumausdos na mga elemento sa loob ng estado at partidong nasa kapangyarihan. Ang mga proletaryadong rebolusyonaryo, kung gayon, ay dapat na lalong maging mapagmatyag at magpunyagi sa paghawak sa wastong linya at sa militanteng paglulunsad ng sosyalistang rebolusyong pangkultura.

Ang pangunahing kontradiksyon sa sosyalistang lipunan ay iyong sa pagitan ng proletaryado at burgesya. Kapag mas hindi ito nagiging lantad, mas tumitindi ito sa larangan ng ideolohiya at kultura. Kapag nagapi sa labanang ito ang proletaryado, ang burges na mga rebisyunista ay makapagtutulak ng anti-proletaryong pagbabago sa mga patakaran sa pulitika at ekonomya sa balatkayo ng paglampas sa mga uri at tunggalian ng mga uri. Pagdating sa panahong iyon, ang burgesya ay nasa pusisyon na upang muling ipataw ang kanyang paghahari sa proletaryado at mamamayan at sa pagpapanumbalik ng kapitalismo. Ang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa Unyong Sobyet at Silangang Europa ay nagpapatunay na ang tagumpay ng sosyalismo ay maaaring mabaligtad sa panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Lahat ng mga proletaryong rebolusyonaryo ay matututo ng mahahalagang mga aral kung paanong ang burgesya ay nakapangibabaw sa proletaryado sa Unyong Sobyet at Silangang Europa.

Sa pagtatayo ng sosyalismo bilang siyang pangmatagalang paghahanda para sa komunismo, magpupunyagi tayong mabawasan ang pagitan at malutas ang mga kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado at magsasaka, sa pagitan ng mental at pisikal na paggawa at sa pagitan ng pamumuhay sa lunsod at kanayunan. Isasagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga kakayahan ng proletaryado at iba pang mamamayan, ng paggamit sa syensya at teknolohiya at ng pangangalaga sa isang sosyalistang sibilisasyon.

Utang natin kay Mao ang teorya ng tuluy-tuloy na rebolusyon, ng pagbaka sa makabagong rebisyunismo at ng pagsagka sa kapitalistang pagpapanumbalik sa sosyalistang lipunan; at ang paglalapat ng teoryang ito sa dakilang proletaryong rebolusyong pangkultura, na nagtagumpay ng ilang taon hanggang sa nagresulta ito sa isang Makakanang pagbaling. Kung ang mga positibong aspeto ay maitataguyod at ang mga negatibong aspeto ay maiwawasto, ang teorya at praktika ng rebolusyong pangkultura ni Mao ay maaaring maging kabangyaman ng karunungan tungkol sa mga saligang prinsipyo at paraan upang ipagpatuloy ang rebolusyon sa sosyalistang lipunan. Ngunit ang gawaing teoretikal tungkol sa rebolusyong pangkultura ay nananatiling isang malawak na bukas na larangan para pag-aralan.

Ang kabiguan ng isang rebolusyon ay hindi kailanman permanenteng katapusan na nito. Ang Komuna ng Paris ng 1871 ay sandaling nagtagumpay at nabigo. Ngunit ang teorya ng tunggalian ng mga uri at proletaryong diktadura ay di kailanman naging inutil. Pagkaraan ng 46 na taon, ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre ay nagtagumpay.

Pagkatapos, winasak ng mga pwersa ng pasismo ang mga partido ng uring manggagawa sa maraming bansang Europeo at kalaunan ay sinalakay ang Unyong Sobyet. Ngunit, kapagdaka makaraan ang ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming mga sosyalistang bansa ang lumitaw sa Silangang Europa at Asya.

Ang makabagong rebisyunismo ay lilitaw upang magpahirap sa ilang mga sosyalistang bansa. At sa bandang huli, mula 1989 hanggang 1991, nasaksihan natin ang pagguho ng mga rebisyunistang partido at rehimen. Kinukumpirma nito ang kawastuan ng Marxista-Leninistang pagpuna at pagtatakwil sa makabagong rebisyunismo at inaalis ang ilang mga rebisyunistang partido at rehimen na nagtanim ng ilang kaguluhang teoretikal at pampulitika sa kilusang sosyalista at anti-imperyalista.

Sa kasamaang-palad, ang mga kapitalistang kapangyarihan ay naging mas arogante at malupit sa pagkawala ng Unyong Sobyet bilang isang karibal na superpower ng US. Dumaranas sila ngayon ng krisis ng labis na produksyon at ang mga kontradiksyon ay tumitindi sa pagitan nila at ng kanilang mga kliyenteng estado sa balangkas na imperyalista at bagong-kolonyal. Ang mga bansa kung saan ang kapitalismo at diktadurang burges ay nakapanumbalik sa bulgar at lantad na paraan, ay nagiging matabang lupa ng nasyunalismo, labanang etniko, militarismo at digmaang sibil.

Sa pagtindi ng kapitalistang pang-aapi at pagsasamantala, ang anti-imperyalista at sosyalistang adhikain ay nakatakdang sumulong sa isang bago at mas mataas na antas. Ang mataas na teknolohiyang nasa mga kamay ng mga kapitalistang kapangyarihan ay lalong nagpalalim at nagpalubha sa krisis ng labis na produksyon. Ang digmaan sa kalakalan sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan ay umiigting sa harap ng pagtatapos ng dalawang-dulong Cold War. Ginugulo ng Estados Unidos ang balanse sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan sa pagsisikap nitong muling buhayin ang kanyang produktibong kakayahan, mapalawak ang kanyang kalakalan at malutas ang kanyang malaking depisit at mga problema sa utang sa isang kapaligirang ang iba pang mga kapitalistang kapangyarihan ay mahigpit na humahawak sa kanilang mga bentahe sa produksyon at kalakalan at lahat ng mga bagong kolonyal na kliyenteng estado (maliban sa ilang kumikita ng surplus sa eksport dahil sa mga akomodasyon sa pamilihan ng US) ay walang nakikitang remedyo sa mga depisit, problema sa utang at mga hakbangin sa pagtitipid.

May ilang panahon, sa kabila ng pagkawala ng ribalan ng dalawang superpower, na ang mga kaguluhang panlipunan at karahasang pampulitika ay lalaganap sa buong daigdig. Mula dito'y muling lilitaw ang anti-imperyalista at sosyalistang kilusan sa isang bago at mas mataas na antas. Ang pinatinding pang-aapi at pagsasamantala sa mga mamamayan ng daigdig ay magsisilbi lamang sa paglikha ng isang rebolusyonaryong kilusan. Ang nangyaring di-paborableng kalagayan para sa kilusang ito ay isang paunang kundisyon at isang paghamon para sa muling pagdaluyong nito.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.